Resources para sa Pamilya
Aralin 12: Pagtuturo sa mga Anak sa Pamamagitan ng Halimbawa at Tagubilin


Aralin 12

Pagtuturo sa mga Anak sa Pamamagitan ng Halimbawa at Tagubilin

Mga Ideya para sa Pagsasagawa

Batay sa sarili ninyong mga pangangailangan at kalagayan, sundin ang isa o ang kapwa mga mungkahing ito.

  • Pag-isipan ang mga pangangailangan ng inyong mga anak o mga pangangailangan ng inyong mga apo, pamangkin, o ibang batang kilala ninyo. Magplano para sa mga pagkakataong maturuan ang mga batang ito sa pamamagitan ng inyong mga kilos at salita.

  • Repasuhin ang materyal sa pagtuturo sa mag-anak na matatagpuan sa Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin (36123 893), mga pahina 167–189, at sa Gabay na Aklat ng Mag-anak (31180 893), mga pahina 4–10. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang materyal na ito kasama ang inyong asawa.

Takdang Babasahin

Pag-aralan ang mga sumusunod na lathalain. Kung kayo ay may-asawa, basahin at talakayin ang mga lathalaing ito kasama ang inyong asawa.

Ang Pinakamalaking Hamon sa Mundo—Pagiging Mabuting Magulang

Elder James E. Faust
Ng Korum ng Labindalawang Apostol

Isang Banal na Katungkulan ang Pagiging Isang Magulang

Nadama kong dapat kong talakayin ang isang paksang napili kong tawaging bilang pinakamalaking hamon sa mundo. May kinalaman ito sa pribilehiyo at responsibilidad ng pagiging mabubuting magulang. Sa paksang ang mga opinyon ay kasing-dami ng bilang ng mga magulang, bagama’t may iilan na nagaangking nasa kanila ang lahat ng kasagutan. Siguradong hindi ako isa sa kanila.

Palagay ko ay mas maraming katangi-tanging kabataang lalaki at babae sa ating mga miyembro sa kasalukuyan kaysa sa alinmang panahon sa buong buhay ko. Nangangahulugan lamang ito na karamihan sa mabubuting kabataang ito ay galing sa mabubuting tahanan at may mapagmahal at mapagmalasakit na mga magulang. Gayunman, nadarama kahit ng matatapat na magulang na maaaring nakagawa sila ng mga pagkakamali. Minsan, nang may nagawa akong bagay na hindi ko pinag-isipan, naalala ko ang sarili kong ina na bumubulalas, “Saan ako nagkulang?”

Iniutos ng Panginoon, “Palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40). Para sa akin, wala nang iba pang mas mahalagang pagsisikap ng tao.

Hindi lamang isang malaking hamon ang pagiging ama o ina, ito ay isang banal na katungkulan. Isa itong pagsisikap na nangangailangan ng lubos na paglalaan. Sinabi ni Pangulong David O. McKay na ang pagiging mga magulang “ang pinakadakilang pagtitiwalang naibigay sa mga tao” (The Responsibility of Parents to Their Children [polyeto, walang petsa], 1).

Paglikha ng mga Matagumpay na Tahanan

Bagama’t may ilang hamong nakahihigit sa pagiging mabubuting magulang, iilang pagkakataon lamang ang naglalaan ng mas malaking potensyal para sa kagalakan. Tiyak na walang mas mahalagang gawaing kailangang gawin sa mundong ito maliban sa paghahanda sa ating mga anak na magkaroon ng takot sa Diyos, maging maligaya, marangal, at makabuluhan. Wala nang matatagpuang ibang mas nakapagdudulot ng kaligayahan sa mga magulang kaysa sa igalang sila at ang kanilang mga turo ng kanilang mga anak. Ito ang kaluwalhatian ng pagiging magulang. Pinatotohanan ni Juan, “Wala nang dakilang kagalakan sa ganang akin na gaya nito, na marinig na ang aking mga anak ay nagsisilakad sa katotohanan” (3 Juan 1:4). Sa aking opinyon, ang pagtuturo, pagpapalaki, at pagsasanay sa mga anak ay nangangailangan ng higit na talino, matalas na pang-unawa, pagpapakumbaba, lakas, karunungan, espirituwalidad, tiyaga, at pagsisikap kaysa sa anupamang hamon na dumarating sa ating buhay. Totoo ito lalo na kapag ang mga pundasyon ng dangal at kahinhinan ay naglalaho sa ating paligid. Upang magkaroon ng matagumpay na mga tahanan, kailangang maituro ang mga pahahalagahan, at kailangang magkaroon ng mga patakaran, pamantayan, at hangganan. Maraming lipunan ang nagbibigay sa mga magulang ng kakatiting na suporta sa pagtuturo at paggalang sa mga pahahalagahang moral. Ilang kultura ang nagiging halos walang halaga, at marami sa mga kabataan sa mga lipunang iyon ang pabagu-bago ang moralidad.

Samantalang ang mga lipunan sa kabuuan ay nabubulok at naglalaho ang kanilang moralidad at napakaraming tahanan ang nawawasak, ang pinakamalaking pag-asa ay pag-ukulan ng higit na pansin at pagsisikap ang pagtuturo sa susunod na henerasyon—ang ating mga anak. Upang magawa ito, kailangan muna nating palakasin ang mga pangunahing guro ng mga bata sa Primarya. Una sa mga ito ang mga magulang at iba pang miyembro ng mag-anak, at ang pinakamainam na kapaligiran ay dapat na sa tahanan. Kahit paano, sa anumang paraan, kailangan nating higit na pagsikapan na mas palakasin ang ating mga tahanan upang magsilbing kanlungan ang mga ito laban sa di kanais-nais at lumalaganap na paninira sa moralidad sa ating paligid. Ang pagkakaisa, kaligayahan, kapayapaan, at pagmamahalan sa tahanan ay makatutulong sa pagbibigay sa mga bata ng kinakailangang lakas ng kalooban upang mapagtagumpayan ang mga hamon sa buhay. Si Barbara Bush, asawa ni Pangulong George Bush [ng Estados Unidos], ay nagsabi sa mga nagtapos sa Wellesley College ilang buwan na ang nakararaan:

“Ngunit anumang panahon, anumang sandali, isang bagay ang hindi magbabago: Mga ama at ina, kung may mga anak kayo, kailangang unahin ninyo sila. Kailangan ninyong basahan ang inyong mga anak at yakapin at mahalin sila. Ang inyong tagumpay bilang isang mag-anak, ang ating tagumpay bilang isang lipunan, ay nakasalalay hindi sa kung ano ang nangyayari sa White House kundi sa kung ano ang nangyayari sa loob ng inyong pamamahay” (Washington Post, ika-2 ng Hunyo 1990, 2).

Para maging mabuting ama at ina kailangan ng mga magulang na ipagpaliban ang marami sa kanilang sariling mga pangangailangan at hangarin upang bigyang-daan ang mga pangangailangan ng kanilang mga anak. Bunga ng sakripisyong ito, ang matatapat na magulang ay nagkakaroon ng dangal ng pagkatao at natututong ipamuhay ang mga di-makasariling katotohanang itinuro ng Tagapagligtas Mismo.

Napakalaki ng paggalang ko sa mga nag-iisang magulang na nagpupunyagi at nagsasakripisyo, na nagsisikap sa kabila ng mga halos di-makayang labanan na paghihirap ng tao na panatilihing magkakasama ang mag-anak. Dapat silang parangalan at tulungan sa kanilang mga pagsisikap na tulad ng sa bayani. Subalit ang gawain ng sinumang ina o ama ay mas dadali kung saan may dalawang gumaganap na magulang sa tahanan. Kadalasan ay hinahamon at pinahihirapan ng mga anak ang lakas at karunungan ng mga magulang.

Gaano Kadalas Kayo Nagkakaroon ng Panalanging Pangmag-anak?

Ilang taon na ang nakararaan, kinapanayam ni Pangulong Spencer W. Kimball si Bishop Stanley Smoot. Itinanong ni Pangulong Kimball, “Gaano kadalas kayo nagkakaroon ng panalanging pangmag-anak?”

Sagot ni Bishop Smoot, “Sinisikap naming magkaroon ng panalanging pangmag-anak dalawang beses isang araw, ngunit karaniwan ay minsanan lamang.”

Sumagot si Pangulong Kimball, “Noong araw, ang pagkakaroon ng minsan sa isang araw na panalanging pangmag-anak ay pupuwede na. Ngunit sa hinaharap hindi ito sasapat kung nais nating iligtas ang ating mag-anak.”

Iniisip ko kung ang pagkakaroon ng di-seryoso at madalang na gabing pantahanan ng mag-anak ay sasapat sa hinaharap upang bigyan ang ating mga anak ng sapat na kalakasang moral. Sa hinaharap, maaaring hindi maging sapat ang madalang na pangmag-anak na pag-aaral ng banal na kasulatan upang bigyang-lakas ang ating mga anak ng kalinisang kinakailangan upang mapaglabanan ang nabubulok na moralidad ng kapaligirang kanilang tinitirhan. Saang bahagi ng mundo matututuhan ng mga bata ang kalinisang-puri, paninindigan, katapatan, at pagiging disente ng tao kung hindi sa tahanan? Ang mga pagpapahalagang ito, mangyari pa, ay mapalalakas sa simbahan, ngunit mas palagian o tumatagal ang pagtuturo ng magulang.

Kailangang Magpakita ng Halimbawa ang mga Magulang

Kapag tinatangka ng mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na umiwas sa panganib, hindi dapat sumagot ang mga magulang sa kanilang mga anak na, “Mas marami kaming karanasan at mas matalino kami sa mga pamamaraan ng mundo, at mas kaya naming sumuong sa panganib kaysa sa inyo.” Nang dahil sa pagkukunwari ng mga magulang ay maaaring mapamintas at walang paniniwala ang mga anak sa mga itinuro sa kanila sa tahanan. Halimbawa, kapag nanonood ang mga magulang ng mga pelikulang ipinagbabawal nilang panoorin ng kanilang mga anak, nababawasan ang paniniwala nila sa mga magulang. Kung inaasahang maging tapat ang mga anak, kailangang maging tapat din ang mga magulang. Kung inaasahang maging mabait ang mga anak, kailangan ding maging mabait ang mga magulang. Kung inaasahan ninyong maging marangal ang inyong mga anak, kailangan ninyong maging marangal.

Kabilang sa iba pang pinahahalagahan na kailangang ituro sa mga bata ng paggalang sa iba, simula sa sariling mga magulang at mag-anak ng bata; paggalang sa mga simbolo ng pananampalataya at makabayang paniniwala ng iba; paggalang sa batas at kaayusan; paggalang sa pag-aari ng iba; paggalang sa awtoridad. Ipinaalala sa atin ni Pablo na ang mga anak ay dapat “magsipagaral ang mga ito muna ng pamamahalang may kabanalan sa kanilang sariling sangbahayan” (I Kay Timoteo 5:4).

Pagdidisiplina sa mga Bata

Isa sa pinakamahihirap na hamon sa mga magulang ay ang wastong pagdidisiplina sa mga anak. Iba-iba ang pagpapalaki sa anak. Bawat anak ay iba at kakaiba. Ang pupuwede sa isa ay maaaring hindi pumuwede sa isa pa. Hindi ko alam kung sino ang sapat ang karunungan upang masabi kung anong klaseng disiplina ang napakarahas o kung ano ang napakaluwag maliban sa mga magulang ng mga bata mismo, na nagmamahal sa kanila nang labis. Nasa mapanalanging pag-unawa ito ng mga magulang. Tunay ngang ang pinakamahalaga at pangunahing alituntunin ay na ang pagdidisiplina sa mga anak ay kailangang higit na dahil sa pagmamahal kaysa sa pagpaparusa. Ipinayo ni Brigham Young na, “”Kung inatasan kayong parusahan ang isang tao, huwag na huwag magparusa nang higit sa pamahid na nasasainyo upang magbenda” (Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe [1954], 278). Ang patnubay at disiplina, gayunpaman, ay siguradong isang kailangang-kailangang bahagi ng pagpapalaki ng bata. Kung hindi didisiplinahin ng mga magulang ang kanilang mga anak, ang publiko ang didisiplina sa kanila sa paraang hindi magugustuhan ng mga magulang. Kung walang disiplina, hindi igagalang ng mga bata ang mga patakaran ng tahanan o ng lipunan.

Ang pangunahing layunin ng pagdidisiplina ay ituro ang pagkamasunurin. Sinabi ni Pangulong David O. McKay: “Ang mga magulang na nagkukulang sa pagtuturo ng pagkamasunurin sa kanilang mga anak, kung sa [kanilang] mga tahanan ay hindi magkakaroon ng pagsunod ipag-uutos ito ng lipunan at makakamit ito. Kung gayon ay mas makabubuting ang tahanan, taglay ang kabaitan, awa at pag-unawa, ang magturo sa bata ng pagkamasunurin sa halip na walang-pakundangan siyang iwanan sa malupit at walang-awang disiplinang ipinagpipilitan ng lipunan kung hindi pa isinasakatuparan ng tahanan ang obligasyon nito” (The Responsibility of Parents to Their Children, 3).

Pagtuturo sa mga Bata na Magtrabaho

Ang mahalagang bahagi ng pagtuturo sa mga bata na maging disiplinado at responsable ay ang turuan silang magtrabaho. Habang lumalaki tayo, marami sa atin ang gaya ng taong nagsabing, “Gusto kong magtrabaho; natutuwa ako rito. Makauupo ako at mapagmamasdan ito nang maraming oras” (Jerome Klapka Jerome, in The International Dictionary of Thoughts, tinipon ni John P. Bradley, Leo F. Daniels, at Thomas C. Jones [1969], 782). Muli, ang pinakamahuhusay na guro ng alituntunin ng pagtatrabaho ay ang mga magulang mismo. Para sa akin, naging kagalakan ang pagtatrabaho nang una akong magtrabaho kasama ang aking ama, lolo, mga tiyo, at mga kapatid na lalaki. Sigurado akong mas madalas na naging panggulo ako sa halip na makatulong, pero matamis ang mga alaala at mahalaga ang mga leksyong natutuhan. Kailangang matuto ang mga bata ng responsibilidad at kasarinlan. Personal bang nag-uukol ng oras ang mga magulang, tulad ng itinuro ni Lehi, upang magpakita at magpamalas at magpaliwanag para ang mga bata ay, “kumikilos para sa kanilang sarili at hindi pinakikilos”? (2 Nephi 2:26).

Si Luther Burbank, isa sa mga pinakadakilang hortikultor, ay nagsabing, “Kung hindi natin pinagukulan ng pansin ang ating mga halaman gaya ng ginawa natin sa ating mga anak, mamumuhay tayo ngayon sa isang masukal na gubat” (sa Elbert Hubbard’s Scrap Book [1923], 227).

Mga Espesyal na Hamon sa mga Magulang

Ang mga bata ay makikinabang din sa kalayaang moral tulad ng kung paano tayo nabibigyan ng pagkakataong umunlad. Ang kalayaang iyon ay nagpapahintulot din sa mga bata na ipagpatuloy ang kahaliling pipiliing maging makasarili, mag-aksaya, palayawin ang sarili, at sirain ang sarili. Kadalasang ipinahahayag ng mga bata ang kalayaang ito sa kanilang kabataan.

Hayaan ang mga magulang na malinis ang budhi, mapagmahal, at mapag-alala at ipinamumuhay ang mga alituntunin ng katwiran sa pinakamainam na paraan na maginhawahan sa pagkaalam na sila ay mabubuting magulang sa kabila ng mga kilos ng ilan sa kanilang mga anak. Ang mga bata mismo ay may responsibilidad na makinig, sumunod, at, dahil sila ay naturuan, na matuto. Hindi laging mananagot ang mga magulang sa lahat ng katiwalian ng kanilang mga anak dahil hindi nila matitiyak ang magandang pag-uugali ng mga bata. Ilang bata ang maaaring magpahirap maging sa karunungan ni Solomon at sa pagtitiis ni Job.

Kadalasan ay may espesyal na hamon sa mga magulang na mayayaman o sobrang magpalayaw. Sa isang banda, ang ilang batang nasa gayong kalagayan ay binibihag ang kanilang mga magulang sa pamamagitan ng hindi pagsunod sa mga patakaran ng mga magulang maliban kung kukunsintihin ng mga magulang ang mga kagustuhan ng mga bata. Sinabi ni Elder Neal A. Maxwell na, “Ang mga yaong sobrang magpalayaw sa kanilang mga anak ay masusumpungan na hindi na nila masasawata pa ang kanilang mga anak. Napakaraming bata ang sobra sa layaw na halos sirang-sira na sila” (sa Conference Report, Abr. 1975, 150; o Ensign, Mayo 1975, 101). Mukhang likas sa tao ang hindi natin lubos na pagpapahalaga sa mga materyal na bagay na atin mismong natamo

May katawa-tawa sa katotohanang ang ilang mga magulang ay nababahala nang husto para sa kanilang mga anak na tanggapin o maging popular sa kanilang mga kabarkada; subalit ito ring mga magulang na ito ay natatakot na baka gumagawa ang kanilang mga anak ng mga bagay na ginagawa ng kanilang mga kabarkada.

Pagtulong sa mga Bata na Isaloob ang mga Pagpapahalaga

Kadalasan, ang mga batang nagpapasiya at nagtitikang umiwas sa mga droga, alak, at bawal na pakikipagtalik ay ang mga yaong ginamit at isinaloob ang mga matatag na pagpapahalaga ng kanilang tahanan gaya ng ipinamuhay ng kanilang mga magulang. Sa mga oras ng mahihirap na pagpapasiya mas malamang na sundin nila ang mga turo ng kanilang mga magulang kaysa sa halimbawa ng kanilang mga kabarkada o mga panlilinlang ng media na pinagaganda ang paglalasing, bawal na pakikipagtalik, pangangalunya, pagsisinungaling, at iba pang bisyo. Kagaya sila ng dalawang libong kabataang lalaki ni Helaman na “tinuruan ng kanilang mga ina, na kung hindi sila magaalinlangan, sila ay ililigtas ng Diyos” mula sa kamatayan (Alma 56:47). “At inilahad nila…ang mga salita ng kanilang ina, nagsasabing: Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina” (Alma 56:48).

Ang tila tumutulong na patibayin sa kinalalagyan ang mga turo at pagpapahalaga ng mga magulang sa mga buhay ng mga bata ay ang matibay na paniniwala sa Diyos. Kapag naging bahagi ng kaibuturan ng kanilang mga kaluluwa ang paniniwalang ito, mayroon silang lakas ng loob. Kaya nga, sa lahat ng mahahalagang dapat ituturo, ano ang dapat ituro ng mga magulang? Sinasabi sa atin ng mga banal na kasulatan na dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak ng “pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo,” at “ang doktrina ng pagsisisi” (D at T 68:25). Kailangang maituro sa tahanan ang mga katotohanang ito. Hindi maituturo ang mga ito sa mga pampublikong paaralan, ni maitataguyod ang mga ito ng pamahalaan o ng lipunan. Mangyari pa, makatutulong ang mga programa ng Simbahan, ngunit ang pinakamabisang pagtuturo ay nagaganap sa tahanan.

Isang Libong Sinulid ng Pagmamahal

Ang mga sandali ng pagtuturo ng magulang ay hindi kailangang maging malaki o madula o makapangyarihan. Natututuhan natin ito mula sa Guro. Sinabi ni Charles Henry Parkhurst na:

“Ang kumpletong kagandahan ng buhay ni Cristo ay iyon lamang dagdag na kagandahan ng maliliit at di-mapupunang magagandang gawain—pakikipagusap sa babae sa balon; …pagpapakita sa batang pinuno ng lihim na ambisyong nakatago sa kanyang puso na hindi nagpahintulot sa kanya na makapasok sa kaharian ng Langit; …pagtuturo sa isang maliit na pangkat ng mga tagasunod kung paano manalangin; …pagpapaningas ng apoy at pag-iihaw ng isda upang magkaroon ang mga disipulo ng almusal na naghihintay sa kanila pagdaong sa dalampasigan mula sa isang gabing pangingisda, na giniginaw, pagod, at bigo. Ang lahat ng ito, alam ninyo, ay madaling nagpapaunawa sa atin ng tunay na uri at himig ng mga interes [ni Cristo], na napakatiyak, napakakitid, napakahamak, napakaliit” (“Kindness and Love,” sa Leaves of Gold [1938], 177).

At ganoon ang pagiging magulang. Ang maliliit na bagay ang siyang malalaking bagay sa tapiserya ng mag-anak na tinahi ng isang libong sinulid ng pagmamahal, pananampalataya, disiplina, sakripisyo, pagtitiyaga, at pagtatrabaho.

Mga Anak ng Tipan

May ilang dakilang espirituwal na pangako na maaaring makatulong sa mga tapat na magulang sa Simbahang ito. Maaaring napagkalooban na ng mga banal na pangako ang mga anak ng walang hanggang pagbubuklod na ibinigay sa kanilang magigiting na ninuno na marangal na tumupad sa kanilang mga tipan. Ang mga tipang inalala ng mga magulang ay aalalahanin ng Diyos. Kung gayon ay maaaring makinabang at magmana ang mga anak ng mga dakilang tipan at pangakong ito. Ito ay dahil sa sila ay mga anak ng tipan (tingnan sa Orson F. Whitney, in Conference Report, Abr. 1929, 110–11).

Pagpalain ng Diyos ang nagpupunyagi, nagsasakripisyong mararangal na magulang sa daigdig na ito. Nawa ay igalang Niya ang mga tipan na tinupad ng matatapat na magulang sa ating mga miyembro at bantayan ang mga anak ng tipan.

Mula sa talumpati ni Elder Faust sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Oktubre 1990 (tingnan sa Conference Report, Okt. 1990, 39–43; o Ensign, Nob. 1990, 32–35).

Isang Lamesang Napalilibutan ng Pagmamahal

Elder LeGrand R. Curtis
Ng Pitumpu

Napakarami nang naisulat tungkol sa kahalagahan ng tahanan. Sinabi sa atin ni Elder Marion G. Romney na “sa puso ng nakamamatay na karamdaman ng lipunan ay ang kawalang-katatagan ng mag-anak.”1 Kinikilala namin na ang ilang tahanan ay malalaki, masagana, maging maluho. Ang iba ay napakaliit at hamak, na may kaunting kasangkapan. Subalit bawat isang “tahanan ay maaaring maging isang langit sa lupa kapag puno tayo ng pagmamahal, …kung saan natin nais mapunta,” gaya ng ipinaalala sa atin ng isa sa ating mga pinakamamahal na himno.2

Isa sa mas mahahalagang kasangkapang matatagpuan sa karamihan sa mga tahanan ay ang lamesang pangkusina. Maaari itong maging maliit, maaari itong maging malaki, o isang klase ng maliit na despatso na halos walang paglagyan ng pagkain at mga kagamitan. Ang pangunahing gamit nito ay mukhang para maging isang lugar para makatanggap ng pagkain ang iba’t ibang miyembro ng mag-anak.

Sa natatanging okasyong ito ang nais ko ay maihatid sa inyong pansin ang mas malalim, mas mahalagang gamit ng lamesang pangkusina, kung saan makatatanggap tayo ng higit pa sa pagkain para sa kapakanan ng ating katawan.

Mga Talakayan tungkol sa Ebanghelyo sa paligid ng Lamesa

Karaniwan ay may dalawa o mahigit pang miyembro ang isang mag-anak na may iba’t ibang gulang, ngunit kailangang magkita-kita ang maganak—hangga’t maaari ay hindi lamang para kumain kundi manalangin, mag-usap-usap, makipag-ugnayan, makinig, at sama-samang umunlad. Malinaw na ipinahayag ito ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

“Ang aking samo—at sana ay mas mabisa kong maiparating ito—ay isang samo para iligtas ang mga bata. Napakarami sa kanila ang humahayo nang may sakit at takot; sa kalungkutan at kawalang-pag-asa. Kailangan ng mga bata ng sikat ng araw. Kailangan nila ng kaligayahan. Kailangan nila ng pagmamahal at pangangalaga. Kailangan nila ng kabaitan at kasariwaan at pagsuyo. Bawat tahanan, anuman ang halaga ng bahay, ay makapaglalaan ng isang kapaligiran ng pagmamahalan na magiging isang kapaligiran ng kaligtasan.”3

Karamihan sa mga miyembro ng mag-anak ay napaiilalim sa maraming puwersa ng mundo sa labas ng tahanan, gayundin sa makapangyarihang impluwensiya ng radyo, telebisyon, mga videotape, at marami pang ibang bagay na ipinapasok natin sa ating mga tahanan.

Ilarawan ang isang mag-anak na nagtitipun-tipon sa paligid ng isang lamesa, marahil ay sa lamesang pangkusina, na nag-uusap-usap tungkol sa ebanghelyo, sa mga pulong sakramento, sa bagong Ensign o New Era, sa paaralan kasama ang lahat ng samot-sari nito, sa pangkalahatang komperensiya, sa mga aralin sa Panlinggong Paaralan, nakikinig sa magandang musika, nag-uusap-usap tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang mga turo. Maaari pang pahabain ang listahan. Makabubuting tiyakin hindi lamang ng mga magulang kundi lahat ng miyembro ng mag-anak na bawat taong naroroon ay may pagkakataong magsalita at sapat na oportunidad na makilahok.

Panalanging Pangmag-anak sa Paligid ng Lamesa

Isipin ang potensyal ng isang mag-anak na nakaluhod sa paligid ng isang lamesa (nang walang telebisyon), nananalangin, sumasamo para sa tulong, nagpapasalamat sa Ama para sa mga pagpapala—na itinuturo sa lahat ng edad ang kahalagahan ng isang mapagmahal na Ama sa Langit. Ang panalanging pangmag-anak kasama ang mga musmos na magsisilakihan ay mananalangin balang-araw kasama ang kani-kanilang mag-anak.

Malinaw na ipinahayag ito ni Elder Thomas S. Monson:

“Itinagubilin ng Panginoon na magkaroon tayo ng panalanging pangmag-anak nang sabihin niyang: ‘Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain.’ (3 Nephi 18:21.)

“Samahan kaya ninyo ako habang tinitingnan natin ang isang tipikal na mag-anak na Banal sa mga Huling Araw na nag-aalay ng mga panalangin sa Panginoon? Ang ama, ina, at bawat isa sa mga anak ay lumuluhod, tumutungo, at ipinipikit ang kanilang mga mata. Isang matamis na diwa ng pagmamahalan, pagkakaisa, at kapayapaan ang pumupuno sa tahanan. Habang pinakikinggan ng [isang] ama ang pagdarasal ng kanyang musmos na anak na lalaki sa Diyos na gawin ng tatay niya ang mga wastong bagay at maging masunurin sa mga utos ng Panginoon, sa palagay ba ninyo ay mahihirapan ang gayong ama na igalang ang panalangin ng kanyang pinakamamahal na anak? Habang pinakikinggan ng isang dalagita ang kanyang mabait na ina na sumasamo sa Panginoon na mabigyang-inspirasyon ang kanyang anak sa pagpili ng kanyang mga kasama, na ihahanda niya ang kanyang sarili para sa kasal sa templo, hindi ba kayo naniniwala na ang gayong anak ay maghahangad na igalang ang mapagpakumbaba, nagsusumamong hiling ng kanyang ina, na mahal na mahal niya? Kapag ang ama, ina, at bawat isa sa mga anak ay taimtim na nananalangin na ang mabubuting anak na lalaki sa mag-anak ay mamuhay nang marapat upang pagdating ng tamang panahon ay matawag na maglingkod bilang mga kinatawan ng Panginoon sa mga misyon ng Simbahan, hindi ba natin nakikita kung paano lumalaki ang gayong mga anak na lalaki sa pagkabinata nang may napakalaking paghahangad na maglingkod bilang mga misyonero?”4

Gaya ng sinabi ng marami, “Paano ninyo naaatim na palabasin ang inyong mga magulang at inyong mga anak sa mundo bawat araw nang hindi nagsasama-sama at nakikipag-usap sa Panginoon?” Susuriin ng matatalinong magulang ang kanilang mga iskedyul at plano nang isang beses man lang araw-araw upang tipunin ang mag-anak para sa mga pagpapala ng panalangin. Di maglalaon, matututo ang mga miyembrong kabataan kung paano maghahalinhinan at matututuhan ang mga pagpapahalagang matatagpuan sa panalanging pangmag-anak.

Gawing Isang Masayang Lugar ang Tahanan

Naipahayag ko na noon na “ang tahanan ay dapat maging isang masayang lugar dahil lahat ay nagsisikap upang manatili itong gayon. Sinasabi na ang kaligayahan ay gawang-bahay, at dapat tayong magsikap na pasayahin at gawing kanais-nais na lugar para sa atin at sa ating mga anak ang ating mga tahanan. Ang isang masayang tahanan ay isang nakasentro sa mga turo ng ebanghelyo. Nangangailangan ito ng palagian, maingat na pagsisikap ng lahat ng nasasangkot.”5

Ang isang abalang tinedyer sa isang medyo malaking mag-anak ay nagreklamo tungkol sa oras na ginugugol ng mag-anak sa pagdarasal. Habang nagdarasal ang matalinong ina nang sumunod na araw, sadya niyang hindi isinama ang kabataang iyon sa pagdarasal. Sa pagwawakas ng panalangin, sinabi ng abalang anak, “Inay, hindi ninyo ako isinama sa pagdarasal!” Ipinaliwanag ng mapagmahal na ina na tumutugon lamang siya sa reklamo ng kabataang iyon. Nagreklamo ang abalang anak, “Isali ninyo ako.”

Pag-aaral ng Banal na Kasulatan sa Paligid ng Lamesa

Ilarawan ang isang mag-anak sa paligid ng lamesa na may nakabuklat na mga banal na kasulatan, at tinatalakay ang maraming katotohanan at mga araling pag-aaralan. Tunay na ito ay isang lamesang naliligiran ng pagmamahalan!

Umaayon ang mga guro na kailangan ng mga bata na magbasa nang mas madalas sa labas ng paaralan. Mapagpapala natin ang ating mga anak sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama sila araw-araw—sa lamesang pangkusina.

Ang pagkakaroon ng oras na nagkikita-kita ang mag-anak sa lamesang pangkusina ay maaaring mangailangan ng malaking pagbabago at maingat na pagpaplano, ngunit ano ang higit na mahalaga sa pagkakaisa ng mag-anak, sa espirituwal na pag-unlad ng mag-anak, sa pagtatayo ng mga tulay sa pagitan ng mga miyembro ng isang mag-anak habang sila ay naguusap-usap, nakikinig, at tumutugon, na naliligiran ng pagmamahalan? Ang pangunahin nating tagumpay ay ang pagsisikap—nang paulit-ulit.

Patibayin ang mga Bigkis ng Mag-anak

Maraming puwersa sa mundo ngayon na naghahangad paghiwa-hiwalayin ang mag-anak at ang tahanan. Magsusumikap ang matatalinong magulang upang patibayin ang mga bigkis ng maganak, pag-ibayuhin ang espirituwalidad sa tahanan, at tumuon kay Jesucristo at gawain sa templo. Sinabi sa atin ni Pangulong Howard W. Hunter:

“Idinadalangin ko na ituring natin ang isa’t isa nang may higit na kabaitan, higit na paggalang, at higit na pagpapakumbaba at pagtitiis at pagpapatawad… .

“Ikalawa, at sa gayunding diwa, inaanyayahan ko rin ang mga miyembro ng Simbahan na itatag ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng kanilang pagkamiyembro at ang panlangit na tagpo para sa kanilang mga pinakasagradong tipan. Magiging pinakamarubdob na pagnanais ng aking puso na maging marapat sa templo ang bawat miyembro ng Simbahan.”6

Ang tagubiling ibinigay ni Pangulong Hunter ay maaaring dagdagan nang husto ng anumang mangyayari sa paligid ng lamesang pangkusina.

Sa ating mga tahanan dapat tayong magsanay kung paano pakikitunguhan ang iba. Gaya ng mahusay na pagkakasabi ni Goethe, “Kung pakikitunguhan ninyo [ang isang tao] nang ayon sa kung sino siya mananatili siyang gayon, ngunit kung pakikitunguhan ninyo siya na parang katulad ng…maaari [at nararapat siyang maging], magiging katulad siya [ng dapat niyang maging].”7

Gawing mga Lugar ng Pagsamba ang mga Tahanan

Ipinahayag ni Elder Boyd K. Packer na: “Ang maipasok sa tahanan ang ilan sa mga bagay ng langit ay ang masiguro na mauuwi ang mga miyembro ng mag-anak sa pakikilahok sa simbahan. Ang gabing pantahanan ng mag-anak, mangyari pa, ay sadyang ginawa para dito—isang pagkikita-kita sa tahanan na maoorganisa upang maiakma sa pangangailangan ng bawat isa; at katulad lamang ito ng isang pulong sa simbahan, o maaari, gaya ng mga idinadaos sa kapilya.”8

Ang payong ito ay sumasang-ayon din sa sinabi sa atin ni Elder Dean L. Larsen na: “Ang mga gusali ng ating simbahan ay hindi lamang mga lugar kung saan tayo sumasamba. Dapat ding maging mga lugar ng pagsamba ang ating mga tahanan. Makabubuti kung bawat araw ay ‘makauuwi tayo sa simbahan.’ Walang ibang lugar dapat kung saan ang Espiritu ng Panginoon ay mas tatanggapin at mas madaling matatamo kaysa sa sarili nating mga tahanan.”9

Sa pagsisikap nating maisakatuparan ang lahat ng ito sa ating mga tahanan, makabubuti sa atin na tandaan ang mahalagang pahayag ni Pangulong Harold B. Lee na: “Tandaan na ang pinakamahalaga sa gawain ng Panginoon na gagawin mo [at ko] ay…sa loob ng mga dingding ng [ating] sariling tahanan.”10

Ang samo ko ngayon ay maingat na pagmasdan ng bawat isa sa atin ang ating mga tahanan at ang lamesang pangkusina at patuloy na magsumikap na dalhin ang langit sa loob ng ating mga tahanan at lumapit kay Jesucristo.

Mula sa talumpati ni Elder Curtis sa pangkalahatang komperensiya ng Simbahan noong Abril 1995 (tingnan sa Conference Report, Abr. 1995, 109–11; o Ensign, Mayo 1995, 82–83).

Mga Tala

  1. “Scriptures As They Relate to Family Stability,” Ensign, Feb. 1972, 57.

  2. “Home Can Be a Heaven on Earth,” Hymns, no. 298.

  3. Sa Conference Report, Okt. 1994, 74–75; or Ensign, Nob. 1994, 54.

  4. Pathways to Perfection (1973), 26–27.

  5. Sa Conference Report, Okt. 1990, 13; o Ensign, Nob. 1990, 12.

  6. Sa “President Howard W. Hunter: Fourteenth President of the Church,” Ensign, Hulyo 1994, 4–5.

  7. In Vital Quotations (1968), ni Emerson Roy West, 171.

  8. “Begin Where You Are—At Home,Ensign, Peb. 1972, 71.

  9. Sa Conference Report, Okt. 1989, 78; o Ensign, Nob. 1989, 63.

  10. Strengthening the Home (pamphlet, 1973), 7.