2019
Jason at Jackie Wong—Hong Kong, China
Marso 2019


Mga Larawan ng Pananampalataya

Jason at Jackie Wong

Hong Kong, China

Larawan
Jason and Jackie praying

Alam nina Jason at Jackie na mahalagang manatiling konektado bilang mag-asawa. Alam din nila na kinakailangang manatiling konektado sa Diyos. Ang regular na pagdarasal ay nakapagpalakas at nagpala sa kanilang pagsasama.

Larawan
Jason and Jackie reading scriptures

Sa kabila ng pagiging abala nila, tinitiyak nina Jason at Jackie na may oras sila sa gabi na magbasa ng mga banal na kasulatan nang magkasama.

Larawan
Jason and Jackie in the kitchen

Pagkatapos ng kanyang misyon, hindi naging gaanong aktibo si Jason sa loob ng dalawang taon. Habang bumabalik sa pagiging aktibo sa Simbahan, nakilala niya si Jackie, isang bagong convert, sa isang young single adult conference. “Binago niya ang aking buhay,” sabi niya, “dahil nadama kong kailangan kong maging mas mabuting halimbawa.”

Ang mga pananaw sa mga tungkuling naaayon sa kasarian ay maaaring magkakaiba sa bawat kultura, ngunit ang hamon na magkaisa bilang mga bagong kasal ay tila nararanasan saanman. Natutunan nina Jason at Jackie ang ilang mahahalagang aral sa kanilang pagtutulungan.

Leslie Nilsson, retratista

Larawan
Jason and Jackie cooking

Jason:

Buong buhay na akong miyembro, pero pagkatapos ng misyon ko, dalawang taon akong hindi gaanong aktibo. Sinimulan kong maging aktibong muli dalawang taon na ang nakararaan. Noong panahong iyon, nakilala ko ang aking asawang si Jackie, sa young single adult conference isang buwan matapos siyang mabinyagan. Binago niya ang aking buhay dahil nadama kong kailangan kong maging isang mas mabuting halimbawa.

Nang ikasal kami, natuklasan ko na kahit na sa isang maliit na tahanang tulad ng sa amin, napakaraming bagay na kailangang gawin. Hindi mo talaga maiisip kung gaano karami! Sa simula, hindi talaga ako masyadong tumutulong. Ginagawa ko ang ilang bagay, pero si Jackie ang gumagawa ng halos lahat ng gawain. Sobra siyang maalaga at mapagbigay. Isang araw ay sumama ang loob niya, at sabi ko, “Anong problema?”

Lumaki akong iniisip na ang mga babae dapat ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay. Mabilis kong natutunan na hindi ito makatotohanan. Masyadong abala si Jackie at maraming inaalala sa kanyang trabaho. Kahit marami din akong mga inaalala, naisip kong kailangan kong magsimula na mas tumulong pa.

Nagsimula akong magwalis ng sahig at maghugas ng mga pinagkainan. Pagkatapos ay natutunan kong gamitin ang washing machine. Naglagay ako ng maiikling sulat sa mga ito para tulungan akong makaalala. Seryoso ito! Mayroon akong sticker upang matulungan akong malaman kung anong pulbos na sabong panlaba ang gagamitin. Ngayon ay nakagawian ko na ang mga bagay na ito.

Naging maganda nang magsimula akong gumawa ng mga gawaing-bahay. Mas napasaya nito si Jackie.

Jackie:

Isang pagbabago ang pagiging bagong kasal. Sa totoo lang, napakahalaga ng Diyos sa aming relasyon. Kung hindi dahil sa Diyos, maaaring naghiwalay na kami!

Jason:

Sa simula ng pag-aasawa namin, palagi akong nakatingin sa phone ko at gumagamit ng social media o nagtsetsek ng mga email. Madali lang para sa akin na mapatutok sa phone o computer.

Naisip namin na kailangan naming maglaan ng mas maraming oras sa isa’t isa. Kaya ngayon ay ginagawa namin nang magkasama ang mga gawaing-bahay. Dahil dito ay mas mabilis natatapos ang mga ito, at nagkakasama kami.

Jackie:

Sinusubukan naming magsingit ng ilang oras sa umaga para magkasama, pero kung minsan ay maraming kailangang gawin sa umaga.

Sinusubukan din naming magkaroon ng oras sa gabi para pag-usapan ang nangyari sa amin sa maghapon; pagkatapos ay nagdarasal kami at nagbabasa ng mga banal na kasulatan bago kami matulog. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay nagpala sa aming pagsasama bilang mag-asawa.