Liahona
Mga Kurso sa Self-Reliance: Pag-uugnay ng Pananalapi sa mga Katotohanan ng Ebanghelyo
Enero 2024


“Mga Kurso sa Self-Reliance: Pag-uugnay ng Pananalapi sa mga Katotohanan ng Ebanghelyo,” Liahona, Ene. 2024.

Mga Kurso sa Self-Reliance: Pag-uugnay ng Pananalapi sa mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Ang mga kurso sa self-reliance ay tumutulong sa mga kalahok na maghatid ng mga espirituwal na kabatiran sa kanilang mga pangangailangang pinansyal.

Larawan
grupo ng mga taong nakaupo at nag-uusap

Ang ilan sa mga pinakaunang tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga anak ay tungkol sa pagtatrabaho at pag-asa sa sariling kakayahan. Sa Lumang Tipan, pinagbilinan Niya sina Adan at Eva, “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay” (Genesis 3:19). At sa mga Israelita, sinabi Niya, “Anim na araw kang gagawa” (Exodo 20:9).

Ngayon, ang mga self-reliance group na itinataguyod ng Simbahan sa buong mundo ay tumutulong sa mga anak ng Diyos na pagbutihin ang kanilang pag-aaral, maging mas matatag ang damdamin, makahanap ng mas magagandang trabaho, magsimula ng mga negosyo, at—tulad ng ipinapakita ng sumusunod na mga karanasan—mas maayos na pamahalaan ang kanilang pananalapi.

Larawan
babaeng nakatingin sa mga papel

Pagbabayad ng Ikapu sa Maliit na Kita

Noong ikasal siya, kailanma’y hindi nagkaroon ng problema si Deborah, na mula sa Michigan, USA, sa paghawak ng kanyang pera. Pero nang maghiwalay sila ng kanyang asawa, naging mas mahirap ang pagbabayad ng mga bayarin. Bagama’t masaya si Deborah sa regular na pagdalo sa templo, nagsimula siyang mahirapang magbayad ng kanyang ikapu at tumigil siya sa pagpunta sa templo.

Humingi siya ng tulong sa kanyang bishop, na nagkuwento sa kanya tungkol sa klase sa self-reliance ng Simbahan tungkol sa paghawak sa personal na pananalapi, na idinaraos sa kanyang stake. Pumayag na dumalo si Deborah, pero noong una ay hindi siya nakakita ng dahilan para dumalo: “Para sabihin ko sa iyo ang totoo, sabi ko sa sarili ko, ‘Hindi ko alam kung bakit ako narito. Alam ko kung paano badyetin ang pera ko. Buong buhay ko ay may badyet ako.’”

Nakipagkita si Deborah sa grupo at sa isang facilitator. Sa loob ng dalawang oras bawat linggo, nalaman nila ang mga temporal na aspeto ng katatagan sa pananalapi (tulad ng pagbuo ng badyet) at ang mga espirituwal na aspeto ng katatagan sa pananalapi (tulad ng pagiging matapat na katiwala sa kinikita). “Hindi ko kailanman pinag-ugnay ang dalawang iyon sa paraan na pinag-ugnay ng klaseng ito ang mga iyon,” pagtatapat ni Deborah.

Nadama ni Deborah na ang kanyang pakikipagtipan sa Ama sa Langit ay nakatulong para malaman niya kung paano Siya isama sa kanyang mga desisyon ukol sa pera. “Palaging nariyan ang Aking Ama sa Langit para sa akin. … Kailangan ko Siyang isama sa lahat ng bagay.”

Nang kumilos si Deborah ayon sa mga pahiwatig at patnubay na natanggap niya mula sa kanyang self-reliance group, nagawa niyang magtabi ng pera para sa ikapu, magbayad ng kanyang mga bayarin, at makapag-ipon pa ng pera, lahat ng ito nang hindi nadaragdagan ang kanyang kita.

Pinatotohanan ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945) na mas marami pang magagawa sa natitirang bahagi ng kita matapos magbayad ng ikapu kaysa sa magagawa sa buong halaga bago magbayad ng ikapu: “Pinatototohanan ko … na ang mga lalaki at babaeng lubos na naging tapat sa Diyos, na nagbayad ng kanilang ikapu … ay nagpapatotoo … na nabigyan sila ng Diyos ng karunungan sa paggamit nila ng natitirang siyam na ikapu, at naging mas mahalaga iyon sa kanila, at mas marami silang napaggamitan niyon kaysa kung hindi sila naging tapat sa Panginoon.”1

Tumanggap ng mga pagpapala si Deborah na “kapwa temporal at espirituwal” (Mosias 2:41) nang sundin niya ang batas ng ikapu at gamitin ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa kanyang badyet. Ang patnubay na nagmula sa kanyang self-reliance group at inspirasyon mula sa Espiritu Santo ay naglaan ng paraan para makakuha siya ng temple recommend at makabalik sa templo. “Lahat ng sinabi ko na hindi ko kayang gawin, ipinakita Niya sa akin na kaya kong gawin iyon at higit pa roon,” pagpapatotoo niya. “Ang ginagawa mo ngayon ang nagpapasiya sa kinabukasan mo, at nais ko na sa hinaharap ay makapasok ako sa Detroit Temple na iyon at magsimulang muli na gawin ang mga ordenansa para sa aking mga ninuno.”

Larawan
mag-asawang may aklat ng kurso

Larawang-kuha sa kagandahang-loob nina Berry at Light Chu

Pag-ahon sa Pagkakautang

Kinailangan ni Berry Chu ng Middle Taipei Stake sa Taiwan ng karunungang higit pa sa kanyang pang-unawa matapos siyang mag-invest o mamuhunan na hindi naging maganda ang kinalabasan, naiwan siyang lubog sa utang. Dahil sa sitwasyon ay hindi nakausad si Berry sa loob ng maikling panahon. Pero nagpakumbaba si Berry at nanalangin sa Ama sa Langit. Mula sa panalanging iyon, nagkaroon siya ng lakas-ng-loob na sabihin sa kanyang asawa ang nangyari. Mabait at mapagpakumbabang tiniyak sa kanya ni Light Tsai, na asawa ni Berry, na lulutasin nila iyon at aahon sila sa pagkakautang. Magkasamang nanalangin sina Light at Berry para humingi ng patnubay sa Panginoon.

Nadama nina Berry at Light na maaari silang makinabang sa kurso sa self-reliance ng Simbahan para sa personal na pananalapi. Sa kabila ng pagkalubog sa utang, bumuo sila ng plano sa pagbabayad. Sa tulong mula sa kurso, natuto silang “unahing bayaran ang ikapu at … pamahalaan ang pananalapi sa maka-Diyos na paraan,” sabi ni Berry. “Natuto rin kaming magbadyet at unahin ang aming mga gastusin para lamang sa mga pangangailangan.”

Hindi lamang natuto sina Berry at Light na ibadyet nang maayos ang kanilang kita, kundi nabigyang-inspirasyon din ng kanilang personal finance group si Berry na lumipat ng trabaho. Ang pagbabago ay humantong sa mas mataas na sweldo, na puwede niyang ipambayad ng utang.

Nagkakaisa sa kanilang mithiin, ginamit nina Berry at Light ang lahat ng kanilang bonus, investment, at ekstrang kita mula sa kanilang mga full- at part-time job para mabayaran ang utang ni Berry. Sa tulong ng Panginoon, nagkaroon sila ng sapat para sa lahat ng gastusin nila at, higit sa lahat, nagbayad pa rin sila ng ikapu at nagbigay ng iba pang mga handog o offering.

Ipinahayag ng Panginoon, “Layunin ko [na] maglaan para sa aking mga banal. … Subalit ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan” (Doktrina at mga Tipan 104:15–16). Natutuklasan ng mga indibiduwal at pamilya sa buong mundo kung paano Siya naglalaan para sa kanila kapag isinasabuhay nila ang mga alituntunin ng espirituwal at pinansyal na self-reliance.

Larawan
mag-asawa na magkasamang nakatingin sa mga papel

Pagtuturo Kung “Paano,” Hindi Lamang Kung “Ano”

Kapwa gusto nina Curtis at Pshaunda Scott, mula sa Texas, USA, na maging matalino sa paghawak ng kanilang pera, pero hindi sila magkasundo sa kung paano ito gagawin. Batid ni Pshaunda na kailangan nila ng medical insurance, pero alam ni Curtis na hindi nila kayang bayaran iyon. Bagama’t mahal nila ang isa’t isa, ang magkaiba nilang mga pananaw ukol sa pera ay nagdudulot ng pighati sa kanilang pagsasama. “Pagdating sa pera o pananalapi,” paggunita ni Pshaunda, “palagay ko hindi kami pareho ng pananaw at mga ideya.”

Sang-ayon si Curtis. “Naiinis kami na palaging pag-usapan ang pera, at may mahahalagang bagay kaming dapat pag-usapan na hindi namin ginawa.”

Iminungkahi ng kanilang bishop na magsimulang dumalo sina Pshaunda at Curtis sa kurso sa self-reliance na personal finances sa kanilang stake.

Nagulat si Curtis kung gaano nakaimpluwensya sa kanya ang bukas na talakayan sa kanilang klase. Naipaliwanag niya ang kanyang iniisip at nagkaroon siya ng kabatiran mula sa iba na nakaunawa sa sitwasyon ng kanyang pamilya. Nakatulong kay Curtis ang mga talakayan ng grupo na matuklasan hindi lamang ang mga alituntunin ng ebanghelyo kundi maging ang mga praktikal na paraan para maisabuhay ang mga ito. Sa loob ng anim na taon mula nang mabinyagan siya, madalas ituro noon kay Curtis na dapat niyang palakasin ang kanyang pananampalataya, pagbutihin ang kanyang mga dalangin, at mas mapalapit sa Tagapagligtas, pero nadama niya na itinuro sa kanya ng kurso sa self-reliance kung paano gawin ang mga pagpapabuting iyon.

Nang matutuhan ni Curtis kung paano isabuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa paghawak niya ng pera sa tahanan at sa kanyang negosyo, mas natuklasan niya ang pagmamahal ng Panginoon sa kanya. “Talagang pinalakas nito ang paniniwala at pag-unawa ko sa pag-aaruga at malasakit ng Ama sa Langit para sa amin,” sabi niya.

Nadama ni Pshaunda na naipaunawa sa kanya ng espirituwal na aspeto ng kurso sa self-reliance kung paano maaaring umakma sa plano ng Diyos maging ang mga bagay na nauukol sa pera. “Pinalakas nito ang aking patotoo … sa paisa-isang hakbang, nang taludtod sa taludtod.”

Sa pagsasama sa mga turo ng Panginoon sa kanilang mga desisyon ukol sa pera, nagkapareho na rin sa wakas ang mga pananaw at ideya nina Curtis at Pshaunda. “Nagiging isang team kami,” sabi ni Pshaunda. “Hindi ko masasabi na mayaman kami o mas marami na nga kaming pera, pero tiyak na nasa tamang direksyon kami.”