2017
Ang Unang Pangitain: Susi sa Katotohanan
June 2017


Ang Unang Pangitain: Susi sa Katotohanan

Mula sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, “Ang Katotohanang Ipinanumbalik,” na ibinigay sa Salt Lake Tabernacle noong Mayo 1, 2016; para sa buong teksto at mga video, magpunta sa lds.org/broadcasts. Ang buong teksto ng apat na salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay matatagpuan sa history.lds.org/firstvision.

Huwag nating kalimutan o balewalain ang maraming mahahalagang katotohanang natutuhan natin mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith.

Larawan
First Vision

Joseph Smith with Father and Son, ni Walter Rane

Nakinita at ibinadya ng mga propeta ang Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw sa buong kasaysayan. Ang Panunumbalik, samakatwid, ay hindi dapat ikagulat ng mga taong nag-aaral ng mga banal na kasulatan. Napakaraming pahayag ng mga propeta sa buong Lumang Tipan, Bagong Tipan, at Aklat ni Mormon na malinaw na nagbabadya at nagtuturo tungkol sa Panunumbalik ng ebanghelyo.1

Sa mga huling taon ng 1790s, tinatayang 2,400 taon matapos makita ni Haring Nabucodonosor sa isang panaginip na “maglalagay ang Dios sa langit ng isang kaharian, na hindi magigiba kailan man” (Daniel 2:44), isang dekada ng serye ng religious revivals ang nagsimula sa Estados Unidos. Ang revivals na ito ay kilala ng mga mananalaysay bilang bahagi ng isang kilusang Kristiyano na tinawag na Second Great Awakening. Sa pamamagitan ng nagpapaligsahang mga haka-haka tungkol sa kaligtasan sa mga revival meeting na ito, ginalugad ni Joseph Smith at ng kanyang pamilya ang katapatan nila sa kanilang relihiyon.

Lubhang naimpluwensyahan si Joseph ng mga turo at diskusyon ng kanyang ama, na naghanap ngunit hindi nakakita sa mga sektang revivalist ng anumang organisasyong katulad ng sinaunang kaayusan ng simbahan ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol. Nakikinig at nagninilay-nilay si Joseph habang pinag-aaralan ng pamilya nila ang Biblia. Sa edad na 12, nagsimula siyang mag-alala tungkol sa kanyang mga kasalanan at sa kapakanan ng kanyang imortal na kaluluwa, na umakay sa kanya na saliksikin ang mga banal na kasulatan para sa kanyang sarili.

Habang naghahanap siya, nagpasiya siyang “gawin ang tagubilin ni Santiago, yaon ay, humingi sa Diyos” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:13; tingnan din sa Santiago 1:5). Ang sumunod na pagpapakita ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo, kay Joseph ang nagpasimula sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.

Apat na Salaysay

Larawan
young Joseph Smith

Sumulat o nagdikta si Propetang Joseph Smith ng apat na kilalang salaysay tungkol sa kanyang Unang Pangitain. Bukod pa riyan, itinala ng mga nabuhay sa kanyang panahon ang mga alaala nila tungkol sa narinig nilang sinabi ni Joseph tungkol sa pangitain; limang gayong salaysay ang alam ng lahat. Isang pagpapala ang mapasaatin ang mga talaang ito. Ginagawa nito ang Unang Pangitain ni Joseph na pinakamagandang dokumentadong pangitain sa buong kasaysayan. Hinihikayat ko kayong bumisita sa history.lds.org para malaman ang iba pa tungkol sa mga salaysay at mabasa kung paano nagtutulungan ang mga ito para mas lubos itong mailarawan.

Sabi sa sanaysay sa Mga Paksa ng Ebanghelyo na “First Vision Accounts”: “Ang iba’t ibang salaysay tungkol sa Unang Pangitain ay iisa ang kuwento, bagama’t natural na magkakaiba ang kanilang binibigyang-diin at mga detalye. Inaasahan ng mga mananalaysay na kapag muling ikinuwento ng isang tao ang isang karanasan sa iba‘t ibang lugar sa iba’t ibang tagapakinig sa loob ng maraming taon, bawat salaysay ay magbibigay-diin sa iba‘t ibang aspeto ng karanasan at maglalaman ng kakaibang mga detalye. Tunay ngang umiiral ang mga pagkakaibang katulad ng nasa mga salaysay na iyon tungkol sa Unang Pangitain sa iba’t ibang salaysay sa banal na kasulatan tungkol sa pangitain ni Pablo sa daan patungong Damasco at sa karanasan ng mga Apostol sa Bundok ng Pagbabagong-anyo. Subalit sa kabila ng mga pagkakaiba, nananatiling pare-pareho ang pangunahing nilalaman ng lahat ng salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Nagkamali ang ilan sa pakikipagtalo na anumang pagkakaiba sa muling pagsasalaysay ng kuwento ay katibayan ng pagkatha. Sa kabilang banda, ang saganang talaan ng kasaysayan ay nagpapaalam sa atin ng iba pa tungkol sa kagila-gilalas na pangyayaring ito kaysa kaya nating malaman kung hindi ito gayon kahusay na nakadokumento.”2

Salaysay ng 1832

Una, ang salaysay ng 1832 ang pinakaunang detalyadong nakasulat na salaysay tungkol sa Unang Pangitain. Bahagi ito ng isang anim-na-pahinang sariling talambuhay, na halos lahat ay sulat-kamay ni Joseph. Ang dokumentong ito ay nasa pag-aari na ng Simbahan simula nang isulat ito. Pagkatapos ng paglalakbay ng mga pioneer patungong Kanluran, nanatili ito sa loob ng isang baul nang ilang taon at walang nakakaalam nito hanggang sa ilathala ito sa isang master’s thesis noong 1965. Simula noon ay paulit-ulit na itong nailathala, pati na sa LDS.org at sa The Joseph Smith Papers.

Sa dokumentong ito, ikinuwento ni Joseph na nabagabag siya dahil hindi niya alam kung saan matatagpuan ang pagpapatawad ng Tagapagligtas. Nagpatotoo siya, “Binuksan ng Panginoon ang kalangitan sa akin at nakita ko ang Panginoon.”3 Sinabi ng ilan na ang ibig sabihin ng pahayag na ito ay tinukoy ni Joseph na iisang banal na nilalang lamang ang nagpakita, ngunit kapag binasa ito nang may kaalaman tungkol sa iba pang mga dokumento, maaaring ang ibig sabihin ng katagang ito ay binuksan ng Diyos Ama ang kalangitan at inihayag ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph.

Maganda ang pagbibigay-diin ng salaysay na ito sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas at sa personal na pagtubos na inalay Niya kay Joseph. Nakasaad pa roon: “Ang Panginoon … ay nangusap sa akin na nagsasabing, ‘Joseph, anak ko, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan. … Ipinako Ako sa krus para sa sanlibutan nang ang lahat ng maniniwala sa aking pangalan ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.’” Nagpatotoo si Joseph na nakadama siya ng kagalakan at pagmamahal ngunit walang naniwala sa kanya. “Ang aking kaluluwa ay puspos ng pagmamahal at sa loob ng maraming araw maaari akong magalak nang may malaking kagalakan at kasama ko ang Panginoon, ngunit wala [akong] natagpuan ni isang maniniwala sa makalangit na pangitain. Gayon pa man, pinag-isipan ko ang mga bagay na ito sa aking puso.”4

Salaysay ng 1835

Kasunod nito, ang salaysay ng 1835 ay ang paglalarawan ni Joseph ng kanyang pangitain kay Robert Matthews, isang bisita sa Kirtland, Ohio, noong 1835. Itinala ito sa journal ni Joseph ng kanyang tagasulat. Hindi ito kasama sa mga naunang edisyon ng kasaysayan ni Joseph at una itong inilathala sa BYU Studies noong 1960s. Sa salaysay na ito, nagpatotoo si Joseph na unang nagpakita sa kanya ang Diyos, at saka niya nakita rin ang Tagapagligtas: “Nanawagan ako sa Panginoon sa taimtim na panalangin. Isang haliging apoy ang lumitaw sa itaas ng aking ulo; nakatuon iyon sa akin at napuspos ako ng di-masambit na kagalakan. Isang personahe ang lumitaw sa gitna ng haliging nag-aapoy, na nagkalat sa buong paligid subalit walang natutupok. Hindi nagtagal isa pang personahe ang lumitaw na kamukha noong una. Sinabi Niya sa akin, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.’” Sa salaysay na ito, isinulat din ni Joseph, “Marami akong nakitang anghel sa pangitaing ito.”5

Salaysay ng 1838

Ang salaysay ng 1838 ang pinakakilalang salaysay at nagmumula sa Manuscript History ni Joseph. Isinulat ang unang draft matapos tumakas ng Kirtland si Joseph noong mga unang taon ng 1838, at inihanda ang pangalawang draft matapos siyang tumakas ng Missouri noong 1839. Kaya isinulat ito sa konteksto ng matinding oposisyon. Una itong inilathala noong 1842 sa Times and Seasons, ang pahayagan ng Simbahan sa Nauvoo, Illinois. Kasama rin ito sa Mahalagang Perlas noong 1851, na dati-rati ay isang polyetong para sa mga Banal sa Britain. Itinanghal itong banal na kasulatan noong 1880.

Maraming draft ng salaysay na ito ang nailathala sa The Joseph Smith Papers. Tulad sa salaysay ng 1835, ang mahalagang tanong sa salaysay na ito ay kung aling simbahan ang tama. Bilang kasaysayan ng Simbahan, at hindi lamang ni Joseph, ang salaysay na ito “ay nakatuon sa pangitain bilang simula ng ‘paglaki at pag-unlad ng Simbahan.’”6 Kaya nga, hindi kasama rito ang impormasyon tungkol sa personal na pagpapatawad na binanggit sa naunang dalawang salaysay.

Salaysay ng 1842

At ang huli, ang salaysay ng 1842 ay bilang tugon sa paghingi ng impormasyon ni John Wentworth, editor ng Chicago Democrat. Lumiham si Joseph sa kanya na kasama hindi lamang ang Mga Saligan ng Pananampalataya kundi pati na ang isang paglalarawan ng kanyang Unang Pangitain. Ang liham ay inilathala sa Times and Seasons noong 1842. Sa pahintulot ni Joseph, inilathala itong muli noong 1844 ng mananalaysay na si Israel Daniel Rupp sa kanyang aklat tungkol sa mga simbahang Kristiyano sa Estados Unidos.7 Ang salaysay na ito ay nilayon para sa mga taong hindi pamilyar sa mga paniniwala ng mga Mormon. Isinulat ito noong mawalan ng interes ang oposisyon sa Propeta.

Tulad sa iba pang mga salaysay, isinulat ni Joseph ang kanyang pagkalito at ang pagpapakita ng dalawang personahe bilang sagot sa kanyang panalangin: “Ako ay nabalot ng makalangit na pangitain at nakita ko ang dalawang maluwalhating personahe na hawig na hawig sa isa’t isa sa mga katangian, at wangis, na naliligiran ng maningning na liwanag na mas maningning kaysa araw sa katanghaliang-tapat. Sinabi nila sa akin na lahat ng sekta ng relihiyon ay naniniwala sa maling doktrina, at na wala sa mga ito ang kinikilala ng Diyos bilang kanyang simbahan at kaharian. At malinaw akong inutusan na ‘huwag sumunod sa kanila,’ at kasabay nito ay tumanggap ako ng isang pangako na ipaaalam sa akin ang kabuuan ng ebanghelyo balang-araw.”8

Isang pagpapala ang mapasaatin ang mga salaysay na ito tungkol sa Unang Pangitain ni Joseph. Tulad ng bawat Ebanghelyo ng Bagong Tipan na kapag pinagsama-sama ay mas lubos na inilalarawan ang buhay at ministeryo ni Cristo, bawat isa sa mga salaysay na naglalarawan sa Unang Pangitain ni Joseph ay nagdaragdag ng kakaibang detalye at pananaw sa buong karanasan. Kapag pinagsama-sama, pare-pareho at magkakatugma ang pagsasalaysay ng mga ito tungkol sa kuwento ni Joseph. Binibigyang-diin ng lahat ng ito na may kalituhan at pagtatalu-talo sa mga simbahang Kristiyano; na nais ni Joseph na malaman kung alin ang tama, kung mayroon man; na nagsaliksik siya sa mga banal na kasulatan at nanalangin; na may bumabang liwanag mula sa langit; at na may lumitaw na mga banal na nilalang at sinagot ang kanyang panalangin.

“Ito’y Hindi Ko Maipagkakaila”

Ang itinanghal na banal na 1838 version ng salaysay ni Joseph Smith tungkol sa Unang Pangitain ang pinakamabisang karanasan na maaaring matutuhan ng sinuman sa mundo. Binago ng karanasang ito ang buhay ni Joseph, binago nito ang buhay ko, at alam ko na nabago o mababago nito ang buhay ninyo kapag hiniling ninyo sa Panginoon na pagtibayin ang katotohanan nito.

Ayon sa dokumentong “First Vision Accounts,” na matatagpuan sa LDS.org: “Paulit-ulit na nagpatotoo si Joseph Smith na nakita niya sa isang di-pangkaraniwang pangitain ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Hindi mapapatunayan ang katotohanan ng Unang Pangitain o ang mga argumento laban dito sa pagsasaliksik lamang sa kasaysayan. Para malaman ang katotohanan ng patotoo ni Joseph Smith, kailangan ng bawat masigasig na naghahanap ng katotohanan na pag-aralan ang tala at pagkatapos ay sapat na sumampalataya kay Cristo upang itanong sa Diyos sa tapat at mapagpakumbabang panalangin kung ang tala ay totoo. Kung magtatanong ang naghahanap ng katotohanan nang may tunay na layunin na kumilos ayon sa sagot na inihayag ng Espiritu Santo, malalaman niya ang katotohanan ng pangitain ni Joseph Smith. Sa ganitong paraan, malalaman ng bawat tao na naging tapat si Joseph Smith nang sabihin niyang, ‘Nakakita ako ng pangitain; ito’y alam ko, at nalalaman ko na ito ay alam ng Diyos, at ito’y hindi ko maipagkakaila’ [Joseph Smith—Kasaysayan 1:25].”

Ayon kay Pangulong Joseph F. Smith (1838–1918), “Ang pinakadakilang pangyayaring naganap sa daigdig, simula sa pagkabuhay na mag-uli ng Anak ng Diyos mula sa libingan at pag-akyat niya sa langit, ay ang pagpapakita ng Ama at ng Anak sa batang si Joseph Smith.”9

Mga Katotohanan mula sa Unang Pangitain

Larawan
the Father and the Son

Kahanga-hanga at nagbibigay-liwanag ang karanasang suriin kung ano ang natutuhan natin mula sa sagrado at nakakagulat na karanasang ito. Gusto kong magbahagi ng halimbawa ng mga katotohanang natutuhan natin mula sa Unang Pangitain ni Joseph Smith tungkol sa likas na kawalang-hanggan ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo; sa katotohanan ni Satanas; sa tunggalian sa pagitan ng mabuti at masama; at sa iba pang mahahalagang aspeto ng dakilang plano ng kaligtasan.

Natutuhan natin na ang mga banal na kasulatan ay totoo at maaaring unawain nang literal at iangkop sa ating buhay.

Natutuhan natin na ang pagbubulay tungkol sa mga banal na kasulatan ay naghahatid ng kapangyarihan at kabatiran.

Natutuhan natin na hindi sapat ang kaalaman lamang; ang pagkilos ayon sa ating nalalaman ay naghahatid ng mga pagpapala ng Diyos.

Natutuhan nating magtiwala sa Diyos at umasa sa Kanya para sa mga sagot sa pinakamahahalagang tanong sa buhay at huwag magtiwala sa tao.

Natutuhan natin na ang mga dalangin ay sinasagot ayon sa ating di-natitinag na pananampalataya at alinsunod sa kalooban ng Ama sa Langit.

Natutuhan natin ang katotohanan na may Satanas at totoong may kapangyarihan siyang impluwensyahan ang pisikal na mundo, pati tayo.

Natutuhan natin na ang kapangyarihan ni Satanas ay limitado at nakahihigit ang kapangyarihan ng Diyos.

Nalaman natin na hindi titigil si Satanas sa pagwasak sa gawain ng Diyos at na alam ni Satanas ang kahalagahan ni Joseph Smith sa kanyang tungkulin bilang Propeta ng Panunumbalik.

Natutuhan natin na madaraig natin si Satanas sa pamamagitan ng pagtawag sa Diyos at sa lubos nating pagsampalataya at pagtitiwala sa Kanya.

Natutuhan natin na kapag may liwanag, mapapawi ang kadiliman.

Natutuhan natin na ang Diyos Ama at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay dalawang magkahiwalay at magkaibang nilalang, na magkatulad ang mga katangian at anyo.

Natutuhan natin na tayo ay nilikha sa wangis ng Diyos.

Natutuhan natin na si Cristo ay nagbangon.

Natutuhan natin na personal tayong kilala ng Diyos at alam Niya ang ating mga pangangailangan at problema. Tinawag Niya sa pangalan si Joseph.

Natutuhan natin ang kaugnayan ng Ama sa Anak. Iginagalang ni Jesus ang Kanyang Ama, at nakikipag-ugnayan ang Ama sa mga mortal dito sa lupa sa pamamagitan ng Kanyang Anak.

Natutuhan natin na si Jesucristo ang pinakamamahal ng Kanyang Ama nang itanghal ng Ama si Jesus bilang Kanyang Pinakamamahal na Anak.

Natutuhan natin na ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ayon sa orihinal na pagkatatag Niya rito ay hindi matagpuan sa lupa noong panahon ni Joseph Smith, na nagpapatibay sa katotohanan ng Malawakang Apostasiyang ipinropesiya ni Apostol Pablo.

Natutuhan natin na kapag sapat ang malasakit natin para hangarin ang tulong ng Diyos sa ating buhay, ihahayag Niya ang nagpapadalisay na landas para sa atin. Sa panahon ni Joseph ang mga simbahan at sekta ng relihiyon ay mali.

Natutuhan natin na bawat dispensasyon ng panahon ay tumatanggap ng mga pangitain, pagpapala, at kaluwalhatian ng Diyos.

Natutuhan natin kung paano pinipili ng Diyos ang Kanyang mga propeta.

Natutuhan natin na pinipili ng Diyos ang may dalisay na puso na mabubuti at may mabubuting hangaring gawin ang Kanyang gawain, na nagpapatibay sa turo sa Biblia na ang Diyos ay tumitingin sa puso at hindi pumipili batay sa panlabas na anyo o katayuan sa lipunan (tingnan sa I Samuel 16:7).

Ang Unang Pangitain ni Joseph Smith ang susi para mabuksan ang maraming katotohanang nakatago sa loob ng maraming siglo. Huwag nating kalimutan o balewalain ang maraming mahahalagang katotohanang natutuhan natin mula sa Unang Pangitain.

Mga Tala

  1. Tingnan, halimbawa, sa Deuteronomio 4:27–31; Isaias 60–62; Jeremias 30–33; Ezekiel 37:15–28; Amos 9:11; Malakias 3:1; Mateo 17:11; Marcos 9:12; Mga Gawa 3:19–21; Mga Taga Roma 11:25–27; Mga Taga Efeso 1:9–10; II Mga Taga Tesalonica 2:1–3; Apocalipsis 14:6; 1 Nephi 13:34–42; 2 Nephi 26:14–17; Jacob 6:1–4; 3 Nephi 21.

  2. “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  3. Joseph Smith, sa Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, tomo 1 ng Histories series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (2012), 12–13; ginawang makabago ang baybay, bantas, at pagpapalaki ng mga titik; tingnan din sa Dean C. Jessee, “The Earliest Documented Accounts of Joseph Smith’s First Vision,” sa John W. Welch at Erick B. Carlson, mga editor, Opening the Heavens: Accounts of Divine Manifestations, 1820–1844 (2005), 1–34; “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  4. Tingnan sa Joseph Smith, sa Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 12–13; ginawang makabago ang baybay, bantas, at pagpapalaki ng mga titik; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  5. Tingnan sa Joseph Smith, sa Journals, Volume 1: 1832–1839, tomo 1 ng Journals series ng The Joseph Smith Papers, inedit nina Dean C. Jessee, Ronald K. Esplin, at Richard Lyman Bushman (2008), 88; ginawang makabago ang baybay, bantas, at pagpapalaki ng mga titik; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  6. “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  7. Tingnan sa I. Daniel Rupp, He Pasa Ekklesia: An Original History of the Religious Denominations at Present Existing in the United States (1844), 404–10.

  8. Histories, Volume 1: Joseph Smith Histories, 1832–1844, 494; tingnan din sa “First Vision Accounts,” Gospel Topics, topics.lds.org.

  9. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith (1999), 16.