Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Enero 20–26. 1 Nephi 11–15: “Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”


“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15: ‘Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Enero 20–26. 1 Nephi 11–15,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
mga tao na kumakain ng bunga ng punungkahoy ng buhay

Sweeter Than All Sweetness, ni Miguel Angel González Romero

Enero 20–26

1 Nephi 11–15

“Nasasandatahan ng Kabutihan at Kapangyarihan ng Diyos”

Nakikita mo ba ang iyong sarili sa 1 Nephi 11–15? Anong mga talata ang pinakamahalaga sa iyo at sa pamilya mo?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kapag may ipagagawang mahalagang gawain ang Diyos sa Kanyang propeta, madalas ay binibigyan Niya ang propetang iyon ng mahalagang pangitain na nagpapaunawa sa kanya ng mga layunin ng Diyos para sa Kanyang mga anak. Nakita ni Moises ang isang pangitain tungkol sa “mundong ito, at sa mga naninirahan dito, at gayon din sa mga kalangitan” (Moises 1:36). Nakita ni Apostol Juan ang kasaysayan ng mundo at ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas (tingnan sa aklat ng Apocalipsis). Nakita ni Joseph Smith ang Ama at ang Anak (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:17–18). Nakita ni Lehi ang isang pangitain na naglarawan sa paglalakbay na kailangan nating gawin patungo sa Tagapagligtas at sa Kanyang pagmamahal.

Gaya ng nakatala sa 1 Nephi 11–14, nakita ni Nephi ang ministeryo ng Tagapagligtas, ang hinaharap ng mga inapo ni Lehi sa lupang pangako, at ang tadhana ng gawain ng Diyos sa mga huling araw. Natulungan ng pangitaing ito si Nephi na makapaghanda para sa gawaing naghihintay sa kanya, at matutulungan ka rin nitong makapaghanda—sapagkat may ipagagawa sa iyo ang Diyos sa Kanyang kaharian. Ikaw ay kabilang sa “mga banal ng simbahan ng Kordero” na nakita ni Nephi, “na nakakalat sa lahat ng dako ng mundo; at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian” (1 Nephi 14:14).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

1 Nephi 11

Isinugo ng Diyos si Jesucristo bilang pagpapakita ng Kanyang pagmamahal.

Para maipaunawa kay Nephi ang kahulugan ng punungkahoy na nakita ng kanyang ama, ipinakita sa kanya ng isang anghel “ang Anak ng Walang Hanggang Ama” (1 Nephi 11:21). Dahil dito ay sinabi ni Nephi na ang puno ay sagisag ng pagmamahal ng Diyos. Ngunit hindi pa tapos ang pangitain. Habang binabasa at pinagninilayan mo ang 1 Nephi 11, ano ang nakikita mo na nagpapaunawa sa iyo kung bakit si Jesucristo ang sukdulang pagpapahayag ng pagmamahal ng Diyos?

Para malaman ang iba pang mga simbolo sa panaginip ni Lehi, tingnan sa 1 Nephi 11:35–36; 12:16–18; at 15:21–30.

Tingnan din sa Juan 3:16.

1 Nephi 12–13

Inihanda ng Panginoon ang daan para sa Pagpapanumbalik.

Hindi na mabubuhay si Nephi para masaksihan ang marami sa nakita niya sa kanyang pangitain. Sa palagay mo, bakit mahalagang malaman ni Nephi ang mga bagay na ito? Bakit mahalagang malaman mo ang mga bagay na ito? Maaari mo sigurong itanong ito tuwing may mababasa ka tungkol sa nakita ni Nephi sa kanyang pangitain.

Narito ang ilan sa mga pangyayaring nakita ni Nephi: ang hinaharap ng kanyang mga tao (tingnan sa kabanata 12), ang pananakop sa mga lupain ng Amerika at ang American Revolution (tingnan sa kabanata 13:12–19), ang Malawakang Apostasiya (tingnan sa Kabanata 13:20–29), at ang Pagpapanumbalik ng ebanghelyo (tingnan sa kabanata 13:32–42).

1 Nephi 13:1–9; 14:9–11

Ano ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” na nakita ni Nephi?

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks na ang “makapangyarihan at karumal-dumal na simbahan” na inilarawan ni Nephi ay kumakatawan sa “anumang pilosopiya o organisasyon na kumokontra sa paniniwala sa Diyos. At ang ‘pagkabihag’ na hangad ng ‘simbahang’ ito na kalagyan ng mga banal ay hindi magiging pisikal na pagkakulong kundi pagkabihag sa mga maling ideya” (“Tumayo Bilang mga Saksi ng Diyos,” Liahona, Mar. 2015, 20).

1 Nephi 13:12

Sino ang lalaking nakita ni Nephi na “binunsuran” ng Espiritu na “[m]aglayag sa maraming tubig”?

Nakita ni Nephi na bibigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo si Christopher Columbus na isagawa ang kanyang bantog na paglalayag patungo sa mga lupain ng Amerika. Noong Marso 14, 1493, nagsulat si Columbus tungkol sa paglalakbay na ito: “Ang malaki at kagila-gilalas na mga resultang ito ay hindi ako mismo ang may gawa … ; sapagkat yaong hindi kayang unawain ng angking talino ng tao, ay ipinagkaloob ng Espiritu ng Diyos sa tao, sapagkat sanay ang Diyos na marinig ang mga panalangin ng Kanyang mga lingkod na nagmamahal sa Kanyang mga panuntunan hanggang sa maisagawa ang mga bagay na mukhang imposible” (The Annals of America [Encyclopedia Britannica, Inc., 1976], 1:5).

1 Nephi 13:20–42

Ipinanunumbalik ng mga banal na kasulatan sa mga huling araw ang “malilinaw at mahahalagang bagay.”

Nakita ni Nephi sa pangitain na ang Biblia—na inilarawan niya bilang “isang talaan ng mga Judio”—ay magkakaroon ng “maraming malinaw at mahahalagang bagay [na] nawala [rito]” (1 Nephi 13:23, 28). Gayunman, nakita rin niya na ipanunumbalik ng Diyos ang mga bagay na ito sa pamamagitan ng “iba pang mga aklat”—ang Aklat ni Mormon at iba pang banal na kasulatan sa mga huling araw (tingnan sa 1 Nephi 13:39–40). Ano ang ilan sa mahahalagang katotohanan na mas naipauunawa sa atin ng Aklat ni Mormon? Paano naiiba ang buhay mo dahil naipanumbalik na ang malilinaw at mahahalagang bagay na ito?

Larawan
mga kopya ng Aklat ni Mormon sa iba’t ibang wika

Ipinanunumbalik ng Aklat ni Mormon ang mga katotohanan ng ebanghelyo na nawala noong panahon ng Apostasiya.

Tingnan din sa “Mga Simple at Mahahalagang Katotohanan,” Liahona, Mar. 2008, 68–73; Russell M. Nelson, “Ang Aklat ni Mormon: Ano Kaya ang Buhay Ninyo Kung Wala Ito?Ensign o Liahona, Nob. 2017, 60–63.

1 Nephi 15:1–11

Sasagutin ako ng Panginoon kung hihiling ako nang may pananampalataya na may malambot na puso.

Naramdaman mo na ba na parang hindi ka tumatanggap ng personal na paghahayag—na hindi nangungusap sa iyo ang Diyos? Ano ang ipinayo ni Nephi sa kanyang mga kapatid nang madama nila ito? Paano mo masusunod ang payo ni Nephi sa buhay mo, at paano mo magagamit ang kanyang payo para tulungan ang iba?

Tingnan din sa Jacob 4:8; Alma 5:46; 26:21–22.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

1 Nephi 11–14

Habang binabasa ng pamilya mo ang mga kabanatang ito, tumigil paminsan-minsan at magtanong ng ganito: Ano ang nakita ni Nephi sa kanyang pangitain na maaaring nagpasaya sa kanya? Ano ang maaaring nagpalungkot sa kanya? Bakit?

1 Nephi 13:20–42

Para maipaunawa sa mga miyembro ng pamilya ang halaga ng “malilinaw at mahahalagang” katotohanan sa Aklat ni Mormon, ikumpara ang isang malinaw na nakasulat na mensahe sa isang magulong mensahe. Bakit kaya nais ng Ama sa Langit na maituro nang malinaw ang Kanyang mga katotohanan? Maaaring magpatotoo ang mga miyembro ng pamilya tungkol sa ilang “malilinaw at mahahalagang” katotohanang natutuhan nila mula sa Aklat ni Mormon.

1 Nephi 14:12–15

Bakit tayo “nasasandatahan ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos” kapag namumuhay tayo nang tapat sa ating mga tipan sa Diyos?

1 Nephi 15:8–11

Anong mga karanasan ang maibabahagi ng pamilya mo noong “nagtanong [sila] sa Panginoon”? Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Nephi?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral. Ang mga talababa, Gabay sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan, at iba pang mga tulong sa pag-aaral ay nagbibigay ng mga kabatiran tungkol sa mga banal na kasulatan. Halimbawa, ano ang naipauunawa sa iyo ng mga talababa tungkol sa 1 Nephi 14:20–21?

Larawan
pangitain ni Nephi tungkol kay Maria at sa sanggol na si Jesus

Nephi’s Vision of Mary, ni James Johnson