2009
Lumapit sa Kanya sa Panalangin at Pananampalataya
Marso 2009


Mensahe ng Unang Panguluhan

Lumapit sa Kanya sa Panalangin at Pananampalataya

Larawan
President Thomas S. Monson

“Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo, at huwag kang manalig sa iyong sariling kaunawaan. Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas.”1 Iyan ang sabi ng matalinong si Solomon, anak ni David, na hari ng Israel.

Sinabi ni Jacob, na kapatid ni Nephi: “Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya.”2

Sa dispensasyong ito, sa isang paghahayag kay Propetang Joseph Smith, sinabi ng Panginoon, “Isaalang-alang ako sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot.”3

Ang inspiradong payong ito mula sa langit ay dumarating sa atin ngayon bilang isang napakalinaw na tubig sa tuyot na lupa.

Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Ang mga tanggapan ng mga doktor ay puno ng mga taong naghihirap ang kalooban at maging ang katawan. Umaapaw ang mga hukuman sa diborsyo dahil may mga problemang hindi malutas ang mga tao. Ang mga human resource administrator sa gobyerno at industriya ay nagtatrabaho nang mahabang oras sa pagsisikap na matulungan ang mga tao sa kanilang mga problema.

Tinapos ng isang human resource officer na inatasang lutasin ang maliliit na reklamo ang isang napakaabalang araw sa pabirong paglalagay ng maliit na karatula sa kanyang mesa para sa mga taong may problemang hindi malutas. Nakasaad dito, “Nasubukan na ba ninyong magdasal?” Hindi niya siguro alam na ang simpleng payong ito ang lulutas sa mas maraming problema, magpapagaan sa mas maraming pagdurusa, pipigil sa mas maraming paglabag, at maghahatid ng higit na kapayapaan at kaluguran sa kaluluwa ng tao kaysa makakamtan sa iba pang paraan.

Isang bantog na Amerikanong hukom ang tinanong kung ano ang magagawa natin bilang mga mamamayan ng mga bansa sa mundo para mabawasan ang krimen at paglabag sa batas at maghatid ng kapayapaan at kaluguran sa ating buhay at mga bansa. Maingat siyang tumugon, “Imumungkahi kong balikan natin ang makalumang gawing manalangin sa pamilya.”

Lakas sa Panalangin

Bilang isang grupo, hindi ba tayo nagpapasalamat na hindi pa lipas ang gawi nating manalangin sa pamilya? Wala nang tanawing mas maganda sa buong mundong ito kaysa isang pamilyang sama-samang nagdarasal. May tunay na kahulugan ang madalas sabihing “Ang pamilyang nagdarasal nang sama-sama ay nananatiling magkakasama.”

Iniutos ng Panginoon na manalangin tayo sa pamilya nang sabihin Niyang, “Manalangin kayo sa inyong mag-anak sa Ama, lagi sa aking pangalan, nang ang inyong mga asawa at inyong mga anak ay pagpalain.”4

Samahan nga ninyo akong masdan ang isang karaniwang pamilyang Banal sa mga Huling Araw na nagdarasal sa Panginoon. Ang ama, ina, at bawat isa sa mga anak ay nakaluhod, nakatungo, at nakapikit. Puspos ng matamis na pagmamahalan, pagkakaisa, at kapayapaan ang tahanan. Habang pinakikinggan ng ama ang kanyang musmos na anak na lalaki na ipinagdarasal na sana’y gawin ng tatay niya ang tama at sundin ang mga utos ng Panginoon, palagay kaya ninyo mahihirapan ang amang iyon na bigyang-katuparan ang panalangin ng kanyang mahal na anak? Habang pinakikinggan ng isang tinedyer na babae ang pagsamo ng mabait niyang ina sa Panginoon na magkainspirasyon ang kanyang anak sa pagpili ng mga kasama, na maihanda niya ang sarili para makasal sa templo, hindi ba kayo naniniwala na hahangaring bigyang-katuparan ng anak na iyon ang mapakumbabang pagsamo ng kanyang ina, na mahal na mahal niya? Kapag taimtim na ipinagdarasal ng ama, ina, at bawat isa sa mga anak na mamuhay nang marapat ang matitinong anak na lalaki sa pamilya nang sila, sa takdang panahon, ay matawag na maglingkod bilang mga kinatawan ng Panginoon sa gawaing misyonero ng Simbahan, hindi ba natin nakikita na nagbibinata ang mga anak na iyon na may nag-uumapaw na hangaring maglingkod bilang mga misyonero?

Tiyak ko na panalangin ng pamilya ang nagganyak sa pagsulat ng isang liham ng isang dalagitang Banal sa mga Huling Araw na nag-aaral sa Colorado high school ilang taon na ang nakalipas. Pinasulat ng liham ang mga estudyante para sa isang magaling na taong napili nila. Maraming lumiham sa mga bantog na atleta, sa isang tanyag na astronaut, sa pangulo ng Estados Unidos, at sa iba pang kilalang mga tao. Gayunman, lumiham ang dalagitang ito sa kanyang ama, at sa liham ay isinaad niya: “Nagpasiya po akong ikaw ang sulatan ko, Itay, kasi ikaw ang pinakamagaling na lalaking nakilala ko. Ang nag-uumapaw na hangarin ng puso ko ay makapamuhay ako sa paraang magkakaroon ako ng pribilehiyo na makapiling ka at si Inay at ang iba pang mga miyembro ng pamilya sa kahariang selestiyal.” Wala nang iba pang liham na natanggap ang amang iyon na mas maganda pa roon.

Sa mga panalangin ng ating pamilya sa Panginoon at sa personal nating mga panalangin, gawin natin ito nang may pananampalataya at tiwala sa Kanya. Alalahanin natin ang payo ni Pablo sa mga Hebreo: “Sapagka’t ang lumalapit sa Dios ay dapat sumampalatayang may Dios, at siya ang tagapagbigay ganti sa mga sa kaniya’y nagsisihanap.”5 Kung mayroon sa atin na mabagal makinig sa payo na laging manalangin, wala nang mas maganda pang oras para magsimula kundi ngayon. Ipinahayag ni William Cowper, “Nanginginig si Satanas, kapag nakikita niyang nakaluhod ang pinakamahinang Banal.”6 Yaong mga nag-aakalang ang panalangin ay tanda ng pisikal o intelektuwal na kahinaan ay dapat tandaan na ang isang tao ay mas matangkad kapag siya ay nakaluhod.

Hindi natin malalaman ang kahulugan ng pananampalataya kung hindi tayo nagkaroon nito kahit kailan, at hindi tayo magkakaroon nito hangga’t itinatatwa natin ito. Ang pananampalataya at pag-aalinlangan ay hindi sabay na iiral sa iisang isipan, dahil iwawaksi ng tao ang isa rito.

Pagtanggap sa Kanyang Paanyaya

Kung hangad nating iwaksi ang lahat ng pag-aalinlangan at halinhan ito ng matibay na pananampalataya, kailangan lang nating tanggapin ang paanyaya sa inyo at sa akin sa Sulat ni Santiago:

“Kung nagkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.

“Nguni’t humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.”7

Ang pangakong ito ang nagganyak sa binatilyong si Joseph Smith na hanapin ang Diyos sa panalangin. Ipinahayag niya sa atin sa sarili niyang mga salita:

“Sa wakas nakarating ako sa pagpapasiya na … kinakailangan kong gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos. Sa wakas nakarating ako sa matibay na hangarin na ‘humingi sa Diyos,’ nagpapasiya na kung siya ay nagbigay ng karunungan sa mga yaong kulang ng karunungan, at magbibigay nang sagana, at hindi manunumbat, maaari akong magbakasakali.

“Kaya nga, alinsunod dito, sa aking matibay na hangaring humingi sa Diyos, nagtungo ako sa kakahuyan upang maisagawa ang aking pagtatangka. … Ito ang kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay na ako ay gumawa ng ganitong pagtatangka, sapagkat sa gitna ng lahat ng aking pagkabahala, kailanman ay hindi ko pa nagawa ang pagtatangkang manalangin nang malakas.”8

Ngayon, kung nag-atubili na tayong magsumamo sa ating Diyos Amang Walang Hanggan dahil hindi pa tayo nagtatangkang manalangin hanggang ngayon, siguradong lalakas ang loob natin sa halimbawa ni Propetang Joseph. Ngunit tandaan natin, tulad ng ginawa ng Propeta, ang ating panalangin ay dapat ialay nang may pananampalataya, na walang pag-aalinlangan.

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Diyos na hinipo ang mga bato bilang tugon sa kanyang pagsamo.9

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya binuo ni Noe ang arka bilang pagsunod sa utos ng Diyos.10

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya handang ihandog ni Abraham ang kanyang pinakamamahal na si Isaac bilang sakripisyo.11

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya pinamunuan ni Moises ang mga anak ni Israel palabas ng Egipto at patawid ng Dagat na Pula.12

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya napaguho ni Josue at ng kanyang mga alagad ang mga pader ng Jerico.13

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya nakita ni Joseph ang ating Diyos Amang Walang Hanggan at si Jesucristo, na Kanyang Anak.14

Ngayon, maaaring sabihin ng mga mapag-alinlangan na matagal nang nangyari ang mga makapangyarihang salaysay ng pananampalataya, na iba na ang panahon ngayon.

Iba na ba ang panahon ngayon? Hindi ba ngayon, tulad ng dati, mahal natin ang ating mga anak at nais natin silang mamuhay sa kabutihan? Hindi ba ngayon, tulad ng dati, kailangan natin ang banal at nagpoprotektang pangangalaga ng Diyos? Hindi ba ngayon, tulad ng dati, patuloy tayong umaasa sa Kanyang awa at utang natin sa Kanya ang mismong buhay na bigay Niya sa atin?

Hindi naman talaga iba ang panahon ngayon. Patuloy na nagbibigay ng lakas ang panalangin—espirituwal na lakas. Patuloy na naghahatid ng kapayapaan ang panalangin—espirituwal na kapayapaan.

Pagsampalataya

Saan man tayo naroon, naririnig at sinasagot ng ating Ama sa Langit ang panalanging inialay nang may pananampalataya. Totoo ito lalo na sa gawaing misyonero sa buong mundo. Habang nangungulo sa Canadian Mission, sa pamamahala ni Pangulong David O. McKay (1873–1970), nagkaroon kami ni Sister Monson ng pagkakataong maglingkod kasama ang ilan sa pinakamatitinong kabataang lalaki at babae sa buong mundong ito. Ang mismong buhay ng mga kabataang misyonerong ito ay halimbawa ng pananampalataya at panalangin.

Naroo’t nakaupo sa opisina ko isang araw ang isang bagong dating na misyonero. Siya ay matalino, matatag, masaya, at nagpapasalamat na maging misyonero. Siya ay puno ng sigla at hangaring maglingkod. Nang kausapin ko siya, sabi ko, “Elder, wari ko’y buong-puso ang pagsuporta ng tatay at nanay mo sa pagmimisyon mo.” Tumungo siya at sumagot, “Naku, hindi nga po. Alam ninyo, President, hindi po miyembro ng Simbahan ang tatay ko. Hindi siya naniniwala sa pinaniniwalaan natin, kaya hindi niya lubos na maunawaan ang kahalagahan ng tungkulin ko.”

Walang pag-aatubili at nabigyang-inspirasyon mula sa Itaas, sinabi ko sa kanya, “Elder, kung tapat at masigasig kang maglilingkod sa Diyos sa pagpapahayag ng Kanyang mensahe, sasapi ang tatay mo sa Simbahan bago matapos ang misyon mo.” Mahigpit niya akong kinamayan, nangilid ang luha sa kanyang mga mata at tumulo ito sa kanyang mga pisngi, at sinabing, “Ang makitang tinatanggap ng tatay ko ang katotohanan ang pinakadakilang pagpapalang maaaring dumating sa buhay ko.”

Hindi nagpalipas ng oras ang binatang ito nang walang ginagawa sa pag-asa at pangarap na matutupad ang pangako, sa halip ay sinunod niya ang payo ng matalinong tao na ibinigay noon pa man: “Manalangin na para bang lahat ay nakaasa sa Diyos. Kumilos na para bang lahat ay nakaasa sa inyo.” Gayon ang paglilingkod sa misyon ng binatang ito.

Sa bawat kumperensya ng mga misyonero hinahanap ko siya bago magsimula ang mga miting at tinatanong, “Elder, kumusta na si Itay?”

Iisa ang kanyang tugon, “Walang pagbabago, President, pero alam kong tutuparin ng Panginoon ang pangakong ibinigay sa akin sa pamamagitan ninyo bilang mission president ko.” Lumipas ang mga araw at mga linggo at mga buwan, at sa huli, dalawang linggo na lamang bago kami umuwi mula sa misyon, tumanggap ako ng liham mula sa ama ng misyonerong ito. Isinulat ng amang iyon:

“Mahal na Brother Monson:

“Nais kong lubos kayong pasalamatan sa mabuting pag-aalaga ninyo sa aking anak na katatapos lang magmisyon sa Canada. Naging inspirasyon siya sa amin.

“Pinangakuan ang anak ko na kapag nagmisyon siya ay magiging miyembro ako ng Simbahan bago siya umuwi. Ang pangakong ito, sa aking paniwala, na ibinigay ninyo sa kanya, ay hindi ko alam.

“Natutuwa akong ibalita na nabinyagan ako sa Simbahan isang linggo bago niya natapos ang kanyang misyon at ako ngayon ang athletic director ng MIA at nagtuturo ako.

“Nag-aaral na ngayon ang anak ko sa BYU, at kamakailan ay nabinyagan din at nakumpirmang miyembro ng Simbahan ang nakababata niyang kapatid na lalaki.

“Muli ko kayong pinasasalamatan sa lahat ng kabaitan at pagmamahal na ipinakita ng mga ka-misyon ng anak ko sa kanya nitong nakaraang dalawang taon.

“Taos-pusong sumasainyo, isang nagpapasalamat na ama.”

Muling nasagot ang mapakumbabang panalangin ng pananampalataya.

May ginintuang katangian ang bawat kuwento ng pananampalataya mula pa sa simula ng mundo hanggang ngayon. Nais nina Abraham, Noe, ng kapatid ni Jared, ni Propetang Joseph Smith, at ng di-mabilang na iba pa na sundin ang kalooban ng Diyos. Sila ay may mga taingang nakakarinig, mga matang nakakakita, at mga pusong nakakaalam at nakadarama.

Hindi sila nag-alinlangan kailanman. Nagtiwala sila.

Sa pamamagitan ng personal na panalangin, panalangin ng pamilya, pagtitiwala sa Diyos nang may pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, mahihiling nating sagipin tayo ng Kanyang dakilang kapangyarihan. Ang kanyang panawagan sa atin tulad ng dati ay: “Magsiparito sa akin.”15

Paglalarawan ni Matthew Reier; Kapatid ni Jared na Nakikita ang Daliri ng Panginoon, ni Arnold Friberg, © IRI

Dahil sa pananampalataya, na walang pag-aalinlangan, kaya nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Diyos na hinipo ang mga bato bilang tugon sa kanyang pagsamo.

Kaliwa: paglalarawan ni Craig Dimond; kanan: larawang kuha ni David Newman

Jesucristo, ni Harry Anderson, © IRI