Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’


“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16: ‘Daigin Mo ng Mabuti ang Masama’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Agosto 12–18. Mga Taga Roma 7–16,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
Roma

Agosto 12–18

Mga Taga Roma 7–16

“Daigin Mo ng Mabuti ang Masama”

Ilan lamang sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa Mga Taga Roma 7–16 ang maaaring isama sa outline na ito, kaya’t huwag limitahan ang iyong sarili sa kung ano ang binanggit dito. Pansinin ang inspirasyong matatanggap mo sa pag-aaral mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Noong buksan niya ang kanyang liham sa mga Taga Roma, binati ni Pablo ang mga miyembro ng Simbahan sa Roma sa pagtawag sa kanila bilang “mga iniibig ng Dios” na “tinawag na mga banal.” Sinabi niya na ang kanilang “pananampalataya [ay] bantog sa buong sanglibutan” (Mga Taga Roma 1:7–8). Kahit ginugol ni Pablo ang malaking bahagi ng kanyang liham sa pagwawasto ng mga maling ideya at mga problema sa pag-uugali, tila gusto rin niyang tiyakin sa mga bagong binyag na Kristiyano na talagang sila ay mga Banal na minamahal ng Diyos. Sa isang abang pagpapakita ng pagdamay, kinilala ni Pablo na may mga panahong nadama niya na tulad siya sa isang “abang tao” (Mga Taga Roma 7:24), ngunit binigyan siya ng ebanghelyo ni Jesucristo ng lakas na madaig ang kasalanan (tingnan sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Mga Taga Roma 7:22–27 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Siya ay patuloy na nagbahagi ng magiliw na payo para sa ating lahat na nahihirapang madama ang pagmamahal at kung kanino ang kabanalan ay tila imposible. “Huwag kang padaig sa masama,” sabi niya—kapwa sa kasamaan sa mundo at sa kasamaan sa ating sarili—“kundi bagkus daigin mo ng mabuti ang masama” (Mga Taga Roma 12:21).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Taga Roma 7–8

Kung susundin ko ang Espiritu, maaari kong madaig ang kasalanan at makapaghanda para sa mamanahin sa Diyos.

Kahit na pagkatapos pumasok sa “panibagong buhay” sa pamamagitan ng ordenansa ng binyag (Mga Taga Roma 6:4), marahil nakadama ka ng pakikipagbaka sa kalooban na inilarawan ni Pablo sa Mga Taga Roma 7—ang “pakikipagbaka” sa pagitan ng likas na tao at ng ating mabubuting hangarin (Mga Taga Roma 7:23). Ngunit si Pablo ay nagsalita rin tungkol sa pag-asa sa Mga Taga Roma 8:23–25. Anong mga dahilan sa pag-asang ito ang nakikita mo sa kabanata 8? Maaari mo ring hanapin ang mga pagpapalang dulot ng “[pagtira] sa inyo ang Espiritu ng Dios” (Mga Taga Roma 8:9). Paano mo mahahanap ang pagsama ng Espiritu Santo nang lubusan sa iyong buhay?

Mga Taga Roma 8:17–39

Ang walang-hanggang kaluwalhatian na naghihintay sa matatapat ay mas matimbang kaysa mga pagsubok sa buhay.

Ilang taon matapos isulat ni Pablo ang liham na ito, ang mga Banal sa Roma ay dumanas ng malagim na mga pag-uusig. Ano ang nakikita mo sa Mga Taga Roma 8:17–39 na maaaring nakatulong sa mga Banal na ito nang dumating ang pang-uusig? Paano maaaring angkop sa iyo ang mga salitang ito at ang mga pagsubok na kinakaharap mo sa ngayon?

Hanapin ang mga kaugnayan sa pagitan ng mga talatang ito at nitong payo mula kay Sister Linda S. Reeves: “Hindi ko alam kung bakit marami tayong pagsubok, ngunit para sa akin ang gantimpala ay napakalaki, walang-hanggan at walang katapusan, sobrang masaya at higit pa sa ating pang-unawa, kaya sa araw na iyon ng gantimpala, maaari nating sabihin sa ating maawain at mapagmahal na Ama na, ‘Iyon na po ba ang lahat ng kailangan naming gawin?’ Naniniwala ako na kung araw-araw nating aalalahanin at kikilalanin ang lalim ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas para sa atin, magiging handa tayong gawin ang lahat para makabalik sa Kanilang piling, napaliligiran ng walang-hanggan Nilang pagmamahal. Malaking bagay ba … kung magdusa man tayo rito, kung sa bandang huli ay ang mga pagsubok na iyon ang mismong kailangan natin para maging karapat-dapat tayo sa buhay na walang-hanggan at kadakilaan sa kaharian ng Diyos sa piling ng Ama at ng Tagapagligtas?” (“Karapat-dapat sa mga Pagpapalang Ipinangako sa Atin,” Ensign o Liahona, Nob. 2015, 11).

Pagpasiyahan kung ano ang gagawin mo para “araw-araw alalahanin at kilalanin” ang pag-ibig ng Diyos para sa iyo.

Mga Taga Roma 8:29–30; 9–11

Ano ang ibig sabihin ni Pablo sa “itinalaga,” “tinawag,” at “nakilala”?

Ginamit ni Pablo ang mga katagang ito para ituro na ang ilan sa mga anak ng Diyos ay itinalaga, o hinirang na noon pa man, na tumanggap ng espesyal na mga pagpapala at mga tungkulin upang mapagpala nila ang lahat ng bansa sa mundo (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagkakatawag at Pagkakahirang”). Ito ay batay sa kaalaman ng Diyos noon pa man sa kahandaan ng Kanyang mga anak na sundin si Jesucristo at maging katulad Niya (tingnan din sa Mga Taga Efeso 1:3–4; I Pedro 1:2). Gayunman, binigyang-diin ni Pablo sa Mga Taga Roma 9–11 na hindi mahalaga kung paano tayo pumasok sa bahay ng Israel—o maging miyembro ng Simbahan—lahat ng tao ay dapat mabigyan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang ang mga kautusan.

Para sa karagdagang impormasyon, tingnan sa Alma 13:1–5.

Mga Taga Roma 12–16

Inaanyayahan ako ni Pablo na maging isang tunay na Banal at alagad ni Jesucristo.

Ang huling limang kabanata ng Mga Taga Roma ay naglalaman ng partikular na mga tagubilin tungkol sa kung paano dapat mamuhay ang mga Banal. Maaaring hindi mo maipamuhay ang lahat ng payong ito nang sabay-sabay, ngunit makinig sa Espiritu, at matutulungan ka Niyang mahanap ang isa o dalawa na maaari mo nang simulan ngayon. Ibahagi ang iyong mga naisin sa iyong Ama sa Langit sa panalangin, at hingin ang Kanyang tulong.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Taga Roma 7:23

Para matulungan ang inyong pamilya na maunawaan pa ang tungkol sa “nakikipagbaka” na inilarawan ni Pablo sa talatang ito, ibahagi ang kuwento tungkol sa mga lobo sa artikulo ni Elder Shayne M. Bowen na “Agency and Accountability” (New Era, Set. 2012, 8–9).

Mga Taga Roma 9:31–32

Ang mensahe ni Elder Wilford W. Andersen na “Ang Musika ng Ebanghelyo” (Ensign o Liahona, Mayo 2015, 54–56) ay makatutulong na mailarawan ang itinuturo ni Pablo tungkol sa batas, mga gawa, at pananampalataya. Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa pagtalakay sa kanyang mensahe at sa pagsisikap na sumayaw nang may tugtog at walang tugtog. Paanong ang pagsayaw nang walang musika o tugtog ay tulad ng pagsunod sa ebanghelyo nang walang pananampalataya?

Larawan
ama at anak na babae na sumasayaw

Itinuro ni Elder Wilford W. Andersen, “Ang musika ng ebanghelyo ay masayang espirituwal na damdamin.”

Mga Taga Roma 10:17; 15:4

Paano inihatid sa atin ng pag-aaral ng salita ng Diyos ang mga pagpapalang inilarawan sa mga talatang ito? Marahil maaaring ibahagi ng ilang miyembro ng pamilya ang mga paborito nilang banal na kasulatan (tingnan din sa 2 Nephi 25:26).

Mga Taga Roma 12

Ano ang ibig sabihin ng maging “haing buhay, banal, na kaayaaya sa Dios”? (Mga Taga Roma 12:1).

Mga Taga Roma 14:13–21

Ang iyong pamilya ay maaaring makinabang sa pag-aaral ng payo ni Pablo tungkol sa paghatol at pakikipagtalo ukol sa personal na kagustuhan ng iba. Marahil maaari ninyong talakayin ang angkop na mga paraan ng pagtugon kapag ang mga pagpili ng ibang tao ay kaiba sa inyo. Paano tayo magiging mas mapag-isip tungkol sa epekto sa ibang tao ng sarili nating mga pagpapasiya?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Hayaang ipakita ng mga bata ang kanilang pagkamalikhain. “Kapag inanyayahan mo ang mga bata na lumikha ng bagay na nauugnay sa isang alituntunin ng ebanghelyo, tinutulungan mo silang mas maunawaan ang alituntunin. … Hayaan mo silang bumuo, magdrowing, magkulay, magsulat, at lumikha” (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 25).