Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 3–9. Alma 43–52: “Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo”


“Agosto 3–9. Alma 43–52: ‘Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Aklat ni Mormon 2020 (2020)

“Agosto 3–9. Alma 43–52,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2020

Larawan
si Moroni at ang Bandila ng Kalayaan

Para sa mga Pagpapala ng Kalayaan, ni Scott M. Snow

Agosto 3–9

Alma 43–52

“Matatag na Manindigan sa Pananampalataya kay Cristo”

Maaaring mukhang hindi mahalaga ang mga pangyayaring inilarawan sa Alma 43–52 lalo na sa iyo. Ngunit tulad ng nasa lahat ng banal na kasulatan, may mensahe ang Panginoon para sa iyo. Mapanalanging hanapin ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Kapag binasa natin ang mga salitang ito sa simula ng Alma kabanata 43—“At ngayon magbabalik ako sa ulat ng mga digmaang namagitan sa mga Nephita at sa mga Lamanita”—natural lang na pagtakhan kung bakit isinama ni Mormon ang mga kuwentong ito ng digmaan samantalang limitado ang espasyo sa mga lamina (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:5). Totoo na mayroon din tayong mga digmaan sa mga huling araw, ngunit may halaga ang kanyang mga salita na higit pa sa mga paglalarawan ng estratehiya at trahedya ng digmaan. Inihahanda rin tayo ng kanyang mga salita para sa digmaan kung saan “tayo ay kasapi” (Mga Himno, blg. 152), ang pakikidigma natin araw-araw laban sa mga puwersa ng kasamaan. Ang digmaang ito ay tunay na tunay, at ang kahihinatnan nito ay nakakaapekto sa ating buhay na walang hanggan. Tulad ng mga Nephita, tayo ay “binigyang-sigla ng higit na mainam na dahilan,” ang “ating Diyos, ating relihiyon, at kalayaan, at ating kapayapaan, ating [mga pamilya].” Tinawag ito ni Moroni na “[layon] ng mga Kristiyano,” ang layon na ipinaglalaban din natin ngayon (Alma 43:45; 46:12, 16).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Alma 43–52

Ang mga labanan sa Aklat ni Mormon ay nagtuturo sa akin tungkol sa aking mga pakikibaka sa kasamaan.

Ang pagbabasa tungkol sa mga digmaang namagitan sa mga Nephita at Lamanita ay maaaring maging mas makahulugan sa iyo kung maghahanap ka ng mga pagkakatulad nito sa iyong personal at espirituwal na pakikibaka. Habang binabasa mo ang Alma 43–52, pansinin kung ano ang ginawa ng mga Nephita para sila ay magtagumpay (o hindi magtagumpay). Pagkatapos ay pagnilayan kung paano mo magagamit ang natututuhan mo para matulungan kang magwagi sa iyong mga espirituwal na pakikibaka. Habang pinag-aaralan mo ang mga talatang gaya ng mga sumusunod, isulat ang iyong mga ideya kung paano mo masusundan ang halimbawa ng mga Nephita:

Pansinin din kung paano sinikap ng mga Lamanita at ng mga tumiwalag na Nephita na talunin ang mga Nephita. Mabibigyang babala ka ng mga bagay na ito kung paano maaaring subukan ng kaaway na salakayin ka. Habang nag-aaral ka, isulat kung paano ka sinalakay ni Satanas sa mga paraang katulad nito:

  • Alma 43:8. Si Zerahemnas ay naghangad na galitin ang kanyang mga tao para ipailalim sila sa kanyang kapangyarihan. (Kapag nagagalit ako sa ibang tao, binibigyan ko ng kapangyarihan si Satanas sa daigin ako.)

  • Alma 43:29. Gustong alipinin ng mga Lamanita ang mga Nephita.

  • Alma 46:10.

  • Alma 47:10–19.

Larawan
nakikipaglaban ang mga Nephita sa mga Lamanita

Pagtatanggol sa Isang Lungsod ng mga Nephita, ni Minerva K. Teichert

Alma 46:11–28; 48:7–17

Habang sinisikap kong maging tapat na tulad ni Moroni, magiging higit na katulad ako ng Tagapagligtas.

Gusto mo bang maging higit na katulad ng Tagapagligtas at bawasan ang kapangyarihan ng kaaway sa iyong buhay? Ang isang paraan ay sundin ang payo sa Alma 48:17 para maging “katulad ni Moroni.” Bigyang-pansin ang mga katangian at kilos ni Moroni na inilarawan sa buong Alma 43–52 ngunit partikular na sa 46:11–28 at 48:7–17. Ano ang hinahangaan mo tungkol sa “makapangyarihang lalaki” na ito? Paano mapapahina ng mga katangian at kilos na tulad ng sa kanya ang kapangyarihan ng diyablo sa iyong buhay? Pagnilayan kung ano ang nahihikayat kang gawin para sundan ang halimbawa ni Moroni at maging higit na katulad ng Tagapagligtas.

Alma 47

Tinutukso at nililinlang tayo ni Satanas nang paunti-unti.

Alam ni Satanas na karamihan sa atin ay ayaw gumawa ng malalaking kasalanan o maniwala sa malalaking kasinungalingan. Kaya nga, gumagamit siya ng banayad na mga kasinungalingan at tukso para akayin tayong gumawa ng tila maliliit na kasalanan—na kasindami ng iniisip niyang tatanggapin natin. Patuloy niyang ginagawa ito hanggang sa mapalayo tayo nang husto sa kaligtasan ng matwid na pamumuhay.

Makikita mo ang huwarang ito sa salaysay tungkol sa panlilinlang ni Amalikeo kay Lehonti, na matatagpuan sa Alma 47. Habang pinag-aaralan mo, pagnilayan kung paano sinisikap ni Satanas na linlangin ka, tulad ng inilarawan ni Elder Robert D. Hales:

“Hinikayat ng taksil na si Amalikeo si Lehonti na ‘bumaba’ at makipagkita sa kanya sa lambak. Ngunit nang lisanin ni Lehonti ang mataas na lugar, siya ay ‘unti-unting’ nilason hanggang sa mamatay, at bumagsak ang kanyang mga tauhan sa mga kamay ni Amalikeo (tingnan sa Alma 47). Sa mga pakikipagtalo at pagpaparatang, pinapainan tayo ng ilang tao na lisanin ang ligtas na lugar. Nasa mataas na lugar ang liwanag. … Iyon ang ligtas na lugar” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 74).

Tingnan din sa 2 Nephi 26:22; 28:21–22.

Alma 50–51

Ang pagkakaisa ay naghahatid ng kaligtasan.

Sa mga sitwasyong nakatala sa simula ng Alma 50, mukhang imposibleng manalo ang mga Lamanita laban sa mga Nephita. Ang baluti, mga kuta, at nagkakaisang mga pagsisikap ng mga Nephita ang dahilan kaya mukhang hindi sila magapi (tingnan sa Alma 49:28–30 at 50:17–20). Ngunit hindi nagtagal ay nabihag ng mga Lamanita ang marami sa kanilang mga lungsod—kabilang na yaong mga pinatibay ni Moroni (tingnan sa Alma 51:26–27). Paano nangyari iyon? Hanapin ang mga sagot habang binabasa mo ang mga kabanatang ito (tingnan lalo sa Alma 51:1–12). Pagnilayan kung ano ang mga babala sa salaysay na ito para sa iyo at sa inyong pamilya.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang ideya.

Alma 45:2–8

Ang sama-samang pagbasa sa mga talatang ito ay maaaring maghikayat sa pamilya mo na magdaos ng pakikipag-usap sa mga miyembro ng pamilya nang paisa-isa tungkol sa ebanghelyo, tulad ng ginawa ni Alma kay Helaman.

Alma 46:12–22

Ang bandila ng kalayaan ay naghikayat sa mga Nephita na sundin ang mga utos ng Diyos at ipagtanggol ang kanilang pananampalataya. Ano ang naghihikayat sa atin na gawin din iyon? Marahil ay maaaring gumawa ang pamilya mo ng sarili ninyong bandila ng kalayaan—isang watawat o banderita na may mga salita o larawan na nagpapaalala sa inyo na sundin ang mga utos ng Diyos bawat araw.

Alma 48:7–9; 49:1–9; 50:1–6

Habang binabasa ng pamilya mo ang tungkol sa mga kuta ng mga Nephita, maaari ninyong talakayin kung paano ninyo pinatitibay ang inyong tahanan laban sa kaaway. Maaaring masiyahan ang mga bata na magtayo ng isang kuta mula sa mga bagay na tulad ng mga upuan at kumot, o maaari nilang idrowing ang inaakala nilang hitsura ng mga muog ng mga Nephita.

Alma 51:1–12

Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa maaaring mangyari sa ating mga pamilya kapag may alitan tayo? Paano natin madaragdagan ang ating pagkakaisa?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Magtanong habang nag-aaral ka. Habang pinag-aaralan mo ang mga banal na kasulatan, magtanong sa sarili mo ng mga bagay na tutulong sa iyo na pagnilayan kung gaano kahusay mo ipinamumuhay ang binasa mo.

Larawan
hawak ni Moroni ang Bandila ng Kalayaan

Bandila ng Kalayaan, ni Larry Conrad Winborg