Mga Banal na Kasulatan
Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan


“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Mga Ideya sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan (2021)

“Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan,” Mga Ideya sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Larawan
babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Mga Ideya para Mapagbuti ang Iyong Personal na Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Narito ang ilang simpleng paraan para mapagbuti ang iyong pag-aaral ng salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan.

Manalangin para sa Inspirasyon

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng salita ng Diyos. Habang pinag-aaralan mo ang mga ito, hingin sa iyong Ama sa Langit ang Kanyang patnubay at tanggapin ang Kanyang Espiritu para tulungan kang maunawaan ang mga ito.

Maghanap ng mga Katotohanan tungkol kay Jesucristo

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na lahat ng bagay ay nagpapatotoo kay Cristo (tingnan sa 2 Nephi 11:4; Moises 6:63), kaya hanapin Siya sa mga pangyayari, kuwento, at turo sa mga banal na kasulatan. Isiping isulat o markahan ang mga talatang nagtuturo tungkol sa Tagapagligtas at kung paano sumunod sa Kanya.

Hanapin ang Nagbibigay-Inspirasyong mga Salita at Parirala

Maaaring tumatak sa isipan mo ang partikular na mga salita at parirala sa mga banal na kasulatan, na para bang isinulat ang mga ito para sa iyo. Maaari mong madamang angkop at nagbibigay-inspirasyon at nakahihikayat ang mga ito sa iyo. Isiping markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o isulat ang tungkol sa mga ito sa isang study journal.

Maghanap ng mga Katotohanan ng Ebanghelyo

Kung minsan, ang mga katotohanan ng ebanghelyo (na madalas na tawaging doktrina o mga alituntunin) ay direktang nakasaad, at kung minsan ay ipinapahiwatig ito sa pamamagitan ng isang halimbawa o kuwento. Itanong sa iyong sarili, “Anong mga katotohanan ng ebanghelyo ang itinuturo sa mga talatang ito?”

Pakinggan ang Espiritu

Pag-ukulan ng pansin ang iyong mga iniisip at nadarama, kahit tila walang kaugnayan ang mga ito sa binabasa mo. Maaaring ang mga impresyong iyon mismo ang mga bagay na nais ng iyong Ama sa Langit na matutuhan at maramdaman mo.

Larawan
babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan 2

Ihalintulad ang mga Banal na Kasulatan sa Iyong Buhay

Isipin kung paano naaangkop sa buhay mo ang mga kuwento at turong binabasa mo. Halimbawa, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang mga naranasan ko na kahalintulad ng binabasa ko?” o “Paano ko matutularan ang halimbawa ng taong ito sa mga banal na kasulatan?”

Magtanong

Ang pagtatanong tungkol sa ebanghelyo ay makatutulong sa iyo na magpasiya kung ano ang pag-aaralan. Habang nag-aaral ka ng mga banal na kasulatan, may mga tanong na maaari ding pumasok sa isipan mo. Ang mga tanong na ito ay maaaring nauugnay sa binabasa mo o sa buhay mo sa pangkalahatan. Pagnilayan ang mga tanong na ito, at hanapin ang mga sagot habang patuloy kang nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ng iyong pag-aaral, itanong kung ano pa ang nais ng Diyos na matutuhan mo, at antayin ang mga sagot sa darating na mga oras at araw.

Gamitin ang mga Tulong sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Para magkaroon ng mga karagdagang pananaw sa mga talatang binabasa mo, gamitin ang mga talababa, ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org), at iba pang mga tulong sa pag-aaral.

Isipin ang Konteksto ng mga Banal na Kasulatan

Maaari kang makakita ng mga makabuluhang kabatiran tungkol sa isang talata sa banal na kasulatan kung iisipin mo ang konteksto nito—ang mga kalagayan o tagpo ng talata sa banal na kasulatan. Halimbawa, ang pagkaalam sa kasaysayan at mga paniniwala ng mga taong kinausap ng propeta ay magpapaunawa sa iyo sa layunin ng kanyang mga mensahe.

Larawan
lalaking nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Itala ang mga Iniisip at Nadarama Mo

Maraming paraan para maitala ang mga impresyong dumarating habang nag-aaral ka. Halimbawa, maaari mong markahan ang isang makabuluhang salita o parirala at itala ang mga iniisip mo sa iyong mga banal na kasulatan. Maaari mo ring isulat sa isang journal ang mga ideya, damdamin, at impresyong natatanggap mo. O maaari mong isulat ang tanong mo bago ka magsimula sa iyong pag-aaral, na may kasunod na mga sagot na ginabayan kang matagpuan.

Pag-aralan ang mga Salita ng mga Propeta at Apostol ng mga Huling Araw

Basahin kung ano ang naituro ng mga propeta at apostol ng mga huling araw tungkol sa mga alituntuning nakita mo sa mga banal na kasulatan. Ang kanilang mga mensahe ay makukuha sa “Pangkalahatang Kumperensya,” “Mga Magasin,” at iba pang mga koleksyon sa Gospel Library.

Basahin ang mga Kuwento

Basahin ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan, na naghahangad na maunawaan ang konteksto nito (oras, lugar, tagapagsalita, at mga tagapakinig). Ang inilarawang mga kuwento sa banal na kasulatan ay magandang resource para dito, lalo na para sa mga bata at miyembro na hindi gaanong pamilyar sa mga banal na kasulatan.

Magbahagi ng mga Ideya

Ang pagtalakay sa mga ideya mula sa iyong personal na pag-aaral ay mabuting paraan para turuan ang iba at tumutulong na patatagin ang iyong pagkaunawa sa nabasa mo.

Ipamuhay ang Natututuhan Mo

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay maaaring magbigay-inspirasyon sa atin at akayin tayong baguhin ang paraan ng ating pamumuhay. Pakinggan ang ipinapahiwatig ng Espiritu na gawin mo habang nagbabasa ka, at pagkatapos ay mangakong kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyon.