2014
Alam Namin Kung Nasaan Siya
Agosto 2014


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Alam Namin Kung Nasaan Siya

Ang awtor ay naninirahan sa Colombia.

Ang tuon natin bilang walang-hanggang pamilya ay laging nakasentro sa Diyos.

Larawan
A father holding his young son who is reaching upward. The mother is looking on.

Paglalarawan ni Michael T. Malm.

Nang sumungaw ang mukha ng dalawang binata sa bandang itaas ng pintuan sa aming tahanan sa Colombia, akala namin ay may tinutuntungan sila para makasilip sa pintuan. Hindi pala; napakatangkad lang talaga nila! Tiningala sila ng aming tatlong-taong-gulang na anak na si Pablo Ezequiel na namamangha. Sa loob ng ilang araw sila ay matatalik na niyang kaibigan.

Hinahanap noon ng aming pamilya—si Ludy, ang asawa ko; si Erika; si Yesica; at ang munting si Ezequiel—ang Panginoon. Ipinamumuhay na namin noon ang ilang alituntunin ng ebanghelyo: nagdarasal kami sa oras ng pagkain, nagdarasal kami bilang pamilya, at may mga aktibidad kami sa pamilya. Ang aming buhay ay batay sa pagkakaisa ng aming pamilya. Pinagtibay ng pagdating ng dalawang “malalaking anghel” na iyon, na siyang tawag ni Ezequiel sa mga Elder, ang mga gawi naming patatagin ang pamilya at magtuon sa Diyos.

Gamit ang mga banal na kasulatan bilang kanilang gabay, itinuro sa amin nina Elder Fa at Elder Fields ang landas na dapat tahakin. Matagal na naming itinatanong sa Panginoon kung saan kami dapat sumamba. Sinagot ng Aklat ni Mormon at ng ipinanumbalik na ebanghelyo ang bawat tanong namin sa nagdaang mga taon sa mga talakayan namin sa pamilya. Akmang-akma ang mga sagot, at agad kaming naging miyembro ng Simbahan. Pagkaraan ng isang taon nakipagtipan kami at sama-samang nabuklod bilang walang-hanggang pamilya sa Bogotá Colombia Temple.

Tuwang-tuwa kami dahil alam naming nailagay namin ang aming mga anak sa landas ng ebanghelyo. Ang Espiritu ay nasa aming buhay at tahanan, at si Ezequiel, na noon ay apat na taon, ay nag-alay ng isang panalanging hinding-hindi namin malilimutan. Sabi niya, “Mahal na Ama sa Langit, nagpapasalamat po kami dahil ako po ay guwapong bata, amen.” Sumagot kaming lahat ng amen at nagyakapan kami habang nakangiti. Ang batang iyon ang aming kagalakan.

Nang sumunod na mga taon, nakaugalian na naming magpunta sa templo nang regular at nakakapunta kami nang dalawa o tatlong beses bawat taon. Ang bahay namin ay 420 km (260 milya) mula sa templo, pero hinding-hindi namin naisip na malayo iyon. Ang paghahanda sa pagpunta sa templo ay laging masaya para sa amin. Ang gawain sa family history ay isang priyoridad para sa aming mga anak, at gustung-gusto nilang magpabinyag para sa mga patay. Laging may mapitagang paghahanda at selestiyal na karanasan sa bahay ng Panginoon.

Lumakas ang espirituwalidad at pananampalataya ni Ezequiel. Ang kanyang ina ang pinakamahalaga niyang yaman. Lagi siyang may natatanging papuri para sa kanyang ina. Isang araw sinabi niya sa kanyang ina, “Inay, mas mahal kita kaysa mga buto ng dinosaur!” Nagtawanan kaming lahat dahil paghahanap ng mga buto ng dinosaur ang paborito niyang aktibidad.

Ibinahagi ng mahal naming anak na si Ezequiel ang 14 na taon ng kanyang buhay sa aming piling sa ebanghelyo na nagbibigkis sa amin. Lagi siyang mabilis sumunod. Nadama sa aming tahanan ang kanyang pagmamahal. Ang mga kapatid niyang babae at mga Banal sa mga banal na kasulatan ang kanyang mga huwaran. Siya ay puno ng buhay at sigla. Wala siyang pinalampas na klase sa seminary. Pinuno niya ng saya ang aming tahanan. Mapitagan siya kapag nagpapasa siya noon ng sakramento. Ngunit nagbago ang buhay namin nang mamatay si Ezequiel at pinauwi sa ating Ama sa Langit. Hindi namin mailarawan ang pangungulila namin sa kanya.

Pumanaw siya dahil sa isang di-pangkaraniwang impeksyon. Sa kabila ng matinding sakit ng kanyang paglisan, natitiyak namin na makakapiling namin siyang muli. Iyon ang pangako sa amin nang mabuklod kami sa templo. Ang kahungkagang iniwan ng kanyang pagpanaw ay puno ng kaalaman na siya ay pinagmisyon ng Panginoon sa ibang lugar. Napakaespesyal ng serbisyo sa burol ni Ezequiel kaya’t maraming tao ang nahikayat na alamin ang tungkol sa Simbahan. Inaasam-asam ko na magmimisyon siya, at nagmimisyon na siya ngayon. Dahil sa plano ng kaligtasan, alam namin kung nasaan si Ezequiel at sino ang kanyang kasama.

Nakatuon pa rin kami sa aming pamilya at sa Diyos. Pinatototohanan namin na ang Diyos ay buhay at may plano para sa ating buhay. Kailangan naming patuloy na manampalataya. Ang pagkawala ng isang mahal sa buhay ay nagpapaalala sa amin tungkol sa banal na plano.

Ang ilan sa lubos na nakapapanatag na mga salitang natagpuan namin ay mula kay Propetang Joseph Smith. Sa aming puso kinikilala namin ang katotohanan nito: “Maraming taong kinukuha ang Panginoon, kahit mga sanggol pa lamang, upang matakasan nila ang inggit ng mga tao, at ang kalungkutan at kasamaan ng daigdig ngayon; napakadalisay nila, napakaganda, para mamuhay sa mundo; samakatwid, kung tutuusin, sa halip na magdalamhati ay may dahilan tayong magalak dahil naligtas sila sa kasamaan, at hindi magtatagal at maaangkin natin silang muli” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 205).

Ang pag-asang makikitang muli si Ezequiel sa umaga ng Pagkabuhay na Mag-uli ay nagpapalakas sa aming kaluluwa at tinutulungan kaming tiisin ang mga hirap.