2020
Pananaw sa mga Panahong Iyon ng Kadiliman at Kalungkutan
Pebrero 2020


Mga Young Adult

Pananaw sa mga Panahong Iyon ng Kadiliman at Kalungkutan

Larawan
young adult smiling under umbrella

Larawan mula sa Getty Images

Nakaranas na tayong lahat ng madidilim at malulungkot na panahon kung saan pakiramdam natin ay hindi nangyayari ang mga bagay sa paraang gusto natin. Sa mga sandaling iyon maaaring maitanong natin sa ating sarili, “Bakit ito nangyayari sa akin? Bakit ito nangyayari ngayon? Paano ko ito makakayanan?” Sa kabutihang-palad, hindi tayo pinapabayaang mag-isa. Maaasahan natin ang mapagmahal na patnubay ng ating Ama sa Langit.

Noong bata pa ako, lagi akong nagrereklamo at nagtatanong kung bakit nakakaranas ako ng pagsubok—hanggang sa may nangyari na nagkaroon ng malaking epekto sa aking buhay: naaksidente ako at, sa kasamaang-palad, naputol ang mga daliri sa aking kaliwang kamay. Kahit napakahirap kayanin niyon, natuto akong magtiwala sa Ama sa Langit dahil sa pagsubok na iyon. At, sa kabila ng lahat, natutuhan kong magkaroon ng positibong pananaw at magpasalamat at huwag sumuko kailanman. Malaki ang ipinagbago ko, at nadama ko kung paano ipinadarama ng Ama sa Langit ang kanyang pagmamahal sa atin at kung paano Niya tayo pinapatnubayan sa lahat ng mahihirap na bagay na pinagdaraanan natin sa buhay. Mababasa mo ang aking kuwento sa digital na bersyon ng isyung ito.

Sa kanyang artikulo sa pahina 44, ipinapaalala rin sa atin ni Julieta na kahit may pinagdaraanan tayong mga pagsubok, maaari tayong maging masaya at tumingin sa hinaharap nang may pananampalataya. Sa mga artikulong digital lamang, ipinapaalala sa atin ni Lydia na alamin ang layunin kung bakit nakakaranas tayo ng mga pagsubok. Ang mga pagsubok ang tumutulong sa atin na maging katulad ng ating Ama sa Langit. At sa pahina 48, nagpatotoo si Brixton na bagama’t kayang pagalingin ng Tagapagligtas ang ating mga sugat, kabilang na ang mga problema sa kalusugang pangkaisipan, kung minsan ay kinakailangan—at ayos lang talaga—na humingi ng tulong sa iba.

Alam ko nang buong puso na bawat paghihirap—bawat madilim at malungkot na panahon sa ating buhay—ay maaaring makatulong na matupad ang isang sagradong layunin at na ang layuning iyon ay ang padalisayin tayo at baguhin tayo upang balang-araw ay maging perpekto tayo tulad ng ating Ama sa Langit.

Nagmamahal,

Jennifer