Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Hulyo: Ang mga Pamilya ay Bahagi ng Plano ng Ama sa Langit


Hulyo

Ang mga Pamilya ay Bahagi ng Plano ng Ama sa Langit

“Ang mag-anak ay inorden ng Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” talata 7).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Plano ng Ama sa Langit na isilang ako sa isang pamilya.

Tukuyin ang doktrina: Ipakita sa mga bata ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” at ipaliwanag na itinuturo nito na ang plano ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay pumarito sa lupa sa mga pamilya.

Maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa mga larawan): Hatiin ang mga bata sa mga grupo at bigyan ang bawat grupo ng larawan ng isang pamilya (halimbawa, tinuturuan nina Adan at Eva ang kanilang mga anak [ASE, blg. 5], ibinabangon ni Jesus ang anak na babae ni Jairo [ASE, blg. 41], nakarating ang pamilya ni Lehi sa lupang pangako [ASE, blg. 71], at isang pamilyang nagdarasal [ASE, blg. 112]). Ipahanap sa bawat grupo ang mga miyembro ng pamilya sa kanilang larawan. Sabihin sa bawat grupo na ipakita ang kanilang larawan sa iba pang mga bata at ituro ang ama, ina, at mga anak. Hilingin sa mga bata na imuwestra sa kanilang mga daliri kung ilan ang miyembro ng sarili nilang pamilya. Sabihin sa kanila na ang kanilang pamilya ay bahagi ng plano ng Ama sa Langit.

Maghikayat ng pagsasabuhay: Patayuin ang mga batang lalaki. Ipaliwanag na maaari silang maging ama ng isang matwid na pamilya balang araw. Magpabanggit sa ilang batang lalaki ng isang bagay na maaari nilang gawin para maging mabuting ama. Patayuin ang mga batang babae, at ipaliwanag na bawat isa sa kanila ay maaaring maging ina ng isang matwid na pamilya. Magpabanggit sa ilan sa kanila ng isang bagay na maaari nilang gawin para maging mabuting ina. Magpabahagi sa lahat ng bata ng isang bagay na magagawa nila para mapaligaya ang kanilang pamilya ngayon.

Larawan
mga batang may hawak na mga larawan

Tip: Mas matututo at mas makakatanda ang mga bata kapag naglahad kayo ng mga ideya gamit ang mga larawan at iba pang mga visual (tingnan sa PWHDT, 232).

Linggo 2: Ang panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya, at family home evening ay maaaring magpatatag sa aking pamilya.

Larawan
batang may hawak na isang bungkos ng mga patpat

Ang mga pakay-aralin ay magagamit para makawili, maituon ang pansin ng mga bata, at maipaalam ang isang alituntunin ng ebanghelyo.

Tukuyin ang doktrina at maghikayat ng pag-unawa (pagtingin sa isang pakay-aralin): Ipahawak sa isang bata ang isang bungkos ng mga patpat. Ipaliwanag na ang mga patpat ay kumakatawan sa mga miyembro ng isang pamilya. Isulat ang “panalangin ng pamilya,” “pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng pamilya,” at “family home evening” sa tatlong pirasong papel. Itanong sa mga bata kung paano mapapatatag o mapapatibay ng mga aktibidad na ito ang mga pamilya. Anyayahan ang mga bata na balutan ng papel ang mga patpat. Ipaliwanag na ang mga aktibidad na ito ay nag-aanyaya ng Espiritu sa ating tahanan at buhay at naglalapit sa atin sa Ama sa Langit at kay Jesucristo, na nagpapatatag naman sa ating pamilya.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagdodrowing ng mga larawan): Bigyan ng mga kapirasong papel ang mga bata, at pagdrowingin sila ng larawan ng mga aktibidad na nagawa nila ng kanilang pamilya na nagpatatag sa kanila. Ipabahagi sa kanila ang kanilang idinrowing sa kanilang pamilya sa bahay.

Linggo 3: Maaaring pagpalain at patatagin ng priesthood ang aking pamilya.

Tukuyin ang doktrina (paglalaro ng hulaan): Sabihin sa mga bata na bibigyan ninyo sila ng ilang clue tungkol sa isang bagay na nagpapala at nagpapatatag sa mga pamilya. Ipataas ang kanilang mga kamay kapag alam nila ang sagot. Magbigay ng ilang clue tungkol sa priesthood, tulad ng “Ang mga amang mayroon nito ay maaaring basbasan ang kanilang pamilya” at “Maaari itong matanggap ng mga batang lalaking 12 taong gulang.” Kapag tama ang hula ng mga bata, sabay-sabay na sabihing, “Maaaring pagpalain at patatagin ng priesthood ang aking pamilya.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagtalakay sa priesthood): Magpabanggit sa mga bata ng ilang bagay na magagawa ng mga mayhawak ng priesthood (halimbawa, magbinyag, magbigay ng kaloob na Espiritu Santo, magbasbas ng maysakit, at magpasa ng sakramento). Magpakita ng mga larawan ng mga ordenansa at pagpapalang ito habang tinatalakay ninyo ang mga ito, at ipaunawa sa mga bata kung paano nito napagpapala at napapatatag ang mga pamilya. Magpakita ng larawan ng isang templo. Ipaliwanag na ang isa sa pinakadakilang mga pagpapala ng priesthood ay na naging posible na makapunta sa templo at sama-samang mabuklod bilang pamilya magpakailanman.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pagbabahagi ng mga ideya): Patayuin ang ilang bata at pagbahaginin ng isa o dalawang paraan na napagpala at napatatag ng priesthood ang kanilang pamilya. Hikayatin silang ibahagi ang mga ideyang ito sa kanilang pamilya sa bahay.

Linggo 4: Nais ng Ama sa Langit na magpakasal ako sa templo at magkaroon ng walang-hanggang pamilya.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa isang larawan): Magpakita ng larawan ng isang magkasintahang nakatayo sa harapan ng templo na nakadamit-pangkasal. Itanong sa mga bata kung bakit nais ng Ama sa Langit na makasal tayo sa templo. Ipaliwanag na kapag ikinasal tayo sa templo, ang ating pamilya ay maaaring maging walang hanggan.

Larawan
mag-asawang may hawak na larawan ng kanilang kasal

Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa mga patotoo): Anyayahan ang ilang guro, pati na mga mag-asawa, na ikuwento ang mga pagpapalang natanggap nila dahil sa templo at sa kasal sa templo. Hilingin sa mga bata na pakinggan ang partikular na mga pagpapala habang ibinabahagi ng mga guro ang kanilang mga kaisipan. Ilista sa pisara ang mga pagpapalang ito.

Maghikayat ng pagsasabuhay: Patayuin ang ilang bata at ipabahagi kung bakit nila gugustuhing makasal sa templo at kung ano ang magagawa nila ngayon para mapaghandaan ang pagpapalang iyon.