2011
Ang Kuwento Tungkol sa Aklat ni Mormon
Oktubre 2011


Ang Kuwento Tungkol sa Aklat ni Mormon

Ano ang nangyari sa Aklat ni Mormon? Gamitin ang mga larawang ito para malaman ang tungkol sa mga propeta at mga kuwento sa kagila-gilalas na aklat na ito ng mga banal na kasulatan.

  1. Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa isang propetang nagngangalang Lehi. Binalaan niya ang masasamang tao sa Jerusalem na magsisi, ngunit hindi nakinig ang mga tao. Inutusan ng Panginoon si Lehi na dalhin ang kanyang pamilya, kasama ang kanyang asawa na si Saria, at kanilang mga anak—Laman, Lemuel, Sam, at Nephi—patungo sa ilang. (Tingnan sa 1 Nephi 1–2.)

  2. Pinabalik ni Lehi ang kanyang mga anak upang kunin ang mga banal na kasulatan na nakasulat sa mga laminang tanso. Nasa mga laminang ito ang kasaysayan ng kanilang mga ninuno at ang iba pang mga bagay na ipinasulat sa kanila ng Panginoon. Iningatan nina Lehi at Nephi ang mga laminang ito. Isinulat din nila sa mga laminang metal ang nangyari sa kanilang pamilya. (Tingnan sa 1 Nephi 3–5.)

  3. Binigyan ng Panginoon si Lehi ng kompas na tinawag na Liahona upang gabayan ang kanyang pamilya sa ilang patungo sa lupang pangako. (Tingnan sa 1 Nephi 16.)

  4. Inutusan ng Panginoon si Nephi na gumawa ng barko upang madala ang pamilya ni Lehi sa lupang pangako. Sinunod ni Nephi ang kanyang ama at ang Panginoon, ngunit hindi sumunod sina Laman at Lemuel. (Tingnan sa 1 Nephi 17.)

  5. Si Lehi at ang kanyang pamilya ay naglayag patungo sa lupang pangako sakay ng barkong ginawa nila. (Tingnan sa 1 Nephi 18.)

  6. Patuloy na sinuway nina Laman at Lemuel ang kanilang ama at ang Panginoon. Ang kanilang mga inapo ay nakilala bilang mga Lamanita. Patuloy na sinunod ni Nephi ang kanyang ama at ang Panginoon. Ang kanyang mga inapo ay tinawag na mga Nephita. (Tingnan sa 2 Nephi 4–5.)

  7. Nang mamatay sina Lehi at Nephi, ang ibang mga tao, tulad ng kapatid ni Nephi na si Jacob, ay naatasang magsulat sa mga lamina ng mahahalagang turo at pangyayari. (Tingnan sa Jacob 1.)

  8. Nanalangin si Enos na patawarin ang kanyang mga kasalanan, at siya ay pinatawad. (Tingnan sa Enos 1.)

  9. Nagtayo si Haring Benjamin ng isang tore upang ituro sa kanyang mga tao ang ebanghelyo. (Tingnan sa Mosias 2–6.)

  10. Ipinapatay ng isang masamang hari na nagngangalang Noe ang propetang si Abinadi. Ngunit ang mga turo ni Abinadi ay nagpabalik-loob sa isa sa mga saserdote ni Noe na nagngangalang Alma. (Tingnan sa Mosias 11–17.)

  11. Nakatakas si Alma sa hukuman ni Haring Noe, itinuro sa ibang tao ang tungkol sa ebanghelyo, at bininyagan sila. (Tingnan sa Mosias 18.)

  12. Ang anak ni Alma na si Nakababatang Alma ay suwail. Siya at ang kanyang mga kaibigan, ang mga anak ni Mosias, ay masasama. Pagkatapos ay isang anghel ang nagsabi na magsisi na sila. Nagsisi si Alma at ang mga anak ni Mosias at iniukol ang buong buhay nila sa pangangaral ng ebanghelyo. (Tingnan sa Mosias 27–28.)

  13. Napabalik-loob ng anak ni Mosias na si Ammon ang maraming Lamanita matapos ipagtanggol ni Ammon ang mga kawan ni Haring Lamoni at makuha niya ang tiwala nito. (Tingnan sa Alma 17–19.)

  14. Isinulat ni Kapitan Moroni ang bandila ng kalayaan at nakipaglaban upang ipagtanggol ang kalayaan ng kanyang mga tao. (Tingnan sa Alma 46, 48.)

  15. Pinamunuan ni Helaman ang hukbo ng 2,000 matwid na mga kabataan. (Tingnan sa Alma 53, 56–58.)

  16. Isang propetang Lamanita na nagngangalang Samuel ang nagpropesiya na malapit nang isilang si Jesucristo. (Tingnan sa Helaman 13–16.)

  17. Sa malayong lugar ng Betlehem, si Jesucristo ay isinilang. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo, pinagaling at binasbasan ang mga tao, at itinatag ang Kanyang Simbahan. Pagkatapos Siya ay ipinako sa krus at nabuhay na mag-uli. (Tingnan sa 3 Nephi 1, 8–10.)

  18. Pagkatapos ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, dinalaw Niya ang mga matwid na Nephita at Lamanita. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo sa kanila, pinagaling sila, at binasbasan sila, tulad ng ginawa Niya sa lupain sa palibot ng Jerusalem. (Tingnan sa 3 Nephi 11–28.)

  19. Isang 10-taong-gulang na bata na nagngangalang Mormon ang napiling sumulat sa mga lamina kapag malaki na siya. Sa edad na 24, sinimulan niyang pagsamahin ang pinakamahahalagang salaysay mula sa lahat ng talaan sa isang set ng mga metal na lamina. (Tingnan sa Mormon 1.)

  20. Bago mamatay si Mormon, ibinigay niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Moroni. Si Moroni ay isang heneral sa hukbo. Siya ang huling Nephita na nakaligtas sa malaking digmaan ng mga Lamanita at Nephita. (Tingnan sa Mormon 6, 8.)

  21. Bago namatay si Moroni, ibinaon niya ang mga lamina sa lugar na tinatawag na Cumorah. Mga 1,400 taon makaraang ibaon ni Moroni ang mga lamina, isang 14-na-taong-gulang na bata na nagngangalang Joseph Smith ang nanalangin para malaman kung aling simbahan ang tama. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:5–16.)

  22. Nagpakita ang Ama sa Langit at si Jesucristo kay Joseph Smith at sinabi sa kanya na wala sa mga simbahan ang totoo at kumpleto. Si Joseph ay tutulong sa pagpapanumbalik ng totoong Simbahan ni Jesucristo. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–20.)

  23. Pinuntahan ni Moroni si Joseph Smith at sinabi sa kanya ang tungkol sa nakabaon na mga lamina. Kapag nagkaedad na si Joseph Smith, kukunin niya ang mga lamina at isasalin ang mga ito. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:27–54.)

  24. Noong si Joseph Smith ay 21 taong gulang na, nagpunta siya sa Burol ng Cumorah at kinuha ang mga lamina sa lugar kung saan ito ibinaon ni Moroni. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:59.)

  25. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos, naisalin ni Joseph Smith ang mga nakasulat sa mga lamina. Inilathala niya ang naisaling ito. Tinawag itong Aklat ni Mormon. (Tingnan sa pahina ng pamagat at pambungad sa Aklat ni Mormon.)

Kaliwa: paglalarawan ni Robert Casey; detalye mula sa Paglalakbay ni Lehi Malapit sa Dagat na Pula, ni Gary Smith; Sinunod Ko ang Tinig ng Espiritu, ni Walter Rane: Si Lehi at ang Liahona, ni Joseph Brickey; Sinaway ni Nephi ang Kanyang Mapaghimagsik na mga Kapatid, ni Arnold Friberg © 1951 IRI; kanan: Dumating si Lehi at Kanyang mga Tao sa Lupang Pangako, ni Arnold Friberg© 1951 IRI; Ako ay Kanilang LABIS NA PINAGMALUPITAN, ni Walter Rane; Nagsusulat si Nephi sa mga Laminang Ginto, ni Paul Mann © 1988; Itinaas Ko ang Aking Tinig at Ito ay Umabot sa Langit, ni Walter Rane; Sa Paglilingkod sa Inyong Diyos, ni Walter Rane; detalye mula sa Pagharap ni Abinadi kay Haring Noe, ni Arnold Friberg © 1951 IRI; Magsiparoon sa Kawan ng Diyos, ni Walter Rane; Bumangon si Alma, ni Walter Rane; ang mga ipinintang larawan ni Walter Rane ay sa kagandahang-loob ng Church History Museum

Kaliwa: Ipinagtanggol ni Ammon ang mga Kawan ni Haring Lamoni, ni Arnold Friberg © 1951 IRI; Magsilapit Kayo, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; Humayo sa Digmaan ang Dalawang Libong Kabataan, ni Arnold Friberg, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; Nagpropesiya si Samuel ang Lamanita, ni Arnold Friberg © 1951 IRI; Pinaikli ni Mormon ang mga Tala sa mga Lamina, ni Tom Lovell © IRI; Ako na Lamang ang Natira, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; Ibinaon ni Moroni ang mga Lamina, ni Tom Lovell © IRI; Ang Hangarin ng Aking Puso II, ni Walter Rane; kanan: Siya ay Nagbangon, ni Del Parson; Si Cristo at ang mga Bata sa Aklat ni Mormon, ni Del Parson © 1995; Nagpakita si Anghel Moroni kay Joseph Smith, ni Tom Lovell © 2003 IRI; Burol ng Cumorah, ni Jon McNaughton; Isinalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon, ni Del Parson © 1996 IRI