2014
Ibigin ang Inyong Kapwa Gaya ng sa Inyong Sarili
Setyembre 2014


Ang Ating Paniniwala

Ibigin ang Inyong Kapwa Gaya ng sa Inyong Sarili

“Paggising natin tuwing umaga, magpasiya tayong tumugon nang may pagmamahal at kabaitan anuman ang mangyari.” —Pangulong Thomas S. Monson

Nang tanungin ng isang abugado si Jesus kung alin sa mga kautusan ang pinakadakila, maaari sana Niyang piliin ang alinman sa maraming kautusan mula sa Lumang Tipan, mula sa batas ni Moises, o sa Sampung Utos. Sa halip, ibinuod Niya ang lahat ng kautusan sa dalawang ito:

“Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo.

“Ito ang dakila at pangunang utos.

“At ang pangalawang katulad ay ito, Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 22:37–39).

Gaya ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson sa huling pangkalahatang kumperensya, ang pagsunod sa isang utos ay tumutulong sa atin na tuparin ang iba pang kautusan: “Hindi natin makakayang mahalin nang tunay ang Diyos kung hindi natin mahal ang ating kapwa mga manlalakbay sa mortal na buhay na ito. Gayundin, hindi natin makakayang lubos na mahalin ang ating kapwa-tao kung hindi natin mahal ang Diyos, na Ama nating lahat. … Tayong lahat ay mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit at, dahil dito, tayo’y magkakapatid. Kapag isinaisip natin ang katotohanang ito, magiging mas madaling mahalin ang lahat ng anak ng Diyos” (“Pag-Ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2014, 91).

Ang pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa—na tulad ng pag-ibig ni Cristo para sa iba—ay mas magpapabuti sa ating mga ugnayan, tutulungan tayong maging handang maglingkod, at gagawin tayong karapat-dapat sa buhay na walang hanggan (tingnan sa Moroni 10:21). Ang pag-ibig sa kapwa ay espirituwal na kaloob na maaari nating ipagdasal at ipamuhay; ito ay “ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ni … ni Jesucristo” (Moroni 7:48). Ito ang “daang kagalinggalingan” (I Mga Taga Corinto 12:31) na binanggit ni Apostol Pablo at kasama rito ang pagiging mabait, matiyaga, mapagpakumbaba, maamo, umaasa, at bukas-palad (tingnan sa I Mga Taga Corinto 13).

Ang buhay ang perpektong laboratoryo sa pagkakaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao. Ang turo ng Tagapagligtas na tinatawag na Ginintuang Patakaran ay magagabayan ang ating mga kilos: “Lahat ng mga bagay na ibig ninyong gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila” (Mateo 7:12). Lahat tayo ay hindi perpekto, subalit hangad nating lahat na mapakitunguhan nang may kabaitan sa kabila ng ating mga pagkukulang.

Pag-isipan ang mga turong ito mula kay Pangulong Monson tungkol sa maraming paraan na makapagpapakita tayo ng pagmamahal sa iba:

“Ang ilan sa pinakamagagandang pagkakataong maipakita ang ating pagmamahal ay sa loob mismo ng sarili nating tahanan.”

“Kapag kailangan nating pagsabihan ang isang tao, dapat tayong magpakita ng ibayong pagmamahal pagkatapos” (tingnan sa D at T 121:43).

“Ang pagpapatawad ay dapat sabayan ng pagmamahal. … Ang paninisi ay hindi nakakahilom ng mga sugat. Tanging pagpapatawad ang nakakahilom.”

“Ang pagmamahal ay naipapakita sa maraming paraan: isang ngiti, isang kaway, isang magandang puna, isang papuri.”

“Ang ibang pagpapakita nito ay maaaring di-gaanong halata, gaya ng pagpapakita ng interes sa mga ginagawa ng ibang tao, pagtuturo ng isang alituntunin nang may kabaitan at tiyaga, pagbisita sa isang taong maysakit o hindi na kayang lumabas ng bahay.”

Mula sa “Pag-ibig—ang Pinakadiwa ng Ebanghelyo,” Liahona, Mayo 2014, 91–94.

Mga paglalarawan ni David Habben