Mga Kabataan
Tutulungan kayo ni Jesucristo


“Tutulungan kayo ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Pagpili (2022)

“Tutulungan kayo ni Jesucristo,” Para sa Lakas ng mga Kabataan

Larawan
Ipinintang larawan ni Jesucristo.

Tutulungan kayo ni Jesucristo

Mga Awit 147:3

Si Jesucristo ang inyong lakas. Ginawa na Niya ang lahat ng kailangan para magalak kayo sa buhay na ito at magpakailanman. Sa pagpili sa Kanya at sa Kanyang ebanghelyo, pinipili ninyo ang walang-hanggang kagalakan.

Larawan
Ipinintang larawan ng isang lalaki na hinahawakan ni Jesus ang nakapikit niyang mata.

Kahit sikapin ninyong gawin ang lahat ng inyong makakaya para makagawa ng mabubuting pagpili, kung minsa’y magkakamali kayo. Gagawin ninyo ang mga bagay na iisipin ninyong sana’y hindi ninyo nagawa. Ginagawa iyan ng lahat. Kapag nangyari iyan, madaling panghinaan-ng-loob o mag-isip kung magiging sapat ba ang kabutihan ninyo. Pero narito ang magandang balita—napakaganda at kaasam-asam na balita! Dahil mahal kayo ng Diyos, isinugo Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo na umako sa inyong mga kasalanan upang kayo ay makapagsisi at patuloy na umunlad.

Mga walang-hanggang katotohanan

Mapapalakas kayo ni Jesucristo. Matutulungan Niya kayong baguhin ang inyong mga hangarin, iniisip, at ginagawa. Kapag kayo ay nag-aalala, natatakot, o nahihirapan sa anumang paraan, papanatagin Niya kayo. Tutulungan Niya kayo sa lahat ng aspeto ng inyong buhay.

Ang pagsisisi ay hindi kaparusahan sa kasalanan; ito ang paraan na pinalalaya tayo ng Tagapagligtas mula sa kasalanan. Ang ibig sabihin ng magsisi ay magbago—tumalikod sa kasalanan at lumapit sa Diyos. Ang ibig sabihin nito ay magpakabuti at tumanggap ng kapatawaran. Ang ganitong uri ng pagbabago ay hindi minsanang pangyayari; ito ay patuloy na proseso.

Mga paanyaya

Magsisi. Lumapit sa Panginoon nang may hangaring magpakabuti. Kapag may nagawa kayong mali, tapat na aminin ito sa harap ng Diyos at, kung kailangan, sa inyong bishop at sa sinumang maaaring nasaktan ninyo. Gawin ang lahat ng inyong makakaya para itama ang mga bagay-bagay.

Magalak sa kaloob na magpakabuti at maging mas mabuti. Kahit hindi ito madali at mas matagal gawin kaysa gusto ninyo, huwag tumigil kailanman sa pagsisikap. Patuloy na magsikap at magtiwala sa Panginoon. Tutulungan kayo ng Tagapagligtas sa bawat hakbang.

Mga ipinangakong pagpapala

Patatawarin at pagagalingin kayo ni Jesucristo kapag kayo ay nagsisisi. Papalitan Niya ng kapayapaan at kagalakan ang inyong pagkakasala. Hindi na Niya maaalala pa ang inyong mga kasalanan. Sa Kanyang lakas, madaragdagan ang hangarin ninyong sundin ang Kanyang mga utos.

Babaguhin Niya ang inyong puso at buhay. Unti-unti, kayo ay lalago at magiging lalong katulad Niya. Ang inyong pakikipagtipan sa Kanya ay magbibigay sa inyo ng higit na pagtanggap sa Kanyang kapangyarihan.

Larawan
icon ng mga tanong at mga sagot

Mga Tanong at mga Sagot

Paano ko malalaman kung napatawad na ako ng Diyos? Nangangako ang Diyos na patatawarin Niya ang mga nagsisisi. Kapag nadarama mo ang kapanatagan mula sa Espiritu, malalaman mo na gumagana ang nagbabayad-salang kapangyarihan ng Tagapagligtas sa iyong buhay.

Kailan ko kailangan ang tulong ng bishop para makapagsisi? Nasa bishop mo ang mga susi ng priesthood at ang mga espirituwal na kaloob na tutulong sa iyong magsisi. Maaari kang humingi ng tulong at payo sa kanya anumang oras. Kung nakagawa ka ng mabibigat na pagkakamali, tulad ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri, kausapin ang bishop mo. Hindi ka niya huhusgahan. Siya ay isang kinatawan ni Jesucristo at tutulungan kang malaman kung paano lubos na magsisi at tanggapin ang nagpapagaling at nagpapalakas na kapangyarihan ng Tagapagligtas.

Sinisikap kong magsisi, pero paulit-ulit kong nagagawa ang pagkakamali. Ano ang dapat kong gawin ngayon? Kailangan ng panahon para magkaroon ng mabubuting gawi at maalis ang masasamang gawi, kaya huwag sumuko. Lumapit kay Cristo. Ang Kanyang biyaya ay sapat. Subukang muli. Hindi ka nag-iisa kailanman sa mga pagsisikap mong umunlad. Palagi mong kasama si Jesucristo.

Larawan
Ipinintang larawan ni Jesus na hawak si Pedro sa kamay sa gitna ng nagngangalit na mga alon.

Tingnan sa Enos 1:6 (maaaring mapawi ang pagkakasala); Mosias 4:3 (sa pamamagitan ng Espiritu Santo, ipinapaalam sa inyo ng Diyos na pinatatawad na kayo); 26:30 (nagpapatawad ang Tagapagligtas nang kasindalas ng ating pagsisisi); Eter 12:27 (ang biyaya ng Tagapagligtas ay maaaring gawing malakas ang mahihinang bagay); Moroni 6:8 (ang mga nagsisisi ay pinatatawad); 10:32 (maging sakdal kay Cristo); Doktrina at mga Tipan 1:32 (pinatatawad ng Panginoon ang mga nagsisisi); 58:42–43 (kasama sa pagsisisi ang pagtatapat at pagtalikod sa kasalanan).

Larawan
icon ng templo

Mga tanong para sa temple recommend

May pananampalataya at patotoo ka ba sa Diyos Amang Walang Hanggan; sa Kanyang Anak na si Jesucristo; at sa Espiritu Santo?

May patotoo ka ba sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa Kanyang papel na ginagampanan bilang iyong Tagapagligtas at Manunubos?