Institute
Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan


“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase: Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya (2022)

“Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase,” Materyal ng Titser para sa Kursong Ang Walang-Hanggang Pamilya

Larawan
isang pamilya na magkakasamang naglalakad

Lesson 27 Materyal sa Paghahanda para sa Klase

Pagtataguyod at Pagtatanggol sa Pamilya bilang Pangunahing Yunit ng Lipunan

Sinabi ni Pangulong M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Kailangang malaman ng mundo kung ano ang itinuturo ng pagpapahayag [tungkol sa mag-anak], dahil ang pamilya ang pangunahing yunit ng lipunan, ng ekonomiya, ng ating kultura, at ng ating gobyerno. At tulad ng alam ng mga Banal sa mga Huling Araw, pamilya rin ang magiging pangunahing yunit sa selestiyal na kaharian” (“Ang Pinakamahalaga ay Kung Ano ang Mananatili Hanggang sa Kabilang Buhay,” Liahona, Nob. 2005, 42). Habang iniisip mo ang mahalagang ginagampanan ng pamilya sa lipunan at sa kawalang-hanggan, isipin kung ano ang magagawa mo para itaguyod at ipagtanggol ito.

Bahagi 1

Anong mga impluwensya ang nakaambag sa pagkakawatak-watak ng pamilya?

Maraming bagay ang nagpapahina sa pamilya sa mga makabagong lipunan. Dahil minamahal tayo ng Panginoon at ninanais Niya na pagpalain tayo, nangungusap Siya sa pamamagitan ng mga propeta para balaan tayo tungkol dito at sa iba pang mga panganib. Nagbabala ang mga propeta sa mga huling araw na “ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” SimbahanniJesucristo.org).

Ang katibayan ng “pagkakawatak-watak ng mag-anak” ay nakapalibot sa atin. Halimbawa, nakikita natin na

  • tumataas ang bilang ng mga taong nagsasama nang hindi kasal, mga anak na isinilang sa mga magulang na hindi kasal, at mga pamilya na iisa lang ang magulang,

  • bumababa ang bilang ng nagpapakasal at ipinapanganak,

  • laganap ang aborsiyon, diborsyo, pang-aabuso, at hindi pagtupad sa responsibilidad sa pamilya, at

  • mga patakaran sa publiko at media na nagpapahina sa pamilya.

(Tingnan sa Bruce C. Hafen, “Ang Pagpapahayag tungkol sa Mag-anak: Paglilinaw sa mga Kalituhang Hatid ng Iba’t ibang Pananaw sa Kultura,” Liahona, Ago. 2015, 54; Dallin H. Oaks, “Protektahan ang mga Bata,” Liahona, Nob. 2012, 43; “Diborsyo,” Liahona, Mayo 2007, 70; Julie B. Beck, “Pagtuturo ng Doktrina tungkol sa Pamilya,” Liahona, Mar. 2011, 14.)

Larawan
punit na larawan ng isang lalaki at isang babae

Nagbabala si Apostol Pablo tungkol sa mga panganib na mangyayari sa mga huling araw.

Larawan
icon, pag-aralan

Mag-aral upang Makapaghanda para sa Klase

Basahin ang 2 Timoteo 3:1–6, 13, at pagnilayan kung paano nakadagdag ang mga kalagayang inilarawan ni Pablo sa pagkakawatak-watak ng pamilya. Isipin din kung paano maaaring tumindi ang mga pag-uugaling ito sa lipunan dahil sa pagkakawatak-awatak ng pamilya. (Maaari mong basahin ang mga footnote o hanapin sa diksyunaryo ang mga salitang hindi pamilyar para mapalalim ang iyong pang-unawa sa scripture passage na ito.)

Tinalakay ni Elder Bruce D. Porter, dating miyembro ng Pitumpu, ang isang dahilan kung bakit ang kalalakihan at kababaihan ay naging “maibigin sa kanilang sarili” (2 Timoteo 3:2):

Larawan
Elder Bruce D. Porter

Ang pagkakawatak-watak ng milyun-milyong pamilya ay dahil na rin sa popular na media at kultura na itinatanyag ang paghahangad para sa sariling interes: tungkol sa nagsasariling indibiduwal na walang mga obligasyon sa lipunan o moralidad, malayang kamtin ang anumang bagay na pinili niya hangga’t hindi ito direktang nakapipinsala sa sariling interes ng iba. (“Defending the Family in a Troubled World,” Ensign, Hunyo 2011, 15)

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano sa palagay mo ang mga epekto ng pagkakawatak-watak ng pamilya sa lipunan? Anong mga halimbawa ang nakita mo tungkol sa mga epektong ito?

Bahagi 2

Ano ang responsibilidad ko para maitaguyod at maipagtanggol ang pamilya?

Ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay ng ganitong tagubilin: “Kami ay nananawagan sa mga responsableng mamamayan at mga pinuno ng gobyerno sa lahat ng dako na magtatag ng mga pamamaraan upang mapanatili at mapalakas ang mag-anak bilang pangunahing yunit ng lipunan” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”).

Maraming paraan para masunod natin ang tagubiling ito ng propeta. Pag-isipan ang mga sumusunod na ideya:

  • Sikaping patatagin ang sarili mong pamilya.

  • Alamin ang mga isyung nagbabanta sa pamilya kung saan ka nakatira.

  • Suportahan o ipagtanggol ang mga lider sa pulitika, organisasyon, at patakaran sa publiko na nagtataguyod sa pamilya.

  • Gamitin ang social media para itaguyod ang mga positibong pinahahalagahan ng pamilya.

  • Maghanap ng mga pagkakataong ibahagi ang mga turo ng ebanghelyo at ang nadarama mo tungkol sa pamilya.

Larawan
mga young adult na nag-uusap

Ang kalagayan ng ating pamilya ay hindi kailangang maging perpekto para itaguyod at ipagtanggol natin ang pamilya. Kailangan ang ating mga tinig, anuman ang kalagayan ng ating pamilya.

Habang naglilingkod sa Young Women General Presidency, itinuro ni Pangulong Bonnie L. Oscarson:

Larawan
Pangulong Bonnie L. Oscarson

Kailangang buong tapang nating ipagtanggol ang inihayag na mga doktrina ng Panginoon na nagpapaliwanag sa kasal, pamilya, banal na tungkulin ng mga lalaki at babae, at kahalagahan ng tahanan bilang sagradong lugar—kahit isinisigaw ng mundo sa ating mga tainga na ang mga alituntuning ito ay makaluma, mahigpit, at di na mahalaga. Lahat ng tao, anuman ang sitwasyon nilang mag-asawa o ilan man ang anak nila, ay maaaring maging tagapagtanggol ng plano ng Panginoon na inilarawan sa pahayag tungkol sa pamilya. (“Mga Tagapagtanggol ng Pagpapahayag ukol sa Mag-anak,” Liahona, Mayo 2015, 15)

Maaaring may mga pagkakataon na natatakot kang itaguyod o ipagtanggol ang pamilya dahil sa oposisyon na maaari mong maranasan. Isipin kung paano ka makahuhugot ng lakas mula sa mga ginawa ni Kapitan Moroni at ng mga Nephita, na buong tapang na nakipaglaban sa pagsalakay ng mga Lamanita upang “itaguyod ang kanilang mga lupain, at kanilang mga tahanan, at kanilang mga asawa, at kanilang mga anak” (Alma 43:9).

Larawan
icon, kumilos

Kumilos

Gumawa ng isang simpleng plano ng mga gagawin mo para mas maitaguyod o maipagtanggol ang pamilya. Maging handang magbahagi sa klase ng kahit isang ideya mula sa iyong plano.

Bahagi 3

Paano ako magiging mas kumpiyansa sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa mga turo ng Panginoon tungkol sa pamilya?

Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks ng Unang Panguluhan na ang mga turo sa pahayag tungkol sa mag-anak ay “ibang-iba sa ilang batas, gawain, at adbokasiya ngayon ng mundong ginagalawan natin” (“Ang Plano at ang Pagpapahayag,” Liahona, Nob. 2017, 29). Sa iyong buhay, malamang na matalakay mo ang mga paksang may kaugnayan sa kasal at pamilya sa mga taong may pananaw na naiiba sa inyo. Sa gayong mga pagkakataon, iwasang makipagtalo (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 19:30). Sa halip, sikaping mapabilang sa “mga mapamayapang tagasunod ni Cristo” (Moroni 7:3; tingnan din sa mga talata 4–5) at “[mangusap ng] katotohanan na may pag-ibig” (Efeso 4:15).

Larawan
ang Tagapagligtas na nakikipag-usap sa isang eskriba

Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa pagsunod sa halimbawa ni Jesucristo sa pagtugon natin sa mga taong maaaring salungat sa ating mga paniniwala:

Larawan
Elder Robert D. Hales

Ang pagsagot sa paraan ni Cristo ay hindi nakaplano o nakabatay sa isang pormula. Iba-iba ang pagtugon ng Tagapagligtas sa bawat sitwasyon. Nang harapin Siya ng masamang si Haring Herodes, hindi Siya umimik. Pagharap Niya kay Pilato, nagbigay Siya ng simple at makapangyarihang patotoo tungkol sa Kanyang kabanalan at layunin. Sa harap ng mga nangagpapalit ng salapi na nagpaparungis sa templo, ginamit Niya ang Kanyang banal na responsibilidad upang ipreserba at pangalagaan ang sagradong bagay. Habang nakabayubay sa krus, sinambit Niya ang walang-kapantay na tugon ng Kristiyano: “Ama, patawarin mo sila; sapagka’t hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa” (Lucas 23:34).

Mali ang iniisip ng ilang tao na ang mga sagot na tulad ng pananahimik, kababaang-loob, pagpapatawad, at mapagpakumbabang pagpapatotoo ay walang kuwenta o mahina. Ngunit, ang “mahalin [natin] ang [ating] mga kaaway, pagpalain [natin] sila na sumusumpa sa [atin], gawan [natin] ng mabuti sila na napopoot sa [atin], at ipanalangin sila na may masamang hangarin sa paggamit sa [atin] at umuusig sa [atin]” (Mateo 5:44) ay kailangan ng pananampalataya, lakas, at higit sa lahat, ng katapangang Kristiyano. (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Liahona, Nob. 2008, 72)

Larawan
isang young adult na nakikinig

Isipin kung paano makatutulong sa iyo ang mga sumusunod na alituntunin kapag kausap mo ang iba tungkol sa kasal at sa pamilya:

  • Sundin ang Espiritu. Matutulungan ka ng Espiritu na malaman kung ano ang sasabihin at hindi sasabihin (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 100:5–6). Ang Kanyang impluwensya ay makatutulong din sa iyo na mapigilan ang iyong emosyon (tingnan sa Galacia 5:22–23).

  • Makinig nang mabuti. Lubos na pagtuunan ng pansin ang mga tao kapag nagsasalita sila. Iwasang sumabad sa kanila o sumagot habang nagsasalita sila. Para matiyak na nauunawaan mo ang sinabi nila, maaari kang magtanong para maliwanagan ka o ibuod ang narinig mong sinabi nila.

  • Sikaping maunawaan ang pananaw ng isa’t isa. Huwag hayaang mabale-wala ang pagkakatulad ninyo dahil sa inyong mga pagkakaiba. Kapag nakikipag-usap ka, maghanap ng bagay na magkapareho kayo at magsimula rito.

  • Ibahagi ang mga turo ng Panginoon sa pananalitang simple, malinaw, at hindi nakikipagtalo. Iwasan ang mga jargon o salita na tanging mga miyembro lamang ng Simbahan ang nakauunawa (tingnan sa David A. Edwards, “Communication Breakdown,” New Era, Okt. 2012, 32–33). Sa halip, gumamit ng mga salita at parirala na tumpak, naghihikayat ng pag-unawa, at kabutihan. Panatilihing maikli ang iyong mga sagot. Puspusin ng pagmamahal ang iyong puso upang mapuno ng kabaitan ang iyong tinig.

  • Magbigay ng dalisay at simpleng patotoo. Ang iyong patotoo ay hindi kailangang magsimula sa pagsasabing, “Pinatototohanan ko …” Sa halip, maaari mong sabihin ang mga bagay na tulad ng, “Napagpala ang buhay ko dahil … ,” “Nadama ko … ,” o “Mahalaga ito sa akin dahil …”

  • Kapag hindi ka sumasang-ayon, piliing huwag makipagtalo. Manatiling mahinahon at magalang upang magkaroon ka ng kaibigan at hindi kaaway. Maaari mong ipahayag na iginagalang mo ang pananaw ng ibang tao, habang kinikilala rin na maaaring hindi kayo parehong sumang-ayon sa isang partikular na paksa. Tandaan na anumang diwa ng pagtatalo ay hahantong sa pag-alis ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 11:29).

Larawan
icon, pagnilayan

Magnilay-nilay upang Makapaghanda para sa Klase

Ano ang isang paraan na mapagbubuti mo ang kakayahan mong makipag-usap tulad ni Cristo tungkol sa kasal at pamilya sa iba?