Mga Manwal sa Primary at Oras ng Pagbabahagi
Setyembre: Paglilingkuran Ko ang Diyos nang Buong Puso, Kapangyarihan, Pag-iisip, at Lakas


Setyembre

Paglilingkuran Ko ang Diyos nang Buong Puso, Kapangyarihan, Pag-iisip, at Lakas

“Ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos nang buo ninyong puso, nang buo ninyong kapangyarihan, pag-iisip, at lakas; at sa pangalan ni Jesucristo paglingkuran ninyo siya” (D at T 59:5).

Dagdagan ng ilang sarili ninyong ideya ang mga ideyang narito. Bawat linggo, magplano ng mga paraan para (1) tukuyin ang doktrina, (2) maipaunawa ito sa mga bata, at (3) tulungan silang maipamuhay ito. Itanong sa sarili, “Ano ang gagawin ng mga bata para matuto, at paano ko sila matutulungang madama ang Espiritu?”

Linggo 1: Tinuruan tayo ni Jesucristo kung paano paglingkuran ang kapwa.

Tukuyin ang doktrina (pagtingin sa mga larawan): Magdispley ng ilang larawan ni Jesucristo na naglilingkod sa kapwa. Halimbawa, gamitin ang ASE mga larawan 41, 42, 46, 47, at 55. Hilingin sa mga bata na ipaliwanag ang nangyayari sa bawat larawan. Ituro na pinaglilingkuran ni Jesus ang iba sa bawat larawan. Isulat sa pisara ang, “Tinuruan tayo ni Jesucristo kung paano paglingkuran ang kapwa.”

Maghikayat ng pag-unawa (pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdudula-dulaan): Hilinging maghalinhinan ang mga bata sa pag-akto ng isa sa mga pangangailangang inilarawan sa Mateo 25:35–36. Halimbawa, maaaring magkunwari ang isang bata na nagugutom, nauuhaw, isang dayuhan, o maysakit. Pahulaan sa ibang mga bata ang pangangailangan at ipasadula pagkatapos kung paano nila mapaglilingkuran ang isang taong may gayong pangangailangan. Basahin nang sabay-sabay ang Mateo 25:35–40, at ipahanap sa mga bata kung sino ang sinasabi ni Jesucristo na pinaglilingkuran natin kapag pinaglingkuran natin ang iba.

Larawan
batang umaaktong nagugutom

Maghikayat ng pagsasabuhay: Bigyan ng kapirasong papel ang mga bata at paglistahin sila ng mga pangalan o pagdrowingin ng mga taong mapaglilingkuran nila at kung paano nila mapaglilingkuran ang mga taong iyon. Hikayatin silang ibahagi ang kanilang mga ideya sa kanilang pamilya sa bahay.

Linggo 2: Ipinapakita sa atin ng mga propeta at apostol kung paano maglingkod.

Tukuyin ang doktrina: Magdispley ng mga larawan nina Moises, Haring Benjamin, Joseph Smith, at Thomas S. Monson. Sabihin sa mga bata na ipinapakita sa atin ng mga propetang ito, gaya ng lahat ng propeta at apostol, kung paano maglingkod sa kapwa.

Maghikayat ng pag-unawa (paglalaro ng hulaan): Maghanda ng mga clue tungkol sa kung paano ipinapakita sa atin nina Moises, Haring Benjamin, Joseph Smith, at Thomas S. Monson kung paano maglingkod. Halimbawa, ang ilang clue tungkol kay Pangulong Monson ay maaaring “Regular kong binisita ang mga balo sa aking ward,” “Noong bata pa ako ibinigay ko sa ibang bata ang mga paborito kong laruan,” at “Madalas akong bumisita sa mga maysakit sa ospital.” Maaari ninyong gamitin ang sumusunod na mga reperensya sa paghahanda ng mga clue. Moises: Exodo 2:16–17; 1 Nephi 17:24–29. Haring Benjamin: Mosias 2:12–19. Joseph Smith: Joseph Smith—Kasaysayan 1:62, 67; D at T 135:3. Thomas S. Monson: Nob. 2006, 56–59.

Pumili ng apat na batang kakatawan sa mga propetang ito, at ipabasa sa isa sa kanila ang mga clue na inyong inihanda. Ipataas sa ibang mga bata ang kanilang kamay kung inaakala nilang alam nila kung sino ang propeta. Pagkatapos ay ipahanap sa kanila ang larawan ng propetang iyon. Ulitin sa iba pang mga propeta.

Larawan
mga batang naka-costume na kumakatawan sa mga propeta

Sa paggamit ng mga simpleng costume tulad ng bata at sumbrero, mas makaaaliw ang mga pagsasadula. Ang mga pagsasadula ay higit na magpapaunawa sa mga bata ng mga alituntunin ng ebanghelyo at mga salaysay mula sa mga banal na kasulatan.

Maghikayat ng pagsasabuhay (pakikinig sa kumperensya): Anyayahan ang mga bata na panoorin o pakinggan ang pangkalahatang kumperensya sa susunod na buwan. Hikayatin silang makinig sa mga kuwento tungkol sa kung paano paglingkuran ang kapwa. Bigyan sila ng mga pagkakataong ibahagi ang natutuhan nila.

Mga linggo 3 at 4: Kapag pinaglilingkuran ko ang iba, pinaglilingkuran ko ang Diyos.

Larawan
batang nagsusulat sa pisara

Tukuyin ang doktrina (pagsasaulo ng isang talata sa banal na kasulatan): Tulungan ang mga bata na isaulo ang huling bahagi ng Mosias 2:17 sa pamamagitan ng pagsulat sa pisara ng, “Kapag kayo ay nasa paglilingkod ng inyong kapwa-tao kayo ay nasa paglilingkod lamang ng inyong Diyos.” Ipaulit sa mga bata ang parirala nang dalawa o tatlong beses. Ipabura sa isang bata ang isa o dalawang salita, at muling ipaulit sa mga bata ang parirala. Ulitin hanggang sa wala nang matirang salita sa pisara.

Maghikayat ng pag-unawa (pakikinig sa mga pinag-aaralang sitwasyon): Bilang paghahanda, mapanalanging pag-aralan ang mensahe ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf sa kumperensya noong Abril 2010, “Kayo ang Aking mga Kamay” (tingnan sa Ensign o Liahona, Mayo 2010, 68–70, 75). Itanong sa mga bata kung paano tayo naglilingkod sa Diyos kapag pinaglilingkuran natin ang mga nasa paligid natin (ginagawa natin ang gagawin Niya kung narito Siya). Magbahagi ng isang kuwento o personal na karanasan sa paglilingkod, at ipaliwanag kung paano nito pinagpala kapwa ang nagbigay at ang tumanggap. (Makakakita kayo ng mga kuwento ng paglilingkod sa Friend o Liahona.) Maghanda ng ilang pinag-aaralang sitwasyon (tingnan sa PWHDT, 214-15) na nagpapakita kung paano mapaglilingkuran ng mga bata ang iba. Halimbawa: “Natapilok si Annie at nadapa sa daan pauwi mula sa paaralan, at nagkalat sa lupa ang kanyang mga aklat at papel. Tumigil si David para tulungan siyang tumindig at dinampot nito ang kanyang mga aklat.” “Nahihirapang magbuhat ng mga pinamili sa groserya ang kapitbahay ni Mary papasok sa bahay nito samantalang umiiyak ang kanyang anak. Tinulungan siya ni Mary na magbuhat ng kanyang mga pinamili.” Ipasadula sa mga bata ang mga pinag-aaralang sitwasyon at ipasabi kung sino ang naglingkod (sa pinaglingkuran at sa Diyos).

Maghikayat ng pag-unawa at pagsasabuhay (paglalaro ng pagtutugma): Hanapin o idrowing ang mga larawan ng mga taong maaaring paglingkuran ng mga bata, tulad ng isang magulang, kapatid, lolo o lola, kaibigan, at kapitbahay. Gumawa ng pangalawang kopya ng mga larawang ito at maglaro ng pagtutugma kasama sila (tingnan sa PWHDT, 223). Kapag nakapagtugma ang isang bata, magpabanggit sa kanya ng isang paraan na mapaglilingkuran ang taong nasa mga larawan. Ilista sa pisara ang mga ideya ng mga bata. Para sa ilang ideya kung paano maglingkod, tingnan sa Primarya 4, 188.

Larawan
pagtutugma

Ang mga laro ay nagbibigay ng kaibhan sa mga aralin, nagtutulot sa mga bata na makasalamuha ang isa’t isa, at pinatitibay ang alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo sa masayang paraan.