Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 7: Patuloy na Paghahayag sa Pamamagitan ng mga Buhay na Propeta


Kabanata 7

Patuloy na Paghahayag sa Pamamagitan ng mga Buhay na Propeta

“Tayo ay ginagabayan ng isang buhay na propeta ng Diyos—isang taong tumatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon.”

Mula sa Buhay ni Howard W. Hunter

Matapos masang-ayunan bilang Pangulo ng Simbahan sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1994, ipinahayag ni Howard W. Hunter ang kanyang damdamin tungkol sa kanyang mga sagradong responsibilidad:

“Mahal kong mga kapatid, salamat sa inyong pagsang-ayon. Naparito ako sa inyong harapan nang may pagpapakumbaba at kaamuan, na nalulungkot sa pagpanaw kamakailan ng ating pinakamamahal na propetang si Pangulong Ezra Taft Benson. Malungkot ang puso ko sa pagpanaw ng aking mahal na kaibigan, lalo na dahil sa mga bagong responsibilidad na napasaakin.

“Matagal kong iniyakan at idinulog sa aking Ama sa Langit sa taimtim na panalangin ang aking hangaring magampanang mabuti ang mataas at banal na tungkuling ito. Ipinagdasal ko na maging karapat-dapat akong gampanan ang tungkuling ginampanan ng labintatlo pang lalaki sa dispensasyong ito. Marahil ay sila lamang, na nakamasid mula sa kabila ng tabing, ang lubos na makauunawa sa bigat ng responsibilidad at matinding pag-asa sa Panginoon na nadarama ko sa pagtanggap ng sagradong tungkuling ito.”

Ipinaliwanag ni Pangulong Hunter na nakasumpong siya ng lakas at pagtiyak sa kanyang pananalig na ang Simbahan ay pinamumunuan hindi ng mga tao kundi ni Jesucristo mismo, na naghahanda at nagbibigay-inspirasyon sa mga tinatawag Niyang mamuno:

“Ang pinakamatinding lakas ko nitong nakaraang mga buwan ay ang aking matibay na patotoo na ito ang gawain ng Diyos at hindi ng tao. Si Jesucristo ang pinuno ng simbahang ito. Pinamumunuan niya ito sa salita at sa gawa. Malaking karangalan para sa akin ang matawag sa loob ng maikling panahon na maging kasangkapan sa kanyang mga kamay na mamuno sa kanyang simbahan. Ngunit kung hindi ko alam na si Cristo ang pinuno ng Simbahan, hindi ko makakaya ni ng sinumang tao ang bigat ng tungkuling napasaakin.

“Sa pagtanggap sa responsibilidad na ito, kinikilala ko ang mahimalang kamay ng Diyos sa aking buhay. Paulit-ulit Niyang iniligtas ang aking buhay at ipinanumbalik ang aking lakas, paulit-ulit niya akong ibinalik mula sa dulo ng walang hanggan, at tinulutan akong magpatuloy sa aking paglilingkod sa lupa nang maikling panahon pa. Napag-iisip-isip ko kung minsan kung bakit naligtas ang buhay ko. Ngunit ngayo’y naisantabi ko na ang tanong na iyon at hinihiling ko na lamang ang pananampalataya at mga panalangin ng mga miyembro ng Simbahan para magkatulungan tayo, nagtutulungan tayo, sa pagsasakatuparan ng mga layunin ng Diyos sa panahong ito ng ating buhay. …

“Tatlumpu’t limang taon na simula nang masang-ayunan ako bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa. Puno ng paghahanda ang mga taon na iyon. … Mas mabagal na akong maglakad ngayon, ngunit malinaw ang aking isipan, at bata pa ang aking espiritu. …

“Gaya ng aking mga Kapatid na nauna sa akin, tinatanggap ko ang tungkuling ito na may katiyakan na papatnubayan ng Diyos ang kanyang propeta. Mapagpakumbaba kong tinatanggap ang tungkuling maglingkod at ipinapahayag ko tulad ng Mang-aawit, ‘Ang Panginoon ay aking kalakasan at aking kalasag; ang aking puso ay tumiwala sa kaniya, at ako’y nasaklolohan’ (Awit 28:7).”1

Larawan
Pangulong Howard W. Hunter

Bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, pinayuhan ni Pangulong Howard W. Hunter ang mga Banal sa mga Huling Araw na sundin ang Pangulo ng Simbahan.

Mga Turo ni Howard W. Hunter

1

Sa bawat dispensasyon, nagbangon ng mga propeta ang Diyos bilang Kanyang mga tagapagsalita.

Kapag binuklat mo ang mga pahina ng Lumang Tipan, may lalabas na mga sulat ng mga dakilang tao noong unang panahon na tinatawag na mga propeta. Ang mga aklat ng Bagong Tipan ay naglalaman, bukod pa sa ibang mga bagay, ng mga sulat, turo, at kasaysayan ng mga tao sa sumunod na dispensasyon, na hinirang bilang mga propeta. Mayroon din tayong talaan ng mga propeta sa kanlurang bahagi ng mundo, na inilakas ang kanilang tinig, sa pagpapahayag ng salita ng Panginoon, paglaban sa kasamaan, at pagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Lahat sila ay nag-iwan ng kanilang patotoo.

Ang propeta ay isang taong tinawag at ibinangon ng Panginoon upang isulong ang mga layunin ng Diyos sa kanyang mga anak. Siya ang taong nakatanggap ng priesthood at nagsasalita nang may awtoridad. Ang mga propeta ay mga guro at tagapagtanggol ng ebanghelyo. Pinatototohanan nila ang kabanalan ng Panginoong Jesucristo. Sinabi na ng mga propeta noon pa man ang mga mangyayari, ngunit hindi ito ang pinakamahalaga nilang responsibilidad, bagaman maaaring katibayan iyon ng kapangyarihan ng isang propeta.

Matagal nang kailangan ng tumpak na pamumuno sa bawat dispensasyon ng panahon, at pumili ng mga propeta ang Diyos para sa layuning ito bago pa sila isinilang sa mundo [tingnan sa Jeremias 1:5; Abraham 3:23].2

Pinagtibay ng isang pag-aaral tungkol sa mga paghahayag ng Panginoon sa banal na kasulatan ang katotohanan na patuloy na paghahayag ang gumagabay sa mga propeta at sa Simbahan sa anumang panahon. Kung hindi sa patuloy na paghahayag, hindi sana nakapaghanda si Noe para sa delubyong lumamon sa daigdig. Hindi sana nagabayan si Abraham mula Haran hanggang Hebron, ang Lupang Pangako. Patuloy na paghahayag ang umakay sa mga anak ni Israel mula sa pagkaalipin patungo sa kanilang lupang pangako. Ginabayan ng paghahayag sa pamamagitan ng mga propeta ang gawaing misyonero, pinatnubayan ang muling pagtatayo ng templo ni Solomon, at tinuligsa ang pagsulpot ng mga kaugaliang pagano sa mga Israelita.

Bago umakyat sa langit si Cristo, ipinangako niya sa natirang labing-isang apostol, “Narito, ako’y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan.” (Mat. 28:20.) Kasunod ng pag-akyat niya sa langit, ginabayan niya ang Simbahan sa pamamagitan ng paghahayag hanggang sa mamatay ang mga Apostol at sumunod ang apostasiya ng Simbahan ni Jesucristo.3

Sa buong kasaysayan nito, pati na sa panahong ito mismo, ang Simbahan ay mayroon nang isang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang pinuno ng Simbahan ay si Jesucristo, na pumapatnubay sa kanyang propeta. … Ang kanyang mga tagapayo [at] mga miyembro ng Kapulungan ng Labindalawa … ay mga propeta, tagakita, at tagapaghayag din. … Hindi kailangang makinig ang mga miyembro ng Simbahan sa walang-katiyakang tunog ng pakakak. Maaari silang maniwala sa tinig ng kanilang mga lider, batid na sila ay ginagabayan ng Panginoon.4

2

Ang Diyos ay nagbibigay ng patnubay para sa Kanyang mga anak sa pamamagitan ng isang buhay na propeta ngayon.

Ang malinaw na tanda ng mga huling araw na susundan ng ikalawang pagparito ng Panginoon kalaunan ay nakita sa pangitain ng Apostol na iyon na sumulat ng aklat ng Apocalipsis. Sabi niya:

“Nakita ko ang ibang anghel na lumilipad sa gitna ng langit, na may mabuting balita na walang hanggan upang ibalita sa mga nananahan sa lupa, at sa bawa’t bansa at angkan at wika at bayan.” (Apoc. 14:6.) …

Pinatototohanan namin sa buong mundo na ang mga sugo ng langit ay nagpakita na sa ating panahon, taglay ang awtoridad mula sa langit at ipinanumbalik ang mga katotohanang nawala dahil sa masasamang turo at kaugalian. Muli nang nagsalita ang Diyos at patuloy na papatnubay sa lahat ng kanyang anak sa pamamagitan ng isang buhay na propeta ngayon. Ipinapahayag namin na siya, tulad ng ipinangako, ay laging kasama ng kanyang mga lingkod at namamahala sa mga gawain ng kanyang Simbahan sa buong mundo. Tulad noong unang panahon, pinamamahalaan ng paghahayag ang gawain ng mga missionary, pagtatayo ng mga templo, tungkulin ng mga opisyal ng priesthood, at nagbababala ito laban sa mga kasamaan ng lipunan na maaaring magkait ng kaligtasan sa mga anak ng ating Ama.

Sa isang paghahayag sa makabagong propetang si Joseph Smith, sinabi ng Panginoon:

“Sapagkat ako ay hindi nagtatangi ng mga tao, at nagnanais na ang lahat ay makaalam na ang araw ay mabilis na darating; ang oras ay hindi pa, subalit nalalapit na, kung kailan ang kapayapaan ay aalisin sa mundo, at ang diyablo ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang sariling nasasakupan.

“At gayon din ang Panginoon ay magkakaroon ng kapangyarihan sa kanyang mga banal, at maghahari sa gitna nila.” (D at T 1:35–36.)

Naghahari ang Tagapagligtas sa gitna ng mga Banal ngayon sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Pinatototohanan ko na kasama siya ng kanyang mga lingkod sa panahong ito at mananatili siyang kasama hanggang sa katapusan ng mundo.

Nawa’y hindi lubhang kumitid ang ating pananaw para isipin na ang paghahayag ay para lamang noong mga unang panahon. Ang Diyos ay maawain at mahal niya ang kanyang mga anak sa lahat ng panahon at naihayag na niya ang kanyang sarili sa panahong ito ng kasaysayan.5

Naihayag na ng Panginoon ang kanyang iniisip at ihahayag niya ito sa hinirang niyang mga propeta. May patuloy na daloy ng paghahayag mula sa Diyos sa hinirang niyang mga lingkod sa lupa. Mula nang mamatay si Propetang Joseph Smith, patuloy na nangusap ang Panginoon sa kanyang mga propeta tulad ng dati.6

3

Sa panahong ito ng espirituwal na pagkagutom, makakahanap tayo ng espirituwal na ginhawa sa pagsunod sa tinig ng propeta.

Ang pagkagutom ay isa sa karaniwang mga parusa sa panahon ng Lumang Tipan, at naranasan ng mga tao ang masaklap na bunga ng pagkasira ng pananim at pagkagutom ng mga tao. Pinagtuunan ito ng pansin ni Amos sa kanyang pagbabadya tungkol sa espirituwal na pagkagutom. Sabi niya: “… hindi kagutom sa tinapay, o kauhawan man dahil sa tubig, kundi sa pagkarinig ng mga salita ng Panginoon” [Amos 8:11]. …

Ang mga ulat sa panahong ito tungkol sa kalituhan at kabiguan ng mga tao at institusyong pangrelihiyon, sa pagtatangkang lunasan ang kanilang mga alinlangan at sigalot, ay ipinapaalala sa atin ang mga salitang ito ni Amos: “… sila’y magsisitakbo ng paroo’t parito upang hanapin ang salita ng Panginoon, at hindi [ito] masusumpungan” [Amos 8:12].

Hinahangad nilang matagpuan ang lunas nang hindi nakasalig sa bato ng paghahayag, tulad ng sinabi ng Panginoon na nararapat gawin [tingnan sa Mateo 16:17–18]. …

… Ang kalituhan at mga kabiguang dinaranas ng mundo ay hindi karaniwang dinaranas ng matatapat na miyembro ng Simbahan. … May kapani-paniwalang tinig para sa mga taong may pananampalataya at kahandaang maniwala. Tiyak na nabubuhay tayo sa panahon ng taggutom, tulad ng ipinaliwanag ni Amos. … Gayunpaman, kahit mukhang may espirituwal na pagkagutom, marami nang nakatagpo ng espirituwal na ginhawa.

Ang … aking mapagpakumbabang patotoo ay na naipanumbalik na ang kabuuan ng ebanghelyo sa mga huling araw na ito at na may isang propeta sa lupa ngayon na nagpaparating ng kaisipan at kalooban ng Panginoon sa mga makikinig at may pananampalatayang sumunod.7

4

Kung susundin natin ang mga turo ng mga buhay na propeta, hindi tayo magkakamali.

Sa mga tao ng mga nakaraang dispensasyon at panahon, ang pinakamahalagang propeta ay ang nabubuhay, nagtuturo, at naghahayag ng kalooban ng Panginoon sa kanilang panahon. Sa bawat isa sa mga nakaraang dispensasyon, nagbangon ng mga propeta ang Panginoon bilang kanyang mga tagapagsalita sa mga tao sa partikular na panahong iyon at para sa partikular na mga problema sa panahong iyon.

Ang nabubuhay na propeta sa kasalukuyan ang ating pinuno, ang ating guro. Sa kanya tayo humihingi ng patnubay sa makabagong mundo. Mula sa lahat ng sulok ng daigdig, tayo na sumasang-ayon sa kanya bilang propeta ng Panginoon ay nagpapasalamat para sa pinagmumulang ito ng banal na patnubay. …

Habang nagdaraan sa ating alaala ang mga propeta mula sa simula hanggang sa ngayon, namamalayan natin ang dakilang pagpapalang dumarating sa atin mula sa impluwensya ng isang buhay na propeta. Dapat ituro sa atin ng kasaysayan na maliban kung handa tayong sundin ang mga babala at turo ng isang propeta ng Panginoon, mapapailalim tayo sa mga paghatol ng Diyos.8

Tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may karapatang tumanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan o magbigay ng opisyal na interpretasyon tungkol sa mga banal na kasulatan o doktrina ng Simbahan:

“Walang sinuman ang itatalagang tatanggap ng mga kautusan at paghahayag sa simbahang ito maliban sa [Pangulo ng Simbahan], sapagkat tinanggap niya ang mga yaon maging tulad ni Moises” (D at T 28:2).9

Kung susundin natin ang pangaral, payo, at mga turo ng mga lider ng Simbahan sa tagubilin nila sa atin, hindi tayo magkakamali sa bagay na mahalaga para sa sarili nating kaligtasan at kadakilaan.10

Puspos ako ng pasasalamat para sa mga paghahayag na nagtakda ng kagila-gilalas na sistema sa pamamahala ng kanyang Simbahan. Bawat lalaking inorden bilang Apostol at itinalaga bilang miyembro ng Korum ng Labindalawa ay sinasang-ayunan bilang propeta, tagakita, at tagapaghayag. Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol, na tinawag at inorden na humawak ng mga susi ng priesthood, ay may awtoridad at responsibilidad na pamahalaan ang Simbahan, pangasiwaan ang mga ordenansa nito, ituro ang doktrina nito, at itatag at panatilihin ang mga gawain nito.

Kapag ang Pangulo ng Simbahan ay may sakit o hindi lubos na makaganap sa lahat ng kanyang tungkulin, ang kanyang dalawang Tagapayo, na bumubuo sa Korum ng Unang Panguluhan na kasama niya, ang magpapatuloy sa gawain ng Panguluhan. Anumang mahahalagang tanong, patakaran, programa, o doktrina ay mapanalanging pinag-uusapan sa kapulungan ng mga Tagapayo sa Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol. Walang desisyong nagmumula sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawa nang hindi lubos na nagkakaisa ang lahat ng sangkot.

Sa pagsunod sa inspiradong huwarang ito, susulong ang Simbahan nang walang patid. Ang pamamahala ng Simbahan at ang paggamit ng mga kaloob ng propeta ay laging magiging awtoridad ng mga apostol na iyon na mayhawak at gumagamit ng lahat ng susi ng priesthood.11

Larawan
Conference Center

“Ang oras ng kumperensya ay isang panahon ng espirituwal na pagpapanibago kung kailan lumalago at nabubuo ang kaalaman at patotoo.”

5

Sa pangkalahatang kumperensya, tumatanggap tayo ng inspiradong payo mula sa mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.

Nang pagnilayan ko ang mga mensahe ng [pangkalahatang] kumperensya, naitanong ko ito sa aking sarili: Paano ko matutulungan ang iba na makibahagi sa kabutihan at mga pagpapala ng ating Ama sa Langit? Ang sagot ay nasa pagsunod sa patnubay na natanggap mula sa mga sinang-ayunan natin bilang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag, at iba pang mga General Authority. Pag-aralan natin ang kanilang mga salita, na sinambit sa inspirasyon ng Espiritu, at sumangguni tayo rito nang madalas. Naihayag ng Panginoon ang kanyang kalooban sa mga Banal sa kumperensyang ito.12

Ang mga lubhang inspiradong payo ng mga propeta, tagakita, tagapaghayag, at iba pang mga General Authority ng Simbahan ay ibinibigay sa pangkalahatang kumperensya. Hinikayat tayo ng ating mga makabagong propeta na gawing mahalaga at regular na bahagi ng ating personal na pag-aaral ang pagbabasa ng mga edisyon ng kumperensya sa mga magasin ng ating Simbahan. Sa gayon, ang pangkalahatang kumperensya, ay nagiging pandagdag o karugtong ng Doktrina at mga Tipan.13

Ang oras ng kumperensya ay isang panahon ng espirituwal na pagpapanibago kung kailan lumalago at nabubuo ang kaalaman at patotoo na ang Diyos ay buhay at pinagpapala yaong matatapat. Ito ay panahon kung saan ang pag-unawa na si Jesus ang Cristo, ang anak ng Diyos na buhay, ay nag-aalab sa puso ng mga may determinasyong paglingkuran siya at sundin ang kanyang mga kautusan. Ang kumperensya ay panahon kung kailan tayo binibigyan ng ating mga pinuno ng inspiradong patnubay sa mga kilos natin sa buhay—isang panahon kung kailan naaantig ang mga kaluluwa at nagpapasiya ang mga tao na maging mas mabuting asawa, ama at ina, mas masunuring anak, mas mabuting kaibigan at kapitbahay. …

Tayong narito ngayon [sa pangkalahatang kumperensya] ay nag-aangkin ng espesyal at kakaibang kaalaman tungkol sa ebanghelyo ng Tagapagligtas. Ang pinakamahalaga, sa mga taong nakakakilala na sa atin, ay ang ating pahayag sa mundo na tayo ay ginagabayan ng isang buhay na propeta ng Diyos—na nakikipag-ugnayan, binibigyang-inspirasyon, at tumatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon.14

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Repasuhin ang mga turo ni Pangulong Hunter sa bahagi 1. Bakit naglaan ng mga propeta ang Diyos para sa bawat dispensasyon? Ano ang ilan sa mga tungkulin ng mga propeta? Paano natin matutulungan ang mga bata na magkaroon ng patotoo tungkol sa mga propeta?

  • Paano tayo pinagpapala ng pagkakaroon ng buhay na propeta ngayon? (Tingnan sa bahagi 2.) Bakit mahalaga na may “patuloy na daloy ng paghahayag” mula sa Diyos tungo sa Kanyang mga buhay na propeta?

  • Ano ang ilang katibayan na nabubuhay tayo sa isang panahon ng “espirituwal na pagkagutom”? (Tingnan sa bahagi 3.) Anong mga pagpapala ang natanggap na ninyo sa pagsunod sa tinig ng buhay na propeta?

  • Itinuro ni Pangulong Hunter na “tanging ang Pangulo ng Simbahan ang may karapatang tumanggap ng mga paghahayag para sa buong Simbahan” (bahagi 4). Bakit makakatulong na malaman ito? Bakit makakatulong na malaman na “hindi tayo magkakamali” kapag sinunod natin ang propeta?

  • Isipin ang kahalagahan ng pangkalahatang kumperensya sa inyong buhay. (Tingnan sa bahagi 5.) Ano ang ilang turo mula sa mga pangkalahatang kumperensya na nagpala sa inyo? Paano ninyo magagawang mas mabisang impluwensya ang pangkalahatang kumperensya sa buhay at tahanan ninyo?

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Amos 3:7; Mateo 10:41; Lucas 1:68–70; Joseph Smith Translation, 2 Peter 1:20–21; Mosias 8:15–18; D at T 1:14–16, 37–38; 21:1, 4–6; 43:2–6; 107:91–92

Tulong sa Pagtuturo

Bilang isang klase, maglista sa pisara ng ilang maaaring itanong ng mga miyembro ng ibang relihiyon tungkol sa paksa ng kabanata. Iparepaso sa mga miyembro ng klase ang kabanata, na hinahanap ang mga sagot sa mga tanong na ito, pagkatapos ay ipabahagi ang natagpuan nila.

Mga Tala

  1. “Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 7–8.

  2. Sa Conference Report, Okt. 1963, 99.

  3. “No Man Shall Add to or Take Away,” Ensign, Mayo 1981, 65.

  4. “Spiritual Famine,” Ensign, Ene. 1973, 65.

  5. “No Man Shall Add to or Take Away,” 65.

  6. The Teachings of Howard W. Hunter, inedit ni Clyde J. Williams (1997), 196.

  7. “Spiritual Famine,” 64–65.

  8. Sa Conference Report, Okt. 1963, 101.

  9. The Teachings of Howard W. Hunter, 225.

  10. The Teachings of Howard W. Hunter, 223.

  11. “Exceeding Great and Precious Promises,” 7. Binanggit ni Pangulong Hunter ang mahahalagang alituntuning ito noong siya ang Pangulo ng Simbahan.

  12. “Follow the Son of God,” Ensign, Nob. 1994, 87.

  13. The Teachings of Howard W. Hunter, 212.

  14. “Conference Time,” Ensign, Nob. 1981, 12–13.