2016
Pagliligtas sa Inyong Buhay
Marso 2016


Pagliligtas sa Inyong Buhay

Mula sa isang mensahe sa debosyonal ng Church Educational System na, “Pagliligtas sa Inyong Buhay,” na ibinigay sa Brigham Young University noong Setyembre 14, 2014. Para sa buong mensahe, magpunta sa devotionals.lds.org.

Sa pagbibigay ng Kanyang buhay, hindi lamang iniligtas ni Cristo ang Kanyang sariling buhay kundi maging ang ating buhay. Ginawa Niyang posible para sa atin na maging walang-hanggang buhay ang ating limitado at kalaunan ay walang patutunguhang mortal na buhay.

Larawan
crucifixion

Detalye mula sa Ang Tatlong Krus, State two, ni Rembrandt van Rijn, mula sa The Pierpont Morgan Library/Art Resource, NY; ginintuang background © iStock/Thinkstock

Noong si Jesus at ang Kanyang mga Apostol ay magkakasama sa Cesarea ni Filipo, ito ang tanong Niya sa kanila, “Ano ang sabi ninyo kung sino ako?” (Mateo 16:15). Sumagot si Pedro nang buong paggalang at katatagan ng, “Ikaw ang Cristo, ang Anak ng Dios na buhay” (Mateo 16:16; tingnan din sa Marcos 8:29; Lucas 9:20).

Naaantig ako kapag binabasa ko ang mga salitang ito; napupuspos ako ng saya kapag sinasambit ko ang mga ito. Matapos ang sagradong sandaling iyon, nang kausapin ni Jesus ang mga Apostol tungkol sa Kanyang nalalapit na kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, sinalungat Siya ni Pedro. Pinagsabihan nang matindi si Pedro—dahil hindi siya nakaayon, o hindi niya ninanamnam, ang mga bagay ng Diyos “kundi ang mga bagay ng tao” (Mateo 16:21–23; tingnan din sa Marcos 8:33). Pagkatapos si Jesus, “[na nagpakita] ng ibayong pagmamahal sa kanya na [Kanyang] pinagsabihan” (D at T 121:43), ay magiliw na nagbilin kay Pedro at sa kanyang mga Kapatid tungkol sa pagpasan ng kanilang krus at pagbibigay ng buhay nila na siyang paraan upang magkaroon ng sagana at walang-hanggang buhay, na Siya mismo ang perpektong halimbawa (tingnan sa Matthew 16:24–25).

Gusto kong magsalita tungkol sa tila kabalintunaan na sinabi ng Panginoon na “Ang nakasusumpong ng kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon” (Mateo 10:39; tingnan din sa Mateo 10:32–41; 16:24–28; Marcos 8:34–38; Lucas 9:23–26; 17:33). Itinuturo nito ang malalim at malawak na doktrina na kailangan nating maunawaan at maipamuhay.

Isang mapag-isip na propesor ang nagsabi ng ganito: “Dahil ang kalangitan ay lalong mataas kaysa lupa, ang ginagawa ng Diyos sa inyong buhay ay mas malaki kaysa sa kuwento ng buhay na gusto ninyong ibahagi. Ang Kanyang buhay ay mas dakila kaysa sa inyong mga plano, mithiin, o pangamba. Upang mailigtas ang inyong buhay, kailangang isantabi ninyo ang sarili ninyong kuwento at, bawat minuto, bawat araw, ibalik ninyo ang inyong buhay sa kanya.”1

Habang lalo ko itong pinag-iisipan, lalo akong namamangha kung paano laging ibinibigay ni Jesus ang Kanyang buhay sa Ama, kung paano Niya ganap na inialay ang Kanyang buhay sa pagsunod sa kalooban ng Ama—sa buhay at sa kamatayan. Ito mismo ang kabaligtaran ng ugali at paraan ni Satanas, na laganap nang sinusunod ngayon ng mundong puno ng kasakiman.

Sa premortal na buhay, nang magboluntaryo si Jesus na gampanan ang papel ng Tagapagligtas sa banal na plano ng Ama, sinabi Niya, “Ama, masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2; idinagdag ang pagbibigay-diin). Si Lucifer, sa kabilang banda, ay nagsabing, “Masdan, naririto ako, isugo ninyo ako, ako ang magiging inyong anak, at aking tutubusin ang buong sangkatauhan, upang wala ni isa mang katao ang mawala, attiyak na akin itong magagawa; kaya nga, ibigay ninyo sa akin ang inyong karangalan” (Moises 4:1; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang utos ni Cristo na sundin Siya ay isang utos na iwaksing muli ang kasamaan at isuko ang ating buhay para sa totoong buhay, para sa tunay na buhay, sa selestiyal na kahariang nakikinita ng Diyos para sa bawat isa sa atin. Ang buhay na iyan ay magpapala sa lahat ng makakahalubilo natin at magpapabanal sa atin. Sa ating kasalukuyan at limitadong pananaw, ito ay isang buhay na hindi kayang unawain. Tunay ngang “hindi nakita ng mata, at ni narinig ng tainga, ni hindi pumasok sa puso ng tao, anomang mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya” (I Mga Taga Corinto 2:9).

Sana marami pa tayong marinig sa pag-uusap ni Jesus at ng Kanyang mga disipulo. Malaking tulong sana ito para lalo nating maunawaan kung ano ang kahulugan ng tunay na mawalan ng sariling buhay alang-alang sa Kanya at masumpungan ito. Ngunit nang pag-isipan ko ito, natanto ko na ang ipinahayag ng Tagapagligtas bago at matapos Niya iyon ipahayag ay naglalaan ng mahalagang patnubay. Pag-usapan natin ang tatlo sa mga pahayag sa kontekstong ito.

Pasanin ang Iyong Krus Araw-araw

Una ay ang mga salita ng Panginoon bago Niya sinabing, “Sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito” (Mateo 16:25). Tulad ng nakatala sa bawat buod ng mga Ebanghelyo, sinabi ni Jesus, “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin” (Mateo 16:24). Idinagdag ni Lucas ang salitang araw-araw—[hayaan siyang] pasanin sa araw-araw ang kaniyang krus” (Lucas 9:23). Sa Mateo, nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang pahayag na ito gamit ang pakahulugan ng Panginoon sa pasanin ng isang tao ang kanyang krus: “At ngayon, ang pasanin ng isang tao ang kanyang krus, ay itanggi sa sarili ang lahat ng masama, at bawat makamundong pagnanasa, at sumunod sa aking mga kautusan” (Mateo 16:24, Gabay sa mga Banal na Kasulatan, PJS Mateo 16:26).

Umaayon ito sa pahayag ni Santiago: “Ang dalisay na relihion at walang dungis sa harapan ng ating Dios at Ama ay ito, … pagingatang walang dungis ang kaniyang sarili sa sanglibutan” (Santiago 1:27). Ang pagpasan sa sariling krus ay isang buhay na araw-araw na umiiwas sa lahat ng karumihan habang sinusunod ang dalawang dakilang utos—ibigin ang Diyos at ibigin ang inyong kapwa—kung saan nakasalalay ang lahat ng iba pang kautusan (tingnan sa Mateo 22:37–40). Kaya, ang isang aspeto ng pagbibigay ng ating buhay alang-alang sa mas dakilang buhay na nakikinita ng Panginoon para sa atin ay kinapapalooban ng pagpasan natin ng Kanyang krus sa araw-araw.

Kilalanin si Cristo sa Harap ng Iba

Ang pangalawang nauugnay na pahayag ay nagsasabi na ang masumpungan ang ating buhay sa pamamagitan ng pagbibigay nito alang-alang sa Kanya at sa ebanghelyo ay nangangailangan ng kahandaang ipakita at ipahayag sa lahat ang ating pagkadisipulo. “Sinomang magmakahiya sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan, ay ikahihiya rin naman siya ng Anak ng tao, pagparito niyang nasa kaluwalhatian ng kaniyang Ama na kasama ng mga banal na anghel” (Marcos 8:38; tingnan din sa Lucas 9:26).

Saanman sa Mateo, makakakita tayo ng pahayag na kaugnay nito:

“Bawa’t kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit.

“Datapuwa’t sinomang sa aki’y magkaila sa harap ng mga tao ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 10:32–33).

Ang isang malinaw at nakakapanatag na kahulugan ng mawalan ng buhay sa pamamagitan ng pagkilala kay Cristo ay ang literal na mawalan nito, sa paninindigan at pagtatanggol sa inyong pananampalataya sa Kanya. Nakasanayan na nating isipin na ang napakabigat na hinihinging ito ay bahagi na ng kasaysayan kapag binasa natin ang tungkol sa mga martir noong araw, kabilang na ang karamihan sa mga sinaunang Apostol. Gayunman, nakikita natin ngayon na ang nangyari noon ay patuloy pa rin ngayon.2

Hindi natin alam ang maaaring mangyari sa hinaharap, ngunit kung talagang mawalan ng buhay ang sinuman sa atin para sa layon ng Panginoon, tiwala ako na magpapakita tayo ng tapang at katapatan.

Larawan
Peter and John at the temple

Sina Pedro at Juan sa Pasukan ng Templo, ni Rembrandt Van Rijn

Gayunman, ang mas karaniwan (at kung minsa’y mas mahirap) na pagsunod sa turo ng Tagapagligtas ay may kinalaman sa pamumuhay natin araw-araw. May kinalaman ito sa mga salitang sinasambit natin, sa halimbawang ipinapakita natin. Dapat nating kilalanin si Cristo sa ating buhay at patotohanan sa mga salita ang ating pananampalataya at debosyon sa Kanya. At kailangang buong tatag na ipagtanggol ang patotoong ito sa kabila ng pangungutya, diskriminasyon, o paninira ng mga taong kumakalaban sa Kanya “sa lahing ito na mapangalunya at makasalanan” (Marcos 8:38).

Sa iba’t ibang pagkakataon idinagdag ng Panginoon ang matinding pahayag na ito tungkol sa ating katapatan sa Kanya:

“Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: Hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak.

“Sapagka’t ako’y naparito upang papagalitin ang lalake laban sa kaniyang ama, at ang anak na babae laban sa kaniyang ina, at ang manugang na babae laban sa kaniyang biyenang babae.

“At ang magiging kaaway ng tao ay ang kaniya ring sariling kasangbahay.

“Ang umiibig sa ama o sa ina ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin; at ang umiibig sa anak na lalake o anak na babae ng higit kay sa akin ay hindi karapatdapat sa akin.

“At ang hindi nagpapasan ng kaniyang krus at sumusunod sa akin, ay hindi karapatdapat sa akin” (Mateo 10:34–38).

Ang pagsasabing hindi Siya naparito upang magdala ng kapayapaan kundi ng tabak sa unang tingin ay tila salungat sa mga banal na kasulatan na tumutukoy kay Cristo bilang “Ang Pangulo ng Kapayapaan” (Isaias 9:6), sa pagpapahayag sa Kanyang pagsilang—“Luwalhati sa Dios sa kataastaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga tao” (Lucas 2:14)—at sa iba pang kilalang mga reperensya, tulad ng “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo” (Juan 14:27).

“Totoong naparito si Cristo upang magdala ng kapayapaan—kapayapaan sa pagitan ng mga nananampalataya at ng Diyos, at kapayapaan sa mga tao. Ngunit ang di-maiiwasang bunga ng pagparito ni Cristo ay labanan—sa pagitan ni Cristo at ng anticristo, ng liwanag at ng kadiliman, ng mga anak ni Cristo at ng mga anak ng diyablo. Ang labanang ito ay maaaring mangyari maging sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya.”3

Tiwala ako na marami sa inyo ang nakaranas nang matanggihan at itakwil ng inyong ama’t ina at mga kapatid nang tanggapin ninyo ang ebanghelyo ni Jesucristo at pumasok kayo sa Kanyang tipan. Sa anumang paraan, dahil sa inyong matinding pagmamahal kay Cristo ay kinailangan ninyong isakripisyo ang mga ugnayang mahalaga sa inyo, at marami na kayong nailuha. Subalit dahil sa inyong walang-maliw na pagmamahal, matatag ninyong pinasan ang krus na ito, na ipinapakita na hindi ninyo ikinahihiya ang Anak ng Diyos.

Ang Halaga ng Pagiging Disipulo

Ilang taon na ang nakararaan isang miyembro ng Simbahan ang nagbigay ng kopya ng Aklat ni Mormon sa kaibigan niyang Amish sa Ohio, USA. Sinimulang basahin ng kaibigang ito ang aklat at hindi na ito mabitawan. Nabinyagan ito at ang kanyang asawa, at sa loob ng pitong buwan dalawa pang mag-asawang Amish ang na-convert at nabinyagan bilang mga miyembro ng Simbahan. Nabinyagan ang kanilang mga anak pagkaraan ng ilang buwan.

Nagpasiya ang tatlong pamilyang ito na manatili sa kanilang komunidad at ipagpatuloy ang kanilang pamumuhay bilang Amish kahit tinalikuran na nila ang relihiyong Amish. Gayunman, “itinakwil” sila ng kanilang malalapit na kapitbahay na Amish. Ang ibig sabihin ng itinakwil ay wala ni isa sa mga Amish ang nakipag-usap, tumulong, nakipagnegosyo, o nakihalubilo sa kanila sa anumang paraan. Kabilang dito hindi lamang ang kanilang mga kaibigan kundi pati na rin ang mga miyembro ng kanilang pamilya.

Noong una, nalumbay at nangulila ang mga Banal na Amish nang itakwil at tanggalin pati na mga anak nila sa kanilang mga paaralang Amish Tiniis ng kanilang mga anak ang pagtatakwil ng kanilang mga lolo’t lola, mga pinsan, at malalapit na kapitbahay. Maging ang ilan sa nakatatandang mga anak ng mga pamilyang Amish na ito, na hindi tumanggap sa ebanghelyo, ay ayaw kausapin o batiin man lang ang kanilang mga magulang. Nakipagbuno ang mga pamilyang ito upang makabangon mula sa mga bunga ng pagtatakwil, at nagtatagumpay sila.

Nananatiling matatag ang kanilang pananampalataya. Ang mga paghihirap at pagsalungat na dulot ng pagtatakwil ay nagpatatag at hindi nakatinag sa kanila. Isang taon matapos mabinyagan, ang mga pamilya ay ibinuklod sa templo at patuloy na nagpupunta sa templo linggu-linggo. Lumakas sila nang matanggap nila ang mga ordenansa at nakipagtipan at tumupad ng mga tipan na ito. Lahat sila ay aktibo sa kanilang grupo sa Simbahan at patuloy na naghahanap ng mga paraan upang maibahagi ang liwanag ng ebanghelyo at kaalaman tungkol dito sa kanilang mga kamag-anak at komunidad sa pamamagitan ng pagpapakita ng kabaitan at paglilingkod.

Oo, ang kapalit ng pagsapi sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay maaaring napakataas, ngunit ang payo na unahin si Cristo sa lahat, maging sa pinakamalalapit na miyembro ng ating pamilya, ay angkop din sa mga taong maaaring isinilang sa loob ng tipan. Marami sa atin ang naging miyembro ng Simbahan nang walang sumasalungat, marahil bilang mga anak. Ang hamon na maaari nating makaharap ay ang pananatiling tapat sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan sa harap ng mga magulang, biyenan, kapatid, o maging sa ating mga anak na dahil sa kanilang ugali, mga paniniwala, o mga pagpapasiya ay hindi masuportahan ang Tagapagligtas at ang kanilang sarili.

Hindi pinag-uusapan dito ang pagmamahal. Maaari at kailangan nating mahalin ang isa’t isa tulad ng pagmamahal sa atin ni Jesus. Tulad ng sabi Niya, “Sa ganito’y mangakikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pagibig sa isa’t isa” (Juan 13:35). Kaya kahit patuloy ang pagmamahal sa pamilya, maaaring maputol ang ugnayan at, ayon sa sitwasyon, maaaring maputol ang suporta o pagpaparaya kung minsan alang-alang sa ating mas dakilang pagmamahal (tingnan sa Mateo 10:37).

Sa katunayan, ang pinakamagandang paraan para matulungan ang mga mahal natin—ang pinakamagandang paraan para mahalin sila—ay patuloy na unahin ang Tagapagligtas. Kung ilalayo natin ang ating sarili sa Panginoon dahil sa awa natin sa ating mga mahal sa buhay na nagdurusa o namimighati, mawawalan tayo ng paraan para matulungan sila. Gayunpaman, kung mananatili tayong matatag na nananampalataya kay Cristo, tayo ay kapwa tatanggap at makapagbibigay ng tulong mula sa langit.

Kapag dumating ang sandali na gustung-gusto nang bumaling ng isang pinakamamahal na miyembro ng pamilya sa tanging tunay at walang-hanggang pinagmumulan ng tulong, malalaman niya kung sino ang pagkakatiwalaan bilang gabay at kasama. Samantala, taglay ang kaloob ng Banal na Espiritu na gumagabay, matatag tayong makapaglilingkod upang ibsan ang sakit na dulot ng mga maling pagpapasiya at mapagaling ang mga sugat kapag tayo ay pinahintulutan. Kung hindi, hindi natin pinaglilingkuran ang mga mahal natin sa buhay ni ang ating sarili.

Larawan
Jesus healing the sick

Detalye mula sa Pinagagaling ni Jesus ang Maysakit, ni Paul Gustave Dore

Talikuran ang Mundo

Ang pangatlong elemento ng mawalan ng ating buhay alang-alang sa Panginoon ay matatagpuan sa Kanyang mga salita: “Sapagkat ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan at mawawalan siya ng kaniyang buhay? o ano ang ibibigay ng tao na katumbas sa kaniyang buhay?” (Mateo 16:26). Tulad ng nakasaad sa Pagsasalin ni Joseph Smith, sinabi Niya: “Sapagka’t ano ang pakikinabangin ng tao, kung makamtan niya ang buong sanglibutan, subalit ayaw niyang tanggapin siya na inorden ng Diyos, at mawala ang sarili niyang kaluluwa, at mapahamak?” (Lucas 9:25 [sa Bible appendix]).

Ang sabihin na ang pagtalikod sa mundo para tanggapin “siya … na inorden ng Diyos” ay salungat sa kultura sa mundo ngayon ay tiyak na kulang sa kasidhian. Ang mga prayoridad at interes na napakadalas nating makita sa paligid (at kung minsan ay sa atin) ay lubhang makasarili: isang matinding hangaring kilalanin; isang pamimilit na igalang ang karapatan ng isang tao; isang malaking paghahangad sa pera, mga bagay, at kapangyarihan; isang damdamin ng karapatang guminhawa at masiyahan sa buhay; isang mithiing bawasan ang responsibilidad at iwasan nang lubusan ang anumang personal na sakripisyo para sa kabutihan ng iba—at ilan lamang ito.

Hindi naman ibig sabihin nito na hindi natin dapat hangaring magtagumpay, at magpakahusay, sa mga makabuluhang pagsisikap, kabilang na ang pag-aaral at marangal na trabaho. Tiyak na kapuri-puri ang mga makabuluhang tagumpay. Ngunit kung gusto nating pangalagaan ang ating mga kaluluwa, lagi nating tandaan na hindi ang mga ito ang ating layunin kundi mga pamamaraan ito tungo sa mas dakilang layunin. Sa ating pananampalataya kay Cristo, kailangan nating unawain na ang tagumpay sa pulitika, negosyo, pag-aaral, at iba pa ay hindi nagbibigay ng kahulugan sa atin kundi ginagawang posible nito na mapaglingkuran natin ang Diyos at ang ating kapwa—simula sa ating tahanan hanggang sa buong mundo.

Ang sariling pag-unlad ay may halaga kung ito ay nakakatulong sa pagkakaroon ng katangiang tulad ng kay Cristo. Sa pagsukat sa tagumpay, kinikilala natin ang malalim na katotohanang batayan ng lahat ng iba pa—na ang ating buhay ay pag-aari ng ating Diyos Ama sa Langit; at ni Jesucristo, na ating Manunubos. Ang ibig sabihin ng tagumpay ay pamumuhay alinsunod sa Kanilang kalooban.

Kumpara sa buhay na puno ng paghanga sa sarili, nagbigay si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) ng simpleng pagpapahayag ng mas mainam na paraan:

“Kapag naglilingkod tayo sa ating kapwa, hindi lang nakakatulong sa kanila ang ating ginawa, kundi nagbabago rin ang pananaw natin sa sarili nating mga problema. Kapag higit nating inalala ang iba, mababawasan ang oras natin sa pag-aalala sa ating sarili! Sa gitna ng himala ng paglilingkod, nangako si Jesus na kapag nilimot natin ang ating sarili, nasusumpungan natin ito! [Tingnan sa Mateo 10:39.]

“Hindi lang natin ‘nasusumpungan’ ang ating sarili kapag kinilala natin ang banal na patnubay sa ating buhay, kundi kapag higit nating pinaglingkuran ang ating kapwa sa mga angkop na paraan, nagiging mas makabuluhan ang ating kaluluwa. … Nagiging mas makabuluhan tayo sa paglilingkod sa iba—tunay na mas madaling ‘masumpungan’ ang ating sarili dahil marami pa tayong malalaman!”4

Mawalan ng Inyong Buhay sa Paglilingkod sa Kanya

Nalaman ko kamakailan na may isang dalaga na nagpasiyang magmisyon nang full-time. Humusay ang kakayahan niyang makipag-ugnayan at makipag-usap sa mga tao mula sa halos lahat ng relihiyon, pulitika, at bansa, at nag-alala siya na baka ang pagsusuot ng missionary tag sa buong maghapon, araw-araw, ay maging pantukoy na maaaring makahadlang sa kanyang pambihirang kakayahang makaugnayan ang iba. Ilang linggo pa lang sa kanyang misyon, sumulat siya sa kanyang pamilya tungkol sa simple ngunit makabuluhang karanasan:

“Pinapahiran namin ni Sister Lee ng panghaplas ang nirarayumang mga kamay ng isang matandang babae—napapagitnaan namin siya—habang nakaupo kami sa kanyang sala. Ayaw niyang makinig sa anumang mensahe, pero hinayaan niya kaming kumanta, at gustung-gusto niyang kumanta kami. Salamat sa itim na missionary name tag sa pagbibigay sa akin ng pagkakataong magkaroon ng malapit na pakikipag-ugnayan sa mga estranghero.”

Sa mga bagay na dinanas niya, natutuhan ni Propetang Joseph Smith na mawalan ng buhay sa paglilingkod sa kanyang Panginoon at Kaibigan. Minsa’y sinabi niya, “Ginawa ko itong panuntunan: Kapag inutos ng Panginoon, gawin ito.”5

Sa palagay ko mapapanatag tayong lahat na mapantayan ang antas ng katapatan ni Brother Joseph. Gayon pa man, minsan siyang pinagdusa nang ilang buwan sa bilangguan sa Liberty, Missouri, at nahirapan ang kanyang katawan ngunit marahil ay higit na nahirapan ang kalooban at espiritu dahil hindi niya matulungan ang pinakamamahal niyang asawa, mga anak, at mga Banal habang pinagmamalupitan at inuusig ang mga ito. Ang kanyang mga paghahayag at tagubilin ang nagdala sa kanila sa Missouri para itatag ang Sion, at ngayo’y pinalalayas sila sa kanilang mga tahanan, sa panahon ng taglamig, patawid ng buong estado.

Sa kabila ng lahat, sa gayong kalagayan sa piitang iyon, sumulat siya ng isang inspiradong liham sa Simbahan sa napakaganda at nakasisiglang mga salita, na ang ilang bahagi ay bumubuo ngayon sa mga bahagi 121, 122 at 123 ng Doktrina at mga Tipan, at nagtatapos sa mga salitang ito: “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya; at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).

Larawan
Jesus praying in Gethsemane

Mangyari pa, ang pinakamagandang paglalarawan ng pagliligtas ng buhay ng isang tao sa pamamagitan ng pagbibigay nito ay ito: “Ama ko, kung di mangyayaring makalampas ito, kundi ko inumin, mangyari nawa ang iyong kalooban” (Mateo 26:42). Sa pagbibigay ng Kanyang buhay, hindi lamang iniligtas ni Cristo ang Kanyang sariling buhay kundi maging ang ating buhay. Ginawa Niyang posible para sa atin na maging walang-hanggang buhay ang ating limitado at kalaunan ay walang-patutunguhang mortal na buhay.

Ang tema ng buhay ng Tagapagligtas ay “Ginagawa kong lagi ang mga bagay na [sa Ama’y] nakalulugod” (Juan 8:29). Dalangin ko na gagawin ninyo itong tema ng inyong buhay. Kung gagawin ninyo ito, maililigtas ninyo ang inyong buhay.

Mga Tala

  1. Adam S. Miller, Letters to a Young Mormon (2014), 17–18.

  2. Tingnan sa Martin Chulov, “Iraq’s Largest Christian Town Abandoned as ISIS Advance Continues,” The Guardian, Ago. 7, 2014, theguardian.com.

  3. Kenneth Barker, ed., The NIV Study Bible, 10th anniversary ed. (1995), 1453.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball (2006), 104–105.

  5. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 187.