2017
Mga Christmas Package para sa Akin?
December 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Christmas Package para sa Akin?

Larawan
Christmas packages

Paglalarawan ni Carolyn Vibbert

Naglilingkod ako noon sa California Sacramento Mission noong Pasko ng 2003. Ang kompanyon ko at dalawa pang sister missionary na kasama naming nakatira sa apartment ay nagsimulang makatanggap ng mga regalo at liham mula sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Alam kong hindi magiging ganito para sa akin.

Ang pamilya ko sa Argentina ay hikahos sa buhay, at ang mga sulat nila ay karaniwang nahuhuli nang dalawa hanggang tatlong buwan. Malayo ako sa aking pamilya, ngunit masaya akong magdiwang ng Pasko sa paglilingkod kay Jesucristo.

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, naghahanda na kami para matulog nang isa sa mga sister ang nagsabing may nag-iwan sa pintuan ng mga package na may pangalan ko.

“Para sa akin? Baka hindi!” sinabi ko, na namamangha.

Dalawang malalaking kahon iyon na may pangalan ko ngunit walang nakalagay kung sino ang nagpadala. Natuwa ako, at natuwa rin para sa akin ang ibang mga sister. Binuksan ko ang mga package, na puno ng mga regalo, minatamis, mga drowing ng mga bata, at iba pang mga bagay! Hindi ko mapigilang lumuha.

“Sino kaya ang nagpadala sa akin ng mga package na ito?” naisip ko. Wala sa aming nakakaalam, ngunit tuwang-tuwa kaming lahat dahil sa kabutihang-loob na ito.

Ilang araw makalipas ang Pasko, hindi ko pa rin alam kung sino ang nagpadala ng mga package. Kaya’t tinawagan ko ang opisina ng mission at tinanong ang secretary kung maaari niyang sabihin sa akin ang pangalan ng tao na nagpadala ng mga package na hindi nagpakilala. Sinabi niya sa akin na mga miyembro ng isang ward na ayaw magpakilala ang nagpasiyang padalhan ako ng mga regalong Pamasko. Lagi akong magpapasalamat sa kabutihang-loob na ipinakita ng ward na naghatid ng labis na pagmamahal sa Bisperas na iyon ng Pasko at sa suportang natanggap ko noong nasa misyon ako.

Nalaman ko na bawat miyembro ng Simbahan ay maipadarama sa mga missionary—bagama’t malayo sila sa kanilang mga tahanan—ang malugod na pagtanggap nila sa pamamagitan ng pagbibigay ng lakas ng loob at paglilingkod. Isa iyon sa pinakamagagandang Pasko ng buhay ko. Pinaglingkuran ko ang Tagapagligtas at nadama ko ang Kanyang pagmamahal sa pamamagitan ng mga miyembro ng Kanyang Simbahan.