Mga Seminary at Institute
Para sa mga Lider—Pagtulong sa mga Guro na Magtagumpay


“Para sa mga Lider—Pagtulong sa mga Guro na Magtagumpay,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas: Para sa Lahat ng Nagtuturo sa Tahanan at sa Simbahan (2022)

“Para sa mga Lider—Pagtulong sa mga Guro na Magtagumpay,” Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas

Larawan
klase ng Sunday school

Para sa mga Lider—Pagtulong sa mga Guro na Magtagumpay

Kausapin nang Paisa-isa

Kadalasan ang pinakamainam na paraan para matugunan ang magkakaibang pangangailangan ng mga guro ay ang kausapin sila nang paisa-isa. Halimbawa, bilang lider, maaari mong kausapin sandali ang isang guro bago o pagkatapos ng klase para talakayin ang mga alituntunin ng Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas. Makapaghahanda ka para sa talakayang ito sa pamamagitan ng pag-oobserba sa pagtuturo ng guro. Sikaping mas maunawaan ang mga kalakasan ng guro at alamin kung paano mo siya matutulungan.

Ang pagpapahusay sa mga kalakasan ng isang guro ay kasinghalaga ng pagtukoy sa mga oportunidad na umulad. Makatutulong na simulan ang pakikipagtalakayan sa mga guro sa pagsasabi sa kanila na isipin kung ano ang mahusay na nagagawa nila at kung saan pa sila maaaring umunlad.

Kapag nakikipagpulong ka sa mga guro, mag-isip ng mga paraan para mapalakas sila at hikayatin sila nang may kabaitan at pasasalamat para sa paglilingkod na ibinibigay nila.

Mga Teacher Council Meeting

Ang bawat ward ay dapat magdaos ng teacher council meeting kada tatlong buwan kung saan maaaring magsanggunian ang mga guro tungkol sa mga alituntunin ng pagtuturong katulad ng kay Cristo. Ang teacher council meeting ay maaari ding idaos para sa mga magulang (tingnan sa Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 13.5, SimbahanniJesucristo.org).

Kailan Dapat Idaos ang mga Miting na Ito?

Ang teacher council meeting ay idinaraos kasabay ng 50-minutong klase sa araw ng Linggo.

  • Ang mga guro sa Priesthood, Relief Society, at Young Women ay maaaring dumalo sa unang Linggo o kaya’y sa ikatlong Linggo, ayon sa pasiya ng mga lokal na lider.

  • Ang mga guro sa Sunday School ay maaaring dumalo sa ikalawang Linggo o kaya’y sa ikaapat na Linggo, ayon sa pasiya ng mga lokal na lider.

  • Ang mga guro sa Primary ay maaaring dumalo anumang araw ng Linggo, ayon sa pasiya ng mga Primary at Sunday School presidency ng ward. Kung nais, ang mga guro sa Primary ay maaaring magmiting nang hiwalay sa iba pang mga guro upang magsanggunian tungkol sa kakaibang aspeto ng pagtuturo sa mga bata. Maaaring idaos ito kasabay ng 20-minutong oras ng pag-awit, bago o pagkatapos ng regular na mga miting sa araw ng Linggo, o sa ibang araw ng linggo. Mahigit sa isang teacher council meeting ang maaaring idaos kada tatlong buwan para sa mga guro ng Primary upang madaluhan nilang lahat ang mga klase sa Primary sa kaparehong linggo. (Paalala: Kung kinakailangan, ang Primary presidency ay magtatalaga ng mga substitute teacher, pagsasamahin ang mga klase, o gagawa ng iba pang pagsasaayos para makadalo ang mga guro ng Primary sa mga teacher council meeting.)

  • Ang mga teacher council meeting para sa mga magulang ay maaaring idaos anumang araw ng Linggo, ayon sa pasiya ng ward council.

Sino ang Dapat Dumalo?

Dapat dumalo ang lahat ng nagtuturo sa korum o klase sa ward, kasama ang kahit isang priesthood o organization leader na may responsibilidad sa mga korum o klase na iyon. Kung kailangan, maaaring igrupu-grupo ang mga participant ayon sa mga pangangailangan ng mga tinuturuan nila. Halimbawa, maaaring makatulong sa mga guro ng mga kabataan o mga bata na hiwalay ang miting nila upang matalakay ang mga isyung partikular sa pagtuturo sa mga kabataan o mga bata.

Para sa mga teacher council meeting para sa mga magulang, ang ward council ang nagpapasiya kung mag-aanyaya ng partikular na mga magulang o padadaluhin ang lahat ng gustong makibahagi.

Sino ang Namumuno sa mga Miting na Ito?

Ang ward council, sa tulong ng Sunday School presidency, ang siyang namumuno sa mga teacher council meeting. Nagsasanggunian sila tungkol sa mga pangangailangan ng mga guro at mga mag-aaral batay sa naobserbahan nila sa mga klase at miting. Nagtutulungan sila upang malaman kung aling mga alituntunin at gawain mula sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas ang pinakamainam na tutugon sa mga pangangailangang natukoy nila.

Karaniwan, ang Sunday School president ang namumuno sa mga teacher council meeting. Gayunman, maaaring atasan ang iba pang mga miyembro ng ward na mamuno sa mga miting paminsan-minsan. Pinagtitibay ng mga quorum at organization presidency sa kanilang mga guro ang mga alituntunin at gawain na tinalakay sa miting.

Ano ang Dapat na Nangyayari sa Teacher Council Meeting?

Dapat sundin ng teacher council meeting ang pormat na ito:

  • Magbahaginan at magsanggunian. Anyayahan ang mga guro na magbahagi ng huling mga karanasan nila sa pagtuturo, magtanong na may kaugnayan sa pagtuturo, at magbahagi ng mga ideya para madaig ang mga hamon. Maaaring isama sa bahaging ito ng miting ang pagrerebyu ng mga alituntuning tinalakay sa nakaraang mga miting.

  • Magkasamang matuto. Ipatalakay sa mga guro ang isa sa mga sumusunod na alituntunin na inilahad sa resource na ito: magtuon kay Jesucristo, mahalin ang mga tinuturuan mo, magturo sa pamamagitan ng Espiritu, ituro ang doktrina, at maghikayat ng masigasig na pag-aaral. Ang mga alituntunin ay maaaring talakayin nang hindi sunud-sunod, at maliban kung sabihin ng ward council, maaaring piliing talakayin ng mga participant sa miting ang susunod na alituntunin. Maaari kang gumugol ng mahigit sa isang miting tungkol sa isang alituntunin kung kinakailangan.

  • Magplano at mag-anyaya. Tulungan ang mga guro na magplano kung paano nila ipamumuhay ang alituntuning tinalakay nila. Kung naaangkop, maaari din kayong sama-samang magpraktis ng isang kasanayang tinalakay ninyo. Anyayahan sila na isulat at gawin ang anumang impresyong natanggap nila tungkol sa kung paano iaangkop ang alituntunin sa kanilang pagtuturo—pati na sa kanilang mga pagsisikap na magturo sa kanilang tahanan. Hikayatin sila na simulang pag-aralan ang susunod na alituntuning tatalakayin.

Hangga’t maaari, dapat ipakita sa mga teacher council meeting kung paano isinasagawa ang mga alituntuning tinatalakay.

Larawan
dalawang babaeng magkayakap

Ang teacher council meeting ay makatutulong sa mga guro na mas maunawaan at maipamuhay ang mga alituntunin ng pagtuturo na tulad ng kay Cristo.

Pagpapaliwanag ng Tungkulin sa mga Bagong Tawag na Guro

Bilang lider, responsibilidad mong “makipagkita sa bagong tawag na mga guro” sa iyong organisasyon at “tulungan sila na maghanda para sa kanilang mga calling” (Pangkalahatang Hanbuk, 17.3, SimbahanniJesucristo.org). Ang mga miting na ito ay isang oportunidad para ipaliwanag sa mga bagong guro ang kanilang sagradong tungkulin at mainspirasyunan at malaman nila ang kahulugan ng magturo sa paraan ng Tagapagligtas. Bilang lider, matutulungan mo ang mga bagong guro na maghandang maglingkod sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:

  • Ipahayag ang pagtitiwala mo na tutulungan sila ng Tagapagligtas sa kanilang tungkulin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:78).

  • Bigyan ang mga bagong guro ng kopya ng resource na ito, at hikayatin sila na maghanap ng mga paraan na magamit ang mga alituntunin nito sa kanilang pagtuturo.

  • Ibahagi sa mga bagong guro ang anumang bagay tungkol sa inyong organisasyon na makatutulong na malaman nila.

  • Kung kinakailangan, sabihin sa mga bagong guro kung saang silid sila magtuturo at kung anong lesson sila magsisimula. Ibigay ang anumang impormasyong kailangan nila tungkol sa kanilang klase at mga miyembro ng klase.

  • Ipaliwanag sa mga bagong guro na maaari mo silang tulungan sa kanilang tungkulin. Magbigay ng suporta sa silid-aralan at ng access sa mga resource para sa pagtuturo kung kinakailangan.

  • Ipaalam na oobserbahan mo paminsan-minsan ang mga klase ng mga guro, at magbigay ng feedback kapag ipinahiwatig ng Espiritu.

  • Anyayahan ang mga guro na dumalo sa teacher council meeting kada tatlong buwan.