2009
Pagtatanggol kay Caleb
Marso 2009


Pagtatanggol kay Caleb

“Alalahanin ang … kabaitang pangkapatid” (D at T 4:6).

Nagsimula ito sa isang karaniwang araw sa eskuwela. Nagsusulat sa pisara ang guro naming si Miss Blackstock habang nakaupo ako sa aking silya at nangangarap nang gising. Maya-maya pumasok ang prinsipal namin na may kasamang batang lalaki na noon ko lang nakita. May ibinulong ang prinsipal sa tainga ni Miss Blackstock, at tumahimik ang lahat para marinig ito.

Tumayo ang bata sa harap ng klase habang nakatitig sa kanya ang ibang mga bata. Maluwang ang suot niyang kamisetang kupas. May butas sa tuhod ang kanyang pantalon. Laylay ang balikat, ibinulsa niya nang husto ang kanyang mga kamay at tumitig sa sahig.

Pagkaalis ng prinsipal, sinabi ni Miss Blackstock, “Mga bata, gusto kong makilala ninyo si Caleb Sanders. Kalilipat lang niya rito mula sa Montana. Medyo malayo iyon dito Caleb, puwede kang maupo sa tabi ni Luke.”

Itinuro niya ang upuang katabi ko, at minasdan ng buong klase si Caleb habang kinakabahan itong lumakad papunta sa upuan. Nang magpatuloy sa pagsulat sa pisara si Miss Blackstock, napuno ng bulungan ang silid. Pinipintasan ng ilan sa mga bata ang pananamit ni Caleb.

“Ang sagwa ng mga bota,” sabi ng isa.

“Kaya niyang akyatin ang Himalayas na suot iyan!” dagdag pa ng isa pang batang lalaki.

Nilingon ko si Caleb, pero nakaupo lang siya roon at nakatitig sa kanyang blangkong kuwaderno at hawak nang mahigpit ang kanyang lapis. Alam kong narinig niya sila dahil nakita kong hindi siya mapakali sa kanyang upuan. Pagkaraan ay ilang bata naman ang naghagikgikan nang napakalakas kaya huminto sa pagsulat si Miss Blackstock.

“Palagay ko sabik makausap ng lahat si Caleb, kaya papuntahin natin siya rito sa harap at magkuwento nang kaunti tungkol sa kanyang sarili,” wika niya.

Tumahimik ang klase at tumitig kay Caleb. Naawa ako sa kanya. Sinipa ng batang lalaki sa likuran niya ang likod ng kanyang upuan at nanunuyang sinabi, “Sige nga, taong bundok.”

Dahan-dahang pumunta sa harapan ng klase si Caleb. Bahagyang nakatakip ang buhok niya sa kanyang mga mata, at kumakayod ang mga bota niya sa sahig paglakad niya. Muling naghagikgikan ang mga bata sa paligid ko. Alam kong gustong tumulong ni Miss Blackstock, pero nangamba akong palalalain lang nito ang sitwasyon.

Nagtaas ng kamay ang isang bata at nagtanong, “Saan ka nakatira sa Montana, sa ilalim ng bato?”

Nagtawanan ang klase.

Isang batang babae sa harapan ang nagtanong, “Katulad mo bang manamit ang lahat ng tao sa Montana?”

Nadama kong nag-iinit ang mukha ko habang namumuo ang galit ko. Kung walang magpapahinto rito, alam kong mananatiling hindi kabilang si Caleb sa buong taong panuruan. Pero kung ipagtatanggol ko siya, baka pagtawanan din ako ng mga bata.

Pagkatapos ay naalala ko ang sinabi sa akin ng pangalawang asawa ng tatay ko nang subukan kong sumali sa soccer team. Ikinuwento niya sa akin si David sa Lumang Tipan. Si David ang bunso sa magkakapatid, pero siya ang pinili ng Diyos na maging hari. Hindi mahalaga kung ano ang hitsura niya. Kung minsan hinuhusgahan ng mga tao ang iba sa panlabas nilang anyo, pero ang Panginoon ay tumitingin sa puso.

Alam kong kailangan ng tulong ni Caleb, kaya nagtaas ako ng kamay. Tinawag ako ni Miss Blackstock. Hindi tumingin si Caleb. Akala niya siguro pagtatawanan ko rin siya.

“Balita ko may magagandang parke sa Montana at masarap mag-hiking doon. Ano’ng hitsura ng mga ito?” tanong ko.

Tumahimik ang klase. Naramdaman kong muling namula ang mukha ko, pero ngumiti si Caleb. Nakita ko na nakaginhawa sa kanyang sagutin ang magandang tanong. Sa mahinang tinig nagsimula siyang magsalita.

Nakatira daw ang kanyang pamilya sa malaking rantso sa Montana, at may sarili pa siyang kabayo. Ikinuwento niya ang kanyang paboritong daanan sa Glacier National Park at kung paano siya nakakita ng totoong buhay na oso. Habang nagkukuwento pa siya tungkol sa kanyang tahanan, nagsimulang magtanong ang ibang mga bata tungkol sa oso, sa hiking, at sa pag-akyat sa malalaking bato.

Nang uwian na hindi ko tiyak kung may tatabi sa akin sa bus. Niyakap ko ang backpack ko at tumitig sa labas ng bintana ng bus. Bigla, may naramdaman akong tapik sa balikat ko. Si Caleb.

“Puwede ba akong maupo rito?” nahihiya niyang tanong.

“Oo naman!” sabi ko habang umuurong para makaupo siya.

Hindi ko mahuhulaan kung ano ang mangyayari sa araw na iyon. Natutuwa ako’t may tapang akong maging mabait kay Caleb. Ngayon marami na siyang kaibigan—at ipinagmamalaki kong isa ako sa kanila.

Paglalarawan ni Craig Stapley; larawang kuha ng Busath Photography