Mga Banal na Kasulatan
Ang Doktrina at mga Tipan 76


Bahagi 76

Isang pangitain na ibinigay kina Joseph Smith, ang Propeta, at Sidney Rigdon, sa Hiram, Ohio, ika-16 ng Pebrero 1832 (History of the Church, 1:245–252). Sa pagsisimula sa kanyang tala ng pangitaing ito, ang Propeta ay sumulat: “Sa aking pagbalik mula sa pagpupulong sa Amherst, ipinagpatuloy ko ang pagsasalin ng Banal na Kasulatan. Mula sa iba’t ibang paghahayag na natanggap, kitang-kita na maraming mahalagang paksa hinggil sa kaligtasan ng tao, ang inalis mula sa Biblia, o nawala bago ito inipon. Kitang-kita mula sa mga naiwang katotohanan, na kung ang Diyos ay nagbibigay ng gantimpala sa lahat alinsunod sa gawaing ginawa habang nabubuhay, ang katagang ‘Langit’, na hangad para sa walang hanggang tahanan ng mga Banal, ay kinakailangang sumaklaw sa marami pang kaharian maliban sa isa. Alinsunod dito,…habang isinasalin ang Ebanghelyo ni San Juan, ako at si Elder Rigdon ay nakita ang sumusunod na pangitain” (History of the Church, 1:245). Ito ay matapos isalin ng Propeta ang Juan 5:29 nang ang pangitaing ito ay ipinagkaloob.

1–4, Ang Panginoon ay Diyos; 5–10, Ang hiwaga ng kaharian ay ipahahayag sa lahat ng matapat; 11–17, Ang lahat ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid o ng mga di-matwid; 18–24, Ang mga naninirahan sa maraming daigdig ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Jesucristo; 25–29, Isang anghel ng Diyos ang bumagsak at naging ang diyablo; 30–49, Ang mga anak ng kapahamakan ay magdurusa ng walang hanggang kapahamakan; ang lahat ng iba pa ay tatanggap ng ilang antas ng kaligtasan; 50–70, Ang kaluwalhatian at ang gantimpala ng mga dinakilang nilalang sa kahariang selestiyal ay inilarawan; 71–80, Yaong mga magmamana ng kahariang terestriyal ay inilarawan; 81–113, Ang kalagayan ng mga yaong nasa kaluwalhatiang telestiyal, terestriyal at selestiyal ay ipinaliwanag; 114–119, Ang matatapat ay maaaring makita at maunawaan ang mga hiwaga ng kaharian ng Diyos sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

1 Pakinggan, O kayong mga kalangitan, at makinig, O lupa, at magalak kayong mga naninirahan dito, sapagkat ang Panginoon ay Diyos, at maliban sa kanya ay wala nang Tagapagligtas.

2 Dakila ang kanyang karunungan, kagila-gilalas ang kanyang mga pamamaraan, at ang lawak ng kanyang mga gawain ay walang makatutuklas.

3 Ang kanyang mga layunin ay hindi nabibigo, ni walang sinuman ang makapipigil sa kanyang kamay.

4 Mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan siya ay gayon din, at ang kanyang mga taon ay hindi natatapos.

5 Sapagkat ganito ang wika ng Panginoon—Ako, ang Panginoon, ay maawain at mapagmahal sa mga yaong may takot sa akin, at nagagalak na parangalan yaong mga naglilingkod sa akin sa kabutihan at sa katotohanan hanggang sa katapusan.

6 Dakila ang kanilang gantimpala at walang hanggan ang kanilang kaluwalhatian.

7 At sa kanila aking ipahahayag ang lahat ng hiwaga, oo, lahat ng nakakubling hiwaga ng aking kaharian mula noong una, at hanggang sa mga panahong darating, aking ipaaalam sa kanila ang mabuting kagustuhan ng aking kalooban hinggil sa lahat ng bagay na nauukol sa aking kaharian.

8 Oo, maging ang mga kamangha-mangha ng kawalang-hanggan ay kanilang malalaman, at ang mga bagay na darating ay aking ipakikita sa kanila, maging ang mga bagay-bagay ng maraming salinlahi.

9 At ang kanilang karunungan ay lalawak, at ang kanilang pang-unawa ay aabot hanggang sa langit; at sa harapan nila ang karunungan ng mga pantas ay mapapawi, at ang pang-unawa ng matatalino ay mawawalang-saysay.

10 Sapagkat sa pamamagitan ng aking Espiritu ay aking bibigyang-liwanag sila, at sa pamamagitan ng aking kapangyarihan aking ipaaalam sa kanila ang mga lihim ng aking kalooban—oo, maging yaong mga bagay na hindi nakikita ng mata, ni naririnig ng tainga, ni hindi pa pumapasok sa puso ng tao.

11 Kami, sina Joseph Smith, Jun., at Sidney Rigdon, habang nasa Espiritu noong ikalabing-anim ng Pebrero, sa taon ng ating Panginoon isanlibo walong daan at tatlumpu at dalawa—

12 Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ang aming mga mata ay nabuksan at ang aming mga pang-unawa ay naliwanagan, upang aming makita at maunawaan ang mga bagay-bagay ng Diyos—

13 Maging yaong mga bagay na mula sa simula bago pa magkaroon ng daigdig, na inordenan ng Ama, sa pamamagitan ng kanyang Bugtong na Anak, na nasa sinapupunan ng Ama, maging mula sa simula;

14 Na siya naming pinatototohanan; at ang patotoo na aming sinabi ay kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo, na siyang Anak, na siyang aming nakita at siyang aming nakausap sa isang makalangit na pangitain.

15 Sapagkat habang aming ginagawa ang gawain ng pagsasalin, na itinakda ng Panginoon sa amin, kami ay humantong sa ikadalawampu at siyam na talata ng ikalimang kabanata ni Juan, na ibinigay sa amin tulad ng sumusunod—

16 Nangungusap tungkol sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, hinggil sa mga yaong makaririnig ng tinig ng Anak ng Tao:

17 At babangon; sila na gumawa ng mabuti, sa pagkabuhay na mag-uli ng mabubuti; at sila na gumawa ng masama, sa pagkabuhay na mag-uli ng masasama.

18 Ngayon ito ay nagdulot sa amin ng pagkamangha, sapagkat ito ay ibinigay sa amin ng Espiritu.

19 At habang kami ay nagbubulay-bulay sa mga bagay na ito, hinipo ng Panginoon ang mga mata ng aming mga pang-unawa at ang mga ito ay nabuksan, at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay nagliwanag sa paligid.

20 At aming namasdan ang kaluwalhatian ng Anak, sa kanang kamay ng Ama, at natanggap ang kanyang kaganapan;

21 At nakita ang mga banal na anghel, at sila na mga pinabanal sa harapan ng kanyang luklukan, sinasamba ang Diyos, at ang Kordero, na siyang sumasamba sa kanya magpakailanman at walang katapusan.

22 At ngayon, matapos ang maraming patotoo na ibinigay hinggil sa kanya, ito ang patotoo, na pinakahuli sa lahat, na aming ibibigay tungkol sa kanya: Na siya ay buhay!

23 Sapagkat siya ay aming nakita, maging sa kanang kamay ng Diyos; at aming narinig ang tinig na nagpapatotoo na siya ang Bugtong na Anak ng Ama—

24 Na sa kanya, at sa pamamagitan niya, at mula sa kanya, ang mga daigdig ay nililikha at nalikha, at ang mga naninirahan dito ay mga isinilang na anak na lalaki at babae ng Diyos.

25 At amin ding nakita, at pinatototohanan, na ang anghel ng Diyos na may kapangyarihan sa harapan ng Diyos, na naghimagsik laban sa Bugtong na Anak na siyang minahal ng Ama at siyang nasa sinapupunan ng Ama, ay iwinaksi sa harapan ng Diyos at ng Anak,

26 At tinawag na Kapahamakan, sapagkat ang kalangitan ay tumangis sa kanya—siya si Lucifer, ang anak ng umaga.

27 At aming namasdan, at narito, siya ay bumagsak! bumagsak, maging ang anak ng umaga!

28 At habang kami ay nasa Espiritu pa, inutusan kami ng Panginoon na dapat naming isulat ang pangitain; sapagkat aming namalas si Satanas, ang matandang ahas, maging ang diyablo, na naghimagsik laban sa Diyos, at naghangad na kunin ang kaharian ng aming Diyos at ng kanyang Cristo—

29 Dahil dito, siya ay nakidigma sa mga banal ng Diyos, at pinaligiran sila.

30 At aming nakita ang isang pangitain ng mga pagdurusa ng mga yaong kanyang dinigma at nilupig, sapagkat ganito dumating ang tinig ng Panginoon sa amin:

31 At ganito ang wika ng Panginoon hinggil sa lahat ng yaong nakaaalam ng aking kapangyarihan, at ginawang kabahagi nito, at hinayaan ang kanilang sarili sa kapangyarihan ng diyablo upang madaig, at upang itatwa ang katotohanan at lumaban sa aking kapangyarihan—

32 Sila ang mga yaong anak na lalaki ng kapahamakan, na siyang aking sinabi na mas mabuti pa para sa kanila na hindi na sila ipinanganak;

33 Sapagkat sila ay mga sisidlan ng poot, hinatulan na pagdusahan ang poot ng Diyos, kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel sa kawalang-hanggan;

34 Hinggil sa mga yaong aking sinabi na walang kapatawaran sa daigdig na ito ni sa daigdig na darating—

35 Itinakwil ang Banal na Espiritu matapos matanggap ito, at itinakwil ang Bugtong na Anak ng Ama, matapos nilang ipako siya sa krus sa kanilang sarili at ilagay siya sa hayag na kahihiyan.

36 Sila ang mga yaong tutungo sa lawa ng apoy at asupre, kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel—

37 At sa kanila lamang may kapangyarihan ang pangalawang kamatayan;

38 Oo, katotohanan, sila lamang ang hindi matutubos sa takdang panahon ng Panginoon, pagkatapos ng mga pagdurusa ng kanyang poot.

39 Sapagkat ang lahat ng iba pa ay babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga patay, sa pamamagitan ng pagwawagi at kaluwalhatian ng Kordero, na pinatay, na nasa sinapupunan ng Ama bago pa nilikha ang mga daigdig;

40 At ito ang ebanghelyo, ang mabubuting balita, na siyang pinatototohanan ng tinig mula sa langit sa amin—

41 Na siya ay pumarito sa daigdig, maging si Jesus, upang ipako sa krus dahil sa sanlibutan, upang dalhin ang mga kasalanan ng sanlibutan, at upang pabanalin ang sanlibutan at linisin ito mula sa lahat ng kasamaan;

42 Na sa pamamagitan niya ang lahat ay maliligtas na siyang inilagay ng Ama sa kanyang kapangyarihan at nilalang sa pamamagitan niya;

43 Na siyang lumuluwalhati sa Ama, at inililigtas ang lahat ng gawa ng kanyang mga kamay, maliban ang mga yaong anak na lalaki ng kapahamakan na itinakwil ang Anak matapos siyang ipahayag ng Ama.

44 Dahil dito, inililigtas niya ang lahat maliban sa kanila—sila ay patutungo sa walang katapusang kaparusahan, na siyang walang hanggang kaparusahan, na siyang walang katapusang kaparusahan, upang maghari kasama ng diyablo at ng kanyang mga anghel sa kawalang-hanggan, kung saan ang kanilang uod ay hindi mamamatay, at ang apoy ay hindi maaapula, na siya nilang kaparusahan—

45 At ang wakas nito, ni ang lugar nito, ni ang kanilang kaparusahan, walang taong nakaaalam;

46 Ni hindi ito ipinahayag, ni ipinahahayag, ni ipahahayag sa tao, maliban sa kanila na tatanggap nito;

47 Gayunpaman, ako, ang Panginoon, ay ipinakita ito sa pamamagitan ng pangitain sa marami, subalit agad itong itinagong muli.

48 Dahil dito, ang katapusan, ang lapad, ang taas, ang lalim, at ang pagdurusa rito, hindi nila mauunawaan, ni ninuman maliban sa yaong inorden sa kaparusahang ito.

49 At aming narinig ang tinig na nagsasabing: Isulat ang pangitain, sapagkat narito, ito ang katapusan ng pangitain ng mga pagdurusa ng hindi maka-diyos.

50 At muli kami ay nagpapatotoo—sapagkat aming nakita at narinig, at ito ang patotoo ng ebanghelyo ni Cristo hinggil sa kanila na babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid—

51 Sila ang mga yaong tumanggap ng patotoo ni Jesus, at naniwala sa kanyang pangalan at nabinyagan sa paraan ng kanyang pagkakalibing, na nalibing sa tubig sa kanyang pangalan, at ito ay alinsunod sa kautusan na kanyang ibinigay—

52 Na sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan sila ay maaaring mahugasan at malinis mula sa lahat ng kanilang kasalanan, at tumanggap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng pagpapatong ng kamay niya na inordenan at binuklod sa kapangyarihang ito;

53 At siyang pinangibabawan ng pananampalataya, at ibinuklod sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ng pangako, na siyang ibinubuhos ng Ama sa lahat ng yaong matwid at totoo.

54 Sila ang mga yaong simbahan ng Panganay.

55 Sila ang mga yaong kung kaninong kamay ibinigay ng Ama ang lahat ng bagay—

56 Sila ang mga yaong saserdote at hari, na nakatanggap ng kanyang kaganapan, at ng kanyang kaluwalhatian;

57 At mga saserdote ng Pinakamataas, alinsunod sa orden ni Melquisedec, na alinsunod sa orden ni Enoc, na alinsunod sa orden ng Bugtong na Anak.

58 Dahil dito, ayon sa nakasulat, sila ay mga diyos, maging ang mga anak na lalaki ng Diyos

59 Dahil dito, lahat ng bagay ay kanila, kahit ang buhay o kamatayan, o mga bagay na kasalukuyan, o ang mga bagay na darating, lahat ay kanila at sila ay kay Cristo, at si Cristo ay sa Diyos.

60 At kanilang madadaig ang lahat ng bagay.

61 Dahil dito, walang sinumang magmamapuri sa tao, bagkus magmapuri siya sa Diyos, na siyang lulupig sa lahat ng kanyang mga kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa.

62 Ang mga ito ay mananahan sa kinaroroonan ng Diyos at ng kanyang Cristo magpakailanman at walang katapusan.

63 Sila ang mga yaong dadalhing kasama niya, kapag siya ay pumarito na sumasa mga alapaap ng langit upang maghari sa lupa sa kanyang mga tao.

64 Sila ang mga yaong magkakaroon ng bahagi sa unang pagkabuhay na mag-uli.

65 Sila ang mga yaong babangon sa pagkabuhay na mag-uli ng mga matwid.

66 Sila ang mga yaong tutungo sa Bundok ng Sion, at sa bayan ng buhay na Diyos, ang makalangit na lugar, ang pinakabanal sa lahat.

67 Sila ang mga yaong darating sa di mabilang na mga hukbo ng mga anghel, sa pangkalahatang pagtitipon ng simbahan ni Enoc, at ng Panganay.

68 Sila ang mga yaon na ang mga pangalan ay nakasulat sa langit, kung saan ang Diyos at si Cristo ang hukom ng lahat.

69 Sila ang mga yaong matwid na tao na ginawang ganap sa pamamagitan ni Jesus, ang tagapamagitan ng bagong tipan, na nagsakatuparan ng ganap na pagbabayad-salang ito sa pamamagitan ng pagbubuhos ng kanyang sariling dugo.

70 Sila ang mga yaong ang katawan ay selestiyal, na ang kaluwalhatian ay gaya ng sa araw, maging ang kaluwalhatian ng Diyos, ang pinakamataas sa lahat, na ang kaluwalhatian, ang araw sa kalangitan ay nasusulat bilang isang sagisag.

71 At muli, aming nakita ang terestriyal na daigdig, at masdan at narito, sila ang mga yaong panterestriyal, na yaong kaluwalhatian ay naiiba mula sa simbahan ng Panganay na nakatanggap ng kaganapan ng Ama, maging gaya ng pagkakaiba ng buwan mula sa araw sa kalangitan.

72 Masdan, sila ang mga yaong namatay nang walang batas;

73 At sila rin ang mga yaong espiritu ng tao na nakabilanggo, na dinalaw ng Anak, at nangaral ng ebanghelyo sa kanila, upang sila ay mahatulan alinsunod sa mga tao sa laman;

74 Na hindi tumanggap ng patotoo ni Jesus sa laman, subalit pagkaraan ay tinanggap ito.

75 Sila ang mga yaong mararangal na tao sa lupa, na nabulag ng panlilinlang ng mga tao.

76 Sila ang mga yaong tumanggap ng kanyang kaluwalhatian, subalit hindi ng kanyang kaganapan.

77 Sila ang mga yaong tumanggap sa Anak, subalit hindi ng kaganapan ng Ama.

78 Dahil dito, sila ang mga katawang terestriyal, at hindi katawang selestiyal, at naiiba sa kaluwalhatian gaya ng pagkakaiba ng buwan sa araw.

79 Sila ang mga yaong hindi matatatag sa pagpapatotoo kay Jesus, dahil dito, hindi nila natamo ang putong ng kaharian ng ating Diyos.

80 At ngayon ito ang katapusan ng pangitain na aming nakita sa terestriyal, na iniutos sa aming isulat ng Panginoon habang kami ay napasa Espiritu pa.

81 At muli, aming nakita ang kaluwalhatian ng telestiyal, na ang kaluwalhatian ay mas mababa, maging gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay naiiba sa kaluwalhatian ng buwan sa kalangitan.

82 Sila ang mga yaong hindi tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo, ni ng patotoo ni Jesus.

83 Sila ang mga yaong hindi nagtakwil ng Banal na Espiritu.

84 Sila ang mga yaong ihuhulog sa impiyerno.

85 Sila ang mga yaong hindi matutubos mula sa diyablo hanggang sa huling pagkabuhay na mag-uli, hanggang ang Panginoon, maging si Cristo ang Kordero, ay matapos sa kanyang gawain.

86 Sila ang mga yaong hindi tumanggap ng kanyang kaganapan sa walang hanggang daigdig, subalit ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng paglilingkod ng terestriyal;

87 At ang terestriyal sa pamamagitan ng paglilingkod ng selestiyal.

88 At gayon din ang telestiyal ay matatanggap ito sa pamamagitan ng paglilingkod ng mga anghel na itinalagang maglingkod para sa kanila, o na siyang itinalaga na maging mga espiritung naglilingkod para sa kanila; sapagkat sila ay magiging tagapagmana ng kaligtasan.

89 At sa ganito aming nakita, sa makalangit na pangitain, ang kaluwalhatian ng telestiyal, na walang maaaring makaunawa.

90 At walang sinuman ang makauunawa nito maliban sa kanya kung kanino ito ipinahayag ng Diyos.

91 At sa ganito nakita namin ang kaluwalhatian ng terestriyal na nakahihigit sa lahat ng bagay sa kaluwalhatian ng telestiyal, maging sa kaluwalhatian, at sa kapangyarihan, at sa lakas, at sa nasasakupan.

92 At sa ganito nakita namin ang kaluwalhatian ng selestiyal, na nakahihigit sa lahat ng bagay—kung saan ang Diyos, maging ang Ama, ay naghahari sa kanyang luklukan magpakailanman at walang katapusan;

93 Sa harapan ng kanyang luklukan lahat ng bagay ay yumuyukod sa mapagpakumbabang pagpipitagan, at nagbibigay sa kanya ng kaluwalhatian magpakailanman at walang katapusan.

94 Sila na nananahanan sa kanyang kinaroroonan ay simbahan ng Panganay; at kanilang nakikita ang gaya ng pagkakakita sa kanila, at nakaaalam gaya ng pagkakaalam sa kanila, makaraang matanggap ang kanyang kaganapan at ang kanyang biyaya;

95 At kanya silang ginawang pantay-pantay sa kapangyarihan, at sa lakas, at nasasakupan.

96 At iba ang kaluwalhatian ng selestiyal, maging gaya ng kaluwalhatian ng araw ay iba.

97 At ang kaluwalhatian ng terestriyal ay iba, maging gaya ng kaluwalhatian ng buwan ay iba.

98 At ang kaluwalhatian ng telestiyal ay iba, maging gaya ng kaluwalhatian ng mga bituin ay iba; sapagkat gaya ng pagkakaiba ng isang bituin mula sa isa pang bituin sa kaluwalhatian, gayon din ang pagkakaiba ng isa sa isa pa sa kaluwalhatian sa telestiyal na daigdig;

99 Sapagkat sila ang mga yaong kay Pablo, at kay Apollos, at kay Cephas.

100 Sila ang mga yaong nagsasabi na sila ay sa isa at ang iba ay sa isa pa—ang iba kay Cristo at ang iba kay Juan at ang iba kay Moises, at ang iba kay Elias, at ang iba kay Esaias, at ang iba kay Isaias, at ang iba kay Enoc;

101 Subalit hindi tinanggap ang ebanghelyo, ni ang patotoo ni Jesus, ni ang mga propeta, ni ang walang hanggang tipan.

102 Ang pinakahuli sa lahat, silang lahat ang yaong hindi titipunin kasama ng mga banal, na isasama sa simbahan ng Panganay, at tatanggapin sa alapaap.

103 Sila ang mga yaong sinungaling, at mga manggagaway, at mga nakikiapid, at mga patutot, at sinumang nagmamahal at gumagawa ng kasinungalingan.

104 Sila ang mga yaong magdaranas ng poot ng Diyos sa mundo.

105 Sila ang mga yaong magdaranas ng paghihiganti ng apoy na walang hanggan.

106 Sila ang mga yaong ihuhulog sa impiyerno at magdaranas ng poot ng Pinakamakapangyarihang Diyos, hanggang sa kaganapan ng panahon, kapag nadaig nang lahat ni Cristo ang lahat ng kaaway sa ilalim ng kanyang mga paa, at nagawang ganap ang kanyang gawain;

107 Kapag kanyang naipagkaloob ang kaharian, at naipakita ito sa Ama, walang bahid-dungis, sinasabing: Aking nadaig at tinapakang mag-isa ang pisaan ng ubas, maging ang pisaan ng ubas ng kabangisan ng poot ng Diyos na Pinakamakapangyarihan.

108 Pagkatapos siya ay puputungan ng kanyang kaluwalhatian, upang umupo sa luklukan ng kanyang kapangyarihan upang maghari magpakailanman at walang katapusan.

109 Subalit masdan, at narito, aming nakita ang kaluwalhatian at ang mga naninirahan sa telestiyal na daigdig, na sila ay hindi mabilang gaya ng mga bituin sa kalawakan ng langit, o gaya ng buhangin sa dalampasigan;

110 At narinig ang tinig ng Panginoon sinasabing: Ang lahat ng ito ay luluhod, at ang bawat dila ay magtatapat sa kanya na nakaupo sa luklukan magpakailanman at walang katapusan;

111 Sapagkat sila ay hahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa, at ang bawat tao ay makatatanggap alinsunod sa kanyang mga sariling gawa, sa kanyang sariling nasasakupan, sa mga mansiyong inihanda;

112 At sila ang mga magiging tagapaglingkod ng Kataas-taasan; subalit kung saan ang Diyos at si Cristo ay nananahanan hindi sila makaparoroon, mga daigdig na walang katapusan.

113 Ito ang katapusan ng pangitain na aming nakita, na inutusan kaming isulat habang kami ay napasa Espiritu pa.

114 Subalit dakila at kagila-gilalas ang mga gawain ng Panginoon, at ang mga hiwaga ng kanyang kaharian na ipinakita niya sa amin, na humihigit sa lahat ng pang-unawa sa kaluwalhatian, at sa lakas at sa pamamahala;

115 Na kanyang ipinag-utos sa amin na hindi namin nararapat isulat habang kami ay napasa Espiritu pa, at hindi nararapat sabihin ng tao;

116 Ni ang tao ay may kakayahang ipahayag ang mga ito, sapagkat ang mga ito ay maaari lamang makita at maunawaan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob ng Diyos sa mga yaong nagmamahal sa kanya, at nilinis ang kanilang sarili sa harapan niya;

117 Na kung kanino ipinagkaloob niya ang karapatang ito na makakita at makaalam para sa kanilang sarili;

118 Na sa pamamagitan ng kapangyarihan at pagpapahayag ng Espiritu habang nasa laman, sila ay maaaring makatagal sa kanyang harapan sa daigdig ng kaluwalhatian.

119 At sa Diyos at sa Kordero ay kaluwalhatian, at karangalan at pamamahala magpakailanman at walang katapusan. Amen.