2011
Pagbabahagi ng Tinapay ng Kabuhayan
Enero 2011


Pagbabahagi ng Tinapay ng Kabuhayan

Mainit ang araw na iyon sa Foz do Iguaçu, Paraná, Brazil. Ilang oras akong naglakbay at pagod ako. Bilang lider sa Church Educational System, may mga bagay ako na dapat naming lutasin ng bishop, na kakausapin ko sa simbahan. Gayunman, hindi pa niya ako naharap nang ilang minuto pagdating ko.

Habang naghihintay ako, isang babae ang pumasok sa simbahan. Nilapitan niya ako at mapakumbabang humingi ng kaunting perang pambili ng tinapay. Ipinaliwanag niya na nagugutom silang mag-asawa, at sa kabila ng pagkahiyang manghingi, wala na raw siyang ibang magagawa. “Para sa kaunting tinapay lang po,” dagdag pa niya.

Naantig ako, at dumukot ako ng maliit na halaga sa aking bulsa. Inisip niyang sobra-sobra na iyon. Sabi ko sa kanya, “Bumili ka ng tinapay, gatas, at kaunting pang-ulam.”

Nagpasalamat siya at sinabi na pinangakuan ng trabaho ang asawa niya sa susunod na Martes. Gusto niya akong bayaran pagkatanggap ng suweldo ng asawa niya.

Sabi ko hindi na kailangan. Nagpumilit siya.

Sabi ko, “Sa halip na bayaran mo ako, bumalik ka na lang sa kapilyang ito sa Linggo ng umaga. Kapag narito ka na, sabihin mo sa sinumang makita mo na gusto mong makipag-usap sa mga misyonero. OK?” Pumayag siya.

Umalis na ang babae. Natapos ko na ang dapat kong talakayin sa bishop at nagpatuloy ako sa pagbiyahe papuntang Paraná, para magtrabaho.

Maraming buwan ang lumipas, at nagkaroon na naman ako ng pagkakataong magpunta sa meetinghouse na iyon sa Foz do Iguaçu para sa kumperensya. Maganda ang koro at magandang umawit. Nang matapos ang kumperensya, lumapit sa akin ang isa sa mga miyembro ng koro. Iniabot niya ang kanyang kamay, nakangiti akong binati, at madamdaming sinabing, “Salamat, brother. Hindi lamang tinapay ang ibinigay mo sa akin para mapawi ang gutom naming mag-asawa, binigyan mo pa ako ng tinapay ng kabuhayan. Salamat.”

Napakasaya ko nang matukoy ko na ang babaeng iyon ang minsang humingi sa akin ng kaunting halaga ilang buwan na ang nakararaan. Natanto ko na ang ebanghelyo ni Jesucristo—na nagpahayag sa Kanyang Sarili bilang Tinapay ng Kabuhayan—ay binabago ang buhay ng sinumang tumanggap nito.