2011
Ang Tagapagligtas—ang Dalubhasang Guro
Enero 2011


Ang Tagapagligtas ang Dalubhasang Guro

Kailangan nating magpakabusog sa mga salita ni Cristo—ang mga banal na kasulatan—at, tulad ng Kanyang ginawa, gamitin natin ang mga ito para turuan at palakasin ang iba.

Larawan
Elder Jay E. Jensen

Sa pamamahala ng Kanyang Ama, lumikha si Jesucristo ng mga daigdig na hindi mabilang. Siya ang dakilang Jehova, ang Diyos ng Lumang Tipan. Isinilang Siya ng isang mortal na ina, si Maria, at ng Diyos Amang Walang Hanggan. Siya ang pinakadakilang nilalang na nabuhay sa mundo. Sabi Niya, Siya ay pumarito upang “gawin ang kalooban ng sa akin ay nagsugo, at tapusin ang kaniyang gawa” (Juan 4:34).

Ang kanyang mensahe at ministeryo ay mga pagpapahayag na walang pag-aatubili na Siya si Jesucristo, ang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas.

Sa Kanyang mga turo madalas Siyang bumanggit ng mga talata mula sa Lumang Tipan. Ginamit niya ang mga banal na kasulatan upang paghandaan ang Kanyang ministeryo, madaig ang kasamaan at tukso, parangalan at patunayan na totoo ang mga propeta noong araw, at palakasin ang iba. Mula sa Kanyang halimbawa maaari tayong matutong gamitin nang mas mabisa ang mga banal na kasulatan sa ating mga responsibilidad bilang mga magulang, lider, at guro—dahil nagpakita Siya ng perpektong halimbawa sa lahat ng bagay, pati na ang pagiging dalubhasang guro.

Paghahanda para sa Kanyang Ministeryo

Nang pumarito ang Panginoon sa mundo, nalambungan ng pagkalimot ang Kanyang isipan, tulad natin, ngunit Siya, tulad natin, ay umunlad nang biyaya sa biyaya (tingnan sa D at T 93:11–17). Tinuruan Siya ng Kanyang Ama sa Langit (timgnan sa Juan 8:28; 12:49) at ng mga mortal na guro. Tulad ng itinuro ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang ating kaalaman tungkol sa buhay ng mga Judio sa panahong iyon ay umaakma sa hinuha na naturuang mabuti ang Batang si Cristo tungkol sa batas at mga banal na kasulatan, dahil iyon ang patakaran noon. Nakaipon siya ng kaalaman sa pamamagitan ng pag-aaral, at nagtamo ng karunungan sa pamamagitan ng panalangin, pag-iisip, at pagsisikap.”1

Mula sa Kanyang pagkabata hanggang sa maglingkod Siya sa mga tao, ang tanging kuwentong alam natin tungkol sa Kanya ay nang magturo Siya sa templo sa edad na 12, na nagpamalas ng pambihirang karunungan at kaalaman: “Makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan [siya nina Jose at Maria] sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila’y pinakikinggan, at sila’y tinatanong” (Lucas 2:46). Nilinaw sa Pagsasalin ni Joseph Smith ang talatang ito at isinaad na ang mga guro ay nakikinig kay Jesus at Siya ay tinatanong.

Ang Kanyang paglago sa kaalaman bago Siya nagsimula sa Kanyang ministeryo ay halimbawa ng Kanyang payo kay Hyrum Smith noong 1829: “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita, kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (D at T 11:21).

Masasaliksik din natin ang mga banal na kasulatan para sa turo at inspirasyon sa pagsisimula ng ating ministeryo, bagong tungkulin man ang ministeryong iyan, bagong responsibilidad (tulad ng pagiging magulang), o simpleng aralin sa family home evening.

Pagdaig sa Kasamaan at Tukso

Sa simula ng Kanyang ministeryo, si Jesus ay tinukso ng diyablo. Ang dalawa sa tatlong tukso ay nagsimula sa mapagdudang pahayag: “Kung ikaw ang Anak ng Dios” (Mateo 4:3, 6). Para madaig si Satanas, bumanggit ang Tagapagligtas ng tatlong talata sa Lumang Tipan, na nagsasabing, “Nasusulat …” (mga talata 4, 7, 10).

Itinuro din ng Tagapagligtas sa Kanyang mga alagad sa pamamagitan ng halimbawa sa mga banal na kasulatan kung paano daigin ang kasamaan. Habang itinuturo sa mga tao na daigin ang tukso o harapin ang kakila-kilabot na mga bunga nito, binanggit ng Dalubhasang Guro ang isang kuwento sa Lumang Tipan: “Higit na mapagpapaumanhinan ang lupa ng Sodoma at ng Gomorra sa araw ng paghuhukom, kay sa bayang yaon [na tumanggi sa Kanyang ebanghelyo]” (Mateo 10:15).

Kung susundin natin ito, ang salita ng Diyos ay may likas na kapangyarihang mangalaga: “Sinuman ang makikinig sa salita ng Diyos, at mahigpit na kakapit dito, kailanman sila ay hindi masasawi; ni ang mga tukso o nag-aapoy na sibat ng kaaway ay makapananaig sa kanila” (1 Nephi 15:24).

Isa sa mga paborito kong banal na kasulatan sa paraan ng pagdaig kay Satanas ngayon ang talatang ito: “Ang aking mga mata ay nakatuon sa inyo. Ako ay nasa gitna ninyo” (D at T 38:7). Pinapalis nito magpakailanman ang kasinungalingan na “walang makakaalam.”

Pagpaparangal sa mga Propeta Noon

Kinilala ng Tagapagligtas ang mga sinunang propeta at binanggit ang sinabi nila. Sa dispensasyong ito, inutusan Niya si Sidney Rigdon na “[tumawag] sa mga banal na propeta upang patunayan ang … mga salita [ni Joseph Smith]” (D at T 35:23).

Upang mapatotohanan at mapagpitaganan ang mga propeta ng Lumang Tipan, tinukoy ng Tagapagligtas sina Noe (tingnan sa Mateo 24:37–38); Abraham (tingnan sa Lucas 16:22–31; Juan 8:56–58); Abraham, Isaac, at Jacob (tingnan sa Mateo 8:11); Moises (tingnan sa Juan 5:46); David (tingnan sa Lucas 6:3); Elias (tingnan sa Lucas 4:25–26); at Isaias (tingnan sa Lucas 4:16–21; Juan 1:23). Pinarangalan at sinuportahan din Niya ang Kanyang kababatang si Juan Bautista (tingnan sa Mateo 11:7–11).

Sa Sermon sa Bundok, gumawa ng mahalagang pag-uugnay ang Tagapagligtas sa mga propeta ng Lumang Tipan at sa kanilang mga turo hinggil sa Kanya. Inilarawan ito sa malapit na pagkakaugnay ng mga talata mula sa Beatitudes (tingnan sa Mateo 5:3–11) at mula sa Isaias 61:1–3.2

Maaari din nating parangalan ang mga propeta noon at ngayon sa pagninilay-nilay sa kahulugan ng kanilang mga turo: ang salita at kalooban ng Panginoon (tingnan sa D at T 68:4). Sa paghahanda nating magturo mula sa mga banal na kasulatan, dapat ay mapanalangin nating saliksikin ang mga alituntuning maihahalintulad natin sa ating mga tinuturuan.

Pagpapatatag sa Iba

Ang katangi-tanging makabuluhang mensahe sa buhay ng Guro ay ang sermon tungkol sa “tinapay ng kabuhayan” (tingnan sa Juan 6). Inilalarawan nito ang Kanyang utos at paggamit ng mga banal na kasulatan gayundin ang kahalagahan ng mga ito sa atin.

Isang araw bago Niya ibinigay ang mensaheng ito, naghimala ang Panginoon sa pagpapakain sa 5,000 katao, na nagganyak ng mas marami pang alagad (tingnan sa Juan 6:5–14). Kung hindi pa sapat ito at ang iba pang mga himala para maakay ang iba na maniwala sa Kanya, hayagan niyang ipinahayag sa sermon tungkol sa tinapay ng kabuhayan kung sino Siya. Ang sermong ito ay nagsilbing pagsasanay sa Kanyang mga Apostol, lalo na kay Pedro, na lumakas ang patotoo (tingnan sa mga talata 63–71).

Tinukoy ng Dalubhasang Guro ang isang pangyayari sa Lumang Tipan bilang panimula sa sermon tungkol sa tinapay ng kabuhayan:

“Hindi si Moises ang nagbigay sa inyo ng tinapay na galing sa langit; kundi ang aking Ama ang nagbibigay sa inyo ng tunay na tinapay na galing sa langit.

“Sapagka’t ang tinapay ng Dios ay yaong bumababang mula sa langit, at nagbibigay buhay sa sanglibutan” (Juan 6:32–33; tingnan din sa Exodo 16).

At sinagot nila ng, “Bigyan mo kaming palagi ng tinapay na ito” (Juan 6:34).

Ang Kanyang sagot ay naghayag sa mga taong espirituwal ng Kanyang banal na katauhan bilang Anak ng Diyos, ang ipinangakong Mesiyas at Tagapagligtas: “Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw” (Juan 6:35).

Kasunod niyon ay ipinahayag ng Tagapagligtas ang banal na doktrinang nag-uugnay sa Pagbabayad-sala at mga sagisag ng tinapay at tubig sa sacrament: “Maliban nang inyong kanin ang laman ng Anak ng tao at inumin ang kaniyang dugo, ay wala kayong buhay sa inyong sarili” (Juan 6:53)

Alam natin na nagpalakas kay Pedro ang sermong ito, sapagkat siya ay nagpatotoo, “Kami’y nagsisisampalataya at nakikilala namin na ikaw ang banal ng Dios ” (Juan 6:69). Mahalaga rin sa atin ang sermon tungkol sa tinapay ng kabuhayan, dahil tayo man ay maniniwala at makatitiyak na si Jesus ang Cristo kapag ating binabasa, pinag-aaralan, at binibigkas—hindi binibigyan ng ibang kahulugan—ang banal na kasulatan upang palakasin ang ating mga sarili at ang iba.

Pagtupad sa Banal na Kasulatan: Ang Matagumpay na Pagpasok

Ang matagumpay na pagpasok ng Panginoon sa Jerusalem ay nagpahiwatig ng katibayan ng Kanyang kaalaman at paggamit sa mga banal na kasulatan: “Mapalad siya na dumarating sa pangalan ng Panginoon” (Awit 118:26; tingnan din sa Marcos 11:9–10). Sumakay Siya sa asno patungong Jerusalem, na tumupad sa propesiyang “Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion: … ang iyong hari ay naparirito sa iyo: … nakasakay sa isang asno” (Zacarias 9:9; tingnan din sa Mateo 21:4–5).

Mula sa simula ng Kanyang mortal na ministeryo hanggang sa Halamanan ng Getsemani, sa krus at sa libingang walang laman, napatunayan ni Jesus ang Cristo—sa pamamagitan ng sinaunang banal na kasulatan at ng Kanyang ministeryo, mga himala, at mensahe—na Siya ang ipinangakong Mesiyas.

Sa Halamanan ng Getsemani, nanalangin si Jesus, “Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito; gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo” (Lucas 22:42). Ang pagpapahayag na ito ng Kanyang pagsunod at pagsasakatuparan ng napakadakilang nagbabayad-salang sakripisyo ay nagpapatunay na Siya ang Anak ng Diyos, ang pinakadakilang gurong nabuhay o mabubuhay.

Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatunay at nagtuturo tungkol kay Jesucristo. Kapag ibinuhos natin ang ating panahon sa mga ito, makikilala natin Siya at ang Kanyang tinig: “Ang mga salitang ito ay hindi mula sa mga tao ni galing sa tao, kundi mula sa akin; dahil dito, kayo ay magpapatotoo na ang mga ito ay mula sa akin at hindi mula sa tao” (D at T 18:34). Nalaman ko na kapag ibinubuhos ko muna ang aking panahon sa mga banal na kasulatan sa aming tahanan kasama ang aking asawa’t pamilya, mas epektibo ako sa paglilingkod sa Simbahan.

Mahal ko ang mga banal na kasulatan. Pinatototohanan ko na ito ang salita ng Diyos. Nawa’y magturo tayo mula rito, tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, sa ating tahanan at sa ating tungkulin, nang “ang bisa ng salita ng Diyos” ay magkaroon ng “malakas na bisa” sa ating mga tinuturuan (Alma 31:5).

Mga Tala

  1. James E. Talmage, Jesus the Christ, ika-3 ed. (1916), 112.

  2. Tingnan sa Thomas A. Wayment, “Jesus’ Uses of the Psalms in Matthew,” sa Frank F. Judd at Gaye Strathearn, mga patnugot, Sperry Symposium Classics: The New Testament, (2006), 137–49.

“Ako ang tinapay ng kabuhayan: ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom, at ang sumasampalataya sa akin kailan ma’y hindi mauuhaw.”

Tinapay ng Kabuhayan, ni Chris Young © 2004 IRI

“Makaraan ang tatlong araw, ay nangatagpuan nila siya sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro, na sila’y pinakikinggan, at sila’y tinatanong.”

Kaliwa: Sa Gawain ng Aking Ama, ni Harry Anderson, sa kagandahang-loob ng Seventh-day Adventist Church; kanan: paglalarawan ni Matthew Reier © IRI; Si Jesus sa Sinagoga sa Nazaret, ni Greg Olsen, sa kagandahang-loob nina Leo at Annette Beus

“Magalak kang mainam, Oh anak na babae ng Sion: … ang iyong hari ay naparirito sa iyo: … nakasakay sa isang asno.”

MATAGUMPAY NA PAGPASOK, ni Walter Rane © 2009, hindi maaaring kopyahin; paglalarawan ni Robert A. McKay; paglalarawan ni Craig Dimond © IRI