2017
Ang Buhay ay Isang Dula: Ang Plano ng Kaligtasan sa Tatlong Yugto
February 2017


Ang Buhay ay Isang Dula: Ang Plano ng Kaligtasan sa Tatlong Yugto

Ang awtor ay naninirahan sa New York, USA.

Ang ideyang ito ay batay sa mensaheng, “The Play and the Plan,” na ibinigay ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, sa isang Church Educational System fireside para sa mga young adult noong Mayo 7, 1995.

Nasa kalagitnaan tayo ng isang tatlong-yugtong dula na hindi natin lubos na nauunawaan, ngunit ang pagtutuon kay Cristo ay makakatulong sa atin na makahanap ng walang-hanggang kaligayahan sa buhay.

Larawan
Three lights on stage

Imahe © iStock/Thinkstock

Magdidilim ang mga ilaw. Tataas ang makapal na pulang tabing. Gagalaw ang mga taong naka-costume sa paligid mo. Sino ang bida? Sino ang kontrabida? Mahirap sabihin.

Tatayo ka sa gitna ng entablado, at hindi mo maintindihan ang nangyayari. Lahat ay tila naiintindihan ang nangyayari maliban sa iyo. “Ito ang ika-2 yugto,” ibubulong ng isang artistang lalaki. “Basahin mo ang script na ito.”

Maaaring hindi tayo artistang lahat, ngunit ang ideya ng gayong dula ay hindi malayong mangyari. Isipin ang plano ng kaligtasan, na tinatawag ding “ang dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8), bilang isang tatlong-yugtong dula. Ang unang yugto ay saan tayo nagmula, ika-2 yugto ay ang buhay natin sa lupa, at ang ika-3 yugto ay saan tayo patungo. Sa ika-2 yugto, wala tayong alaala ng ating nakaraan at kakaunti ang alam natin tungkol sa ating hinaharap, ngunit mabuti na lang at binigyang-kahulugan ng ebanghelyo ni Jesucristo—ang script ng dula—ang ating buhay.

Unang Yugto: Pag-unawa sa Ating Pinagmulan

Mula sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta, nalaman natin ang ating premortal na buhay (tingnan sa Abraham 3:22–24). Bago tayo pumarito sa mundo, kasali tayo sa isang kapulungan kasama ang ating Ama sa Langit. Nalaman natin na paparito tayo sa lupa upang magkaroon ng katawan, magkaroon ng mga inapo, humarap sa oposisyon, at mag-ibayo sa liwanag at katotohanan. Kung tayo ay naging masunurin at higit na katulad ni Cristo, balang araw ay muli nating makakapiling ang ating Ama.

Dahil magkakamali tayo sa buhay, napili si Jesucristo bilang ating Tagapagligtas para bayaran ang ating mga kasalanan. Nagdusa Siya para sa bawat isa sa atin, at dahil sa Kanyang sakripisyo, magiging malinis tayo sa pamamagitan ng pagsisisi.

Ngunit si Satanas (o Lucifer, na tawag sa kanya sa premortal na buhay) ay naghimagsik at naghangad na alisin ang kakayahan nating piliin ang tama o mali. Nagsimula ang isang Digmaan sa Langit. Nang matalo si Satanas, pinalayas siya sa langit, pati na ang mga espiritung piniling sumunod sa kanya (tingnan sa Moises 4:1–4).

Bagama’t hindi natin maalala ang premortal na buhay na ito, alam natin na nangako tayong gagawin ang lahat para makabalik sa kinaroroonan ng Diyos kapag narito na tayo sa lupa. At pinangakuan Niya tayo ng kalayaan, na nagtutulot sa atin na piliing sumunod sa Kanya.

Ika-2 Yugto: Paggamit ng Ating Kalayaan

Ngayo’y narito na tayo sa ika-2 yugto, at naglaan ng script ang Diyos na gagabay sa atin pabalik sa Kanya—ang ebanghelyo ni Jesucristo. Ang hamon sa atin ay gamitin ang ating kalayaang sundin ang script para makapaghanda tayong makabalik sa ating Ama sa Langit (tingnan sa Abraham 3:25). Gaya ng isang masalimuot na dula na puno ng maliliit na kuwento, maaaring maging kumplikado ang buhay natin sa mundo. Puno ito ng lahat ng uri ng tukso, pagsubok, at trahedya. At ang totoo ang ika-2 yugto ay tungkol sa pagpili kung susundin natin ang mga turo ni Cristo para tayo maging higit na katulad Niya.

Ang mga banal na kasulatan ay naglalaan ng perpektong huwaran para sa kaligayahan, na naghihikayat sa atin na “[magpatuloy, na] nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at [magtiis] hanggang wakas” (2 Nephi 31:20). Umuunlad tayo kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan, sumusunod sa mga kautusan, at nagsisisi kapag nagkasala tayo. Kapag itinuon natin ang ating sarili sa mga banal na kasulatan at mga turo ng ating mga propeta, mananatili tayong nakatuon sa planong masaya nating sinang-ayunang sundin sa unang yugto.

Ika-3 Yugto: Pagtanggap sa Kawalang-hanggan

Ang ating katawan ay maaaring mamatay sa pagtatapos ng ika-2 yugto, ngunit hindi roon nagtatapos ang kuwento. Katunayan, walang magsasarang tabing sa ika-3 yugto—iyon ay walang hanggan (tingnan sa Abraham 3:26).

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng anak ng Diyos na pumarito sa lupa ay mabubuhay na mag-uli. May mas masaya pa ba kaysa sa pagkabuhay na mag-uli? (tingnan sa D at T 93:33).

Halos lahat ay tatanggap din ng antas ng kaluwalhatian depende sa kanilang mga gawa: ang kahariang telestiyal, na ang kaluwalhatian ay tulad ng mga bituin; ang kahariang terestriyal, na ang kaluwalhatian ay tulad ng buwan; o ang kahariang selestiyal, na ang pinakadakilang kaluwalhatian ay tulad ng araw (tingnan sa D at T 76:50–113). Sa kahariang selestiyal makakapiling natin ang Ama at ang Anak. May ilan na “mananatili pa ring marurumi” (2 Nephi 9:16) at itatapon sa labas na kadiliman, kung saan hindi sila uunlad kailanman.

Ano ang Magiging Buhay Mo?

Kung susundin natin ang ebanghelyo ni Jesucristo sa ika-2 yugto, ang ika-3 yugto ng ating dula ay magiging mas maluwalhati nang higit pa sa iniisip natin. Nakataas na ang tabing. Nagsisimula na ang aksyon. Ano ang gagawin mo sa entablado?