2015
Mga Liham mula kay Lola Whittle
Pebrero 2015


Natatanging Saksi

Mga Liham mula kay Lola Whittle

Noong bata pa si Elder Richard G. Scott, hindi miyembro ng Simbahan ang kanyang ama. Miyembro ang kanyang ina, pero hindi madalas magsimba. Nang mag-walong taong gulang na si Richard, hindi siya nabinyagan. Pagkatapos ay bumisita ang kanyang Lola Whittle.

Si Lola Whittle ay isang napakabuting halimbawa. Tinulungan niya si Richard at ang kanyang mga kapatid na malaman kung gaano kahalaga ang magpabinyag at magsimba. Hindi nagtagal ay nabinyagan si Richard at ang kuya niya.

Tuwing maaatasang magsalita sa simbahan si Richard, tinatawagan niya si Lola Whittle para humingi ng ideya. Agad siyang nakakatanggap ng liham sa koreo na may mensaheng isinulat ng kanyang lola para sa kanya. Nang medyo malaki na siya, pinadadalhan na lang siya ni Lola Whittle ng isang outline na may mga ideya para tulungan siyang magsulat ng kanyang sariling mensahe. Alam ni Richard na mahal siya ni Lola Whittle at mahal din nito ang ebanghelyo.

Sa kolehiyo nakilala ni Richard ang isa pang mabuting halimbawa. Ang pangalan niya ay Jeanene. Isang gabi ay sinabi nito sa kanya, “Kapag nag-asawa ako, ikakasal ako sa templo sa isang tapat na returned missionary.” Nagpasiya si Richard na ipagdasal ang tungkol sa pagmimisyon. Hindi nagtagal pareho silang umalis ni Jeanene papunta sa misyon. Nang makauwi na sila, ikinasal sina Richard at Jeanene sa Manti Utah Temple.