2019
Wilson Di Paula—San José, Uruguay
Oktubre 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Wilson Di Paula

San José, Uruguay

Larawan
Wilson and his daughter sitting at home

Naparalisa si Wilson dahil sa isang aksidente sa motorsiklo. Pagkaraan ng isang taon, pumanaw ang kanyang asawa. Bilang isang balo na may dalawang anak na batang babae, hindi alam ni Wilson kung ano ang gagawin. Hindi niya alam kung may layunin ang buhay. Maaari sanang naghinanakit si Wilson dahil dito. Ngunit sa halip, sinimulan niyang saliksikin ang katotohanan.

Cody Bell, litratista

Matapos ang aking aksidente sa motorsiklo at pagpanaw ng asawa ko, naiwan sa akin ang pagpapalaki ng aking dalawang anak na batang babae. Hindi ko talaga alam kung paano ko mapapalaki ang aking mga anak na babae habang ako ay nasa wheelchair. Talagang nagbago ang aking buhay dahil sa aksidenteng ito.

Marami akong tanong. Bakit nangyayari ang masasaklap na bagay? Sinisikap kong gawin ang tama, pero kinuha sa akin ang aking asawa at nasadlak ako sa isang wheelchair, pagkatapos ay kinailangang operahan ng mga doktor ang ulo ng aking anak para alisin ang isang tumor. Nagsimula akong mag-isip na walang layunin ang buhay.

Napagtanto ko na kailangan kong mahanap ang katotohanan. Siniyasat ko ang iba’t ibang relihiyon at natagpuan ko ang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nadama kong ito ang totoo.

Nalaman ko na may buhay pa pagkatapos ng buhay na ito, at kapag namatay tayo, maaari nating makasama ang mga taong mahal natin. Nagdulot ito ng kaligayahan sa akin dahil sa 10 magagandang taon na pinagsamahan namin ng aking asawa.

Nagbago ang bawat aspeto ng aking buhay dahil nahanap ko ang ebanghelyo. Nawala ang aking pag-aalala at nadama ko na hindi ko kasalanan ang nangyari. Dumating ang kaligayahan sa aking pamilya sa pagsisimba namin tuwing Linggo. Umuuwi kami nang may karagdagang lakas. Kami ay nabinyagan at kalaunan ay nabuklod para sa kawalang-hanggan sa templo sa Argentina.

Ngayon ay patuloy akong sumusulong sa Simbahan. Nakapaglingkod na ako bilang tagapayo sa bishopric, at sinisikap kong matuto mula sa lahat ng aking mga karanasan, mula sa lahat ng pagsubok sa buhay. Nagbibigay ito sa akin ng lakas. Dahil mahigit 20 taon na akong naka-wheelchair, natutuhan ko na ang kaligayahan ay nagmumula sa kalooban. Nadaragdagan ang natututuhan ng isang tao araw-araw. Ipinagpapasalamat ko iyon.

Alam ko na ngayon na may layunin ang buhay sa mundo. Narito tayo bilang bahagi ng walang hanggang plano ng Ama sa Langit. Mayroon tayong Tagapagligtas na dumaig sa kamatayan at nabuhay na mag-uli. Ang kaalamang ito ay nagbibigay sa akin ng lakas. Ngayon, nagsisikap akong magtiyaga at magpatuloy sa pagsulong. Mayroon akong layunin at alam ko na kapag nagsikap akong mamuhay nang karapat-dapat, maaari akong magkaroon ng pamilyang walang hanggan.

Larawan
Wilson next to a window while Sofia looks on

Sa kabila ng mga pagsubok na nararanasan ni Wilson at ng kanyang anak na si Sofia, ang ebanghelyo ay nagdudulot sa kanila ng kapayapaan, kaligayahan, at lakas. Namumuhay si Sofia kasama ng kanyang ama mula nang maoperahan siya. Nakahanap si Wilson ng kaligayahan sa paglilingkod sa Simbahan.

Larawan
Wilson in the kitchen

Ang pagluluto habang lumilibot sa kusina sakay ng kanyang wheelchair ay isa sa maraming kasanayan na napaghusay ni Wilson mula nang maparalisa siya dahil sa isang aksidente.

Larawan
Wilson studying the scriptures

Nakakahanap si Wilson ng pag-asa at lakas mula sa Tagapagligtas habang pinag-aaralan niya ang mga banal na kasulatan.

Larawan
missionaries praying with Wilson and his daughter at the table

Sinaluhan ng mga missionary ang pamilya Di Paula sa hapunan. Ang pagmamahal ni Wilson sa ebanghelyo ay kalakasan sa kanyang pamilya at sa Simbahan.

Larawan
Wilson looking out a window

Matapos ang isang matinding aksidente at pagpanaw ng kanyang asawa, inisip ni Wilson kung may layunin pa ba ang buhay. Nakahanap siya ng layunin nang mahanap niya ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Larawan
Wilson at the doorway while his daughter walks outside holding dogs

Nakahanap sina Wilson at Sofia ng pag-asa sa ebanghelyo. Ang mahigit 20 taon na pananatili sa isang wheelchair ay hindi naging hadlang sa paglilingkod ni Wilson sa mga makabuluhang paraan.

Larawan
Wilson smiling while daughter stands nearby

Ang ngiti ni Wilson ay patunay ng espirituwal na kasaganaan sa kanyang buhay. “Ang kaligayahan ay nagmumula sa kalooban,” sabi ni Wilson. “Nadaragdagan ang natututuhan ng isang tao araw-araw.”

Larawan
missionaries eating dinner with Wilson and his daughter

Habang kumakain sila nang sama-sama, ang pamilya Di Paula ay hindi lamang nagbabahagi ng pagkain sa mga missionary, nagbabahagi rin sila ng kanilang pagmamahal at pasasalamat para sa ebanghelyo.