2021
Pananatiling Matatag Kapag Tumalikod sa Simbahan ang mga Mahal sa Buhay
Abril 2021


Mga Young Adult

Pananatiling Matatag Kapag Tumalikod sa Simbahan ang mga Mahal sa Buhay

Nagulat ako nang magdesiyon ang kapatid kong lalaki na tumalikod sa Simbahan, pero nakahanap ako ng mga paraan para patuloy kaming magmahalan at mapanatiling malakas ang sarili kong patotoo.

Larawan
two boys sitting on a bail of hay together

Hindi pa ako natatagalang makauwi mula sa aking misyon nang sabihin sa akin ng mga magulang ko na ayaw nang magsimba ng aking 19-anyos na kapatid na lalaki. Nabigla ako—hindi ko naisip kailanman na tatalikuran ng kapatid ko ang Simbahan.

Naaalala ko na nag-email ako sa kanya tungkol sa mga paksa ng ebanghelyo noong nasa misyon ako at tinanong ko siya kung gusto niyang magmisyon. Hindi siya sigurado kailanman, at sa paggunita sa mga email na ito, natanto ko na may mga palatandaan na hindi siya nakakatiyak tungkol sa ebanghelyo.

Nagsimula akong mag-isip kung ano ang maaari kong gawin sa ibang paraan. At nagtanong ako kung bakit ito nangyayari sa ngayon. Nagalit ako dahil talagang gusto kong magkaroon siya ng patotoo para sa sarili niyang kapakanan, pero natanto ko rin na iyon siguro ang gusto ko para sa akin. Gusto kong sumama siya sa akin sa pagsisimba, at magmisyon din, para makapag-usap kami tungkol sa mga karanasan namin. Kaya mahirap para sa akin noong ayaw niya sa alinman sa mga bagay na iyon.

Katatapos ko pa lang magmisyon nang dalawang taon na kinakausap ang mga tao tungkol sa relihiyon at mga paniniwala, kaya hindi ko naunawaan kung bakit mas mahirap kausapin ang sarili kong kapatid tungkol sa mga bagay na ito, pero iyon ang nangyari. Hinamon nito ang aking pananampalataya sa bagong paraan. Sa misyon ko, ang hamon ay magsikap nang mabuti, masiyahan sa araw-araw, at manampalataya na magiging maayos ang lahat. Pero sa kapatid ko, talagang kaiba ang nadama ko.

Natutuhan ko sa misyon ko na magtanong ng mga inspiradong tanong at humiling ng pang-unawa. Pero hindi ko kilala dati ang mga taong naturuan ko sa misyon ko. Ang naging kaugnayan ko lang sa kanila ay ang turuan at tulungan silang mapalapit kay Cristo. Buong buhay kong kilala ang kapatid ko, at hindi ako kailanman nagsikap na tulungan siyang mas mapalapit kay Cristo.

Naaalala ko ang pag-uusap namin isang araw nang tanungin ko siya tungkol sa Simbahan. Sinabi niya na wala siyang patotoo tungkol sa ilan sa mga turo. Kung isa siya sa mga taong nakilala ko sa misyon, ang tugon ko sana ay may paggalang at pagtanggap na hindi lang talaga siya handa sa oras na iyon, at siguro’y tuturuan siya ng iba pang mga missionary kalaunan. Pero dahil mahal ko ang kapatid ko, mas mahirap magpakita ng gayong antas ng pag-unawa. Gusto ko lang malaman niya ang nalaman ko, at gusto kong madama niya ang Espiritu at pagmamahal ng Diyos na nadama ko. Nahirapan akong tanggapin na hindi niya pinili ang ebanghelyo.

Kinailangan ko ng panahon para masanay sa sitwasyong iyon, pero ngayon, halos dalawang taon pagkauwi ko mula sa misyon, maganda pa rin ang relasyon namin ng kapatid ko. Hindi namin gaanong pinag-uusapan ang ebanghelyo, pero nag-uusap kami tungkol sa iba pang mga bagay. Nais ko pa ring mapasaamin pareho ang ebanghelyo, pero marami pang ibang mga bagay na magkatulad kami. Magbarkada pa rin kami at magkasama pa rin kaming gumawa ng mga bagay-bagay, at mahal ko siya kahit sino pa siya, dahil talagang mabuti siyang tao.

Larawan
two friends talking by a river

Mga Bagay na Natutuhan Ko

Sa buong panahong ito, may ilang bagay akong natutuhan na maaaring makatulong kung nahihirapan kayo sa pagtalikod sa Simbahan ng isang mahal sa buhay para mapanatili ang magandang relasyon ninyo sa kanila. Ito ay para manatili ring matatag ang inyong patotoo sa panahong may espirituwal na hamon sa inyong buhay.

  • Tandaan na lahat ay may kalayaan at na hindi ninyo kasalanan kung tumalikod ang isang tao sa Simbahan.

  • Patatagin ang kaugnayan mo sa kanila. Palagi silang pakitaan ng pagmamahal. Sikaping huwag maapektuhan ng kanilang kaugnayan sa Simbahan ang kaugnayan mo sa kanila.

  • Gumugol ng oras na magkasama kayo sa paggawa ng mga bagay na kapwa nagpapasaya sa inyo.

  • Bagama’t hindi ka maaaring magpasiya para sa ibang tao, maaari kang maging halimbawa at suportahan mo sila.

  • Ipagdasal ang sitwasyon. Kilala ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak, kaya makatitiyak kayo na Siya ang higit na nakakaalam kung paano kayo tutulungan sa bagay na ito.

  • Saliksikin ang mga banal na kasulatan. Nakatulong nang malaki sa akin ang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan, at natanto ko na medyo karaniwan ang sitwasyon ko. Kahit sa mga banal na kasulatan, maraming pamilyang may isa o mahigit pang mga tao na hindi naniwala o kumalaban pa sa Simbahan, pero minahal pa rin sila ng kanilang pamilya.

  • Hayagang sabihin ang nadarama mo sa iyong mga kapamilyang aktibo sa ebanghelyo. Maaaring magkapareho kayo ng iniisip, at maaaring kailangan din nila ng isang taong mababahaginan. Magtulungan kayo.

  • Sa huli, huwag kaligtaan ang sarili ninyong espirituwalidad.

Panatilihing Matatag ang Iyong Patotoo

Kapag tumalikod sa Simbahan ang mga taong malapit sa iyo, maaaring hamon ito sa sarili mong pananampalataya, lalo na kung ang taong tumalikod ay isang taong naging magandang halimbawa para sa iyo sa pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Maaari kang magsimulang magduda sa ilang aspeto ng iyong patotoo. Alam kong medyo nahirapan ako sa ilang tanong nang tumalikod [sa Simbahan] ang kapatid ko. Pero iyan ang dahilan kaya napakahalagang alagaan ang sarili mo at ang iyong patotoo. Kung pinatatag at pinanatili mong matatag ang iyong patotoo, hindi mo kailangang katakutan ang mga pagpapasiyang ginagawa ng iba.

Tandaan na maaaring manghina ang ating pananampalataya kung hindi natin ito patatatagin. Karamihan sa mga tao ay hindi naman naging matatag ngayon at tumalikod sa Simbahan kinabukasan. Pero kung nalilimutan mong gawin ang maliliit na bagay para patatagin ang iyong patotoo araw-araw, maaari kang unti-unting mapalayo sa ebanghelyo nang hindi mo man lang ito namamalayan. Ang pagbalik sa mahahalagang tuntunin tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdarasal araw-araw, at pagsasagawa ng lahat ng maliliit na pagpapakita ng pananampalataya at pagsamba ay maaaring magkaroon ng malaking impluwensya sa iyong patotoo.

Higit sa lahat, kung naaapektuhan ng pagtalikod ng iyong mahal sa buhay ang iyong sariling patotoo at nagsasanhi ng mga pagdududa o tanong sa iyong isipan, tandaan ang matalinong payo na “pagdudahan muna ang iyong pagdududa bago mo pagdudahan ang iyong pananampalataya”1 at “manangan nang mahigpit sa nalalaman na ninyo.”2

Laging Hangarin na Pakinggan Siya

Palagay ko mahalaga para sa mga young adult na magkaroon ng plano sa buhay nila, tulad ng pag-alam kung saan nila gustong pumunta at kung ano ang nais nilang gawin. Pero kailangan nating pagnilayan at isama ang Panginoon sa mga planong iyon at sa ating pang-araw-araw na buhay. Maaaring mahirap gawin ito kapag napakarami nating iba pang responsibilidad sa bawat araw, pero maaari tayong mag-ukol palagi ng oras para sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. At kung gagawin natin iyan, lagi nating magagawang tiisin ang mga unos ng buhay. Iniisip ko ang talata sa Roma 8:31: “Kung ang Diyos ay kakampi natin, sino ang laban sa atin?”

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson kung paanong sa darating na mga araw, hindi tayo mabubuhay sa espirituwal nang wala ang Espiritu at hindi tumatanggap ng personal na paghahayag sa ating sariling buhay.3 Alam ko na noon pa man na ang pagtanggap ng personal na paghahayag ay mahalaga, pero hindi ako ang pinakamahusay palagi sa paghahangad nito. Alam ko na mas huhusay pa ako sa pag-anyaya sa Espiritu sa buhay ko bawat araw.

Ang personal na paghahayag ay katulad ng pagkalarawan dito—ito’y personal. At masisimulan nating matutuhan kung paano nangungusap sa atin ang Panginoon sa pamamagitan ng paghingi ng tulong sa Kanya na makilala ang Kanyang tinig at mapansin ang Kanyang kamay sa ating buhay. Siya ang pinakamagaling na guro!

Hindi natin makokontrol palagi ang mga kilos ng ibang tao, lalo na pagdating sa pagpapalakas ng ating pananampalataya o pamumuhay ayon sa ebanghelyo. Pero alam ko na kahit ang mga pinakamamahal natin sa mundo ay may mga hamon sa pananampalataya, kapag inuuna natin ang Diyos at sinusunod ang Kanyang kalooban at sinisikap na pakinggan Siya, lagi tayong bibiyayaan ng mga sagot, nang may malakas na patotoo, at may espirituwal na paghahayag na kailangan natin para patuloy natin Siyang masundan.

Mga Tala

  1. Dieter F. Uchtdorf, “Halina, Sumama sa Amin,” Liahona, Nob. 2013, 23.

  2. Jeffrey R. Holland, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Liahona, Mayo 2013, 94.

  3. Tingnan sa Russell M. Nelson, “Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Liahona, Mayo 2018, 96.