2014
Mga Missionary na Namimigay ng Banana Bread
Agosto 2014


MGA BANANA BREAD Missionary

Para sa mga kabataang lalaking ito, ang pagbabahagi ng isang hiwa ng tinapay ay nagpala sa maraming buhay, pati na sa kanila.

Larawan
Missionaries

Mga larawan ng ward sa kagandahang-loob ni Nolfo Zambrano

Kung may nag-alok sa inyo ng masarap na banana bread, paano kayo tutugon? Para sa mga kabataang lalaki sa isang ward sa Ecuador, isang paraan iyan para masimulan nilang pag-usapan ang ebanghelyo.

Kada dalawang buwan mayroon silang missionary day na may mga open house sa iba’t ibang lugar sa kanilang ward. Naghahati-hati sila sa ilang grupo, bawat isa ay binubuo ng isang binatilyo, isang full-time o bagong returned missionary, at isang elder o high priest. Ang ilang grupo ay nagtatrabaho sa isang tolda, ang ilan ay kinakausap ang mga tao sa parke, at ang ilan ay nagbabahay-bahay.

Kapag may nakilala sila, inaalok nila ito ng isang pirasong banana bread. Kapag tinanggap ng tao, sinasabihan ito na bagama’t masarap ang tinapay at mabuti sa katawan, ang mga missionary ay may mensaheng magpapalakas sa kaluluwa ng tao. Pagkatapos ay inaanyayahan ng mga binatilyo at kanilang mga kompanyon ang mga tao na makipagkita sa mga missionary. Sa ganitong paraan, nakakuha sila ng 40 hanggang 50 referral para sa mga missionary sa loob lang ng dalawang oras.

Kinakaibigan din ng mga binatilyo ang mga miyembro ng sarili nilang korum. Tuwing Sabado nagtitipon sila para sa aktibidad ng Young Men at para gawin ang Tungkulin sa Diyos. Pagkatapos ay binibisita nila ang mga di-gaanong aktibong miyembro ng kanilang korum. Hinihikayat nila silang magsimba at pagkatapos ay inaanyayahan silang bumalik para maglaro o makibahagi sa isa pang aktibidad.

Sa ganitong paraan at marami pang iba, ang mga binatilyong ito ay naghahandang maging mga missionary habambuhay. Dalawa sa kanila (sa kanan) ang nagbahagi kung paano sila napalakas at nabigyang-inspirasyon ng kanilang mga karanasan.

Binago ng Ebanghelyo

Larawan
Banana Bread Missionaries

Limang taon na akong miyembro ng Simbahan. Ang mga magulang ko ay hindi miyembro, pero si Tito Jorge ang Young Men president, at malaking tulong siya. Nagpapasalamat din ako sa aking bishop sa kanyang palagiang suporta at paghihikayat.

Nagpasiya akong maging mas malapit sa Simbahan pagkatapos ng isa sa mga missionary day nila sa ward. Isa iyon sa mga una kong karanasan na humikayat sa akin na sumapi sa Simbahan. Bilang deacon, teacher, at ngayon ay priest, lagi akong sinusuportahan at hinihikayat ng mga lider ko na sumali sa lahat ng aktibidad sa gawaing misyonero. Gusto ko ang mga open house, kung saan may pagkakataon akong ibahagi sa iba ang mga pagpapala ng pagiging miyembro ng Simbahan ni Cristo. Ang lubos na nagbigay sa akin ng inspirasyon ay ang mga aktibidad sa paglilingkod, kung saan may pagkakataon akong maglingkod sa aking kapwa tulad ng itinuro ni Jesus na gawin natin.

Isang taon na ang nakararaan, ang nakababata kong mga kapatid na sina Luis, edad 15, at Israel, edad 12, ay sumapi sa Simbahan. Sama-sama naming ginagawa ang mga proyekto sa Tungkulin sa Diyos, at mula nang mabinyagan sila ay nagkaroon na kami ng magagandang karanasan sa pagtutulungan. Lahat ng binatilyo sa ward ay napakalapit sa isa’t isa, at nagsusuportahan kami.

Alam ko na ang binyag ang pintuan papasok sa kaharian ng langit. Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa-tao, naglilingkod tayo sa Diyos (tingnan sa Mosias 2:17). Ang gawaing misyonero ay nagpapala sa mga pamilya, at alam ko na nagbago ang buhay ko dahil sa ebanghelyo.

Alvaro T., edad 17

Pagkatuto sa Aking mga Responsibilidad

Larawan
Young Men on the stand holding pamphlets

Noong deacon ako natutuhan ko ang aking mga responsibilidad dahil sa suporta ng aking mga magulang at lider at sa paggawa ng mga mithiin sa buklet na Tungkulin sa Diyos. Noong teacher ako marami pa akong natutuhan sa pagbisita bilang home teacher, paglahok sa mga open house sa mga missionary day, pamimigay ng banana bread, pagdalo sa Mutual, at pagsali sa mga aktibidad ng ward at stake.

Ngayong priest na ako nakakapagtuon ako sa gawaing misyonero. Sa pakikipagtulungan sa Young Men president at bilang assistant sa bishop, mas marami pa akong natutuhan tungkol sa aking mga responsibilidad bilang mayhawak ng priesthood.

Palagi kaming pinasasama ng aming mga lider sa kanila at sa mga full-time missionary para maging pamilyar kami sa gawaing misyonero. Pinapayuhan din nila kaming basahin ang mga banal na kasulatan, lalo na ang Aklat ni Mormon. Lahat ng karanasang ito ay naghihikayat at naghahanda sa akin na matanggap ang mas mataas na priesthood at maglingkod sa full-time mission.

Isaac G., edad 17