2009
Pagdarasal at Pag-awit sa Ama sa Langit
Hulyo 2009


Kaibigan sa Kaibigan

Pagdarasal at Pag-awit sa Ama sa Langit

“Ang awit ng mabubuti ay isang panalangin sa akin, at ito ay tutugunan ng pagpapala sa kanilang mga ulo” (D at T 25:12).

Larawan
Elder Michael John U. Teh

Noong bata pa ako, madalas akong makawala ng kung anu-ano. Hinahanap ko ito sa lahat ng sulok, pero hindi ko makita. Matapos maghanap sa buong kabahayan nang dalawa o tatlong beses nang hindi ito nakikita, nagdarasal ako sa Ama sa Langit na tulungan ako. Kapag muli akong naghanap, nakikita ko na ang naiwala ko. Ilang beses iyan nangyari sa akin noong bata ako. Sa mga panahong iyon ako natutong magtiwala na dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin.

Nang malaki na ako, tumatag ang patotoo ko nang sagutin ng Ama sa Langit ang mga dalangin ko. Hinding-hindi kayo bibiguin ng Ama sa Langit. Sabi sa mga banal na kasulatan, “Magsihingi kayo, at kayo’y bibigyan; magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Alam ko na kung magsusumamo kayo nang taos-puso at may tunay na layunin, ibibigay sa inyo ng Ama sa Langit ang mga sagot na hinahanap ninyo.

Noong bata pa ako, gustung-gusto ko ang mga kanta sa Primary. Gustung-gusto kong kantahin ang mga ito, kahit hindi ko palaging nauunawaan ang lahat ng salita. Paglaki ko, naalala ko pa ang mga kanta, at tinulungan ako ng mga ito na gawin ang tama. Hilig ko pa ring kantahin ang mga ito. Naaalala ko ang “Sa ating Primary ay mayroong tatlong kulay Ang bawat isa’y nagsisimbolo ng mensaheng taglay!”1 Naaalala ko rin ang “Kung nakasimangot ka, h’wag patagalin. Agad ‘tong baliktarin at pagngiti’y gawin.”2 Ang awit tungkol sa matalino at hangal ay isa pa sa mga paborito ko.3

Alam ko na ang mga awit sa Primary ay pinagmumulan ng lakas para sa akin. Ngayo’y masaya akong makita na natututuhan ng mga bata ang mga awit sa Primary. Alam ko na tutulungan kayo ng mga awit katulad ng pagtulong nito sa akin.

Ang pagdarasal at pagkanta ng mga awit sa Primary noong bata pa ako ay nakatulong sa akin na makilala ang Ama sa Langit. Alam ko na ako ay anak ng Diyos. Noon ko pa ito alam. Kahit nagkakamali ako, mapagmahal at mapagbigay Siya sa akin. Nalaman ko na kapag gumawa kayo ng kahit isang simple at munting bagay na tama, ibubuhos Niya ang mga pagpapala sa inyo. Walang duda ito. Kilala Niya ako. Mahal Niya ako. Ako ay Kanyang anak.

Tulad ko, kayo ay anak ng ating Ama sa Langit. Anuman ang mangyari, kahit talikdan kayo ng iba, hinding-hindi tayo tatalikdan ng ating Ama sa Langit. Lagi Siyang nariyan. Mahal Niya kayo.

Mga Tala

  1. “Ang mga Kulay ng Primary,” Aklat ng mga Awit Pambata, 131.

  2. “Mga Ngiti,” Aklat ng mga Awit Pambata, 128.

  3. Tingnan sa “Ang Matalino at ang Hangal,” Aklat ng mga Awit Pambata, 132.

Paglalarawan ni Matt Smith

Mga larawan sa kagandahang-loob ni Elder Teh