2015
Mga Patriarchal Blessing: Binigyang-Inspirasyong Patnubay sa Inyong Buhay
Pebrero 2015


Ang Ating Paniniwala

Mga Patriarchal Blessing: Binigyang-Inspirasyong Patnubay PARA SA Inyong Buhay

Sa Simbahan may dalawang uri ng patriarch: (1) mga ama at (2) kalalakihang inorden sa katungkulan ng patriarch sa Melchizedek Priesthood. Ang mga amang mayhawak ng Melchizedek Priesthood ay maaaring magbigay ng mga basbas sa mga miyembro ng kanilang pamilya, ngunit ang mga basbas na ito ay hindi itinatala ng Simbahan, bagama’t maaari itong itala ng pamilya. Sa kabilang banda, ang mga basbas na ibinibigay ng isang inorden na patriarch sa mga karapat-dapat na miyembro ng Simbahan ay itinatala ng Simbahan; ang mga basbas na ito ay tinatawag na “mga patriarchal blessing.”

Ang mga patriarch ay nagbibigay ng basbas ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo. Ang inyong patriarchal blessing ay maaaring maglaman ng mga babala at pangako, at maaari nitong ihayag ang inaasahan ng Panginoon sa inyo at kung ano ang inyong potensyal. Ang mga ipinangakong pagpapala ay matutupad sa takdang panahon ng Panginoon—batay sa inyong katapatan. Matatanggap lamang ninyo ang ipinangakong mga pagpapala kapag sinunod ninyo ang ipinayo sa basbas. Ang ilan sa mga basbas ay maaari pa ngang maganap sa kabilang-buhay. Hindi ibibigay sa inyong patriarchal blessing ang buong detalye ng inyong buhay. Halimbawa, kung hindi binanggit dito ang full-time mission o kasal sa templo, hindi ibig sabihin ay hindi kayo magkakaroon ng gayong oportunidad.

Ipapahayag din sa inyong patriarchal blessing ang inyong angkan sa sambahayan ni Israel—maaaring kayo ay nagmula sa angkan ni Ephraim, Juda, Manases, o sa isa sa iba pang mga lipi.1 Ang angkang ito ay mahalaga dahil sa tipang Abraham, na kinabibilangan ng pangako ng Panginoon kay Abraham na sa pamamagitan ng kanyang mga inapo “ay pagpapalain ang lahat ng mag-anak sa mundo, maging ng mga pagpapala ng Ebanghelyo” (Abraham 2:11). Lahat ng miyembro ng Simbahan ay nabibilang sa sambahayan ni Israel, literal man silang inapo o sa pamamagitan ng espirituwal na pag-ampon. Dahil dito, may tungkulin tayong gagampanan sa paghahatid ng ebanghelyo sa mundo.

Para makatanggap ng patriarchal blessing, kausapin ang inyong bishop o branch president, na makapagbibigay sa inyo ng rekomendasyon para matanggap ito. Maaari ninyong mapaganda ang karanasan sa pagtanggap ng patriarchal blessing kung kayo ay mag-aayuno at mananalangin bago ito tanggapin. Maaaring dumalo ang inyong mga kapamilya sa pagtanggap ninyo ng patriarchal blessing.

Pagkatapos matanggap ang inyong basbas, isang printed copy nito ang ipadadala sa inyo. Panatilihin itong kumpidensyal; ang payo at mga pangako roon ay para sa inyo lamang at hindi dapat ibahagi nang basta-basta sa iba. Pag-aralan ito nang madalas; maglalaan ito ng patnubay, kapanatagan, at proteksyon.