2019
Pag-asam na Muli sa Banal na Templo
Marso 2019


Mga Young Adult

Pag-asam na Muli sa Banal na Templo

Ang awtor ay naninirahan sa Andhra Pradesh, India.

Natanto ko na kailangan kong bumalik sa templo para mas maunawaan at maalala ang mga tipang ginawa ko.

Larawan
Hong Kong China Temple

Apat na taon na ang nakalilipas, tinanong ng institute teacher naming si Brother Suresh Natrajan ang klase, “Ilan sa inyo ang nakapunta na sa templo?” Dahil nakapagbiyahe na kami ng asawa kong si Anantha nang 10 oras papunta sa Hong Kong China Temple sa unang pagkakataon noong isang taon, nagmamalaki akong nagtaas ng kamay. Pagkatapos ay may isa pa siyang itinanong: “Naaalala mo ba ang mga tipang ginawa mo sa templo?”

Pinag-isipan ko nang husto ang tanong niya. Napakarami kong natutuhan nang una akong magpunta sa templo. Bagama’t sinikap kong magtuon, pagkaraan ng mahabang panahon simula noon, natanto ko na nakalimutan ko na ang mga tipang ginawa ko sa templo. Sa sandaling iyon mismo, nagpasiya akong bumalik sa templo sa ikalawang pagkakataon at sa pagkakataong ito ay pagtuunan at alalahanin ang mga tipang ginawa ko at ang iba pang mga bagay na mahalaga para sa aking kaligtasan.

Lumipas ang panahon. Naharap ako sa matitinding pagsubok sa buhay ko. Pero naka-enrol ako sa institute class, at isang araw nagkaroon kami ng lesson tungkol sa propetang si Jonas. Hindi ginawa ni Jonas ang iniutos sa kanya ng Panginoon. Isa sa mga talatang umagaw ng pansin ko ay ang Jonas 2:4: “At aking sinabi, Ako’y nahagis mula sa iyong mga mata; Gayon ma’y titingin ako uli sa iyong banal na templo.”

Umantig sa puso ko ang talatang ito, at nagdasal ako sa Ama sa Langit na bigyan kaming mag-asawa ng isa pang pagkakataong bumisita sa templo.

Makalipas ang apat na taon, pinagpala kami ng Ama sa Langit na muling makapasok sa Kanyang bahay, sa pagkakataong ito sa Taipei Taiwan Temple.

Larawan
Mahesh and Anantha

Sina Mahesh at Anantha Vedurupaka sa harapan ng Taipei Taiwan Temple.

Habang naroon, nagkaroon ako ng pagkakataong magsagawa ng mga ordenansa para sa tito ko na namatay sa kanser. Habang binibinyagan ako para sa kanya, naisip ko ang mga pagpapalang matatanggap niya sa pamamagitan ng ordenansang ito sa templo. Napakasaya ko, at napahalagahan ko ang sinabi sa akin ng temple president nang una akong magpunta sa templo at medyo nalito ako. Sabi niya sa akin, “Brother, maaaring hindi mo maunawaan ngayon mismo ang lahat ng ginagawa mo, pero darating ang araw na madarama mo na nakagawa ka ng mga dakilang bagay rito.”

Nakuha ko ang sagot ko. Apat na taon ang inabot para maunawaan ko iyon sa pamamagitan ng pagpunta sa templo sa ikalawang pagkakataon.

Ngayon habang nakikibahagi ako ng sakramento bawat linggo, naaalala ko kung gaano kalaki ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at gaano kasagrado ang mga tipang ginawa ko sa templo.

Ika-10 anibersaryo ng kasal naming mag-asawa ngayong taon. Gusto kong ipagdiwang iyon sa templo at magsagawa ng mga ordenansa ng pagbubuklod para sa aking mga ninuno. Para magawa ito, mayroon akong pangalawang trabaho bukod pa sa aking regular na trabaho, na hindi nakakaapekto sa oras ko sa aking pamilya.

Alam ko at dama ko na ang gawain sa templo ay totoo. Walang makakapalit dito, at nararapat sa anumang sakripisyo ang pagdalo sa templo para gawin ang gawain ng Ama sa Langit para sa ating sarili at sa mga kaluluwang nasa kabilang panig ng tabing.