2014
Bakit Masarap Mag-asawa
Agosto 2014


Bakit Masarap Mag-asawa!

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Masaya kami sa pagsasama naming mag-asawa, at narito ang dahilan.

Larawan
Ben and Rachel Nielson - young married couple. Playing the piano

Matapos ang aming unang deyt, nalaman namin pareho na gusto naming magdeyt ulit. Gustong ideyt ulit ni Ben si Rachel dahil mabait at masaya itong kausap. Gustong makipagdeyt ulit ni Rachel dahil maginoo at nakangiti pa rin si Ben kahit nasira ang lahat ng magandang plano niya para sa deyt. Pagkatapos ng pangalawang deyt, at marami pang sumunod na mga deyt at panalangin, nagkaibigan kami at nagpasiyang magpakasal sa Sacramento California Temple.

Ang araw ng kasal ay talagang perpekto, at naging masaya ang aming pagsasama simula noon. Maaaring iba ang pananaw ng mundo sa pag-aasawa, ngunit alam natin na “wala nang iba pang uri ng ugnayan ang makapagdudulot ng malaking kagalakan, magpapaibayo ng higit na kabutihan, o higit na kadalisayan ng sarili.”1 Masarap mag-asawa, at narito ang dahilan.

Mula kay Ben: Isang Teammate

Sa aking misyon sa Brazil, nagustuhan ko ang football. Ang pinakagusto ko sa isport na ito ay ang pagkakaroon ng mga teammate at pagkatutong makipagtulungan sa kanila. Si Rachel ay napakahusay na teammate. Tinutulungan niya akong makamtan ang aking mga mithiin, sinasamahan ako sa paggawa ng mahahalagang desisyon, at nariyan siya para sa akin kapag may problema ako.

Nang mabuklod kami sa templo, nangako kaming “magtutulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan.”2 Sinisikap namin ni Rachel na suportahan ang isa’t isa sa lahat ng ginagawa namin, at napakagandang malaman na may kasama ako na lagi kong maaasahan.

Mula kay Rachel: Mga Pagpapakita ng Pagmamahal

Aminin natin, mga babae (at mga lalaki), masayang malaman na may isang taong nagmamahal sa inyo. At kapag kasal na kayo, nagkakaroon kayo ng mga pagkakataong magbahagi at tumanggap ng pagmamahal araw-araw! Nang kausapin ko ang aking mga magulang tungkol sa posibilidad na magpakasal ako kay Ben, sinabi ng tatay ko, “Sinuman ang piliin mong pakasalan, gusto kong ipakita niya nang madalas at taos-puso ang kanyang pagmamahal sa iyo tulad ng ginawa ni Elder Richard G. Scott sa kanyang asawa.”3 Nakinig ako kay Itay.

Nagpasiya akong magpakasal kay Ben, at sinisikap niya lagi na ipakita sa akin ang kanyang pagmamahal sa maliliit at malalaking paraan. Noong senior year ko sa kolehiyo, ilang buwan kong pinagsikapang maghanda, mag-aplay, at mainterbyu para sa isang kilalang internship. At nang sa wakas ay mabalitaan ko na tanggap ako sa trabaho, umuwi ako at nakita ang isang plorerang puno ng mga bulaklak mula sa aking asawa. Alam niya kung gaano ko pinaghirapan iyon at kung gaano kahalaga sa akin ang internship. Sa ibang mga pagkakataon naman, itinatago niya ang paborito kong inumin at nag-iiwan ng love note sa refrigerator bago pumunta sa isang Scout camp sa katapusan ng linggo. At araw-araw, siya ang naghuhugas ng mga pinggan at pinatatawa niya ako. Mahusay magpakita ng pagmamahal si Ben sa akin, at nagpapasaya iyan nang lubos sa amin.

Mula kay Ben: Marami pang Kasiyahan

Larawan
Ben and Rachel Nielson - young married couple. In the kitchen.

Nakakatuwang ideyt si Rachel. Sa katunayan, tinitiyak namin na madalas pa rin kaming nagdedeyt na mag-asawa. Pagkatapos ng una naming pagkikita, nalaman namin na maraming aktibidad na pareho naming gusto: maglakad sa mga parke, dumalo sa mga dula-dulaan, manood ng mga isport, kumain ng bago at kakaibang pagkain, makinig sa musika, at marami pang iba. Gustung-gusto kong gawin ang mga bagay na ito bago ko pa nakilala si Rachel, pero mas nakakatuwa pa ngayon dahil magkasama na naming ginagawa ito. Kapag may asawa kayo, may kasama kayong magagalak sa buhay—at iyan ang nagpapasarap sa buhay.

Mula kay Rachel: Isang Walang-Hanggang Missionary Companion

Bago ko nakilala si Ben, halos nasa edad na ako para magmisyon at seryoso kong pinag-isipan ang maglingkod sa full-time mission. Ngunit dumating si Ben sa buhay ko, at alam ko na may ibang plano ang Ama sa Langit para sa akin.

Nang magpasiya kaming magpakasal ni Ben, tinanong ako ng mga kamag-anakang nakakaalam sa balak kong magmisyon kung ano ang desisyon ko, at sabi ko sa kanila, “Nagpasiya ako na gusto kong ako ang pumili ng sarili kong missionary companion—at sasama ako sa kanya magpasawalang-hanggan.”

Kapag may asawa kayo, may pagkakataon kayong mag-asawa na magkasamang makibahagi sa gawain ng kaligtasan. Lubos kaming nagalak ni Ben sa pagbuo ng tahanang nakasentro kay Cristo, sa pag-aaral at pamumuhay ng ebanghelyo nang magkasama, paglilingkod sa Simbahan, at pag-anyaya sa iba na lumapit kay Cristo. Habang nagtutulungan kami sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos, napapalapit kami sa isa’t isa, tumitindi ang aming pagmamahalan, at nagiging mas makabuluhan ang buhay.

Maniwala Kayo sa Amin

Sa kabila ng maaaring sabihin ng tao, masarap ang mag-asawa at ito ay napakahalagang unahin. Kapag may asawa kayo, mayroon na kayong katuwang, nagbibigay at tumatanggap kayo ng pagmamahal, mas masaya kayo sa buhay, at may kasama kayo sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos. Lahat ng iyan ay nagdudulot sa amin ng malaking kagalakan, at dahil nabuklod kami sa templo, maaari kaming magalak magpakailanman! Kung tutuparin namin ang aming mga tipan, magkakasama kami nang walang hanggan at tatanggapin namin ang mga pinakadakilang pagpapala ng priesthood. “Natagpuan [namin] sa pag-aasawa ang pinakasaganang kaganapan ng pag-iral ng tao.”4

Mga Tala

  1. L. Whitney Clayton, “Pagsasama ng Mag-asawa: Magmasid at Matuto,” Liahona, Mayo 2013, 83.

  2. “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129.

  3. Tingnan sa Richard G. Scott, “Ang mga Walang-Hanggang Pagpapala ng Kasal o Pag-aasawa,” Liahona, Mayo 2011, 96.

  4. James E. Faust, “Pagpapayabong ng Inyong Pagsasama,” Liahona, Abr. 2007, 4.