2009
Bakit Ako?
Disyembre 2009


Bakit Ako?

Paghihirap ang nagturo sa akin na huwag mag-alala tungkol sa tanong na ito—o tungkol sa anumang bagay na hindi naman talaga mahalaga.

Bakit ako? Bakit ngayon? Kararating ko lang mula sa pagsali sa isang pangunahing kompetisyon sa pangangabayo na ginanap sa California at nasa rurok ng kahusayan ko sa pagpapatalon ng kabayo. Abala ako sa paaralan, pag-aaral ng piano, at sa mga aktibidad sa Beehive. Ginagawa ko ang lahat ng itinuro sa aking dapat gawin, at akala ko perpekto na ang buhay ko. Pagkatapos ay nagbago ito.

Ang Pagsubok

Naratay ako sa ospital, at ni hindi ko magawang dumilat sa sobrang panghihina. Nasuri na may malala na akong lymphoblastic leukemia. Nagkaroon ako nito apat na taon lang pagkamatay ng nanay ko sa ganito ring uri ng kanser. Sumailalim ako sa matinding chemotheraphy para maalis ang kanser, at sabi ng mga doktor ay sasailalim ako sa chemotheraphy nang dalawa’t kalahating taon para matiyak na wala na ang kanser. Hindi ko maunawaan kung bakit ako at bakit ngayon.

Di nagtagal nalaman ko na hindi lamang pagkakaroon ng kanser ang hamon na haharapin ko. Ang isa sa mga gamot sa leukemia ay isang steroid na ibinibigay sa napakataas na dosis. Napakabisa nito sa pagpatay sa mga selula ng leukemia, pero may kaunting panganib na mauwi ito sa avascular necrosis (isang kalagayan na nasisira ang mga buto malapit sa mga kasu-kasuan), lalo na sa mga dalagita. Inakala ng mga doktor na, sa edad na 12, napakabata ko pa para mangyari iyon. Gayunman, sa loob ng isang buwan pagkasimula ng chemotheraphy, napinsala na ng mga steroid ang pangunahin kong mga kasu-kasuan at mga bahagi ng gulugod ko. Palaging may masakit sa akin. Apat na buwan matapos masuring may leukemia ako, sumailalim ako sa unang operasyon sa balakang para sikaping ayusin ang pinsalang dulot ng steroids at mabawasan ang sakit. Hindi tulad ng inaasahan ko ang kinalabasan ng operasyon, at ang sabi sa akin ng orthopedic surgeon ko ay hindi na siguro ako makakapangabayong muli. Biglang naglaho ang plano ko sa hinaharap.

Magaling akong estudyante, at talagang mahilig akong mag-aral. Ngayon ay hindi na ako makakapasok sa paaralan o makakalabas man lang dahil nasira ng chemotheraphy ang immune system ko. Sa halip, namalagi na lang ako sa bahay kasama ang pangalawang asawa ng tatay ko. Sa puntong ito naisip kong masama na ang nangyayari, pero mas lumala pa ito.

Anim na buwan matapos ang operasyon ko sa balakang, kinailangan kong muling ipaopera ito dahil hindi umubra ang una. Naka-wheelchair ako dahil napakasakit lumakad. Natiyak kong hindi na ako muling makakapangabayo, at nag-aalala ako ngayon kung makakalakad pa akong muli. Ang mabuhay nang may karamdaman, palaging may masakit, at naka-wheelchair ay hindi masaya para sa akin.

Ang mga Panalangin

Nagdarasal ako sa aking Ama sa Langit, at alam ko na ipinagdarasal din ako ng marami pang iba. Sa lahat ng pagsubok ko, ipinagdasal kong gumaling ako, na mabalik sa dati ang mga kasu-kasuan ko, at sana hindi ko na kailanganing tapusin pa ang natitirang chemotheraphy. Dama kong hindi nasasagot ang mga dasal ko dahil kinailangan ko pang pumunta linggu-linggo sa Primary Children’s Medical Center sa Salt Lake City para sa dagdag pang chemotheraphy. Masakit pa rin. At naka-wheelchair pa rin ako. Minsan, naisip ko na naloloko na ang mga magulang ko sa paniniwala sa isang Diyos na hindi man lang nakikinig sa isang kawawang batang babaeng may karamdaman.

Ilang taon bago iyon, nasubok din nang gayon ang pananampalataya ko nang ipagdasal kong gumaling ang nanay ko. Palagi siyang naka-oxygen at ni hindi man lang makalakad sa bahay sa sobrang panghihina. Nagdasal ako at umasa at nagdasal pa nang nagdasal para sa mahimala niyang paggaling. Gayunman, hindi siya gumaling. Nang mamatay siya, nalaman ko na maaari nating ipagdasal ang gusto natin hangga’t gusto natin, pero kailangan tayong magdasal para sa tamang mga bagay—na ipinagdarasal na mangyari ang kalooban ng Panginoon—para masagot ang ating mga panalangin.

Dahil sa aral na ito, pinalitan ko ang mga dalangin kong “Pagalingin po sana ninyo ako” ng “Ama sa Langit, gusto kong matapos na talaga ang mga pagsubok na ito, pero tatanggapin ko po ang kalooban Ninyo.” Nang palitan ko ang mga dasal ko, napansin ko na mas madali kong nakayanan ang chemotheraphy at mas gumanda ang pananaw ko. Simula pa lamang iyon ng mga pagpapala at sagot sa mga dalangin at tanong ko.

Maraming beses akong binigyan ng tatay at lolo ko ng priesthood blessing. Tuwing kailangan akong operahan, humihingi ako ng basbas. Nakatulong ang mga pagbabasbas sa pagpanatag ng aking kalooban at ng aking pamilya tungkol sa pagpapaopera. Noong minsan mataas ang lagnat ko, at kinailangan kong maospital. Binasbasan ako ng tatay ko at ng isang kapitbahay bago kami umalis. Pagdating ng sasakyan namin sa pintuan ng emergency room, wala na akong lagnat, at hindi ko na kinailangang magpaospital pa. Alam ko na ang kapangyarihan ng priesthood ay kaloob ng isang mapagmahal na Ama sa Langit.

Ang mga Aral

Ang isang sandaling lagi kong maaalala ay ang araw na umuwi ako mula sa ospital matapos matuklasan na may leukemia ako. Inilipat ng kababaihan sa young women at Relief Society sa isang kuwarto sa unang palapag ang mga gamit ko sa basement para mas malapit ako sa mga magulang ko at hindi na ako umakyat pa ng hagdan. Nilinis at dinekorasyunan nila ang kuwarto para maganda itong tirhan habang maysakit ako. Tumanggap ang pamilya ko ng marami pang proyekto sa paglilingkod. Sa simula, mahirap para sa akin ang mapagsilbihan. Kapag pinagsisilbihan ako ng mga tao, pakiramdam ko ay wala akong kayang gawin para sa sarili ko. Gayunman, mabilis kong natutuhan na OK lang palang humingi ng tulong. Nang gumanda na ang pakiramdam ko, naghanap ako ng mga pagkakataon upang makapagsilbi pa sa ibang tao. Ngayon sinisikap kong makapagsilbi sa abot ng makakaya ko. Gumaganda ang pakiramdam ko kapag nagsisilbi ako sa ibang tao. Nalaman ko na kung hahayaan kong pagsilbihan ako ng ibang tao, tinutulutan ko silang gumanda rin ang kanilang pakiramdam.

Natutuhan kong mas isipin ang hinaharap at ang mga pasiya ko dahil muntik na akong mamatay. Sa paaralan, narinig kong magreklamo ang mga babae na “pangit ang buhok nila noong araw na iyon.” Habang nakaupo sa wheelchair kong matingkad na rosas ang kulay at may suot na peluka, iniisip ko, “Mabuti nga kayo may buhok!” Nagrereklamo rin sila na sumasakit ang mga paa nila sa kalalakad nang nakasapatos na mataas ang takong. Iniisip ko, “Mabuti nga nakakalakad kayo.” Ngayon sinisikap kong mas magtuon sa kabuuan kaysa sa maliliit na bagay na dati kong pinoproblema.

Sa nakalipas na ilang taon marami pa akong natutuhan dahil sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng leukemia at mga kumplikasyon ng chemotheraphy. Naging mas malapit ako sa aking Ama sa Langit. Lumakas ang patotoo ko. At nalaman ko kung ano ang tunay na mahalaga. Natutuhan kong pahalagahan ang lahat ng maliliit na bagay na ginagawa ng mga tao para sa akin. Nagpapagaling ako ngayon, bahagya na lang ang sakit, at unti-unti ko nang nagagamit ang mga kasu-kasuan ko. Habang nagpapagaling ako, patuloy ang dating ng mga pagpapala at aral na dulot ng mga karanasan.

Kaya bakit ako? Bakit ngayon? Hindi ko na itinatanong ang mga iyon dahil lumago ang espirituwalidad ko sa aking mga pagsubok. Natuklasan ko kung sino talaga ako dahil minahal ako nang sapat ng Panginoon para maranasan ko ang paghihirap at mga pagpapalang kaakibat nito.

Mga larawan sa kagandahang-loob ng pamilya Quigley, maliban kung iba ang nakasaad; kanan: larawang kuha ni Matthew Reier

Tinugtog ni Elizabeth ang oboe sa general Young Women meeting noong Marso ng taong ito (na mapapanood sa www.generalconference.lds.org).

Kanang itaas: larawang kuha ni Craig Dimond