2014
Mga Basbas ng Priesthood na Naibigay at Naibalik
Agosto 2014


Mga Basbas ng Priesthood na Naibigay at Naibalik

Julie Keyes, British Columbia, Canada

Larawan
Missionaries giving a blessing to a man in a hospital bed.

Mga paglalarawan ni Bradley Clark

Ilang taon na ang nakalipas habang kumakain ng hapunan ang aming pamilya kasama ang isa pang mag-asawa mula sa aming ward, may tumawag sa amin mula sa emergency department ng ospital sa aming lugar. Tinanong ng opisyal ang asawa ko, na siyang stake president noon, kung may makakapuntang sinuman mula sa ating Simbahan para tingnan ang isang 17-taong-gulang na binatilyong nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.

Pagdating niya roon, nalaman ng asawa ko na nahulog ang binatilyo sa sementadong bangketa mula sa balkon na 30 talampakan (9 m) ang taas. Walang-malay ang binatilyo at hindi na inaasahang mabubuhay pa.

Binasbasan ng asawa ko at ng miyembrong lalaking kasama naming naghapunan ang binatilyo. Kinontak nila ang pamilya nito, na isang libong milya (1,610 km) ang layo ng bahay, at binalitaan tungkol sa kalagayan nito.

Himalang pagkaraan ng ilang araw sa intensive care, nagkamalay ang binatilyo at nagsimulang gumaling. Sa loob ng apat na linggo araw-araw itong binisita ng kanyang mga magulang sa ospital. Pagkatapos ay isinakay nila ito sa eroplano pauwi sa Arizona, USA, para magpagaling nang husto.

Kagila-gilalas na masaksihan ang nakakahilom na kapangyarihan ng priesthood sa paraan na mabibigyan ang binatilyong ito ng pangalawang pagkakataong maging malusog sa hinaharap. At napakalaki ng pasasalamat ko sa aking asawa at sa iba pang mga miyembro ng ward na handang maglingkod sa priesthood at kumilos nang may banal na awtoridad.

Naawa ako sa mga magulang ng binatilyo, na napakalayo sa kanilang anak nang manganib ang buhay nito. Gayunma’y natuwa akong malaman na kahit paano’y nawala ang pag-aalala nila nang nalaman nila na nabasbasan ng priesthood ang kanilang anak at na handang tumulong ang mga miyembro ng Simbahan.

Lalo kong naunawaan ang damdamin ng mga magulang na iyon makalipas ang ilang taon nang may tumawag sa akin sa telepono para ipaalam na ang sarili kong anak, na 2,000 milya (3,220 km) ang layo ng bahay sa amin, ay nabundol ng kotse habang nagbibisikleta papunta sa unibersidad na kanyang pinagtatrabahuhan at pinapasukan. Bagama’t wala akong nagawa para tulungan siya, nagpasalamat at napanatag akong malaman na ang mga full-time missionary ay tinawag para bigyan siya ng basbas ng priesthood at na isang ward sa St. Paul, Minnesota, USA, ang tumugon sa mga pangangailangan ng kanyang pamilya. Nagdala ng pagkain sa bahay niya ang mga miyembro ng ward at tinulungan ang kanyang asawa, na kapapanganak lang isang araw bago ang aksidente, sa pag-aalaga sa tatlo pa nilang anak.

Isipin kung paano naragdagan ang pasasalamat ko nang nalaman ko na ang missionary na nagbasbas sa aking anak ay ang binata ring iyon na binasbasan ng asawa ko limang taon na ang nakalipas. Namangha ako na ang paglilingkod na naibigay ay naibalik nang buung-buo!

Ang aking pananampalataya at panalangin ng pasasalamat sa aking mapagmahal na Ama sa Langit ay patuloy na naragdagan nang mapag-isipan ko na kilala Niya tayong lahat at alam Niya ang ating kakailanganin. Naniniwala ako na ang bata pang missionary na ito ay naroon para makita namin na noon pa man ay alam na ng Diyos ang mangyayari sa napakapersonal na paraan.