2018
Mga Miting sa Ikaapat na Linggo (2018)
Nobyembre 2018


Mga Miting sa Ikaapat na Linggo (Oktubre–Disyembre 2018)

Personal at Pampamilyang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Sa ikaapat na linggo sa 2018, tatalakayin ng elders quorum at Relief Society ang personal at pampamilyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Maaaring pamunuan ng mga lider o guro ang mga talakayan sa alinman sa sumusunod na mga alituntunin.

Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Para bigyang-inspirasyon ang mga miyembro na regular na pag-aralan ang mga banal na kasulatan, isiping anyayahan ang bawat miyembro na pumili mula sa sumusunod ng isang talata na babasahin: Josue 1:8; II Kay Timoteo 3:15–17; 1 Nephi 15:23–25; 2 Nephi 32:3; Doktrina at mga Tipan 11:22–23; 33:16–18. Matapos silang magkaroon ng oras para magbasa at magnilay-nilay, maaari nilang ibahagi sa ibang tao sa silid kung ano ang itinuturo ng kanilang talata tungkol sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan.

Maaari mo ring anyayahan ang mga miyembro na ibahagi ang kanilang mga patotoo sa mga pagpapalang natatanggap nila kapag pinag-aaralan nila ang mga banal na kasulatan. Maaari ring makinabang ang mga miyembro kung maririnig nila ang bawat isa na magbahagi ng kanilang ginagawa upang maging makabuluhan ang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan (tingnan ang ilang halimbawa sa “Mga Ideya para Mapabuti ang Inyong Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan” sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya). Maaari mo ring ibahagi sa mga miyembro ang itinuro ni Elder Quentin L. Cook tungkol sa “mga layunin at biyaya na kaakibat ng [pagbabago sa pang-Linggong iskedyul] at iba pang mga pagbabago kamakailan” (tingnan sa “Malalim at Tumatagal na Pagbabalik-loob sa Ama sa Langit at Panginoong Jesucristo,” Liahona, Nob. 2018). Maaaring talakayin ng mga miyembro kung paano makatutulong ang mga pagsisikap nating pagbutihin ang ating pag-aaral ng banal na kasulatan para matupad ang mga layuning ito. Ang mga sumusunod na video sa LDS.org ay maaari ring magbigay ng inspirasyon sa mga miyembro: “Words with Friends,” “The Blessings of Scripture,” “Daily Bread: Pattern,” at “What Scriptures Mean to Me.”

Palagiang Pag-aaral ng Ebanghelyo

Inihambing ni Elder David A. Bednar ang pagkakaroon ng palagiang pampamilyang pag-aaral ng mga banal na kasulatan at iba pang mabubuting kaugalian sa maliliit na hagod ng pinsel na bumubuo sa isang magandang painting o ipinintang larawan. Upang matulungan ang mga miyembro na maunawaan kung ano ang itinuro ni Elder Bednar, marahil maaari kang magpakita ng isang painting kung saan kitang-kita ang mga hagod ng pinsel ng pintor. Pagkatapos ay maaaring basahin ng mga miyembro ang analohiya ni Elder Bednar na makikita sa “Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan” (Liahona, Nob. 2009, 19–20), at talakayin kung paano natutulad ang mga hagod ng pinsel sa painting na ito sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Ano ang nakatulong sa atin na madaig ang mga balakid sa pag-aaral ng ebanghelyo, maging sa pag-aaral natin bilang mga indibiduwal man o kasama ang ating mga pamilya? Ano ang ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga taong “masigasig [na] ginagawang sentro ng pag-aaral ng ebanghelyo ang [kanilang mga tahanan]”? (tingnan sa “Pagiging Kapuri-puring mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Nob. 2018). Bigyan ng oras ang mga miyembro upang magnilay-nilay at ibahagi kung ano ang mga inspirado silang gawin dahil sa natutunan nila ngayon.

Talakayan tungkol sa Ebanghelyo sa Tahanan at sa Simbahan

Ang isang paraan upang matulungan ang mga miyembro na maunawaan ang kahalagahan ng talakayan tungkol sa ebanghelyo sa tahanan at sa simbahan ay ang pag-anyaya sa isang bata at magulang na kantahin ang “Turuang Lumakad sa Liwanag” (Mga Himno, blg. 192). Ano ang itinuturo sa atin ng pakikipag-ugnayan ng bata at magulang sa mga titik ng awiting ito tungkol sa pag-aaral ng ebanghelyo? Marahil ang ilang miyembro ay handang magbahagi ng kanilang mga ideya kung paano gagawing natural at regular na bahagi ng buhay-pamilya ang mga talakayan tungkol ebanghelyo. Ang sumusunod na mga banal na kasulatan ay maaaring magbigay ng mga ideya: Deuteronomio 11:18–20; I Ni Pedro 3:15; Mosias 18:9; Moroni 6:4–5, 9; Doktrina at mga Tipan 88:122. Paano tayo mailalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ng ating mga talakayan sa tahanan at sa simbahan?