2016
Tapat sa Pananampalataya ng Ating mga Ninuno
July 2016


Mensahe ng Unang Panguluhan

Tapat sa Pananampalataya ng Ating mga Ninuno

Larawan
pioneer-family-kneeling-in-the-snow

Pamilyang Pioneer na Nakaluhod sa Niyebe, ni Michael T. Malm

Si John Linford ay 43 taong gulang nang sila ng kanyang asawang si Maria at tatlo sa kanilang mga anak na lalaki ay nagdesisyon na lisanin ang kanilang tahanan sa Gravely, England para maglakbay nang libu-libong kilometro upang makasama ang mga Banal sa lambak ng Great Salt Lake. Iniwan nila ang kanilang pang-apat na anak, na nasa misyon noon, ibinenta ang kanilang mga ari-arian, at pumunta sa Liverpool sakay ng barkong Thornton.

Ang paglalakbay sa dagat papuntang New York City, at mula roon papuntang Iowa, ay mapayapa. Gayunman, di-nagtagal, nagsimulang makaranas ng problema ang pamilya Linford at iba pang mga Banal sa mga Huling araw na umalis sakay ng Thornton. Nilisan nila ang Iowa City noong Hulyo 15, 1856, bilang bahagi ng sinawing-palad na James G. Willie handcart company.

Dahil sa masamang panahon at mahirap na paglalakbay marami sa kanila ang nagkasakit, kabilang na si John. Di-nagtagal, naging malubha ang kanyang sakit kaya’t kinailangan siyang isakay sa kariton. Nang makarating ang grupo sa Wyoming, mas lalong lumubha ang kalagayan niya. Dumating ang isang rescue team mula sa Salt Lake City noong Oktubre 21, ilang oras matapos binawian ng buhay si John. Namatay siya nang umagang iyon malapit sa pampang ng Sweetwater River.

Nagsisisi ba si John na ipinagpalit niya ang ginhawa at kapanatagan sa mga pagpapakasakit, kawalan, at paghihirap madala lang niya ang kanyang pamilya sa Sion?

“Hindi, Maria,” sabi niya sa kanyang asawa bago siya namatay. “Natutuwa ako’t pumunta tayo. Hindi ko na mararating ang Salt Lake, ngunit kayo ng mga anak mo ay makararating doon, at hindi ko pinagsisisihan ang lahat ng dinanas nating hirap kung ang mga anak naman natin ay magsisilaki at magkakaroon ng sariling pamilya sa Sion.”1

Natapos ni Maria at ng kanyang mga anak ang kanilang paglalakbay. Nang pumanaw si Maria pagkaraan ng halos 30 taon, nag-iwan sila ni John ng pamana ng pananampalataya, ng paglilingkod, ng debosyon, at ng sakripisyo.

Ang pagiging Banal sa mga Huling Araw ay pagiging isang pioneer, sapagkat ang kahulugan ng pioneer ay “isang taong nauna upang ihanda o buksan ang daang susundan ng iba.”2 At kaakibat ng pagiging pioneer ang pagsasakripisyo. Bagama’t hindi na kailangang lisanin ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang tahanan para maglakbay patungong Sion, madalas ay kailangang talikuran nila ang kanilang dating pag-uugali, matagal nang kaugalian, at mga mahal na kaibigan. Ang ilan, bagama’t masakit sa kanila, ay nagpapasiyang iwan ang mga kapamilya nila na tutol sa pagiging miyembro nila ng Simbahan. Gayon pa man, ang mga Banal sa mga Huling Araw ay nagpapatuloy, nananalangin na sana ay maunawaan at tanggapin sila kalaunan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Mahirap ang landas na tinatahak ng mga pioneer, ngunit sinusundan natin ang mga yapak ng pinakadakilang Pioneer—maging ang Tagapagligtas—na nanguna upang ipakita sa atin ang daang dapat tahakin.

“Pumarito ka, sumunod ka sa akin,”3 ang paanyaya Niya.

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay,”4 ang pahayag Niya.

“Pumarito sa akin,”5 pagtawag Niya.

Maaaring mahirap ang daan. Nahihirapan ang ilan na tiisin ang pangungutya at pang-iinsulto ng mga hangal na tao na nanlilibak sa kalinisang-puri, katapatan, at pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. At laging minamaliit ng daigdig ang pagsunod sa alituntunin. Nang utusan si Noe na gumawa ng arka, tumingin ang mga hangal sa maaliwalas na kalangitan at saka nangutya at nagtawanan—hanggang sa bumuhos ang ulan.

Sa kontinente ng Amerika maraming siglo na ang nakalipas, ang mga tao ay nag-alinlangan, nagtalo, at sumuway hanggang sa lamunin ng apoy ang Zarahemla, nabaon sa lupa ang lungsod ng Moronihas, at lumubog sa kailaliman ng dagat ang lungsod ng Moroni. Wala nang panlilibak, panlalait, kahalayan, at kasalanan. Napalitan ito ng mapanglaw na katahimikan, at makapal na kadiliman. Tapos na ang pagtitimpi ng Diyos, at natupad ang Kanyang itinakdang panahon.

Hindi nawala ang pananampalataya ni Maria Linford sa kabila ng pang-uusig sa kanya sa England, ang mahirap na paglalakbay niya patungo sa “lugar [ng Diyos] … na ‘nilaan,”6 at ang sumunod na mga pagsubok na tiniis niya para sa kanyang pamilya at sa Simbahan.

Noong 1937 sa isang seremonya sa puntod na inilaan sa alaala ni Maria, tinanong ni Elder George Albert Smith (1870–1951) ang kanyang mga inapo: “Magiging tapat ba kayo sa pananampalataya ng inyong mga ninuno? … Nawa’y sikapin ninyong maging karapat-dapat sa lahat ng sakripisyong ginawa [nila] para sa inyo.”7

Sa paghahangad nating maitatag ang Sion sa ating puso, sa ating mga tahanan, sa ating komunidad, at sa ating bansa, nawa’y maalala natin ang matibay na determinasyon at matatag na pananalig ng mga taong ibinigay ang lahat-lahat matamasa lang natin ang mga pagpapala ng ipinanumbalik na ebanghelyo, lakip ang pag-asa at pangako sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Andrew D. Olsen, The Price We Paid (2006), 45–46, 136–37.

  2. The Compact Edition of the Oxford English Dictionary (1971), “pioneer.”

  3. Lucas 18:22.

  4. Juan 14:6.

  5. Juan 7:37; tingnan din sa 3 Nephi 9:22.

  6. “Mga Banal, Halina,” Mga Himno, blg. 23.

  7. Tingnan sa Olsen, The Price We Paid, 203–4.