2012
Kinailangan Kong Bumalik
Hunyo 2012


Kinailangan Kong Bumalik

Nestor Querales, Portugal

Isang gabi, noong stake priesthood leader ako sa Loulé, Portugal, inihatid ko pauwi ang ilang kabataan pagkatapos ng isang stake activity. Malalim na ang gabi, at nang pauwi na ako matapos ihatid ang mga bata, lumiko ako sa isang madilim na daan sa isang lalawigan na kakaunti ang nagdaraang sasakyan. Dumaan ako sa isang maliit na tulay at nakita ko ang aandap-andap na liwanag sa gawing kanan ko pababa sa ilog na para bang may sunog.

Dahil mahalumigmig ang gabi, inisip ko na kung may sunog nga, maaapula ito kaagad ng hamog, kaya nagtuon akong muli sa aking dinaraanan.

Gayunman, ilang metro pa lang ang natatakbo ko nang marinig ko ang isang tinig na nagsabing, “Hinto!” Nagulat ako dahil mag-isa lang ako sa sasakyan, pero hindi ko pinansin iyon at patuloy akong nagmaneho. Pagkatapos ay narinig ko ang isang malakas na tinig na nagsabing, “Huminto ka at bumalik!” Dali-dali kong ipinihit ang manibela at bumalik. Matapos gawin iyon, tinanong ko ang Ama sa Langit, “Panginoon, bakit po?” Pagdating ko sa tulay, lumabas ako ng sasakyan, at dumating kaagad ang sagot ng Panginoon, dahil may narinig akong sumisigaw sa ibaba, “Tulungan ninyo kami!”

Halos walang kaliwa-liwanag, at wala akong makita maliban sa maliit at kulay-kahel na ilaw na aandap-andap sa ibaba. Matarik ang daan pababa ng tulay, at dahil madilim, hindi ko alam kung paano tutulong. Mabilis akong tumawag sa emergency, at maya-maya pa ay dumating ang mga tagasagip.

Ang aandap-andap na liwanag na iyon ay mula sa isang kotseng may sakay na limang tao na nahulog sa bangin. Dalawa ang namatay, at mas malala pa sana ang nangyari kung hindi ko pinansin ang tinig ng Espiritu Santo.

Pinatototohanan ko na nangungusap sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu, sa mahina man o malakas na tinig. Nagpapasalamat ako na pinakinggan ko ito sa gabing iyon. Alam ko na ang Panginoon ay buhay, na mahal Niya tayo, at na nakikipag-ugnayan sa atin ang Espiritu Santo. Kailangan lang nating pakinggang mabuti ang Kanyang tinig.