2015
Kahanga-hangang mga Kabataang Lalaki at Babae sa mga Banal na Kasulatan
Oktubre 2015


Kahanga-hangang mga Kabataang Lalaki at Babae sa mga Banal na Kasulatan

Ang awtor, na isang guro sa seminary, ay nanirahan sa Germany at pumanaw noong 2012.

Maaari kang matuto mula sa at sundin ang mga halimbawa ng maraming mabubuting kabataan na ang mga kuwento ay nasa mga banal na kasulatan.

Larawan
illustration of scenes from the Bible

Paglalarawan ni Andrew Bosley

Mahal ng Panginoon ang mga kabataan ng Simbahan. Malaki ang tiwala Niya sa inyo. Sa bawat panahon, binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang magigiting na kabataang lalaki at babae na akayin at pagpalain ang Kanyang mga tao. Kailangan Niya ang kanilang pagkamalikhain, lakas-ng-loob, at pagiging orihinal. Ganito na noon at patuloy na magiging gayon.

Ang maraming halimbawa ng mga kabataang bayani ay parang ginintuang sinulid na nakatahi sa mga banal na kasulatan. Kahit nabuhay sila noong unang panahon, maaari kang sumunod sa kanilang halimbawa at makaugnay sa kanilang buhay. May mga problema sila noon sa pamilya; nabuhay sila na kasama ang masasamang tao; humarap sila sa “mga Goliath,” ngunit dahil sa kanilang lakas-ng-loob, pagsunod, at pananampalataya kay Jesucristo ay nalagpasan nila ang kanilang mga hamon—tulad ng magagawa ng mga katangiang ito para sa inyo.

Abraham

Kahanga-hanga ang determinasyon, lakas-ng-loob, at kahandaan ni Abraham na magtaas ng tinig laban sa kasamaan—lalo na nang sumamba ang kanyang ama sa mga diyus-diyusan. Noong binata siya, nanindigan siya sa kabutihan kaya muntik na siyang mapatay para ialay bilang hain. (Tingnan sa Abraham 1:2–7.)

Si Jose ng Egipto

Siya ay 17 taong gulang nang ipagbili ng kanyang nakatatandang mga kapatid bilang alipin, gayunman dahil pinagpala ng Panginoon, may nagawang mabuti si Jose sa kabila ng mahirap na sitwasyong ito. Hindi siya natalo, dahil hindi siya sumuko kailanman. Patuloy siyang nagtiwala sa Panginoon. Ang malaking kabaitan ni Jose ay nakita sa marangal na paraan ng pagpapatawad niya sa mga ginawa sa kanya na hindi makatarungan. (Tingnan sa Genesis 37; 45.)

David

Bilang tinedyer si David ay isang pastol, at kinalaban niya ang isang oso at isang leon para protektahan ang mga tupa ng kanyang ama. Ang kanyang tiwala sa sarili ay hindi nagmula sa kanyang mga kakayahan bilang pastol; nagmula ito sa kanyang pananampalataya sa Ama sa Langit, na makikita sa pakikipaglaban niya kay Goliath. (Tingnan sa I Samuel 17:32-54.)

Esther

Determinado siyang ilagay sa panganib ang sarili niyang buhay para iligtas ang kanyang mga tao. Hindi ang kagandahan ni Esther ang nagpadakila sa kanya kundi ang kanyang espirituwal na mga katangian. (Tingnan sa Esther 4–5.)

Daniel

Larawan
Illustration of scenes from the Bible, Book of Mormon and Church history.

Paglalarawan ni Andrew Bosley

Sinunod niya ang batas ng Panginoon ukol sa kalusugan kahit hindi iyon sinusunod ng ibang mga tao sa paligid niya. Nanalangin siya, kahit labag sa mga utos ng hari ang manalangin sa Ama sa Langit. Dahil sa kanyang kabutihan at katapatan sa inspirasyon ng Espiritu, si Daniel ay biniyayaan ng Panginoon ng kaloob na pagbibigay-kahulugan sa mga panaginip at pangitain. Tumanggap siya ng kapangyarihan at karunungan mula sa Ama sa Langit upang sa oras ng panganib ay magamit niya ang mga kapangyarihan ng langit. (Tingnan sa Daniel 1; 6.)

Nephi

Si Nephi ay isang pambihirang halimbawa nang sabihin niyang, “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon” (1 Nephi 3:7). Nagkaroon siya ng tapang na gawin ang ipinagagawa sa kanya. Tumira ba siya sa isang komportableng tahanan? Hindi, nanirahan siya sa ilang nang maraming taon. Naging maayos ba ang lahat para sa kanya? Hindi, madalas ay galit sa kanya ang kanyang mga kapatid na lalaki at kung minsan ay tinatangka siyang patayin ng mga ito. Sa kabila ng lahat ng ito, sinunod niya ang mga utos ng Panginoon.

Dalawang Libong Kabataang Ammonita

Ang mga binatang ito ay pinalaki ng matatapat na magulang, at pinagpala sila ng kanilang pananampalataya sa mga salita ng kanilang mga ina. Natuto silang makinig at sumunod nang may kahustuhan, at sa kanilang mga pakikipagdigma ay hindi sila nag-alinlangan na poprotektahan sila ng kanilang Ama sa Langit. (Tingnan sa Alma 56:45–48.)

Mormon

Noong siya ay 15 taong gulang, dumalaw ang Panginoon sa kanya dahil siya ay mapagpakumbaba, malinis at dalisay, sa kabila ng karumihan ng mga tao sa kanyang paligid. Gayundin sa edad na 15, si Mormon ay ginawang lider ng hukbo. Kalaunan ipinagkatiwala sa kanya ang pag-iingat ng mga banal na kasulatan. (Tingnan sa Mormon 1–2.)

Joseph Smith

Sa edad na 14 sinaliksik niya ang mga banal na kasulatan at nanalangin upang malaman kung aling simbahan ang sasapian. Tinawag siya ng Panginoon upang ipanumbalik ang ebanghelyo at ang Simbahan ni Jesucristo. Inilaan ni Joseph ang kanyang buong buhay sa pagganap sa tungkuling iyon, sa kabila ng maraming balakid at paghihirap. Sa edad na 17 binisita siya ng anghel na si Moroni, at ipinakita sa kanya ang mga laminang ginto. Kahit sa murang edad, si Joseph Smith ay isang makapangyarihang guro at mabuting halimbawa sa mga tao sa paligid niya. (Tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1.)

Inyong Panahon

Lumipas na ba ang mga araw ng kahanga-hangang mga kabataang lalaki at babae? Hindi! Sinabi ng anghel na si Moroni kay Joseph Smith na ang propesiya ni Joel ay malapit nang matupad:

“Ibubuhos ko [ang Panginoon] ang aking espiritu sa lahat ng laman; at ang inyong mga anak na lalake at babae ay manganghuhula, ang inyong mga matanda ay magsisipanaginip ng mga panaginip, ang inyong mga binata ay mangakakakita ng mga pangitain:

“At sa mga lingkod na lalake at babae naman ay ibubuhos ko sa mga araw na yaon ang aking Espiritu” (Joel 2:28–29; tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:41).