Library
Pambungad


Pambungad

Larawan
Hall of the Prophets

Sa Hall of the Prophets, na matatagpuan sa Conference Center sa Salt Lake City, Utah, ang nililok na larawan ng mga propeta ng dispensasyong ito ay nagsisilbing paalala na patuloy ang pagtanggap ng mga paghahayag.

Ipinaliwanag ni Pangulong James E. Faust (1920–2007) ng Unang Panguluhan ang tungkulin ng mga propeta at ang pangangailangan sa paghahayag na natatanggap nila:

“Ang mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ay may responsibilidad at pribilehiyo noon hanggang ngayon na tumanggap at magpahayag ng salita ng Diyos para sa sanlibutan. …

“… Sila ang mga orakulo ng propesiya na nakikinig sa ‘selestiyal na istasyon ng komunikasyon,’ noon pa man maraming siglo na ang nakalipas, na may responsibilidad na iparating ang salita ng Panginoon sa iba. …

“Patuloy na kakailanganin ng Simbahang ito ang patnubay ng pinuno nito, ang Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Ito ay malinaw na itinuro ni Pangulong George Q. Cannon, [habang naglilingkod sa] Unang Panguluhan: ‘Mayroon tayong Biblia, Aklat ni Mormon at Aklat ng Doktrina at mga Tipan; ngunit lahat ng aklat na ito, kung walang mga buhay na orakulo at ang patuloy na pagdaloy ng paghahayag mula sa Panginoon, ay hindi makapagdadala ng sinumang tao sa Kahariang Selestiyal ng Diyos’ [Gospel Truth: Discourses and Writings of President George Q. Cannon, 2 tomo, pinili ni Jerreld L. Newquist (1974), 1:323]. …

“Kailangan ang paghahayag upang maitatag ang Simbahang ito. Ang paghahayag ang gumabay dito mula sa maliit na simula nito hanggang sa kasalukuyang kalagayan nito. Ang paghahayag ay dumarating tulad ng dumadaloy na tubig na buhay. Ang patuloy na paghahayag ang gagabay sa Simbahan hanggang sa mga huling araw. Ngunit gaya ng sinabi ni Pangulong [J. Reuben] Clark sa atin, hindi natin kailangan ng mas marami o iba’t ibang propeta. Kailangan natin ng mas maraming tao na may ‘taingang nakikinig’ (sa Conference Report, Okt. 1948, 82)” (James E. Faust, “Continuing Revelation,” Ensign, Ago. 1996, 2, 4, 6–7).

Ngayon, tulad noong kalagitnaan ng panahon, ang kinasasaligan ng Simbahan ay mga apostol at mga propeta (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:20) at ang paghahayag na natatanggap nila (tingnan sa Amos 3:7; Mateo 16:16–18). Inihahayag ng Panginoon ang kanyang kalooban sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod na propeta at naghayag na, “Ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa” (D at T 1:38).

Ang Layunin ng Manwal na Ito

Larawan
man studying scriptures

Ang iyong patotoo ay lalakas sa pag-aaral mo ng mga salita ng mga buhay na propeta.

Ang layunin ng Mga Turo ng mga Buhay na Propeta Manwal ng Estudyante ay tulungan ka na mapalakas ang iyong patotoo tungkol sa mga buhay na propeta at sa kanilang mga turo. Tinatalakay rito ang ating pangangailangan sa mga buhay na propeta, ang tungkuling ginagampanan ng Pangulo ng Simbahan, ang paraang itinakda ng Diyos sa paghalili sa Panguluhan, ang Korum ng Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang kahalagahan ng pangkalahatang kumperensya.

Itinuro ni Pangulong Harold B. Lee (1899–1973):

“Hindi sapat na sundin lamang nating mga Banal sa mga Huling Araw ang ating mga pinuno at tanggapin ang kanilang payo. Nasa atin ang mas malaking obligasyon na matamo para sa ating sarili ang di-natitinag na patotoo sa banal na pagkahirang ng mga taong ito at ang patotoo na ang sinabi nila sa atin ay kalooban ng ating Ama sa Langit” (Harold B. Lee, sa Conference Report, Okt. 1950, 130).

Ang bawat isa sa atin ay pinangakuan na magkakaroon tayo ng patotoo sa banal na pagkahirang ng mga buhay na propeta kapag pinag-aralan natin ang payo ng mga Kapatid at pinanindigan na susuportahan sila sa pamamagitan ng ating pagsunod. Ang manwal na ito ay tutulong sa iyo sa pag-aaral mo ng tungkol sa mga buhay na propeta.

Paano Binuo ang Manwal na Ito

Bawat kabanata sa manwal na ito ng estudyante ay may apat na bahagi: “Pambungad,” “Komentaryo,” “Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan” at “Mga Iminungkahing Assignment.”

Pambungad

Bawat kabanata ay nagsisimula sa maikling pambungad. Tutulungan ka nito na magpokus sa pangunahing paksa ng kabanata.

Komentaryo

Ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta, apostol, at iba pang General Authority sa bahaging “Komentaryo” ay nagpapaliwanag at naglilinaw sa mga doktrina at alituntuning may kaugnayan sa mga pangunahing paksa ng kabanata. Ang pagbabasa nang mabuti sa mga komentaryo ay tutulong sa iyo na maunawaan ang pangangailangan sa mga buhay na propeta at ang tungkulin nila sa mundong ito na pabagu-bago.

Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan

Ang bahaging “Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan” ay tutulong sa iyo na pagnilayan ang iyong natutuhan.

Pinatotohanan ni Pangulong Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na kapaki-pakinabang ang idinudulot ng pagninilay:

“Habang pinagninilay at ipinagdarasal ninyo ang mga alituntunin ng doktrina, ang Espiritu Santo ay mangungusap sa inyong isipan at inyong puso. … Darating ang mga bagong ideya at alituntunin na nauugnay sa inyong mga sitwasyon na magpapadalisay sa inyong mga puso” (Russell M. Nelson, “Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 18).

Mga Iminungkahing Assignment

Sa pagtatapos ng bawat kabanata ay may mga assignment na maghihikayat na ipamuhay ito. Tandaan lamang na ang mga assignment na ito ay mga mungkahi at maiaakma ayon sa iyong mga pangangailangan at ayon sa patnubay ng Espiritu Santo. Kung nag-enroll ka sa kurso sa institute na Mga Turo ng mga Buhay na Propeta (Religion 333), maaaring ilakip ng iyong titser ang ilan sa mga assignment na ito sa inyong kurso. Ang paggawa ng mga assignment na ito ay magbibigay sa iyo ng mga karagdagang pagkakataon na maturuan ng Espiritu Santo.

Paalala: Para mas epektibong magamit ang bahaging “Mahahalagang Bagay na Pag-iisipan” at “Mga Iminungkahing Assignment,” maaari mong gamitin ang iyong study journal o notebook sa pagtatala ng mga tanong, ideya, mithiin at impresyon mula sa iyong pag-aaral.

Hinikayat tayo ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol na isulat ang mga impresyon mula sa Espiritu:

“Sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagkadama sa mga impresyong mula sa Espiritu, pagtatala, at pagsunod sa mga ito na natututo ang isang tao na magtiwala at umasa sa patnubay ng Espiritu kaysa sa anupamang natutuhan sa pamamagitan ng limang pandama” (Richard G. Scott, “Helping Others to Be Spiritually Led” [Church Educational System symposium on the Doctrine and Covenants and Church History, Ago. 11, 1998], 3).

Impormasyon para sa mga Taong May Kapansanan

Kung nahihirapan kang gamitin ang manwal na ito dahil sa kapansanan, kontakin lamang ang iyong titser para sa mga karagdagang materyal o resources.