2014
Nagpapalaki Ba Ako ng mga Bata o ng mga Bulaklak?
Setyembre 2014


Nagpapalaki Ba Ako ng mga Bata o ng mga Bulaklak?

Paula Schulte, Missouri, USA

Larawan
illustration with young girls holding flowers

Noong bata pa ang mga anak namin, lumipat kami sa isang maliit na bahay na may magandang bakuran. Sa magkabilang panig ng pintuan sa harapan ay may dalawang taniman ng mga bulaklak na walang laman, at bagama’t limitado ang karanasan ko sa paghahalaman, natuwa akong magtanim ng mga bulaklak doon. Bumili ako ng aklat sa paghahalaman at umorder ako ng mga catalog para sa mga halaman at binhi at pinag-aralan ko itong mabuti.

Nang sumunod na ilang buwan ipinlano ko ang aking hardin, binungkal ko ang lupa, at nagtanim ako ng mahigit 200 usbong na halaman. Alam kong ilang buwan pa bago ako makakita ng anumang resulta, pero madalas ko pa ring tingnan kung tumubo na ang itinanim ko. Sa umpisa ng tagsibol ay nagsimulang mamukadkad ang mga bulaklak ko, simula sa munting mga purple iris at saka mga daffodil. Sa kalagitnaan ng tagsibol napuno ng magagandang tulips ang mga flower box ko. Gustung-gusto ko ang aking hardin, at madalas akong maupo sa hagdan sa harapan upang masdan ang mga bulaklak.

Isang hapon pinapunta ng aming apat-na-taong-gulang na anak na babae na si Emily ang kanyang kaibigan para maglaro. Bago dumating ang ina ng kanyang kaibigan para sunduin ito, nag-unahang pumasok ang mga bata sa pintuan ng kusina, yakap ang mga bunton ng tulips. “Tingnan po ninyo itong dala namin sa inyo,” masayang sabi nila. Halos lahat ng bulaklak ay pinitas nila.

Minsan lang sa isang taon namumukadkad ang tulips. Lungkot na lungkot ako—pinaghirapan ko iyon at matagal na naghintay sa pagtubo niyon. Pinuno namin ng mga bulaklak ang mga plorera ko at ipinauwi namin ang natira sa kaibigan ni Emily. Kalaunan, nang ikuwento ko sa aking ina ang nangyari, sabi niya, “Mabuti na lang, mga bata ang pinalalaki mo at hindi mga bulaklak.”

Natanto ko na kailangan kong baguhin ang aking pananaw. Naalala ko ang awitin sa Primary na kinanta ko sa aking mga anak tungkol sa pamimitas ng mga bulaklak:

Ikaw, o nanay, ang s’yang alaala.

Alay ko sa bawat bulaklak, o nanay, halimuyak ng pag-ibig kong tunay.1

Nakita ko ang pagkasira ng aking hardin, ngunit ang nakita ng dalawang apat-na-taong-gulang na batang babae ay pagmamahal.

Ang pagtatanim ng mga bulaklak sa hardin ay nangangailangan ng pasensya, at ang pag-unawa sa sitwasyong ito ayon sa pananaw ng aking anak ay mas nangangailangan ng pasensya. Ngunit ang matutong magpasensya bilang isang ina ay mas naglalapit sa akin sa Panginoon.

Tala

  1. “Ako ay Malimit Mamasyal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 109.

Nag-unahan ang mga bata sa pagpasok sa pintuan ng kusina, yakap ang mga bunton ng tulips. “Tingnan po ninyo itong dala namin sa inyo,” masayang sabi nila.