2019
Hangad Niya ang Pinakamabuti para sa Akin
Pebrero 2019


Hangad Niya ang Pinakamabuti para sa Akin

“Ako ay mahal ng Ama sa Langit” (Aklat ng mga Awit Pambata, 16).

Larawan
He Wants the Best for Me

Noong bata pa ako, gusto kong gawin ang mga ginagawa ng tatay ko. Siya ay nagtrabaho bilang isang doktor. Madalas akong sumama sa kanya sa ospital, kung saan ay nakikita ko siyang tumutulong sa mga pasyente. Ang panonood sa aking tatay ang naghikayat sa akin na maging isa ring doktor.

Isang araw ay naglakad ako sa ospital kasama ng aking tatay. May isa pang doktor na naglalakad. Nakita niya ako at tinanong ang aking tatay, “Anak mo ba siya?” Sinabi ni tatay na oo. Lumuhod ang doktor para makita ako. Nagtanong siya, “Ano ang gusto mong maging paglaki mo?”

Sabi ko, “Gusto ko pong maging isang doktor gaya ng aking tatay.” Pagkatapos ay sumagot siya, “Kung gayon, umaasa ako na maging isang mahusay na doktor ka tulad niya.” Pero sabi ng aking tatay, “Hindi, gusto kong maging mas mahusay siya kaysa sa akin.”

Iyon ay nakatulong sa akin na maunawaan na mahal talaga ako ng aking tatay. Hangad niya ang pinakamabuti para sa akin.

Makalipas ang ilang taon, muli kong naisip ang sandaling iyon. Ako at ang aking asawa ay tinuturuan noon ng mga missionary. Tinanong ako ng mga missionary, “Naniniwala ba kayo na maaari kayong maging tulad ng Diyos?” Hindi ko iyon naisip kailanman. Pero naisip ko, “Kung ang Ama sa Langit ay tunay na Ama ko, nais Niya ang pinakamainam para sa akin, tulad ng aking tatay. Gugustuhin Niyang ako ay maging katulad Niya.” Kaya sinabi ko sa mga missionary, “Oo, naniniwala ako na maaari akong maging tulad ng Ama sa Langit.”

Noong sandaling iyon na sumagot ako, nalaman ko na totoo ang aking sinabi.

Gusto kong malaman ninyo na mahal na mahal kayo ng ating mga Magulang sa Langit. Hangad Nila ang pinakamabuti para sa inyo. Maaari kayong maging katulad Nila. ●