Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’


“Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso: ‘Sa Ikasasakdal ng mga Banal’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2019 (2019)

“Setyembre 30–Oktubre 13. Taga Efeso,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2019

Larawan
pamilyang nakatingin sa mga retrato

Setyembre 30–Oktubre 13

Mga Taga Efeso

“Sa Ikasasakdal ng mga Banal”

May nakikita ka bang anumang mga koneksyon sa pagitan ng mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa Sulat ni Pablo sa mga taga-Efeso?

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang magsimulang kumalat ang ebanghelyo sa Efeso, nagsanhi ito ng “hindi mumunting kaguluhan” (Mga Gawa 19:23) sa mga taga-Efeso. Nakita ng mga lokal na panday na gumawa ng mga templo para sa isang paganong diyosa na ang Kristiyanismo ay isang banta sa kanilang kabuhayan, at di-naglaon ay “nangapuno sila ng galit, … at napuno ng kaguluhan ang bayan” (tingnan sa Mga Gawa 19:27–29). Isipin na kunwari’y isa kang bagong convert sa ebanghelyo sa gayong kapaligiran. Maraming taga-Efeso na hindi tumanggap at namuhay ayon sa ebanghelyo sa gitna nitong “pagkakagulo” (Mga Gawa 19:40), at tiniyak sa kanila ni Pablo na si “Cristo … ang ating kapayapaan” (Mga Taga Efeso 2:13–14). Ang mga salitang ito, pati na ang kanyang paanyaya na “lahat ng kapaitan, at kagalitan, at pagkakaalit, at kadaldalan, at panglilibak, ay mangaalis nawa sa inyo” (Mga Taga Efeso 4:31) ay tila napapanahon at nakapapanatag ngayon tulad noon. Para sa mga taga-Efeso, tulad sa inyo, dumarating ang lakas na harapin ang paghihirap “sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kaniyang kalakasan” (Mga Taga Efeso 6:10–13).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Mga Taga Efeso 1:4–11, 17–19

“[Pinili]” ba o “itinalaga [ng Diyos] nang una pa” ang ilan sa Kanyang mga anak na ililigtas?

Binanggit ni Pablo na may mga Banal na “itinalaga [ng Diyos] nang una pa” at “[pinili] … bago itinatag ang sanglibutan” na maging Kanyang mga tao. Tulad ng sabi ni Pangulong Henry B. Eyring, ang katotohanan na napakaraming taong nabubuhay at namamatay nang walang pagkakataong matanggap ang ebanghelyo ang dahilan para “ipalagay ng iba na naipasiya na ng Diyos kung sino sa Kanyang mga anak ang Kanyang ililigtas at ibinigay ang ebanghelyo sa kanila, samantalang yaong mga hindi nakarinig sa ebanghelyo kailanman ay talagang hindi ‘pinili.’ Ngunit … ang plano ng Diyos ay mas mapagmahal at makatarungan kaysa riyan. Nasasabik ang ating Ama sa Langit na tipunin at pagpalain ang Kanyang buong pamilya” (“Pagtitipon sa Pamilya ng Diyos,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 20). Lahat ng anak ng Diyos ay maaaring tanggapin ang ebanghelyo at ang mga ordenansa nito dahil sa gawaing isinasagawa para sa mga patay sa mga banal na templo.

Bagama’t walang sinumang nakatadhanang maligtas o hindi maligtas, itinuturo sa makabagong paghahayag na ang ilan ay pinili o “inorden noon pa man” sa premortal na daigdig na gumanap sa ilang responsibilidad dito sa lupa. Kabilang dito ang responsibilidad ng lahat ng Banal sa mga Huling Araw na ibahagi ang ebanghelyo at tulungan ang lahat ng anak ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing na lumapit kay Cristo.

Mga Taga Efeso 1:10

“[Titipunin ng Diyos] ang lahat ng mga bagay kay Cristo.”

Naisip mo na ba kung ano ang “dispensasyon ng kaganapan ng panahon” o ang kahulugan ng “tipunin ang lahat ng mga bagay kay Cristo”? Habang pinagninilayan mo ang mga pariralang ito, basahin ang sumusunod na mga talata: Mga Taga Efeso 4:13; 2 Nephi 30:7–8; Doktrina at mga Tipan 110:11–16; 112:30–32; 128:18–21. Maaari kang mahikayat na sumulat ng sarili mong mga paliwanag tungkol sa mga pariralang ito.

Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–16

Ang Simbahan ay nakasalig sa mga apostol at propeta, at si Jesucristo ang pangulong bato sa panulok.

Sa pagbasa sa mga turo ni Pablo tungkol sa mga apostol at propeta, makapaghahanda kang makinig sa mga mensahe ng mga makabagong apostol at propeta sa pangkalahatang kumperensya. Ayon sa Mga Taga Efeso 2:19–22; 4:11–16, bakit tayo may mga propeta at apostol? Paano nakatulong sa iyo ang kanilang mga turo na hindi “[madala] sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral”?

Tingnan din sa Mga Gawa 4:10–12.

Larawan
mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol

Tumatawag ang Panginoon ng mga propeta at apostol para pamunuan ang Kanyang Simbahan.

Mga Taga Efeso 5:21–6:4

Mapapatibay ko ang mga kaugnayan ko sa pamilya.

Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 5:21–6:4, ano ang mga naiisip mo kung paano patitibayin ang mga kaugnayan ninyo sa pamilya?

Mahalagang tandaan na ang mga salita ni Pablo sa Mga Taga Efeso 5:22 ay isinulat sa konteksto ng mga kaugalian ng lipunan sa kanyang panahon. Itinuturo ng mga propeta at apostol ngayon na ang mga lalaki ay hindi nakahihigit sa mga babae at na ang mga mag-asawa ay “may pantay na pananagutan” (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2017, 145). Gayon pa man, may makikita ka pa ring kaugnay na payo sa Mga Taga Efeso 5:23–33, lalo na kung ikaw ay may-asawa o naghahandang mag-asawa. Halimbawa, paano ipinapakita ni Cristo ang Kanyang pagmamahal sa mga Banal? Ano ang ipinahihiwatig nito kung paano dapat tratuhin ng mga lalaki ang kanilang asawa? Anong mga mensahe ang nakikita mo para sa iyong sarili sa mga talatang ito?

Mga Taga Efeso 6:10–18

Ang pagsusuot ng “buong kagayakan ng Dios” ang magpoprotekta sa akin laban sa kasamaan.

Habang binabasa mo ang Mga Taga Efeso 6:10–18, isipin kung bakit pinangalanan nang gayon ni Pablo ang bawat piraso ng kagayakan. Mula saan tayo poprotektahan ng “buong kagayakan ng Dios”? Ano ang magagawa mo para mas lubos na maisuot ang bawat piraso ng kagayakan araw-araw?

Tingnan din sa 2 Nephi 1:23; Doktrina at mga Tipan 27:15–18.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Habang binabasa ninyo ng pamilya mo ang mga banal na kasulatan, matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung anong mga alituntunin ang bibigyang-diin at tatalakayin upang matugunan ang mga pangangailangan ng inyong pamilya. Narito ang ilang mungkahi:

Mga Taga Efeso 1:10

Sa pamamagitan ng Pagpapanumbalik sa mga huling araw, titipunin ng Diyos ang lahat ng bagay sa isa, kabilang na ang lahat ng alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo. Para maipamalas ang ideyang ito, maaari kang magtago ng mga bagay o nakasulat na mga parirala sa paligid ng bahay ninyo na kumakatawan sa mga bagay na naipanumbalik sa ating panahon (katulad ng mga susi ng priesthood, mga ordenansa sa templo, mga banal na kasulatan, at mga espirituwal na kaloob). Maaari itong hanapin ng mga miyembro ng pamilya at “tipunin” ang mga ito. Bakit tayo nagpapasalamat na mabuhay sa “dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon”?

Mga Taga Efeso 2:4–10; 3:14–21

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga karanasan kung saan nadama nila ang pagmamahal at awa ng Diyos at ni Jesucristo na inilarawan sa mga talatang ito.

Mga Taga Efeso 2:12–19

Maaaring makatuwaan ng inyong pamilya na magtayo ng mga pader gamit ang mga unan o iba pang mga bagay na mayroon kayo sa bahay at pagkatapos ay gibain ang mga ito. Anong klaseng mga pader ang naghihiwalay sa mga tao ngayon? Paano “giniba [ni Jesucristo] ang pader na nasa gitna [natin]” at ng Diyos?

Mga Taga Efeso 6:10–18

Maaaring gumawa ang inyong pamilya ng sarili nilang “kagayakan ng Dios” gamit ang mga bagay sa bahay. Makakakita ang mga miyembro ng pamilya ng mga simpleng paliwanag tungkol sa iba’t ibang parte ng kagayakan sa “Ang Buong Baluti ng Diyos” (Liahona, Hunyo 2016, 70–71). Paano tayo espirituwal na pinoprotektahan ng bawat parte ng kagayakan? Ano ang magagawa natin para matulungan ang isa’t isa na “mangagbihis … ng buong kagayakan ng Dios” (Mga Taga Efeso 6:11) araw-araw?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hayaang gabayan ng Espiritu ang iyong pag-aaral. Maging sensitibo sa Espiritu habang ginagabayan ka Niya sa mga bagay na kailangan mong malaman bawat araw, kahit akayin ka nitong pag-aralan ang isang paksang hindi kasama sa orihinal na plano mo.

Larawan
lalaking nakasuot ng baluti sa panahon ng Bagong Tipan

Mapoprotektahan tayo sa espirituwal ng pagsusuot ng baluti ng Diyos.