2017
Eksperto sa Multiplication
February 2017


Eksperto sa Multiplication

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

Malapit na ang pagsusulit. Pero may plano si Luca.

“Ang Diyos ang [mahalin]; Buong pusong [gawin ang magagawa natin]” (Aklat ng mga Awit Pambata, 14).

Larawan
PDF of Multiplication Master

Siyam i-multiply sa pito ay 63. Anim i-multiply sa walo ay … 42? Hindi, mali iyon!

Galit na binura ni Luca ang sagot niya.

“Tapos na ang oras!” sinabi ng titser ni Luca. “Ipasa na ninyong lahat ang inyong pagsusulit.”

“Naku po!” naisip ni Luca. “Pero hindi pa ako tapos!”

Napabuntong-hininga si Luca nang ipasa niya ang kanyang pagsusulit. Kailangan niyang makakuha ng 90 porsyento sa kanyang inorasang pagsusulit para maipasa ang kanyang mga multiplication table at maging Eksperto sa Multiplication ng klase, ngunit hindi niya alam kung paano gagawin ito!

Sa pag-aaral ng banal na kasulatan ng kanyang pamilya noong gabing iyon, nagbasa si Itay mula sa Doktrina at mga Tipan: “Samakatwid, kung ikaw ay hihingi sa akin ay makatatanggap ka; kung ikaw ay kakatok ay pagbubuksan ka” (D at T 6:5).

Napaupo nang diretso si Luca. Iyon ang sagot! Panalangin!

Nagsimula si Luca na magdasal bawat araw para maging magaling siya sa kanyang inorasang multiplication test. Gagana ito. Kailangang gumana ito. Sa wakas, siya ay magiging isang Eksperto sa Multiplication!

Noong Martes, umuwi si Luca mula sa paaralan at kinuha ang kanyang basketball.

“Kailangan mo ba ng tulong sa pag-aaral?” tanong ni Inay.

“Hindi po! Nagawan ko na po ng paraan!” sinabi ni Luca nang lumabas siya sa pinto. Sobra siyang naniwala sa pagdarasal na hindi na niya inilabas ang kanyang mga flash card para mag-aral ng math.

Noong Biyernes, alam ni Luca na maipapasa niya ang pagsusulit. Subalit pagkaupo niya para sagutan ito, hindi dumating ang mga sagot, at mas mababa pa ang nakuha niya kaysa noong una!

Nanlulumong naglakad si Luca pauwi mula sa bus stop. Nagdasal siya nang husto para maging Eksperto sa Multiplication. Bakit hindi sinagot ng Ama sa Langit ang kanyang panalangin?

Nang makauwi siya, naglaro siya ng basketball hanggang umuwi si Itay mula sa trabaho. Bumusina si Itay nang palapit na siya.

“Kumusta sa eskuwela?” tanong ni Itay.

“Hindi po masyadong mabuti,” nakatungong sinabi ni Luca. “Hindi ko maipasa ang aking pagsusulit sa multiplication.”

“Nalulungkot akong marinig iyan,” sabi ni Itay. Itinaas niya ang kanyang mga kamay para pasahan siya.

“Dapat ay pumasa ako!” sabi ni Luca. “Nagdasal ako nang husto. Itay, sabi mo na sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Tiyak na hindi Niya sinagot ang sa akin ngayon!”

“Nagpraktis ka ba gamit ang iyong mga flash card?” tanong ni Itay.

“Hindi po.”

“Nag-aral ka ba talaga?”

“Hindi po,” sabi ni Luca. “Pero nagdasal ako nang buong linggo!”

Pinadribol ni Itay ang bola at tiningnan si Luca. “Sa totoo lang, tila pareho ang basketball at multiplication. Paano ka naging napakagaling sa basketball?”

“Nag-praktis po ako,” sabi ni Luca.

“Tama, kaya kapag nagdasal tayo na tulungan ka ng Ama sa Langit bago maglaro, hindi natin ipinapanalanging parang madyik na gawin ka Niyang mas magaling na basketball player. Ano ang ipinagdarasal natin?”

“Na maalala ko po ang mga napraktis ko,” sabi ni Luca.

“Tama. Napakabisa ng panalangin kapag ginagawa natin ang ating bahagi at hinihiling din sa Ama sa Langit na tulungan tayo,” sabi ni Itay.

“Kaya ang bahagi ko ay ang pag-aralan ang aking mga flash card?” tanong ni Luca.

“Tumpak,” sabi ni Itay, na ipinasa ang bola pabalik kay Luca.

Napabuntong-hininga si Luca at tumira. Tumalbog ang bola sa ring. “OK. Maraming dapat gawin. Pero sa tingin ko’y makapag-aaral po ako nang mabuti at mahihiling sa Ama sa Langit na tulungan ako.”

“Ganyan nga!” sabi ni Itay. “O, handa ka na ba sa kaunting one-on-one?”

Ngumiti si Luca at inagaw ang bola mula kay Itay. “Sige po! Basta po tutulungan rin po ninyo akong mag-aral.”

“Sige,” sabi ni Itay. “Anim i-multiply sa walo ay”

“Apatnapu’t walo!” sabi ni Luca, na tumira ulit. Sa pagkakataong ito ay pumasok ang bola sa ring.

Sa gitna ng pagpapraktis at pagdarasal, magiging Eksperto siya sa Multiplication.