2017
Family History at mga Pagpapala ng Templo
February 2017


Family History at mga Pagpapala ng Templo

Mula sa isang paglalahad sa RootsTech 2016 Family History Conference sa Salt Lake City, Utah, USA, noong Pebrero 6, 2016. Para mapanood ang rekording ng paglalahad sa English, Portuguese, o Spanish, bisitahin ang lds.org/go/217Renlund.

Sa kanilang paglalahad sa 2016 RootsTech, ipinaalala ni Elder Dale G. Renlund at ng kanyang asawang si Ruth at anak na si Ashley na may tunay na kapangyarihan sa pagsasama ng family history at ng mga pagpapala ng templo.

Larawan
The Renlunds at RootsTech

ELDER RENLUND: Noong Disyembre, 1963, nagbiyahe ang pamilya ko nang anim na oras sakay ng kotse mula Helsinki hanggang pulo ng Larsmo, sa kanlurang baybayin ng Finland. Doon lumaki ang aking ama at doon nanirahan ang lola kong si Lena Sofia.

Ilang taon bago iyon, noong 1912, nakinig si Lena Sofia at lolo kong si Leander nang mangaral ang mga missionary na taga-Sweden tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Noong panahong iyon wala pang 800 ang mga missionary sa buong mundo.

Itinuro ng mga missionary na iyon ang mensahe ng ipinanumbalik na ebanghelyo, at nabinyagan sina Lena Sofia at Leander kinabukasan. Naging miyembro sila ng isang maliit na branch, na siyang una sa Finland.

Ilang taon lamang kalaunan, namatay sa tuberkulosis ang nanay ni Leander, na sa kanila nakatira. Noong 1917, namatay rin sa tuberkulosis si Leander, at naiwang biyuda si Lena Sofia na ipinagbubuntis ang kanilang ika-10 anak. Ang anak na iyon—ang aking ama—ay ipinanganak dalawang buwan pagkamatay ni Leander. Pito sa 10 anak ni Lena Sofia ang namatay kalaunan. Napakahirap para sa kanya, na isang maralitang magbubukid, na panatilihing buo ang naiwan sa kanyang pamilya.

Halos dalawang dekada siyang hindi nakatulog nang husto. Nagtrabaho siya nang husto sa araw para kumita ng sapat na perang pambili ng pagkain. Sa gabi nag-alaga siya ng mga kapamilyang naghihingalo. Tila nasa pintuan nila ang kamatayan. Noong mga panahong iyon ginagawang tabla ang mga troso at kadalasa’y inilalagay sa mga biga ng bubong para patuyuin. Pagkatapos ay ginagamit ang mga troso sa paggawa ng mga kabaong para sa mga namatay. Mahirap isipin kung ano ang nadarama noon ni Lena Sofia.

Nang makilala ko siya isang araw noong 1963, kailan lang ako nag-11 anyos at siya naman ay 87. Hukot na siya dahil sa habambuhay na pagtatrabaho. Nakatungo na siya nang husto kaya nang tumayo siya mula sa kanyang upuan, hindi nagbago ang taas niya. Ang balat ng kanyang mukha at mga kamay ay kulubot na—kasinggaspang at kasingkapal ng gamit na gamit na katad.

Tumuwid siya ng tayo hangga’t kaya niya, tumuro sa isang retrato ni Leander na nakasabit sa dingding, at sinabi niya sa akin sa wikang Swedish, “Det här är min gubbe” (Ito ang asawa ko).

Nag-enrol ako sa isang eskuwelahang Swedish ang salita nang magsimula ang taglagas at nag-aaral lang muli ng Swedish. Akala ko mali ang paggamit ng lola ko ng panahunang pangkasalukuyan ng pandiwa nang sabihin niyang, “Ito ang asawa ko,” dahil 46 na taon nang patay si Leander. Ipinaalala ko sa nanay ko na dapat ay sinabi ni Lena Sofia na, “Ito ang naging asawa ko.” Sabi lang sa akin ng nanay ko, “Hindi mo naiintindihan.”

Tama siya. Hindi ko naintindihan noon—hindi kagaya ngayon. Mula noon, maraming beses ko nang napagbulayan ang kahulugan ng karanasang iyon at ang naituro sa akin ng lola ko.

Isipin ang lakas at kapanatagang natamo niya sa pagkaalam tungkol sa kapangyarihang magbuklod! Ang kapangyarihang iyon ay nagbigay ng patnubay nang hanapin at makilala namin ang aming mga ninuno. Ang family history at ang mga pagpapala sa templo ay kapwa maaaring maging makabuluhan sa ating buhay, ngunit may tunay na kapangyarihan kapag pinagsama natin ang mga ito. Hindi lamang ito basta pagsasama ng dalawang bagay; bagkus, pinapatnubayan ng isa ang isa. Ang kaalaman na ang mga ordenansang ito ay isasagawa para sa kanya at kay Leander balang araw ay nagbigay ng kapanatagan at kapayapaan kay Lena Sofia sa maraming taon na biyuda siya.

Ang Tunay na Kahalagahan ng Family History

ASHLEY: Kung walang family history, hindi magagamit ang awtoridad na magbuklod kung saan ito kailangang gamitin. At ang tunay na kahalagahan ng family history ay naging posible lamang dahil sa awtoridad na magbuklod. Ang tunay na kapangyarihan ay nasa resulta ng pagsasama ng dalawang ito.

SISTER RENLUND: Gusto ko ang konseptong ito. Nalaman natin ang tungkol sa dalawang pagpapalang ito sa lahat ng bahagi ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasama ng mga ito ay naghahatid ng iba pang mga pagpapala at kapangyarihan sa ating buhay. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Sa Doktrina at mga Tipan, sinabi sa atin ng Panginoon na isinugo Niya si Elijah upang “[itanim] sa mga puso ng mga anak ang mga pangakong ginawa sa mga ama.” At ibabaling nito ang puso ng mga anak sa mga ama. Palagay ko, Dale, bahagi ito ng itinanim ng lola mo sa iyo. Pagkatapos ay sinabi sa atin ng Panginoon na “ang buong mundo ay lubusang mawawasak sa [Ikalawang] pagparito [ng Tagapagligtas]” kung hindi mangyayari ang pagbaling na ito ng puso ng mga anak sa mga ama (tingnan sa D at T 2:2–3). Napakagandang mensahe niyan.

Kaya kahit nasa atin ang lahat ng family history record sa mundo at lahat ng posible nating makolekta, kung hindi ipinanumbalik ni Propetang Elijah ang awtoridad na magbuklod, ang layunin ng Paglikha ay mapipigil at “masasayang.” Ito ang isa sa mga unang mensaheng inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith sa ating dispensasyon.

ELDER RENLUND: Tama ka, Ruth. Ang hindi ko alam, buong buhay kong nadama ang lakas at kapangyarihan ng mga kuwento at halimbawa ng lola ko at ng iba ko pang mga ninuno.

May isang propesiya sa Doktrina at mga Tipan bahagi 128 kung saan binanggit ni Joseph Smith ang Malakias 4:5–6. Ipinaliwanag niya ang mga katagang “papagbabaliking-loob … ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama” sa konteksto ng kapangyarihang magbuklod at binyag para sa mga patay. Pagkatapos ay sinabi niya, “At hindi lamang ito, kundi pati na yaong mga bagay na hindi pa ipinahahayag mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, subalit maingat na itinago mula sa matatalino at marurunong, ipahahayag sa mga sanggol at pasusuhin dito, sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon” (tingnan sa D at T 128:17–18).

Isipin ninyo iyan! Nakinita ni Joseph Smith na maging ang mga bata ay mauunawaan at malalaman ang mga bagay na hindi maipapaliwanag ng marurunong na lalaki at babae sa mundo. Ang mga bata at kabataan sa buong mundo ay nakikibahagi sa mga pagpapalang ito araw-araw, tulad ko noong 11 anyos ako, na natutuhan ko ang mga konseptong ito mula sa lola at nanay ko. Ang mga taong hindi nakarinig tungkol sa Tagapagligtas habang nabubuhay sa lupa ay maaaring magkaroon ng pagkakataong matanggap ang mga pagpapalang ito tulad ng mga taong nagkaroon ng pagkakataong iyon sa buhay na ito. Lahat ay may pagkakataong tumanggap ng mga pagpapala.

Mga Ordenansa sa Templo at Indibiduwal na Kapangyarihan

SISTER RENLUND: At ang mga ordenansa sa templo ay mahalaga sa indibiduwal na kapangyarihan. Katunayan, binigyan tayo ng Panginoon ng mga halimbawa ng indibiduwal na kapangyarihang ito. Itinuro sa naunang mga Banal ang tungkol sa pangangailangan nila ng kanilang endowment bago nila maisakatuparan ang gawain ng kaligtasan:

“Kinakailangan sa akin na ang aking mga elder ay maghintay ng maikling panahon para sa ikatutubos ng Sion—

“Nang sila sa kanilang sarili ay maging handa, at ang aking mga tao ay maturuan nang mas ganap, at magkaroon ng karanasan, at makaalam nang mas ganap hinggil sa kanilang tungkulin, at ang mga bagay na aking hinihingi sa kanilang mga kamay.

“At ito ay hindi maaaring maisakatuparan hanggang sa ang aking mga elder ay mapagkalooban ng kapangyarihan mula sa itaas” (D at T 105:9–11).

Kaya itinuro ng Panginoon ang kahalagahan ng paghahandang tumanggap ng mga endowment sa templo para mabiyayaan ng kapangyarihan ang mga elder mula sa kaitaasan. Ang pagpapalang ito ay nagbigay-kakayahan sa mga Banal na mas ganap na maturuang gamitin nang maayos ang kapangyarihang iyon.

ELDER RENLUND: Mapapalawak ninyo ang pagkaunawang ito kung tutuloy kayo sa bahagi 109, ang panalangin sa paglalaan ng Kirtland Temple. Ipinagdasal ni Joseph Smith, “At nang ang lahat ng taong papasok sa pintuan ng bahay ng Panginoon ay madama ang inyong kapangyarihan, at mapilitang kilalanin na inyong pinabanal ito, at na ito ay inyong bahay, isang pook ng inyong kabanalan” (D at T 109:13).

ASHLEY: Oo, ang mga ordenansa sa templo ay dalisay at makapangyarihan. Pero nakikita ko kung paanong, kapag idinagdag ninyo ang templo sa pag-aaral at pagkilala tungkol sa inyong mga ninuno, mas malaki ang kapangyarihan at nadaragdagan ang ating mga pagpapala.

SISTER RENLUND: Dale, palagay mo ba naunawaan iyan ni Lena Sofia nang magkomento siya tungkol kay Leander? Tumindi ba ang kanyang pagkaunawa dahil kinikilala niya ang kapangyarihan ng templo pati na ang pagmamahal niya para kay Leander at sa kanyang pamilya?

ELDER RENLUND: Oo, ito mismo ang itinuro niya noon. Batid ni Lena Sofia na ang asawa niya na matagal nang patay ay kanya at mananatiling kanya sa buong kawalang-hanggan. Sa pamamagitan ng doktrina ng mga walang-hanggang pamilya, nanatili ang presensya ni Leander sa kanyang buhay at naging bahagi ng malaking pag-asam sa hinaharap. Si Lena ay katulad ng iba, na “ayon sa pananampalataya ay nangamatay …, na hindi kinamtan ang mga pangako, nguni’t kanilang nangakita na natanaw mula sa malayo, at kanilang ipinahayag na sila’y pawang taga ibang bayan at manglalakbay sa ibabaw ng lupa” (Sa Mga Hebreo 11:13).

Para maipakita ang kanyang pananampalataya sa awtoridad na magbuklod, noong 1938, isinumite ni Lena Sofia ang mga talaan ng pamilya para sa kanyang mga anak na mahigit walong taong gulang na nang mamatay. Sa gayong paraan ay maisasagawa ang gawain sa templo para sa kanila, bagama’t siya mismo ay hindi makakapasok sa templo habang siya’y nabubuhay. Ang mga talaang ito ay kabilang sa pinakaunang isinumite mula sa Finland sa isang templo para sa mga ordenansa.

Naaalala ba ninyo ang hamon na ibinigay ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol sa RootsTech noong 2014?

ASHLEY: Sabi niya, “Maghanda ng maraming pangalan para mapabinyagan ninyo sa templo.”1

SISTER RENLUND: At noong 2015, nagdagdag siya ng walong salita: “At tulungan ang iba na gawin din iyon.”2

Pagdaragdag ng Espirituwal na Lakas

ELDER RENLUND: Tama. Noon ko pa pinag-iisipan ang hamong ito ng apostol at kung paano ito patuloy na susulong. Sa konteksto ng ating pag-uusap, naniniwala ako na maaari tayong magdagdag ng isang elemento ng espirituwal na lakas sa pangakong ito. Basahin natin ang Ezekiel kabanata 47:

“At ibinalik niya [isang anghel] ako [si Ezekiel] sa pintuan ng bahay [ng Panginoon]; at, narito, ang tubig ay lumalabas sa ilalim ng pasukan sa bahay sa dakong silanganan (sapagka’t ang harapan ng bahay ay sa dakong silanganan); at ang tubig ay umaagos sa ilalim, mula sa dakong kanan ng bahay, sa timugan ng dambana.

“Nang magkagayo’y inilabas niya ako sa daan ng pintuang-daang hilagaan, at pinatnubayan niya ako sa palibot ng daan sa labas, sa lalong labas ng pintuang-daan, sa daan ng pintuang-daan na nakaharap sa dakong silanganan; at, narito, doo’y lumalabas ang tubig sa dakong kanan.

“Nang ang lalake ay lumabas sa dakong silanganan na may pising panukat sa kaniyang kamay, siya’y sumukat ng isang libong siko, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang bukongbukong.

“Muling sumukat siya ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang mga tuhod. Muli siyang sumukat ng isang libo, at pinaraan niya ako sa tubig, sa tubig na hanggang sa mga balakang.

“Pagkatapos ay sumukat siya ng isang libo; at isang ilog na hindi ko naraanan; sapagka’t ang tubig ay sumasampa, tubig upang languyan, ilog na hindi mararaanan. …

“Nang magkagayo’y sinabi niya sa akin, Ang tubig na ito ay lumalabas sa dakong silanganang lupain, at bababa sa Araba; at huhugos sa dagat; sa dagat ay huhugos ang tubig na pinalabas; at ang tubig ay mapagagaling.

“At mangyayari, na bawa’t likhang may buhay na dumadami, saan mang dako umaagos ang tubig, ay mabubuhay; at magkakaroon ng totoong napakaraming isda; sapagka’t ang tubig na ito ay dumarating diyan at ang tubig ng dagat ay mapagagaling, at bawa’t may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog” (Ezekiel 47:1–5, 8–9).

Nakita ni Ezekiel ang isang ilog na nadaragdagan habang umaagos mula sa bahay. Ang tubig na umaagos mula sa templo ay sumasagisag sa mga pagpapalang dumadaloy mula sa mga templo upang pagalingin ang mga pamilya at bigyan sila ng buhay.

ASHLEY: Pero lumalalim ang tubig habang palayo ito nang palayo. Hindi ko maintindihan iyan.

ELDER RENLUND: Isipin ninyo ako (isang tao), mga magulang ko (dalawang tao), mga lolo’t lola ko (apat na tao)—paurong, at pasulong din. Ang paglaki ng ilog ay katulad ng mabilis na paglaki ng ating pamilya sa pagdaan ng mga henerasyon.

Ang mga pagpapala ng templo ay maaaring makamtan ng lahat ng bagay at lahat ng tao. At malalaking pagpapala iyan! “Bawa’t may buhay ay mabubuhay saan man dumating ang ilog.”

“Sapat na ang Kanyang Paghihintay”

Larawan
Renlunds at RootsTech

ELDER RENLUND: May plano ang Panginoon para madaig ang personal na kasawian ni Lena Sofia, ang ating kawalan, ang inyong trahedya—katunayan, ang paghihirap ng lahat ng tao. Ipinanumbalik Niya sa lupa ang Kanyang priesthood at ang Kanyang awtoridad na magbuklod. Batid ni Lena Sofia iyan, at maging ng aking inang si Mariana.

SISTER RENLUND: Ibig mo bang sabihin ay kung paano niya isinumite ang pangalan ni Lena Sofia para sa gawain sa templo?

ASHLEY: Gustung-gusto ko ang kuwentong iyon. Hindi nagtagal nang mamatay si Lena Sofia noong 1966, personal na dinala ni Lola Mariana ang pangalan nito sa Genealogy Department.3 Sinabi sa kanya ng lalaki sa counter na nakasaad sa patakaran ng Simbahan na kailangan ay patay na ang isang tao nang isang taon o mahigit pa bago maisagawa ang gawain sa templo para sa kanya. Sumagot si Lola Mariana, “Hindi ko gusto ang sagot na iyan. Ipakausap mo ako sa ibang tao na iba ang isasagot. Sapat na ang kanyang paghihintay.”

Sabi ni Lolo Åke sinikap niyang hikayatin si Lola na sumunod sa patakaran, pero tinitigan siya nito sa paraang alam na alam niya—na walang patutunguhan ang pamimilit niya. Isinulat ni Lolo sa journal niya: “Dapat sigurong maawa ako sa lalaki sa kabayanan na nagsabi na walang magagawa sa loob ng isang taon. Hindi lang kilala ng lalaking iyon kung sino ang kaharap niya. Nasabi ko sana sa kanya, pero hindi siya nagtanong.”4

ELDER RENLUND: Wala pang dalawang buwan kalaunan, sa pahintulot ng Pangulo ng Simbahan, nakumpleto ang gawain sa templo para kina Lena Sofia at Leander. Sina Lola Mariana at Lolo Ake ang nag-proxy para kina Lena Sofia at Leander, na nabuklod sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan sa Salt Lake Temple. At alam ba ninyo na ngayo’y patakaran na sa Simbahan na ang isang taong hindi nagtamasa ng mga pagpapala ng templo dahil malayo ito sa kanilang tirahan ay hindi na kailangang maghintay nang isang buong taon? Sa gayon, maaari nang matanggap ng iba pang mga tao na kagaya ni Lena Sofia ang mga pagpapalang iyon sa lalong madaling panahon. Tulad ng sabi ni Lola Mariana sa lalaki sa Genealogy Department, “Sapat na ang kanilang paghihintay.”

SISTER RENLUND: Napakagandang araw niyon para sa inyong pamilya! Isipin ninyo ang kagalakang nadama nina Leander at Lena Sofia, bukod pa sa kagalakang nadama ng kanilang mga anak. Matatamo ang mga pagpapalang ito kapag pinagsama ninyo ang family history at gawain sa templo, kaya napag-usapan natin ang kapangyarihang iyan ngayon.

Naalala ko kamakailan na tinalakay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kapangyarihang ito. Ilang taon na ang nakararaan sinimulan niyang sikaping hikayatin ang mga tao na kilalanin ang pagpapala ng pagsasama ng dalawang banal na aspeto ng templo at family history.

Sabi ni Elder Bednar: “Ang family history ay hindi isang programa—at sumasamba rin tayo sa templo. Pinag-isa ang lahat ng ito kay Cristo. At may kapangyarihan sa pagtuklas sa [inyong] sariling mga ninuno at pagdadala ng mga pangalan ng sarili ninyong mga kapamilya sa bahay ng Panginoon. Nagawa ko na iyan. Nakipagtulungan at nakipag-usap na ako sa daan-daan at libu-libong tao na nakagawa na ng gawaing iyon. At kahit maganda ang pakiramdam natin kapag nasa templo tayo, mas maganda kapag nagawa natin ang gawain upang maisagawa ang mga ordenansang iyon para sa sarili nating mga kaanak na namatay.”5

ASHLEY: Nangako rin si Pangulong Russell M. Nelson na maaari nating makita ang kapangyarihang ito sa ating buhay. Sabi niya, “Bagama’t may kapangyarihan ang gawain sa templo at family history na pagpalain ang mga pumanaw na, may kapangyarihan din itong pagpalain ang mga nabubuhay pa. May nakadadalisay na impluwensya ito sa mga nakikibahagi rito. Ang mga ito ay literal na tumutulong upang [mapadakila] ang kanilang pamilya.”6

Isang Pangako ng Proteksyon

ELDER RENLUND: Nagpapasalamat akong idagdag ang aking patotoo sa kanilang patotoo—na maging isa pang tinig ng apostol na sumusuporta sa hamong ito ng templo. Ipinapangako ko ang proteksyong ibinigay noong araw. Mga kapatid, ipinapangako ko na mapoprotektahan kayo at ang inyong pamilya kapag tinanggap ninyo ang hamong ito na maghanap ng pinakamaraming pangalan hangga’t maaari na dadalhin sa templo para magawan ninyo ng mga ordenansa sa templo at turuan ang iba na gawin din iyon.

Kung tatanggapin inyo ang hamong ito, magsisimulang dumaloy ang mga pagpapala sa inyo at sa inyong pamilya na kagaya ng kapangyarihan ng ilog na binanggit ni Ezekiel. At ang ilog ay lalaki kapag patuloy ninyong isinasagawa ang gawaing ito at tinuturuan ang iba na gawin din iyon. Tatanggap kayo hindi lamang ng proteksyon mula sa tukso at mga problema ng mundo, kundi maging ng personal na lakas—lakas na magbago, lakas na magsisi, lakas na matuto, lakas na mapabanal, at lakas na ibaling ang puso ng mga miyembro ng inyong pamilya sa isa’t isa at pagalingin ang kailangang mapagaling.