Mga Banal na Kasulatan
Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Iyong Pamilya


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Iyong Pamilya,” Mga Ideya sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan (2021)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Iyong Pamilya,” Mga Ideya sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Larawan
mga pamilyang nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Iyong Pamilya

Ang regular na pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay isang napakabisang paraan para matulungan ang iyong pamilya na matutuhan ang ebanghelyo. Mas mahalaga ang palagiang pagsisikap ninyong magbasa bilang pamilya kaysa kung gaano karami at gaano katagal kayong magbasa. Kapag ginawa mong mahalagang bahagi ng inyong buhay-pamilya ang pag-aaral ng banal na kasulatan, matutulungan mo ang mga miyembro ng iyong pamilya na maging mas malapit kay Jesucristo at patatagin ang kanilang mga patotoo sa Kanyang salita.

Isiping gamitin ang sumusunod na mga tanong:

  • Paano mo mahihikayat ang mga miyembro ng pamilya na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa kanilang sarili?

  • Ano ang magagawa mo para hikayatin ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang kanilang natututuhan?

  • Paano mo mabibigyang-diin ang mga alituntuning natututuhan mo sa mga banal na kasulatan sa araw-araw na pagkakataong magturo?

Alalahanin na ang tahanan ang pinakamagandang lugar para sa pagkatuto at pagtuturo ng ebanghelyo. Maaari mong matutuhan at ituro ang ebanghelyo sa tahanan sa mga paraang hindi posible sa isang klase sa Simbahan. Maging malikhain sa pag-iisip ng mga paraan para matulungan ang iyong pamilya na matuto mula sa mga banal na kasulatan. Isiping gamitin ang ilan sa sumusunod na mga ideya para mapahusay ang pag-aaral ng banal na kasulatan ng iyong pamilya.

Gumamit ng Musika

Kantahin ang mga awiting nagpapatibay sa mga alituntuning itinuturo sa mga banal na kasulatan.

Larawan
lalaki at babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Magbahagi ng Makabuluhang mga Talata Mula sa Banal na Kasulatan

Bigyan ng oras ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang mga talata mula sa banal na kasulatan na naging makabuluhan sa kanilang personal na pag-aaral.

Gamitin ang Sarili Ninyong mga Salita

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibuod sa sarili nilang mga salita ang natututuhan nila mula sa mga talata sa banal na kasulatan na pinag-aaralan ninyo.

Iangkop ang mga Banal na Kasulatan sa Inyong Buhay

Matapos basahin ang isang talata sa banal na kasulatan, hilingin sa mga miyembro ng pamilya na magbahagi ng mga paraan na angkop ang talata sa buhay nila.

Magtanong

Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na magtanong tungkol sa ebanghelyo, at pagkatapos ay mag-ukol ng oras na maghanap ng mga talatang makatutulong na masagot ang tanong.

Magdispley ng Isang Talata sa Banal na Kasulatan

Pumili ng isang talatang makabuluhan sa inyo, at idispley ito kung saan madalas itong makikita ng mga miyembro ng pamilya. Anyayahan ang iba pang mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng talata sa banal na kasulatan na ididispley.

Gumawa ng Listahan ng mga Talata ng Banal na Kasulatan

Bilang pamilya, pumili ng ilang talata na gusto ninyong talakayin sa darating na linggo.

Isaulo ang mga Talata ng Banal na Kasulatan

Pumili ng isang talata sa banal na kasulatan na makabuluhan sa inyong pamilya, at anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isaulo ito sa pamamagitan ng pag-uulit nito araw-araw o paglalaro ng memorization game.

Magbahagi ng mga Object Lesson

Maghanap ng mga bagay na may kaugnayan sa mga kabanata at talatang binabasa ninyo bilang pamilya. Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na pag-usapan kung paano nauugnay ang bawat bagay sa mga turo sa mga banal na kasulatan.

Larawan
babaeng tinuturuan ang isang bata

Pumili ng Isang Paksa

Sabihin sa mga miyembro ng pamilya na maghalinhinan sa pagpili ng isang paksa na sama-samang pag-aaralan ng pamilya. Gamitin ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org) para makahanap ng mga talata sa banal na kasulatan na tungkol sa paksa.

Magdrowing ng Isang Larawan

Basahin ang ilang talata bilang pamilya, at pagkatapos ay bigyan ng oras ang mga kapamilya na magdrowing ng isang bagay na nauugnay sa binasa ninyo. Mag-ukol ng oras sa pagtalakay sa mga drowing ng isa’t isa.

Isadula ang Isang Kuwento

Matapos basahin ang isang kuwento, anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isadula ito. Pagkatapos, pag-usapan kung paano nauugnay ang kuwento sa mga bagay na nararanasan ninyo bilang indibiduwal at pamilya.

Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Bawat panalangin ng pamilya, bawat pag-aaral ng banal na kasulatan, at bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa. Walang iisang pangyayari na maaaring magmukhang napaka-kahanga-hanga o di malilimutan. Ngunit tulad ng mga hagod ng pinturang kulay dilaw at ginto at brown na bumabagay sa isa’t isa at lumilikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 19–20).