2017
Mamamatay Ba Ako?
February 2017


Ating mga Tahanan, Ating mga Pamilya

Mamamatay Ba Ako?

Ang awtor ay naninirahan sa Nevada, USA.

Hindi ko alam kung bakit biglang natakot ang anak kong lalaki nang mabanggit niya ang tungkol sa kamatayan, ngunit nasa mga katotohanan ng ebanghelyo ang kapanatagang kailangan niya.

Larawan
Father and son fixing bike

Mabilis ang padyak ng pitong-taong-gulang kong anak na lalaki sa kanyang bisikleta at walang tiyak na direksyong patutunguhan. Nakalas at nalaglag ang kadena sa bisikleta niya. Lumapit ako para tulungan siya sa kanyang problema, at ibinaligtad ko ang bisikleta para makuha ko ang kadena. Habang gumagawa ako, sinabi niya, “Dad? Kapag namatay ako, duguan po kaya ako?”

Medyo nagulat, tiningala ko siya. Umiiyak siya.

“Ha? Hindi!” sabi ko. “Hindi ka mamamatay.” Naupo ako sa gilid ng bangketa, at kumandong siya sa akin. Umiyak siya nang umiyak. Bakit niya nasabi ito?

“Luluwa po ba ang mga lamang-loob ko?” tanong niya.

Nanood ba ng nakakatakot na pelikula ang anak ko o ano? “Hindi!” sabi ko. Muli kong sinabi sa kanya na hindi siya mamamatay.

“Hindi po, Dad. Mamamatay naman ang lahat, ’di po ba?”

Huminga ako nang malalim. Hindi ito ang pag-uusap na inasahan ko sa isang bata.

Nang maging ama ako, nangako ako sa sarili ko na hindi ko kailanman itatago ang katotohanan sa mga anak ko, ngunit ang ideya na sabihin sa sinuman sa kanila na mamamatay sila balang-araw ay isang bangungot. Sinikap kong iwasang sagutin ang tanong niya. “Huwag mo munang alalahanin iyan ngayon,” sabi ko. “Maging maligaya ka lang at magsaya at huwag kang mag-alala. Mabubuhay ka nang napakahabang panahon.”

“Ayaw kong mamatay,” wika niya.

“Ano ang gagawin ko sa sitwasyong ito?” tanong ko sa aking sarili. Naisip ko na baka mali ang masabi ko at matakot na lang siya palagi. “Ano ang gagawin ko?” Tahimik akong nagdasal para humingi ng tulong.

Sinimulan kong ikuwento sa kanya ang plano ng kaligtasan. Sinabi ko sa kanya na lahat tayo ay mga bisita sa mundong ito. Sinabi ko sa kanya kung paanong bawat isa sa atin ay isang nilalang na may dalawang bahagi: isang katawan at isang espiritu. Sinabi ko sa kanya na kapag namatay ang tao—at, oo, lahat tayo ay mamamatay balang-araw—katawan lang natin ang namatay at tumigil sa pagkilos. Ang ating espiritu ay walang hanggan at hindi mamamatay kailanman (tingnan sa Alma 40:11).

Sinabi ko sa kanya na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas dahil ginawa Niyang posible na magkasama-sama tayong lahat, kahit kung minsan ay kailangan tayong magkahiwalay sandali. Itinuro ko sa kanya na ang Tagapagligtas ay namatay para sa atin at nabuhay na mag-uli at na dahil Siya ay buhay, ang ating espiritu ay babalik sa ating katawan balang-araw, at hindi na tayo muling mamamatay (tingnan sa Alma 11:43–45).

Itinanong niya kung nakakita na ako ng patay na tao. Sinabi ko sa kanya na nakapagpaalam ako sa mga lolo’t lola ko sa kanilang libing. Sinabi ko sa kanya na kahit namatay na ang kanilang katawan, buhay pa rin ang kanilang espiritu, at kung minsa’y maaari naming madama na malapit lang sila.

Napawi ang takot ng anak ko, at ang mga hikbi niya ay nauwi sa paghagikgik na karaniwan na sa kanya. Nangiti siya sa ideya na bumibisita ang mga kamag-anak kahit hindi natin sila nakikita.

Magkasama kaming naglakad pabalik sa bahay, na hila-hila ang kinumpuning bisikleta papasok sa garahe. Inisip ko ang nasabi ko. Inisip ko ang hangarin kong sabihin ang totoo sa mga anak ko at ang mga sagot na naibigay ko sa anak ko.

Sa sandaling iyon lubos ang pasasalamat ko para sa aking patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Dahil alam ko nang totoo ang plano ng kaligtasan, tiwala at tapatan kong nakausap ang anak ko at nabigyan ko siya ng lakas na madaig ang kanyang takot.

Ang paghahanda ko para sa sandaling ito ay nagsimula bago pa isinilang ang anak ko. Noong naghahanda akong magmisyon, may mithiin ako na magkaroon ng patotoo tungkol sa bawat aspeto ng ebanghelyo na maaaring ipaturo sa akin. Nahirapan akong magkaroon ng patotoo tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli ng mga patay.

Nag-aral ako, nagnilay-nilay, at nanalangin. Nag-ayuno ako at humingi ng patotoo. Makaraan ang ilang sandali, pinatotohanan sa akin ng Espiritu Santo na totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli, na talagang may buhay pagkatapos ng kamatayan, at totoo ang mga pangako ng plano ng kaligtasan. (Tingnan sa 1 Nephi 10:19.)

Ang patotoong iyon ay naging mahalaga sa misyon ko, ngunit naging isa iyon sa pinakamahahalagang kaloob sa akin nang kailanganin ng anak ko na makadama ng kapanatagan.

Labis akong nagpapasalamat sa patotoong iyon, at pinatototohanan ko na ang plano ng kaligtasan ay totoo. Pinatototohanan ko ang kahalagahan ng pagpapalakas sa ating patotoo para kapag natatakot tayo o ang ating mga mahal sa buhay, makahahanap tayo ng kapayapaan sa ating patotoo at pagkaunawa sa ebanghelyo ni Jesucristo.