2013
Pagtugon sa Panawagan para sa Mas Maraming Missionary: Pagkikintal sa Isipan ng mga Bata sa Tahanan at sa Simbahan na Mithiing Maging Missionary
Abril 2013


Pagtugon sa Panawagan para sa Mas Maraming Missionary: Pagkikintal sa Isipan ng mga Bata sa Tahanan at sa Simbahan na Mithiing Maging Missionary

Nakaupo si Bishop Victor Nogales ng Parque Chacabuco Ward, Buenos Aires Argentina Congreso Stake, sa harap ng isang bulletin board na puno ng mga retrato ng 37 kabataang lalaki at babae sa kanyang ward. Kapag nagmisyon ang isa sa kanila, naglalagay siya ng maikling sulat sa tabi ng retrato.

“Tuwang-tuwa ang mga kabataan namin kapag pumupunta sila sa opisina ko at nakikita ang mga retrato at maiikling sulat,” sabi niya. “Hinihikayat sila nitong maghanda para sa sarili nilang misyon.”

Inihahalimbawa ng ward na ito sa Buenos Aires ang diwa ng gawaing misyonero. Sa unang anim na buwan ng 2012, 19 na kabataan—14 sa kanila ay mga convert—ang lumisan ng kanilang tahanan para magmisyon sa walong bansa. Mahigit 80 porsiyento ng karapat-dapat na mga kabataan ang nangakong magmisyon.

Sa nakalipas na mga taon ilang beses nang hiniling ng mga pinuno ng Simbahan na mas marami pang kabataan ang magmisyon.

Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2005, matapos ilathala ng Simbahan ang Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero, agad pinayuhan ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga pamilya at lider na ikintal sa isipan ng mga bata ang pagmimisyon at ihanda ang mas maraming kabataang lalaki at babae na maglingkod nang marangal sa pamamagitan ng pagpapaunawa sa kanila kung sino sila at pagtuturo ng doktrina sa kanila (tingnan sa “Isa pa,” Liahona, Mayo 2005, 69).

Ang ipinahayag ni Pangulong Thomas S. Monson sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2012 na ibababa ang edad sa pagmimisyon ay nagsilbing isa pang paalala na pinabibilisan ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Ngayon ay isinasapuso na ng maraming pamilya at lider ng Simbahan ang mensaheng ito at nagtatatag sila ng saganang tradisyon ng paglilingkod bilang misyonero sa kanilang lugar.

Pagtulong sa mga Kabataan na Maunawaan Kung Sino Sila

Bilang sagot sa tanong na, “Paano ninyo naihanda ang marami sa inyong mga kabataan na maghandang maglingkod?” Sumagot si Bishop Nogales, “Nang matawag akong bishop, ang unang inalala ko ay ang mga kabataan ng ward namin, at nilinaw ko sa ibang mga lider ng ward na kailangan naming maging bahagi ng kanilang buhay.”

Halimbawa, lahat ng missionary na taga-Chacabuco ay humawak ng mga tungkulin sa ward bago sila umalis. Ang mga bagong miyembro at di-gaanong aktibong miyembro kadalasan ay inanyayahang maglingkod bilang mga teacher, na nakatulong sa kanila na maghandang ituro ang ebanghelyo.

Hinikayat din ni Bishop Nogales ang mga kabataan na espirituwal na maghanda para sa misyon sa pamamagitan ng pagsama sa lokal na mga full-time missionary.

Nang magtuon ang lokal na mga lider at miyembro ng Simbahan sa mga kabataan ng ward, napagpala silang masaksihan ang malaking paglago ng mithiin nilang maging missionary.

Isang Pamilyang Nakatuon sa Gawaing Misyonero

Alam nina Garth at Eloise Andrus ng Draper, Utah, USA, ang ibig sabihin ng magkaroon ng isang pamilyang nakatuon sa gawaing misyonero. Sila ay may 17 apo na nakapagmisyon, at sila mismo ay anim na beses nagmisyon.

Ang pagkikintal ng diwa ng paglilingkod bilang misyonero sa inyong pamilya ay isang bagay na nagsisimula habang bata pa ang mga anak, sabi ni Brother Andrus.

Sumang-ayon si Sister Andrus. “Ang inaasahang pagmimisyon ay isang bagay na dapat pag-usapan, ngunit kausapin ang inyong mga anak at apo tungkol dito na para bang inaasahan ninyo talaga iyon—kapag nagmisyon kayo, hindi kung,” wika niya.

Mahalaga ring ituro sa mga kabataan kung sino sila sa pamamagitan ng pagpapakita ng halimbawa ng paglilingkod bilang misyonero. Tinanggap nina Brother at Sister Andrus ang unang tawag nila sa misyon noong 1980, nang papaalis pa lamang ang bunsong anak nilang lalaki papuntang misyon.

Sinulatan sila ng isa nilang apo matapos matanggap ang padala nilang regalo para tulungan siyang maghanda para sa kanyang misyon. “Pinasalamatan niya kami [para sa regalo], pero sinabi niyang, ‘Higit sa lahat ay nagpapasalamat po ako sa halimbawang ipinakita ninyo,’” sabi ni Sister Andrus.

Pagtuturo ng Doktrina

“May karapatang umasa ang ating mga kabataan na titiyakin ng kanilang mga magulang at lider at guro sa Simbahan na alam at nauunawaan nila ang ebanghelyo ni Jesucristo,” sabi ni Elder Ballard. “Pagtitibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan sa kanilang puso at paniningasin ang Liwanag ni Cristo sa kanilang kaluluwa. At magkakaroon kayo ng isa pang ganap na handang misyonero” (M. Russell Ballard, “Isa Pa,” 71).

Mga 6,000 milya (9,600 km) mula sa Buenos Aires, nakita rin sa bukiring Horseshoe Bend Branch malapit sa Boise, Idaho, USA, ang malaking pagtaas ng bilang ng mga naglilingkod sa misyon nang pagsikapang mabuti ng mga pamilya at lider na ituro ang ebanghelyo sa kanilang mga kabataan.

Mula sa maliit na branch na may 75 miyembro, siyam na kabataan ang naglilingkod sa misyon.

Binigyang-diin ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang mga dahilan at pakinabang ng paglilingkod sa misyon. “Lahat ng missionary … ay naglilingkod sa pag-asang mas mapapabuti pa ang buhay ng ibang tao,” wika niya. “Ang pasiyang magmisyon ay huhubog sa espirituwal na tadhana ng missionary, ng kanyang asawa, at angkan sa mga henerasyong darating. Ang hangaring maglingkod ay bunga ng pagbabalik-loob, pagiging karapat-dapat, at paghahanda” (“Tanungin ang mga Missionary! Matutulungan Nila Kayo!” Liahona, Nob. 2012, 18).

Sumang-ayon dito si Martin Walker, pangulo ng Emmett Idaho Stake. “Ang pagmimisyon ay naglalagay sa isang kabataan sa landas na makakaapekto sa mga henerasyon,” wika niya. “Bilang isang stake, ginagawa namin ang lahat ng makakaya namin upang maihanda ang mga kabataan sa pagmimisyon.”

Bahagi ng paghahandang iyan ang pagtuturo ng doktrina sa mga kabataan. Dumadalo ang mga kabataan ng Horseshoe Bend Branch sa lingguhang missionary preparation class na itinuturo ng dating mission president—pagsasanay na nakadaragdag sa missionary training na inilaan ng stake sa buwanang youth missionary preparation meeting at sa taunan nitong Aaronic Priesthood Camp.

Si LaRene Adam—isa sa anim na anak nina Brother at Sister Andrus—ay nagmisyon kasama ang asawa niyang si Jim, sa Copenhagen Denmark Mission mula 2007 hanggang 2009. Pinatotohanan niya ang kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa mga bata sa tahanan.

“Ang isa sa pinakamagagandang bagay na magagawa ninyo para matulungan ang inyong mga anak na magkaroon ng patotoo sa gawaing misyonero ay magdaos kayo ng family home evening at magbasa ng banal na kasulatan bilang pamilya,” wika niya. “Kung bibigyan ninyo sila ng matibay na pundasyon sa pag-aaral ng ebanghelyo at ng kaalaman tungkol sa ebanghelyo, mas handa at mas marami silang alam tungkol sa ebanghelyo.”

Nakatayo si Bishop Victor Nogales sa tabi ng bulletin board na nagpapakita ng lahat ng kabataan sa kanyang ward, pati na yaong mga kasalukuyang nasa misyon.

Larawan sa kagandahang-loob ni Paul L. Garvin