2023
Elder Alexander Dushku
Nobyembre 2023


“Elder Alexander Dushku,” Liahona, Nob. 2023.

Elder Alexander Dushku

General Authority Seventy

Ang mga magulang ni Elder Alexander Dushku ay sumapi sa Simbahan sa Boston, Massachusetts, USA, matapos bisitahin ang World’s Fair sa New York City noong 1964. Espirituwal na nahikayat ang kanyang ama ng natutuhan nito tungkol sa ebanghelyo sa isang pavilion na inisponsor ng Simbahan, at inanyayahan niya ang mga missionary na turuan siya at ang kanyang mapapangasawa.

Bago pa ang kanyang mga magulang sa Simbahan nang isilang siya, pero sinabi ni Elder Dushku na alam na niya noon pa man na magmimisyon siya.

“Nang makarating ako sa aking misyon, saka ko lang talaga naunawaan ang kaluwalhatian ng gawaing misyonero at kung gaano katindi ang kapangyarihan nito,” sabi ni Elder Dushku, na naglingkod sa Portugal Lisbon Mission mula 1986 hanggang 1988. “Talagang naimulat nito ang aking mga mata sa kaharian ng Diyos at sa kahulugan nito.”

Naniniwala si Elder Dushku na malaki ang potensyal ng pagiging miyembro ng Simbahan na makagawa ng kaibhan sa mundo.

“Kahit kakaunti lang tayo, may kabuluhan at kapangyarihan tayo,” sabi niya. “Lumalakad tayong kasama ni Cristo, na magkakapit-bisig. Pagkatapos ay lumakad tayo nang magkakasama. Tayo mismo ang nagiging mga kamay at tinig ng Panginoon sa pagpapasigla at pagpapalakas sa iba.”

Si Alexander Dushku ay isinilang noong Nobyembre 17, 1966, kina Nicholas at Donna Lee Dushku sa Fairfield, California, USA. Pinakasalan ni Elder Dushku si Jennifer Burnham noong 1988 sa Salt Lake Temple. Sila ay may walong anak at siyam na apo.

Nagkamit si Elder Dushku ng bachelor’s degree sa economics mula sa Brigham Young University noong 1990. Tumanggap siya ng juris doctorate mula sa J. Reuben Clark Law School ng BYU noong 1993. Nagtrabaho siya sa isang national public interest law firm at naging clerk sa US Court of Appeals para sa Seventh Circuit bago siya natanggap sa pinakahuli niyang trabaho sa Kirton McConkie law firm sa Salt Lake City, kung saan nagtuon siya sa First Amendment ng US Constitution at kalayaang panrelihiyon.

Naglilingkod si Elder Dushku bilang stake president nang tinawag siya. Nakapaglingkod na rin siya bilang bishop, high councilor, bishopric counselor, at elders quorum president.